Tuesday, November 27, 2007

Pagpapatiwakal ng Zombie, Pasintabi column

Pagpapatiwakal ng zombie

Hindi uso ang magpatiwakal sa Pilipinas. Ayaw ng simbahan, sa limbo raw mapupunta ang kaluluwa mo. Ito ay estado na walang kapag-asang makaalis. Parang naghihintay ka sa wala, kahit pa ang kawalan ang tunay na estado ng paghihintay.

Sa lipunang Katoliko, ieetsa-pwera pa ang pamilya ng nagpatiwakal. Hindi maaring basbasan o ilibing sa Katolikong sementeryo ang nagpatiwakal. Hindi ba’t para saan pa ang paglalamay kung wala naman tiyak na kahahantungan ang patay? Sa lupa o sa kabilang-buhay man?

Ang hindi sinasabi, tulad ng batang Mariannet Amper, edad 11, ay matagal nang patay ang katulad ng kauri niya hindi lang dahil sa kahirapan kundi dahil sa sistemikong paghihirap dulot ng estado. Matagal nang zombie ang kanyang pamilya—ang ama na nagtratrabaho sa pagawaan ng pansit na kumikita ng 50 pesos lamang, kahanay ng 14 porsyento ng mamamayang nabubuhay sa kulang sa isang dolyar bawat araw. Kahit pa may pag-aamin na siyam na milyong pamilya ang naglalagay sa kanilang estado bilang “mahirap.”

Zombie o taong-patay dahil umaasa na lamang sila sa sarili nilang kayod para mabuhay. Kulang na nga ang kasabihang “isang kahig, isang tuka” dahil kahit kumahig sila ay kulang pa rin. Kumakain ang maraming mamamayan nang isang beses lang isang araw. At hindi ba ang pinakasukdulan nitong kontemporaryong halimbawa ay ang pag-ulam ng instant noodles sa kanin? O ang pagluluto ng “pagpag,” mga kinolektang tira-tirang pagkain sa fastfood? At ang kaakibat nitong cottage na negosyo—ang pagbebenta ng kinarinderyang pagpag sa sityo ng kahirapan, tulad ng Tondo?

Tanging pampalipas-gutom na lamang ang konsepto ng pagkain ng maraming mamamayan. Hindi na kumakain para mabusog at maging malusog. Kumakain na lamang para makausad sa iba pang kalakaran ng buhay—ang siklo ng paghahanap ng makakain. O ang tirang pagkaing literal na ibinabasura ng iba ay ang pagkain ng naghihikahos? Panis, marumi, may mikrobyo na (lampas na ng “five minutes” na nahulog sa sahig at hindi na pwedeng kainin), may kagat na o tira-tira na lamang, “tinitira” pa ng iba para mabuhay?

Anong uri ng lipunan ang naghihikayat na maging sukdulang aba ang kalagayan ng kanyang mamamayan? Bakit tayo nagugulat na ang batang Amper ay nagbigti? Siya ba ang mas nalululong sa kumunoy na Mang Pandoy sa panahon ni Fidel V. Ramos, ang inihaharap na mukha ng kahirapan noon? Bakit ang mga bata ng Payatas na lumiham, ginawang origaming bangka ang liham, at mirakulosong nakarating ang liham sa Malacanang ay hindi na natin maalaala ang iniliham, lalo na ang kanilang mukha?

Bakit ang mukha ng kahirapan ay ang mukha ng nabihisang kamatayan? Biglang gumanda at marangal sa simpleng kabaon at lamay na isinagawa? Bakit hindi ang kagyat na kamatayan ang gawing mukha ng kahirapan? Kung nagbigti ito, ang dilang umaabot hanggang dibdib, ang luwang mata, ang laway na babalot sa buong damit, ang maitim na ulo? Bakit gustong maging marangal ang mukha ng walang karangalang kahirapan?

Hindi tayo bansang nagpapatiwakal kahit sa politikal na larangan. Wala sa ating nagbubuhos ng gasoline at nagpapasiklab, tulad ng mga Buddhist na mongha noong Vietnam War. Walang handang makipagpatayan sa pagharang ng linya sa rali ng mga militar, tulad ng sa South Korea. May pagkakataon pa nga na nag-alay ang sampu-sampung mamamayan nito ng kanilang tig-iisang daliri bilang protesta. Ilan sa atin ang handang gawin ito? Magpakalbo nga lang sa ngalan ng politikal na protesta ay mahirap nang maghanap ng volunteer.

Hindi naman kailangan. Kung hindi nabigyan ng pag-asa at buhay ang batang Amper ng estado, bagkus ay naging bahagi pa nga ng kanyang pagpapatiwakal bilang invisible hand na tumulong magbuhol ng lubid, ay ang politikal na kilusan ng masa ang dapat ay nakaabot sa kanya. Bibigyan ng alternatibo sa pagiging zombie at pagpapatiwakal, bibigyan ng buhay.

Sa kasalukuyang umiigting na estado ng buhay at buhay sa estado, walang buhay sa labas ng rebolusyon.

Kyoto Temples in Fall, Nov 07





Immediate Environment, Kyoto, Nov 07





Japan, First Pix, Nov 07





Monday, November 12, 2007

Kulturang Popular at Pakiwaring Gitnang Uri

Kulturang Popular at Pakiwaring Gitnang Uri

Ibang uri ang edukasyon mula sa kulturang popular. Ito ay informal na kaalaman dulot ng media (telebisyon, radyo, sine, DVD, cell phone, internet, videoke, cable at iba pa) o kasangkapang pangmedia (mall, coffee shops, shawarma, sago drinks, gin pomelo, gimik na lugar, droga, prom nights, at iba pa). Sa katunayan, may shelf life ang anumang artifact ng kulturang popular, sikat lamang ito sa kasalukuyang pagdanas ng fad kahit pa may paratihang media at genre na nagsisiwalat nito. Pero hindi mauubusan ng bagong uso, at sa pagtangkilik ng bago, minamarkahan na rin ang pagkaluma at obsolete ng mga komoditi ng kulturang popular. Si Martin Nievera at Ariel Rivera ng malayong noon, si Sam Milby ngayon—mga Filipino Amerikanong naging phenomenal ang pagkatanyag pero minarkahan din ng fans ng taning ang career. Hanggang dito na lamang at maraming salamat. Hindi nauubusan ng hot pandesal ang 24/7 na Pugon de Manila o ang ating friendly neighborhood panederya.

Magpakagayunman, ang kulturang popular ay nilalahukan na may kaakibat na paninindigan sa katotohanang sinisiwalat nito. Hindi man natin mapagpag ang ating nakaraan, lalo na ang mga ginawa sa ngalan ng pagtangkilik ng mga komoditi ng kulturang popular—mula shoplifting hanggang pagmamaktol sa di pagtangkilik sa Jollibee, mula adiksyon sa droga hanggang sa otentikong pagkapukaw sa nostalgia ng mga McDonalds na komersyal—ay ginagawa pa nating konstityutib o bumubuo ang mga ito ng ating pagkatao. Maaring makilanlan ang ating pagkatao hindi na lamang sa pamamagitan ng ating mga piniling mga kaibigan, kundi pati na rin nga mga tinangkilik na komoditi ng kulturang popular. Henerasyonal ang pagtangkilik na ito na lumilikha ng malay at di-malay na balon ng kolektibisasyon. Ito ang text generation na generation Y na kaiba sa low-waist gang ng kabataang nagrerebelde ng 1960s, o ang henerasyon ng biyakan at nagwasto ng dekada 80 at 90. Kung buburahin ang mga komoditi at ekonomiya ng kulturang popular na pinapalaganap rin naman ng mismong estado, ano pa ang matitira sa ating pagkatao? Ano pa ang katotohanang nabuhay tayo sa isang partikular na lipunan at kasaysayan?

Ang afinidad ng kulturang popular at formal na edukasyon ay pareho tayong nagbabayad para sa inaakalang mabibiling katotohanan tungkol sa pagkatao, rekisito ng pagiging gitnang uring mamamayan. Nag-aaral ka at malamang, nagdurusa at binibili mo ang ethos na ito para sa pangako ng posibilidad—hindi na mangyayari ang inaasam-asam na mangyari kundi, tulad ng finansya ng investment at pagsusugal, binabawasan mo ang risk factor para sa posibilidad na mangyari nga ang inaasahang mangyari. Sa adbentura ng pambansang kaunlaran sa global na ICT (Information and Communication Technology) na naglulugar sa bansa at ang kanyang lakas paggawa sa mababang antas ng bagong global at sexual na dibisyon ng paggawa, partikular sa gawaing call center, ang tertiaryong edukasyon ay hindi na nangangako ng katubusan. Bagkus, spesipiko ang vocational na kahilingan—ang kanluraning gamit ng wikang ingles—na maaring matutunan dahil sa uring pinagmulan (mga tahanan na nakapagturo ng wika sa pagpapalaki ng mga bata), debating team at speech clubs, o panonood ng ingles na cartoons sa cartoon channel sa cable—para umangat sa gitnang uring status. Samakatuwid, hindi na lamang formal na edukasyon ang pasaporte sa panlipunang mobilidad, maging ang pagkababad sa kulturang popular ay bahagi na rin ng pagtatakda ng pangako ng posibilidad. Ito ang bagong uri ng intelektwal na kapital sa kagyat na kasalukuyang pambansang panahon.

Ang pagbibigay-pribilehiyo sa bagong kapital ay matutunghayan kung gaano nakadiin ang kulturang popular bilang hulmahan ng inaasam na gitnang uring buhay. Mayroong sinisiwalat na katotohanan ang akto ng pagtangkilik at pag-asam na makatangkilik (na kasing bigat itong pag-aantay sa mismong akto ng pagtangkilik) ng kulturang popular. Itong katotohanan ay nakapoder sa pagdanas ng gitnang uring estadong pang-indibidwal sa pang-araw-araw. Walang gustong umalaalang naghihirap siya. Na sa predikamento ng gitnang uri, hindi lamang dahil nakakasapat ang kanyang panggastos sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi walang paghahanda sa inebitableng maaring mangyari—pagkakasakit nang malala, aksidente, pagkasunog, pagkanakaw ng ari-arian--na makakapilay sa finansyal na lagay. Walang konsepto ng insurance o certainty ng uncertainty kaya hindi ito inilalahok bilang inkrementong pangangailangan na paglaanan ng tustos-gastos. Ano pa kaya sa nakararaming naghihikahos na uri na said sa batayang pangangailangan? Samakatuwid, ang pang-uring posisyon ng mababa at gitnang uri ang nagiging kasalukuyang aparato ng estado at industriyang pangkultura na magpatangkilik nang labis sa pangkasalukuyang antas. Walang motibasyong mag-invest sa panghinaharap dahil una, hindi kaya itong sakupin ng predikamento at finansyal na lagay ng kasalukuyan; ikalawa, huthutan ng koraptibong praktis din naman ang pribado at publikong negosyo ng panghinaharap (mula anomalya sa GSIS hanggang sa naglipanang pyramid schemes ng mga AFP cooperatives at pati na rin ng daan-daang magulang na nagbayad ng prepaid educational plan sa CAP Assurance); at ikatlo, ang pakiwari ng malawakang pagtangkilik sa kulturang popular (isipin na lamang ang sampu-sampung produktong ginamit pagkagising, paliligo at paggagayak bago makarating sa patutunguhan) ay nakaangkla sa pangkasalukuyan lamang. Hindi ka gumagamit ng deodorant ngayon para tanggalin ang masangsang na amoy o pawis ng kilikili bukas o sa isang buwan. Hindi ka nanonood ng sine para iimbak ang kaalaman at epiphanies sa panahong magagamit mo ito sa akmang sitwasyon sa hinaharap. Hindi rin naman ito carpe diem (seize the day) mode dahil ano naman ang mapapasaiyo sa paggamit ng deodorant o panonood ng sine, pagsagot ng tama sa klase, kundi ang kasiyahang dulot ng sandali. Hindi lamang mailap itong sandali, pamandalian pa ang sandali. Kung pangmatagalan ito, hindi na ito sandali. Ito na ang soundtrack ng buhay mo.

Pakiwari ang pangunahing afekto ng kulturang popular dahil nag-aastang lampas sa historikal na posisyong pang-uri—pati na rin malamang, lahi at etnisidad, kasarian at sexualidad—ang afinidad. May disjuncture sa uring pinagmulan sa uring may afinidad mapabilang. Gitnang uri ka at gusto mong stabilisadong antas ito kahit isang pagkakasakit na malala lamang sa pamilya, nakadapa na ang panlipunang yunit na ito—may mapapahinto sa pag-aaral, magugutom ang pamilya, paaalis na ang katiwala at driver—at kung magtuloy-tuloy pa ito, ang trauma ng pagiging nouveau poor. Ang afekto ay ang di pa mapapaliwanag na kolektibo at kognitibong pakiwari sa pagtangkilik sa komoditi ng kulturang popular. Kolektibo dahil may kolektibidad ang naapektuhan ng komoditi. Ang dinadanas ng indibidwal ay kolektibong dinadanas nang iba pang tumatangkilik. Walang hindi naduduwal-duwal kapag biglang bumabagsak ang trak sa roller coaster. Walang sasakay ng roller coaster na umaasang parang tsubibo lamang ang mararanasan. Kognitibo dahil itinuturo ang angkop na paraan di lamang ng pagsakay at pagtunghay sa ride, kundi pati na rin sa kaangkupan ng proseso ng pagdanas. Na sa kalaunan ay hindi sa hindi na ito makakamaluktot ng bituka, kundi may itinakda nang kalakarang makakapagturo sa limang senses kung paano tumunghay—ipikit ang mga mata, huminga nang malalim, kilabutan, at iba pa—kung paano hinihuhain ang karanasan, pati na ang mundo.

Komoditi dahil nawala na sa resepsyon ang pinakasangkap sa produksyon—ang lakas-paggawa—nagiging mahika na lamang kung paano natransforma ang hilaw na materyales para maging produktong ibebenta nang lampas sa aktwal nitong halaga. Walang sumasakay ng roller coaster na nakakaisip na baka may nahulog nang pasahero rito, o nang itayo ang ride ay may namatay na welder o construction worker sa paggawa nito. Hindi na ito masaya. Hindi lamang ito dating dahil hindi naman ito interaksyon ng dumating sa nakaantay, at ang resulta nito sa nagbagong antas na presensya ng nag-aantay. Ang dating ay ang pagkalula sa pagsakay at panonood nang umaarangkadang roller coaster. Nabibigkas pa ang karanasan sa dating pero sa afekto ay hindi ito lubos na mailalarawan sa bagong pagdanas. Ang afekto ay sublime, pero nagiging normalisadong karanasan kapag nakolonisa na ito ng kognisyon, o ang kognisyon ay nakolonisa na ng aparatong ideolohikal (media, mall, relihiyon, at iba pa) na ikaw na hindi na naliligaw sa mall ay hindi lamang dahil nakolonisa na ng iyong senses ang espasyo kundi nakolonisa na ng espasyo ang iyong senses. Kung magpakaganito, hindi na ito afekto, nagiging dating na ito. Ang dating ay predikamento ng pag-asta: astang stateside, astang cool, astang showbiz, astang inaapi, astang Bella Flores… May referensiya ang asta, na siyang nagbibigay larawan sa dating, at may referensiya ang dating sa dati o naunang panahon, nabigyan-ngalan at napag-iba na ang karanasan sa kabuuan. Alam na ng kognisyon ang astang mayaman dahil walang umaastang mahirap. Kung maipapaliwanag, dating ito. Kung hindi pa maipapaliwanag, ito ay afekto, na tulad ng panuntunan ni Gramsci, ito ang liminal na yugto ng interregnum, “ang luma ay hindi pa namamatay at ang bago ay hindi pa isinisilang.”

Tanging ang humuhulma ng kasalukuyang pagkatao ay ang pag-aantay. Pero ito ay waiting for Godot lamang, nag-aantay tayo hindi dahil may darating kundi dahil umaasa tayo sa posibilidad na darating nga ang gusto nating dumating kahit mas malaki ang tsansa na hindi naman talaga darating ang inaasahan. Tayo ay inaakalang magiging masaya kapag natamo natin ang mga nakakahon at nakamarkang kasiyahan. Instantaneous ang kasiyahan, tulad sa kulturang popular. Tumatawa tayo sa akto na binibitiwan ang punchline, hindi sa dead-air matapos mabigkas ang kabuuan ng joke, pwera na lang kung tunay talaga tayong dense at slow na hindi ideal na audience ng joke. Tulad ng nagjo-joke, lahat ay kalkulado para sa punchline, na tulad rin ng aklimatisasyon sa sine, lahat ay naka-built up para sa climax na susuma sa ending ng pelikula. Tulad nang nag-aantay sa joke, alam naman ang inaantay at performatibo na lamang ang pag-aantay at ang resepsyon sa pagdating ng pinakaaasam-asam. Pero ang inaantay ay ang patlang ng kawalan, ang di-pantay na trajektori nang inaasahan at ng aktwal na bibitiwang punchline. At kapag nasanay tayo sa pag-aantay sa patlang ng kawalan, walang papantay sa sinumang darating dahil hindi na mahalaga ito. Ang mas mahalaga ay ang pag-aantay, lalo na kung kawalan ang inaantay.

Napangiti tayo sa text na padala ng crush o karelasyon, ito ang ligaya ng sandaling kasalukuyan. Ise-save pa ito. Babalik-balikan ang pag-retrieve at pagbasa ng text para tangkaing i-reproduce ang ligaya ng nakaraang sandali. Lumipas na ang kasalukuyan, at ang pagbalik sa nakaraan ay isang moda ng nostalgia, kung saan ang pagtunghay sa bagong kasalukuyan ay hindi na makakasapat sa lumang kasalukuyan—ang nakaraan na nilikha na ng psyche bilang idealisasyon ng kasalukuyang sandali—pero muli’t muling binabalikan. Tulad ng ilang beses nang napanood na ending sa pelikula, baka sakaling magbago, na maaring mabuhay ang karakter ni Leonardo di Caprio, kahit hindi na ang inibig na karakter ni Kate Winslet sa pelikulang Titanic. Binubuhay ng kasalukuyang pagtunghay sa lumang kasalukuyan ang namatay nang kasalukuyan. Ano pa kaya kung muling ibinabalik ang texts nang pagsinta’t pag-irog sa panahong tinapos na ito sa pinakamasahol na paraan?

Ang resulta ay pakikipagsapalaran, ang tila paghahanap ng adventura sa paghahanap ng bagay na hindi naman talaga matatagpuan, kahit pa ito mabibili, ipapanganak, natunghayan bilang magulang, kinilala bilang kaibigan, at iba pang panlipunang relasyon. Kabalintunaan sa pakikipagsapalaran ang salitang ugat nito—kapalaran, na mayroon nang destinasyon ang inaakalang hinahanap at ang enerhiyang sambit sa paghahanap nito. Kung ito ay kapalaran, predestined at predisposed na ang hinaharap. Hindi ito lubos na makikita at matutunghayan kahit nakuha na ang objek na pinakaasam-asam—pera sa OCW (overseas contract work), balikbayan box, regalong cell phone at mamahaling damit, pinakaasam-asam na regalo. Tulad ng regalo, kung hindi ito lapat na lapat sa inaasahan, walang reli (relevance) ito. Madidismaya ka lang kung hindi tunay na Voltes V ang robot na ibinigay sa iyo noong bata ka pa o ang modelo ng pinakabagong cell phone ngayong kabataan mo. Madidismaya rin ang magulang na nagbigay nito sa iyo, pati na ang lolo at lola, katiwala at mga kapatid na tumunghay nitong pagkadismaya mo. Nakipagsapalaran ang magulang mo na regaluhan ka ng maabot-kaya nila, at nakipagsapalaran kang maabot-tanaw mo na ang pinakaasam mo sa nakabalot na regalo. Ang ginagawa ng kulturang popular ay pinaasa tayo na maaasam natin ang gitnang uring pagkatao kahit matumal naman kaysa regular na mangyayari ito. Pinapaantay tayo sa bagay na inaakalang darating kahit na hindi naman lubos ang pagtatagpo, hindi naman lubos na panatag na gitnang uri ang resultang karanasan. Parating may sablay dahil nakaangkla ang pag-asam sa fantasya ng pakikipagsapalaran sa bagay na alam naman na ang ending. Para itong mga taong paulit-ulit na ikinukuwento ang kanilang naunsyaming pag-ibig na may mataas na antas na emosyonal na dating. Papayuhan ito, at malamang pare-pareho ang payo nang iba’t ibang nakikinig sa kanya. Sa huli, wala siyang tatanggapin kundi ang kasiyahang manlumo sa sariling sandali. Pagmo-moment kumbaga. Tanging siya na lamang ang hindi nakakaunawa nang dapat niyang gawin dahil hindi na rasyonalidad ang ipinapairal, ito na marahas na panghihimok sa kanya ng estado at pangkulturang industriya na mabalaho sa kasalukuyang kasadlakang nakabatay sa nakaraang idealisasyon at ang trauma nang paghihiwalay ng ideal at aktwal, ng realisasyong hindi pala ito ideal. Ayaw niyang makinig dahil hindi pa napapanahong makaunawa siya sa labas ng sarili niyang tinig at interpretasyon sa mundo. Alam niya ang dapat gawin para bumalik sa daan ng rasyonal pero hindi niya ito gagawin dahil nakapakat ang kanyang pagkatao sa pagkahulma ng emosyon at ang emotibong nagsasabi sa kanyang kumapit pa sa patalim ng fantasya ng nakaraang kasalukuyan. Kundi man, lumipat na sa aktwal na kasalukuyang nakahulma naman sa pag-asam sa abot-kamay abot-tanaw na pag-angat sa hinaharap. Ang pagkikipagsapalaran ay pagpapaubaya sa kapalaran, ang kapalarang makipagsapalaran sa mas mataas na uri, kung saan hindi naman nilalabanan ang uri kundi nakikipagsapalarang mapabilang rito. Giangawa ang joiner mode dahil ang pang-araw-araw na pagdanas, hindi man umaabot sa aktwal na realisasyon, ay tinataturian bilang hindi nakakasapat, kulang o walang kapasidad na maging gitnang uri. Ang pangkasalukuyang referensiya ng pakikipagsapalaran ay ang salat o kawalang dinadanas na lalong matutunghayan kapag hindi nagpursigi (kung gayon, nakipagsapalaran). Ang panghinaharap na referensiya ay ang fantasya ng pagpapabilang bilang rehistrado, lesinsyado at lehitimong gitnang uri, na sa historikal na antas ng pagiging gitnang uri sa pambansang karanasan ay nakasadlak sa walang katapusang pagiging, at kung ganito, ang walang katubusang aktwal na maging.

Sapagkat ang kulturang popular ay kultura ng gitnang uri. Ito ang handang tanggapin ng nakakataas na uri bilang lehitimong kultura o ang kanilang pwedeng ibaba at nang magkaroon ng malawakang kolektibong karanasan kumpara sa pwesto sa tuktok ng tatsulok. Hindi ito ang “Bumtarat-tarat” at “Itaktak mo” bilang regular na pinapanood at isinasayaw pero nagiging bahagi kapag ginamit sa electoral na kampanya (tulad sa kandidatura sa pagka-senado ni Miguel Zubiri), sa mga alta-sosyedad na party bilang novelty, o kapag kinanta ng UP Madrigal Singers. Ang kulturang popular rin ang kaabot-abot o nagmistulang abot-kamay abot-tanaw na di hamak na mas maraming bilang ng naghihikahos na mamamayan, ang karot sa dulo ng patpat na nagbibigay motibasyon para mangarap, magpursigi at manatiling nagsisikap. Ito ang impetus para maging bahagi ng inaakalang mas angkop na uring kolektibo. Hindi ito diamond jewelry at lifestyles of the rich-and-famous, kundi ito ang normalisasyon ng mga di-pangkaraniwang bagay sa pang-araw-araw na realidad ng paghihikahos, tulad ng texting, usong pananamit, Jollibee at McDonald’s, malling sa loob ng mall at labas ng mall, sa mga tematikong konsumeristang lunan (Baywalk, Starbucks, Quiapo para sa piratang media, at maging Luneta).

Kung gayon, ang kulturang popular ay sosyalisasyon sa gawi, praxis, kaisipan, pagpapahalaga at ang mismong idea ng gitnang uri sa kakatwang paraan. Sa politikal na pagkamamamayan—tampok rito ang eleksyon at ang responsibilidad ng pagtanggol ng sagradong boto—binibigyan pagpapahalaga ng naghaharing uri ang masa dahil sa kanila manggagaling ang bulto ng botong magpapahalal hindi sa representatibong opisyal ng nakararaming uri kundi sa representatibong opisyal ng mismong naghaharing uri. Sino ang hindi magbebenta ng boto sa kalakarang halaga ng P500 kung ayon nga sa survey ng Social Weather Station ay 19 porsyento ng mamamayan o 3.3 milyong tahanan ay nakaramdam ng pagkagutom sa huling tatlong buwan, 52 porsyento ng mamamayan ay tumitingin sa kanilang sarili bilang naghihirap kumpara sa opisyal na statistika na mga 25 porsyento lamang?[1] Sa pang-ekonomiyang pagkamamamayan, tanging ang papel ng masa ay ipatangkilik ang maigting na konsumerismo sa pamamagitan ng “sachet marketing” o pagtingi-tingi ng lahat ng produkto, mula butil ng bawang hanggang shampoo, toothpaste, prepaid load sa cellphone, at ang mas matinding informal na recyclable consumption, tulad ng ukay-ukay, pangongolekta ng nabubulok na basura, pangangalakay sa mga bundok ng basura, pagpag (pagkuha ng tirang pagkain sa basurahan ng fastfood outlets, papagpagin, kakainin kundi man kokolektahin para linisin, muling timplahin at ulamin, kundi man ibenta sa mga kapitbahay), pagnanakaw ng cellphones, at iba pa.

Ito ang batayan kung bakit malawakan ang cellphone density ng bansa—40 porsyento na mataas kahit na napapabilang tayo sa mahirap na bansa, at kung gayon 25 porsyento ang tantyang pangkaraniwan—at umaabot ng kalahating milyon ang mallers ng Megamall kapag Sabado’t Linggo ay dahil sa kapasidad ng industriyang pangkultura na mahimok ang partisipasyong konsumerismo pati ng nakararaming naghihikahos. Na ngayon ay naiiwan na lamang ang akses ng nakararami sa kultural na pagkamamamayan, na tulad ng konsepto ng politika at ekonomiya ay nakalugmok sa definisyon at substansya ng naghaharing uri. Pinakaramdam ang pagkamamamayan—ang afekto ng pang-uring mobilidad dahil sa kadalasan ay di naman ito sa aktwal na dinadanas—sa kulturang popular na daluyan ng mas malaki—kung mayroon mang makikitang mas malaki pa sa labas nito—na kultura.

Kakatwa ang pagbibigay-akses ng kulturang popular dahil una, parating lampasan ito sa aktwal na materyal na kalagayan ng pinapatangkilik nito. Wala tayong aspirasyong mas mababa sa ating abang kalagayan, ang aspirasyon ay tinitingala at hindi nakatungo sa lupa. Ikalawa, kung gayon, ang afekto o dating ng pagpapakabuluhan sa bagong karanasan ay paratihang pinapamulat sa akto ng pangkasalukuyan. Araw-araw ay nagiging reiterasyon, kung gayon, ng reafirmasyon ng kakulangan ng kasalukuyan, ng pagdanas sa prospek ng panghinaharap—nakakapasok ang isa man lamang pwersa sa pagsuntok sa buwan, at matapos ginagawang representatibo ng nakararami, kwentong Cinderella, at kung magpakagayon, ng proseso ng pagpili ng representatibo ng naghaharing uri (tignan na lamang ang pilantropiyang pilosopiya ng pagpapanalo sa game shows na Deal or No Deal, Game ka na ba, Wowowee, Eat Bulaga)--pero hindi ng aktwal na pang-uring status. Ito ang absent organizer para magmukhang namumuhay tayo sa kasalukuyan: nandito tayo, talaga namang mahirap o naghihirap, pero hindi ito ang ating iisipin, lalo na sa mga publikong spero ng konsumerismo at kultura. Walang nakasimangot kapag Pasko, walang bugnutin kapag walang dangal na nakikipagsiksikan sa jeep o FX, walang iritable kapag namamalimos ng grado sa guro.

Ang ating iniisip ay ang kondisyon ng wagas at dalisay kahit sa matinding anxiedad ng pag-aantay at pagbabakasakali. Nag-aantay tayo ng ulan sa tag-araw, na makatagpo ng kasing ganda at guwapo ng ating mga iniidolo, magkaroon ng kasing interesentang kabarkada, kasing warm at touching na pamilya, kahit pa alam naman natin na hindi lamang hindi perfekto ang aktwal na realidad kundi kulang at salat pa nga. Dahil sa huling pagtutuos, lahat naman tayo ay nagbabakasakali lamang. Baka lang naman makalusot. Baka lang naman umubra. At kung gayon, ginagawang mas matimbang ang baka kaysa sa aktwal. Namumuhay tayong nakalutang at lutang sa materyal na realidad, taliwas sa historikal na posisyon, o sa katagumpayan ng naghaharing uri na ipatanggap ang kanilang pagpuwesto sa ating posisyon—sa usaping kultural, yaong mas makabuluhan dahil pinagsisikapan, di regular na binibili, tinutumbasan na lampas sa aktwal na halaga. Kung naalaala pa ang panahong libre ang texting sa pagpapakilala pa lang ng cellphone sa merkado, natuklasan nang astang-gitnang uri na maari magkaroon ng pakiwari dahil ang mas matimbang na halaga ng cellphone ay pangtext at hindi pantawag. Libre lang ang airwaves, kailangan lang ng lisensya mula sa gobyerno. Gayunpaman, nakumbinsi ng negosyo ang pamahalaan na magpabayad para sa text, at nakumbinsi tayo na magbayad nang lampas sa aktwal na halaga ng text—mula libre hanggang piso at P25 kapag sa labas ng bansa—para maibsan ang anxiedad ng pagkahuli sa tagpuan, pagtantrum na naipit sa trafiko o stranded sa baha, na alam natin—kahit wala namang magagawa—na mayroon tayong kakilalang naaksidente, pinatay, pinarangalan, ililibing, ng kung sino, ano, paano, bakit, kailan, at sann. Bumibili tayo ng impormasyon hatid ng teknolohiya ng digital na cellphone para magkaroon ng pakiwaring mayroong kausap, komunidad at kolektibo, at kung gayon, mayroong pagsasandalan ng kumpiyansa ng sarili. Ang kakatwa rito, tulad ng pagsilip-silip sa cellphone para tanawin kung may bagong text kahit wala namang ring tone na narinig ay para sa pangako rin ng posibilidad ng interaksyon mula kahit kanino, kasama na ang 2977 announcements, ng teknolohiya at gadget bilang reafirmasyong buhay pa ang nilalang, na mayroong receptacle ng lahat ng pagpupursigi, kasama na ang pagpupursiging maging gitnang uring nilalang sa pamamagitan ng gitnang uring interpolasyon.

Sa pagkakataong ito na nagiging kalakaran sa pang-araw-araw na buhay at kabuhayan, ang aspirasyong pang-uri ay mas mataas at mas matimbang kaysa sa aktwal na posisyong pang-uri. Umaasta at ang lampas sa aktwal—ang hangin sa ampaw--ang siyang pinaniniwalaang mas substansyal na karanasan. Iniinterpolado siya bilang gitnang uri ng kanyang text, mga produktong ginagamit, sineng pinapanood, lekturang pinapakinggan, ID na isinusuot at iba pa. Mayroong repulsyon sa interpelasyong mababang uri—tulad ng pagbuntot ng salesperson sa mall outlet, pagsakay ng jeep sa rush hour, paglalakad at pamamawis sa tindi ng init ng araw, pagsuot nang damit na may butas—dahil ito ang nagpaparealisa sa aktwal na kinapapabilangang uri: kaya sa maraming pagkakataon, may pagtatwa (denial) sa tunay na uring kinabibilangan dahil masisira ang gitnang uring pretensyon. Kaya hindi tumututol sa 300 porsyentong pagtaas ng matrikula sa UP, o walang pakialam sa mga nasisanteng mga janitors sa kumbinyenteng pagpapalit ng ahensya ng UP, o nakakakain pa ng quarter-pounder kahit na nakatanghod lamang sa labas ng salamin ang patpating batang namamalimos. Ginagawang malawakan na ang pagkakataon ng pagdanas ng mababang uri—tulad ng kahirapan at paghihikahos, korapsyon at pandarambong, politikal na pagpaslang at represyon—nang sa gayon, sa pagkakataong makakaastang gitnang uri ay buong giting na kumakapit sa at pinaninindigan ang aninong ito.

Ang pakiwaring gitnang uri—ang ideal ng lehitimong gitnang uri--ay ang sinusundan at sinasandalang panuntunan ng mga aktwal na gitna at mamabang uri. Ang pakiwaring ito ay nag-anthropomorphize—nililikha bilang modernong nilalang na mayroong ideal ng gitnang uring pagkatao—sa sustenidong aninong aaninag sa pang-araw-araw na buhay bilang katototanan kaysa aktwal na na realidad. Ibig sabihin, maglalakad ako sa mall at magkukunwang kayang maging lehitimong mamamayan nitong publikong spero. Walang nakahukot at nakatungong naglalakad ng mall, lahat ay naka-chin up sa realidad na tinutunghayan. Awtomatiko ang interpolasyon ng struktura ng kulturang popular—kaya at kakayanin ng powers na magnasang mapabilang sa gitnang uring status. Pinagmumukhang tao—personal, close at intimate, familiar kundi man kapamilya at kapuso—ang mga bagay at karanasang hindi naman talaga: kaya pakiramdam natin ay kulang at pilay tayo kapag nakalimutan natin ang cell phone, na nilabag tayo bilang gitnang uring mamamayang nagpursigi sa ating lakas-paggawa para makabili kapag nanakaw ito, na kakaiba lang ang cell phone na nasa atin ngayon dahil nilikha para umalinsunod sa sarili nating pagkatao sa piniling ring tone, screen saver, nilalamang address book at appointment reminder, kulay ng casing at iba pa. Nagiging markadong gitnang uring tao ang anumang salatin ng kulturang popular, ang anumang pinili nating maging bahagi ng pagkatao sa karanasan ng kulturang popular.

Nag-aastang gitnang uri dahil hindi ka naman talaga gitnang uri. Ang karanasan sa kulturang popular ay lehitimasyon ng ideal ng gitnang uri. Sa pagtangkilik sa kulturang popular—na ikaw pa mismo ang nagbabayad para takutin ang sarili mo sa rides sa Star City at Enchanted Kingdom o horror movie, halimbawa—ay nagiging pagbotong pumapabor sa asignasyong gitnang uri. Ikaw ay mayroong gitnang uring temang binubuhay para sa sarili at kolektibo mo—mayroon sariling soundtrack, mundong iniinugan na parang pinaghalong nobela, telenobela, anime at pelikula, na pinamumulaklakan ng magaganda at mabubuting tao. Ikaw na inilulugar ng neoliberalismo at fasismo na maging bahagi ng theme park ng pagkamamayan nito ay lumilikha ng internal na paglulugar ng sarili at mundo. Ikaw na nakolonisa ng malawakang kahirapan at pagkayurak ng karapatang pantao ay kumokolonisa sa iyong psychic geoscape na parang wala ito kahit ito naman ang absent signifiers ng buhay mo. Ikaw naman ang kokolonisa sa iyong sariling pag-iisip na makakapag-astang gitnang uri bilang fantasyang magpapamuhay sa iyo sa tunay na mundo. Ikaw na nasa mundo ng mababang uring pagdanas sa kahirapan at karahasan ay makakapamuhay lamang—ayon sa neoliberalismo at fasismo—sa pamamagitan ng pag-astang gitnang uri, naka-chin up sa aktwal na realidad dahil ang direksyon ng pananaw ay tungo sa mundong may mas mataas na kalidad ng buhay. Parang ang asta sa loob ng mall at iba pang kulturang popular ay nagiging quasi-permanenteng asta habang naglalakad sa kalsadang puro basura, o nakakapag-internet at gaming sa maliliit na computer shops sa dulo ng lugar ng mga squatter, o nakakain ng libre sa opisyal na resepsyon. Lumilikha tayo ng kanya-kanyang sanktwaryong mag-iibsan sa aktwal na realidad.

Ito ang dulot ng neoliberalismo sa pribadong indibidwal. Para siyang may powers kahit sa aktwal naman ay dinudusta ito, at kung gayon, wala naman talaga o walang makakasapat para isipin niyang lumaban at matalo ang mas malaking kaayusan sa labas niya. Sa paglikha niya ng magandang uniberso ng pagiging gitnang uri, naiigpawan niya ang pang-araw-araw na buhay. Sa isang banda, ito ang moda ng kulturang popular—ang pagdanas ng pamandaliang ligaya sa pagdanas sa kasalukuyan—na parang isang kahig, isang tuka na panuntunan. Sa kabilang banda, itong pakiwari ay nagkakaroon na nga ng semi-permanenteng pag-aanino sa kanyang buhay. Pantakas na fantasya sa aktwal na realidad na hindi matatakasan. Hindi niya maiisip lumaban dahil ang sinasambulat ng kulturang popular, sa pangunahin at sa huling pagsusuri, ay kultura ng naghaharing uri; kung gayon, depolisado ang kulturang popular at ang pagsasalin nito sa indibidwal at panlipunang kamalayan.

Sa isang banda, ang aparato ng kulturang popular ay nililikha para magsambulat lamang ng “true, good and beautiful” ng naghaharing uri. At ito ang nagkokondisyon para wala tayong isipin at danasin na lampas sa pangkasalukuyang kasiyahan ng fantasyang bumabalot sa kondisyon ng tunay. Party pooper naman na malamang nakaw ang binili ninyong cell phone. O maliligwak kada limang buwan ang mga nagsisilbi sa inyong paboritong fastfood o mall. O wala nang trabaho ang mabait na manong at manang na nagbabantay at naglilinis ng banyo, nagtitinda ng taho at monay. Na mayroong matinding pagsasamantalang nagaganap sa mga nagtratrabaho sa SM malls. Na kahit magwelga ang mga manggagawa nito sa kanilang unyon, pipiliin pa rin nating tumawid ng piket at ipagpatuloy ang karanasan sa malling. Ano pa ang matitirang sanktwaryo sa idea ng SM, McDonald’s, Globe at Smart, kung sa aktwal na labas ng mga poder na ito ay malawakan ang pagtunghay sa kahirapan na nagsisiwalat ng relatibong kadaliang paigtingin ang neoliberalismo at fasismo ng estado? Paano ka pa magiging masaya kapag namulat ka na sa politikal na katotohanang hindi masaya ang pambansang buhay? Kaya sa kadalasan, wala nang ginagawa kahit may rekurso sa mismong politikal para matransforma ang panlipunang buhay. Sa kabilang banda, inaako ng sarili bilang historikal na katotohanan ang sinasambulat ng aparato ng kulturang popular. Pakyawan ang pagtanggap ng sarili sa sistema ng pagpapahalaga ng aparato, na hindi na nagpapalahok sa indibidwal sa larangan ng rasyonalismo (mga matwid at nararapat na gawin batay sa lohika ng argumento) kundi sa larangan na ng politikal na kapangyarihan (sino ba ang aktwal na humahawak nito?). Ang bagong rasyonalismo ay ang irasyonalismo ng pakiwaring gitnang uri—hindi ng angkop at tamang dapat gawin, kundi ng inaakalang pang-indibidwal na ikakapamuhay ng matiwasay. Paano ba mamuhay na parang walang isang libong politikal na pinapaslang sa administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo at pinapaigting ang neoliberalismo sa edukasyon? Eh di parang wala ang mga ito, tulad ng pagtingin sa malawakang kahirapan, na nandiyan pero wala riyan. Para rin itong paano nakakapanungkulan si Arroyo nang hindi sinasagot ang akusasyon nang malawakang pandaraya sa eleksyon ng 2004. Parang walang nangyari, ipagpatuloy lamang ang panunungkulan.

Ang pribatisasyon ay ang internalisasyon ng kapangyarihang pang-estado, kabilang ang paglulugar sa atin sa akmang espasyo at kondisyong magpapatanggap sa pinakamalupit na hagupit ng neoliberalismo at fasismo na may ngiti at halakhak, kahit nervous laughter pa ito. Ang pribatisasyon ay sabayang pagkakahon sa indibidwal sa pribadong larangan bilang publikong spero (pinagkakapitan ng iba pang mga indibidwal bilang kani-kanilang mundo ng pagrerekurso) sa malawakan sa isang banda, at ang pribadong larangan na ito bilang publikong domain (mapapakailaman, tulad ng sinasaad sa Anti-Terrorism bill, ng gobyerno bilang pang-estadong interes) sa kabilang banda. Ito ang tinatawag ni Michel Foucault na biopolitics o ang pagpapaubaya ng indibidwal sa estado ng mga pribadong aspekto ng kanyang buhay, kundi man ng kanyang mismong buhay.

Ang isinasaad ng biopolitics ay ang pagmapa ng pribatisasyon ng larangan ng buhay ng indibidwal at panlipunang pamumuhay at kung gayon, ng kapangyarihang pang-estadong mahalagang kinabibilangan ng kulturang popular. Kung ang estado ay gumamit ng pagbabalanse ng karahasan at panghihikayat--ng dispersal ng nagproprotesta sa pagtaas ng presyo ng gasoline at ang pagbaba ng ilang sentimo nito—ang kulturang popular ay arena ng purong kasiyahan. Ito ang nagpapalasang matamis at makakain ang inihahapag ng estado ng kapaitang ubod ng malawakang kahirapan at pandarambong sa karapatan. Kung paano, tulad ng mga tauhan sa palabas pangtelebisyon na Big Brother, ay natututong magsamba at gumawa ng kastilyong buhangin sa bawat akmang tugtog na marinig, kundi ay may kaakibat na parusang disresyonaryo at subhetibo lang naman. Pero marami sa atin ay sasabihing manonood lang naman. Hindi naman tayo ang aktwal na inuuto at pinaparusahan, na di tulad sa Big Brother na boluntaryong piniling mapailalim sa marahas pero magandang estetikang telebiswal naman na realidad. Pero ito ang kakaiba sa mga komoditi ng kulturang popular—na ang pagiging mamamayan sa bansang ito ay paglulugar na sa mga kondisyong bumubuo ng tatsulok na realidad ng bansa. Walang ibang pagpipilian kundi ang maging mamamayan ng bansa, at walang madlang nanonood sa indibidwal na buhay natin.

Endnote:



[1] Social Weather Station, “Fourth Quarter 2006 Social Weather Survey: Hunger at new record-high 19.0% of families; 52% are Self-Rated Poor, 40% are Self-Rated Food-Poor,” http://www.sws.org.ph/, inakses ng 1 Marso 2007.

Saturday, November 10, 2007

Mi casa su casa





Neoliberal Education Forum, CONTEND, 07





Laguna Bay Towns Tour with Reuben, Sept 07





Post-Mula Tore Hanggang Palengke Launch, Treehouse, Sept 07




Pangingibang-bayan sa Kulturang Filipino (Shimbun column)

Pangingibang-bayan sa Kulturang Filipino

Mataas ang tingin sa Filipino na nangingibayang-bayan. Parang hindi na ito masasalat ng mga kababayang naiwan. Steyt-side na, dati, dahil ang U.S. pa lang naman ang madalas ipangibang-bayan ng naunang mga Filipino. Ngayon, matatagpuan na ang mga nangibang-bayan na Filipino sa halos lahat ng bansa at teritoryo sa buong mundo. Overseas contract worker ang tawag sa walong milyong kababayan na nagtratrabaho sa labas ng bansa. Idinadambana sila bilang “bagong bayani” kahit pa masahol pa sa katulong ang trato ng kanilang mga amo, at ng mismong estado.

Nakakaangat ang OCW dahil hindi lahat ay nakakapangibang-bayan kahit pa isa sa sampung mga Filipino ay nasa labas na ng bansa. Hindi pa rin ito para sa lahat. Tanging sa may pangahas at tapang lamang ito. May malasakit sa pamilya at sa mga mahal sa buhay. Sino ba ang gustong mawalay sa kapamilya’t kaibigan para mamuhay, kadalasan ay mag-isa, sa mapang-abusong kondisyon ng paggawa? Sino ang gustong maging martir, handa sa sakripisyo at pasakit, para ang mga naiwang mahal sa buhay ay mabuhay nang may pag-asa, kundi man may dangal?

Nakakaangat ang OCW dahil may ekonomiyang kapangyarihan ito, lampas sa tunay na halagang ipapasweldo kung ginawa niya ito sa Pilipinas. Sa ibang bansa, ang mababang gawain na ayaw nang gawin ng mamamayan ng mga bansang iyon ay tinatapatan ng mas mataas na sweldo, kung ang pamantayan ay ang kikitain sa loob ng Pilipinas. Sa mga bansang pinapasukan, mas mababa ang sweldong inaalok, mas mahaba ang oras ng gawain, at mas di familiar ang kapaligiran ng paggawa. Kahit pa sa mas maunlad na bansa, tulad ng U.S., sa Europa at Japan, ay maiisip na pantay ang ipapasweldo sa kanilang mamamayan at dayuhang manggagawa, ang katotohanan ay mayroong pa rin, sa minimum, mga tagong pagkakaiba ng kita at kondisyon ng paggawa.

Nakakaangat ang OCW dahil regular itong nakakapagpadala ng balikbayan box, ang simbolo ng pagkaangat kahit na sa kawalan. Ipinapaalaala ng balikbayan box ang regular na presensya dahil nga wala ang nagpapadala nito sa bansa. Binubuhay ang guni-guni, kasama ng mito ng pagkaangat. Natatangi kumpara nga sa nakararaming nagpapatuloy sa pamumuhay sa paghihikahos. Mayroon nagtagumpay, at ito na ngang OCW iyon. Ang balikbayan box ang kanyang regalo sa pamilya, laman ay fruit cocktail, stuff toys, pinaglumaang gamit at damit, bargain goods na nabili sa tiangge, mga bagay na inaakala ng OCW na wala sa sariling poder sa bansa, at dapat magkaroon. Tulad ng kanyang remittance, mas bonus ang tingin sa balikbayan box. Hindi ito kunwaring inaasahan pero inaantabayanan.

Nakakaangat ang OCW dahil para siyang Superman o Wonder Woman na kayang supalpalin ang lahat ng mga bala at kanyon. Kaya ng OCW, sa hayag, na patalsikin ang kalungkutan at pighati para magtrabaho at mamuhay sa ibang bansa. Ano ba kasi ang kanyang dilema? Malungkot na nasa ibang bansa pero malaki ang kita, o masaya sa loob ng bansa pero maliit ang kita? Sino ang ayaw kumita? Hindi nga ba’t kaya parating mahaba ang pila sa lotto, lalo na sa gabi ng bola ay para sa pag-asang makatama nang malaki? O gabi-gabi ay mahaba ang pila sa tayaan sa karera o araw-araw sa jueteng, dahil nga umaasa ring makatsamba sa mga inaalagaang kabayo at numero? Malungkot pero may pera, at kung gayon ay may dangal. Masaya pero walang pera, at kung gayon,wala ring dangal.

Nakakaangat ang OCW dahil sa paglisan sa mahal na sariling bayan, ay nililikha niya ito sa ibang bayan. Siya ay parang diplomat na nag-uugnay sa di opisyal at pang-araw-araw na antas ng mga pwersa ng dalawang kultura. Hindi niya balak lusawin ang isa, o idambana ang kaiba. Wala naman siyang magagawa kundi makibagay. Nakikitungo siya sa bagong mga tao, kultura at kapaligiran. Bagong sistema gayong nauna naman ito bago pa man din siya dumating doon. Ang pinanggagalingan niyang kultura ang kanyang pasaporte para makapagtrabaho at makapamuhay sa sana ay matiwasay na kalagayan, kahit labis ito sa katotohanan. Sa pangingibang-bayan, dala niya ang sariling bayan. At sa kanyang pag-uwi sa sariling bayan, literal niyang bitbit sa kanyang katawan ang mga ginto at damit, at figuratibong dala ang mga bagong kasanayang inaakalang magpapabuti ng daloy.

Mabuhay ang OCW hindi dahil kayo ang bagong bayani, kundi dahil kayo ang pumapasan ng kakulangan ng sariling pamahalaan, at kalabisan ng sariling estado kaya kayo ay nariyan, at wala rito sa sariling bayan. Mabuhay dahil sa pagnanasang makapagpatuloy ng sariling buhay diyan at ng inyong mga mahal sa bayan nang may pag-asa at dangal.

Monday, November 05, 2007

Kultura ng Garapalan (Pasintabi column)

Kultura ng Garapalan

Kapag sinabing “garapal,” ibig sabihin ay labis pa sa pangkaraniwan. Ordinaryo ang 20 porsyento bilang pangungurakot sa budget ng pamahalaan. Pero overpriced ang Cyber Education at National Broadband Network (NBN) ng ZTE Corporation, mula US $130 tungo sa $329 milyon.

Ordinaryo ang panunuhol. Pero ang pamimigay ng tig-P500,000 na shopping bag sa isang meeting na pinangunahan ni Gloria Macapagal Arroyo, o P120 milyon sa loob ng sampung minuto sa 190 kongresmen at 48 na gobernador, ay sukdulang garapalan na.

Ordinaryo ang pambobomba. Ginagawa ito madalas sa Mindanao, at ang itinuturo parati rito ay mga teroristang grupo. Garapalan naman ang pagsabi ng gobyerno na C4 ang substansyang natagpuan sa Glorietta bombing, matapos ay binawi at methane gas na ang sanhi nito. Mula terorista, naging struktural na aksidente ang pangyayaring pumatay sa walong katao at daan ang nasugatan.

Ordinaryo ang pagtatakip. Pero garapal na nangyari ang “aksidente” sa panahon ng masigabong panunuhol na nangyari sa pulong ng Malacanang. Ordinaryo na ang lahat ay nakapaloob sa kultura ng panunuhol at pagtatakip. Pero extra-ordinaryo na hindi kasama ang presidente sa kulturang ito. Siya lamang ang natatanging hindi nababahiran ng putik.

Ordinaryo na may napapatay at dinadakip. Pero garapalan na may kulang na isang libo na politikal na pinapaslang at 200 na sapilitang dinadampot. Bagamat may pagtangi sa ilang paksyon ng establisyimento ng militar na kasangkot sa krimeng ito, hindi nababahiran ang Malacanang sa malawakang krimen gayong ang retorika ng “matatag na republika” at “all-out war against terrorists” at “finish off the communist insurgency before she (Arroyo) steps down from office” ay hindi mga ampaw na pananalita lamang.

Kung gayon, si Arroyo ang pumoposturang sagradong Birhen. Tulad ng matimtimang birhen, hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili kaya siya ipinagtatanggol. Tulad ng matimyas na birhen, ang assumption parati ay hindi siya nagkakasala. Tulad ng imakuladang birhen, ang assumption parati ay wala siyang bahid ng pagkakasala o kasamaan.

Ang posturang itinindig niya—bilang Nora Aunor na makamasa, ina ng bayan na maternal, machong Commander-in-Chief, at economic wizard—ay hindi binili at tinangkilik ng mamamayan. Nananatili siyang nasa rurok ng kapangyarihang hiwalay sa masang tanging hindi naniniwala sa kanyang economic miracle, pati na rin ang politikal na himala ukol sa kung paano siya nanalo at nakapandaya sa nakaraang presidential na halalan.

Kung hindi siya tatangkilikin bilang pangulo sa ivory tower, ang tangi na lang maaring ipusta ay ang pagpostura na Birhen. Hindi kumikibo at mapagkumbaba gayong ipinepedestal pa rin. Tinitingala dahil sa aura ng himalang kaakibat ng mga nagpoposturang birhen. Kahit mayaman si Sharon Cuneta sa tunay na buhay at sa gitna ng kanyang pelikula, nananatili itong mabait at matimtiman kahit pa naghihiganti na ito sa mga malditang kontrabida.

Si Judy Ann Santos ay wholesome din. Umimpis ang mukha at katawan, nagboxing at nag-Fitrum, naging matapang sa kanyang pelikula at teleserye gayong nananatiling birheng hindi nagkakasala. Pati si Aga Muhlach na pinapatangkilik tayong kumain ng Chicken Joy kahit pa siya may physical trainor ay nananatiling wholesome mode. Siya pa nga ang umiiyak sa mga babaeng nagtaksil sa kanya.

Garapal ang kultura sa pang-araw-araw dahil alam natin ang normal at ang labis. “Kapag napuno na ang salop…” ayon nga sa titulo ng pelikula ni Fernando Poe, Jr., mag-aalsa rin ang masa. Hindi ba’t ang serye ng People Power ay nangangahulugan ng labis na solusyon sa isang garapal na problema?

Baguio at Pagtatapos ng Semestre (Pasintabi Column)

Baguio at Pagtatapos ng Semestre

Bago ko gawin ang grado ng mga estudyante para sa unang semestre, minabuti kong umakyat ng Baguio. Ito ang lugar na pwedeng kong puntahan kapag stressed out na ako sa buhay Maynila. At ang pagtatapos ng semestre ay tunay namang stress out moment.

Papasok ang mga papel ng estudyante, magmamarka ng mga exam at papel, magbibigay ng grado. Hindi ako mapagkait na magbigay ng 1.0 o A, pinakamataas na grado; gayong hindi rin naman ako nangigiming magbigay ng 5.0 o F, mga bagsak na marka. Halong tuwa at lungkot ang pagtatapos ng semestre: tuwa na nakaraos na naman na nagpatulak ng mga kaisipan ng estudyante sa isang pamamangkang sana’y hindi lang nila makakalimutan, matatapguan pa nilang makabuluhan sa kanilang mga buhay; lungkot dahil nagtatapos na naman ang isang siklo, na ang mga estudyante ay nakakausad sa susunod nilang patutunguhan, at akong guro ay mananatiling nakaabang sa susunod na papasok sa loob ng mga silid-aralan.

Nagtuturo ako ng pelikula, panitikan at media sa tertiaryong antas. Ang aking paniniwala, para maging makabuluhan ang pag-aaral, ay hindi lamang ito nakabatay sa literacy building—bigyan ang mag-aaral ng bokabularyo at konseptong makakapagbigay-ngalan sa karanasan ng pagtunghay sa sine, panitikan at media—kundi life-building. Paano magagamit ang bokabularyo at konsepto sa pelikula at panitikan para magamit ng mag-aaral para isaproseso ang kanilang buhay at lipunan?

Kaya kahit ang aralin ay ukol sa epiko, ang tinataguriang pangunahing naunang kolektibong naratibo ng bansa, halimbawa, naiiugnay pa rin ang panitikan sa pinakamalaking penonemong transnasyonal na dinaranas ng bansa—ang walong milyong overseas contract worker (OCW), ang tinagurian ng gobyerno na “bagong bayani.” Nakaugnay ang usapin ng remittance sa astang gitnang uri ng maraming wala naman materyal na batayang paggawa na maging gitnang uri, ang mayoryang masa na umaasa sa padala ng kamag-anak na nagtratrabaho sa labas ng bansa.

Papasok ang usapin sa panonood ng pelikula, at ang pagtunghay ng buhay ng manonood sa gitnang uring paghuhulma ng karanasan—kahit pa ukol sa rebolusyonaryo at mahihirap—sa pinapanood na pelikula. Umaastang gitnang uri dahil hindi naman talaga tunay na gitnang uri. Pana-panahon lamang ito, tulad ng kontrata ng OCW at ng lumalaganap na flexible labor sa pagtratrabaho sa bansa. Na nasisibak sa gawain ang subkontrakwal na manggagawa tuwing ikalimang buwan dahil sa ganito, hindi mapipilitan ang kanyang employer na bigyan siya ng karagdagang benefisyo batay sa kahilingan ng batas: medical insurance, GSIS o SSS, at iba pa.

Isa sa limang manggagawa sa kasalukuyan ay subkontrakwal na manggagawa. Siyam sa sampung manggagawa sa mall ay subkontrakwal. Sa pana-panahon na may trabaho ang manggagawa, nakakapag-astang produktibong gitnang uring mamamayan ang karamihan ay kabataang manggagawa. Nakakatulong siya sa pagbabayad ng upa, kuryente at tubig. Nakakabili siya ng load sa cell phone, nakakagimik paminsan-minsan kasama ng kabarkada at kasamahan sa trabaho. Nakakatulong makapagpaaral sa kapatid.

Konektado rin ito sa mga bagong simbolikong kapital na naggaganyak na maging produktibo ang katawan ng mga kabataang manggagawa—ang kanyang tinig na nakakapagmimiko ng tinig ng Ameriko o Europeong ingles. Itong BPO o call center sa mas popular na kategorya ang tinataguriang sunshine industry ng bansa. Sa kasalukuyan, 200,000 ang empleyado rito, at kakayanin pang umakyat sa 10 milyon sa kagyat na hinaharap.

Bagong global na industriya para sa partisipasyon ng Pilipinas? Ang ibig sabihin rin nito ay may kaakibat na infrastrukturang pisikal at emosyonal na itinataguyod. Pisikal dahil sa ruta ko sa Quezon Avenue hanggang Commonwealth, lahat ng bagong gusaling itinatayo ay kundi condo ay call center. Kaya rin malawakan ang demolisyon ng kagyat na lupain sa Commonwealth, para gawin mas madulas ang padaloy ng kapital sa erya na ito. Emosyonal dahil bagong kalakaran ng pakikiwari: night shift at performatibo ang gawain, kaya matapos ang trabaho, lalantak kaagad ng alkohol nang bumaba ang energy level o lalaklak ng energy drink bago ang shift nang tumaas ang enerhiya. Mga batang magulang na nagtratrabaho at hindi na rin maasahang hands-on sa pagpapalaki ng mga sanggol, mga bakla at lesbianang nagkakaroon ng bagong finansyal na yaman para mas marealisa pa ang kanilang kapangyarihan sa konsumpsyon at iba pa.

Mahaba ang biyahe, at kailangan rin itong magtapos. Ang kagandahan lang ay mayroon na namang panibagong isyu na maidadagdag pa sa talakayan sa klase. Panitikan at media man, walang ganap na pag-unawa sa mga disiplinang ito nang hindi ipinapasok ang mahalagang historikal at panlipunang konteksto hindi lamang ng ating pagtunghay at pagbasa sa loob ng klase, maging ng ating pagiging mamamayan sa labas ng klase.

Sa Baguio, habang mabilis na naghahanda sa pagsagupa sa huling bwelo ng pagtatapos, ang familyar na konteksto ay malaganap din dito. Maraming 24/7 na establisyimento na sumeserbisyo sa mga bagong tatag na call centers. Namamayagpag pa rin ang ukay-ukay na presyong mall na rin. Ito naman talaga ang ground zero ng ukay-ukay trade. Ang sariwang gulay at prutas ay nandoon pa rin, mas malalaki at mas marami.

Iisang hangin—kahit pa malamig o mainit ito—ang ating kolektibong hinihinga at inihih