A.
para kay JM
26 Oktubre 1998, Hardin ng Rosas
Tahimik siyang dumating sa buhay, tulad ng di inaasahang regalo. Tahimik din kaya siyang aalis, na sa aking pagpikit at muling pagdilat, tanging imahen ng kanyang maamong mukha ang unti-unting naglalaho? Pinapasok niya ako sa kanyang buhay, isang bahagi man lang nito gayong sa akin, buongbuo ko siyang pinatuloy. Sana’y maalimpungatan ang panahon at makalimutan ang oras ng pag-alis. Pero sadyang ganito ang mga tahimik na pagdating. Di naalimpungatang narito’t nag-aantay na. Ayaw kong magwakas ang katahimikan at kasiyahang dulot nito, na sa unang pagkakataon ay sabayang dumating. Sabayang din aalis nang walang pamamaalam.
Pinatuloy ko siya sa panahong walang gustong tumuloy at pamandalian man lamang mamalagi. Sadyang mailap ang mga bisita, lalo na kapag umaasang may dumating. May maririnig na mga yapak, may katok sa pinto, may kaskas ng sapatos na pinupunas sa basahan, may ngiting bitbit sa bukana ng pagkakataon. Mailiap din pala ang pagnanasang manatili ang isang pinapasok—pinagkape’t pinamerienda, pinaghahanda ng hapunang maaring hindi naman makasalo. Kahit anong sandali, maaring mamaalam. Hindi mapipigilan, hindi mapapakiusapan maglaan pa ng sandali. Nararamdaman niya ang ganitong pagnanasa, at lalong napapabilis ang kanyang pagnanais makaalis at maglaho. Siya’y tila isang lumalabong nilalang, tila maglalaho anumang saglit. Mabigat mamaalam, lalo na’t walang katiyakan ang pagbabalik.
Pinapasok ko siya sa panahong gusto kong magpatuloy sa aking buhay, sa yugtong gusto kong muling mabuhay. Akala ko’y alam ko na ang lahat na dapat matutunan para mabuhay. Ito ba ang buhay? Ang magkaroon ng natatanging lakas sa pangungulila para sa isang iglap na nilalang? Bakit nangungulila gayong naririto naman siya? Bakit tiyak ang iyong paglisan? Nangungilala ako sa iyong tiyak na paglisan. Nangungilala sa sa napipinto kong muli na namang pag-iisa. Nangunguliala ako sa aking pangungulila.
Clubs. One hanggang nine, three by three ang mga hanay. Instruksyon: Gawing suma total ang 15 sa tatlo-tatlong cards—pahalang, pababa, palihis, pataas. Dalhin ang mga numero sa isang tiyak na antas. At kami’y walang kapagurang isinakatuparan ang kahilingan. Sa pagitan ng pagsasaayos ng bilang, may naisip ako. Bakit ako, tila walang katiyakan pa rin itong sinasambit na katiyakan? Matapos ng mahabang pagpupursigi, kahit ayaw namin ng ganitong bonding, ay inalay namin ang kasagutan.
Bigla-bigla’y may bagong kahilingan. Tulad ng unang batas, ang mga sumunod na hugis ang pinahulaan, may mga tiyak na kasagutan. Wala ang mga sagot sa aking utak, nakatutok sa pagresolba ng mga paulit-ulit na mga numero. Hanggang sa lamunin kami ng numero’t hugis, hanggang sa dumating ang oras na mamaalam na. Pero pinagbigyan mo kami, mamamaalam lamang matapos ng isang maagang almusalan ng sopas. Palipas-gutom, palipas-lamig sa parating na bagyo.
Umibis ka ng sasakyan, nagpasalamatan tayo sa oras na nagtagpo’t nagkasama. At nagsimula ang pangungulilang tanging ako lamang ang umuunawa. Ang regalong dumating at hindi inaasahan ay bigla ring aalis nang hindi inaasahan. Bubuntong-hininga ako nang malalim. Ang regalong hindi inaasahang dumating ay kaagd na namang naglaho. Magpapasalamat sa pagkakataon na makadaupampalad. Magpapasalamat sa mga hugis at numero. At nagsimula nang mapaang-abot sa akin ang pangungulila, tiyak ang kawalan-katiyakan.
1 Nobyembre 1998,
Narinig ko sa radyo, habang papunta sa bahay ng kapatid ko sa Welcome Rotonda dahil wala naman iba pang imbitasyong dumating. Gayong may nangakong tatawag para mag-inuman. Naalaala ko kaninang madaling-araw, habang sapilitang kitang inihahatid sa Philcoa, para kang bata sa pagbigkas ng kung ano-ano: “Magdra-drive ako hanggang…” “
Ngayong hapon, sa pagtungo ko sa Welcome, mula sa isang kanta: “All that shimeers in this world is short to fade.”
2 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas
Sa aking panaginip, madadatnan kitang nakatungo ang iyong ulo sa hita’t nag-aantay, matapos ng tatlong oras sa baitang sa hagdang pimakamalapit sa pintuan ng bahay; mapupungay ang iyong mga mata’t maamong ipapadantay ang iyong buhok at mukha sa aking kamay na kanina’y may bitbit na bag ng groseriya; hindi ka iimik, nakapikit na sinasalat ng iyong mukha ang aking palad.
Sa aking panaginip, darating ka habang lumalamig ang bagong lutong walnut brownies; magkakape tayo’t magkukuwentuhan tungkol sa kung ano-ano—mga palaisipan, mga biro, mga pasaling at patama; magkukuwentuhan tayo tungkol sa kung ano-ano maliban sa dapat sigurong pag-usapan: at lilipas ang oras na parang namalikmata lamang tayo; lilipas ang oras at hindi ka magmamadaling magpaalam.
Sa aking panaginip, yayayain mo akong tumabi’t dumantay sa iyong hapong katawan; yayakapin kita’t hahalikan na parang sanggol na nangangailangan ng pagmamahal; hahayaan mong mabasa ko ang iyong mga panaginip, mapakinggan ang alingawngaw sa tibok ng iyong puso; ako ang magmamatyag habang ikaw ay nahihimbing; iduduyan ka ng yapos at damipi ko sa mga bilog na buwan at maririkit na bituin, ng mga alon at kabibe, ng pagliliwanag matapos ng matagal at malungkot na kadiliman.
Sa aking panaginip, hahablutin mo ang aking siko para matapat ang aking labi sa iyo; hahalikan mo ako na parang wala nang bukas; sasamsamin mo ang aking likido, at ako rin naman sa iyo; hahayaan mong gabayan ng iyong dila ang lahat ng bahagi ng aking bibig, papasok sa aking kaluluwa; kikilalanin mo ako bilang ako, at ako naman, ikaw bilang ikaw—walang labis at walang kulang; maghahalikan tayo hanggang sa mamanas ang ating mga labi.
Sa aking panaginip, gigisingin mo ako isang madaling-araw; hindi ko matiyak ang iyong paanyaya, napapangiti ako bagamat may bakas ng agam-agam ang iyong maamong mukha; aayain mo akong kumain sa ating paboritong 24-hour restaurant; ikaw ang oorder ng ating paboritong almusalan; magkukuwento ka ng kung ano-ano, maliban sa talagang dapat pag-usapan; matapos ay aayain mo ako sa Sunken Garden; habang magkatapat na nakahiga sa damo, aantayin natin ang unang sinag ng araw; isang patak ng luha mo, matapos ay ang tiyak na huling pamamaalam.
Sa aking panaginip, maayos marangal at may pagmamahal ka pa rin sa paggayak at pagbigkas ng katiyakan.
Sa aking panaginip…
Payo ng Mga Ateng
2 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas
Ang Buwan: Kung kailan ka pa tumanda, saka ka pa nalulon sa ganyan. Kami naman ay dumaan diyan noong twenties pa.
Late-bloomer ako. Fourth-year college na nang malaman kong gusto kong magsulat, 25 na nang malaman kong gusto kong magturo.
Ang Buwan: Maging maliga ka na lang sa kaya niyang ialok.
Bakit umaasa pa rin ako kahit na tanggap kong wala nang sex?
Ang Buwan: Dahil may gusto ka pa ring mangyari, at iyon ay hindi niya kayang ibigay. Alam mo yon. Ayan, na-LSR ka tuloy. Di ba nawindang sa iyo ito noong bata-bata pa kayo? Pero alam niyang nasa kanya ang problema.
Ano ba ang pwede kong gawin, kung gusto kong ipagpatuloy ito?
Si Ligaia: May tatlo kang pwedeng gawin. Una, pwede kang mag-Pygmalion mode. Dalhin mo siya sa iyong mental at physical reality. Paenrolin mo sa certificate program sa Malikhaing Pagsulat o Theater Arts.
Interesado siya sa Human Kinetics.
Si Ligaia: Pwede rin yon. Basta, kailangang mahablot mo siya sa iyong realidad. Sabi nga ng isang practitioner nito, “para siyang kumakain sa iyong mga palad.” Ikalawa, pwede kang mag-Jaime Zobel mode. Dalhin mo siya sa realidad na gusto niyang tumungo. Magbakasyon kayo sa Boracay, kumain kayo sa mamahaling restaurant, mag-tripping kayo sa lugar na hindi niya mapupuntahang mag-isa. At ikatlo, mag-Joi Barrios mode ka. Padalhan mo ng home-made oats-raisin cookies, home-made bread, home-made santol jam, home-made kamias preserves; tulaan mo; bilhan mo ng vitamins at anis-anis na kailangan sa kanyang trabaho.
Pero hindi naman ako tweetums.
Ginoong Padded Shoulders: Wala kang aasahan.
Nagkikita kami sa labas ng trabaho, kahit madalang.
Ginoong Padded Shoulders: Extension of the workplace lang yon.
Gagawin niya akong ninong.
Ginoong Padded Shoulders: Dahil ikaw ay good customer na.
Ang lupit mo.
Ginoong Padded Shoulders: Dahil ako’y tunay mong kaibigan. Bakit ka ba hirap na hirap na makausap siya sa labas ng trabaho? Dahil wala naman kayong mapapag-usapan, wala ka sa mindset niya maliban sa loob ng trabaho. Mainam pa dati, talagang sexual lang ang pagpunta mo sa A. Ngayon, umaasa kang mas malalim ang inyong pinagsasamahan. Lumilikha ka ng fantasyang alam mo naman ay hindi darating.
Mr. Tsines Arreneow: Magbate ka na lang, mas maliligayahan ka pa.
Ang Multo
30 Oktubre 1998, A.
Halloween Contest. Hindi kita gustong pansinin. Hindi ka na naman tumawag. Buong araw akong nag-antay, tulad ni Godot, sa wala. Hindi
Halloween Contest. Sumayaw ang tikbalang, nakabalot ng itim na brief ang kanyang higanteng tabako. Lumabas ang mga demonyo, sutlang pula ang mga kapa. At ikaw naman ay nagtulad ng “The Crow.” Pinintahan ng puti ang mukha, itim ang pinid ng mata’t labi, tulad ng harlequin. Nahihiya ka, sa di ko mawaring dahilan. Kaya mabilis na umakyat at baba ka sa entablado. Hinampas mo ang dingding sabay sigaw.
Bigla kang tumabi dahil ninais ko, suotsuot pa rin ang make-up at costume. Biglang nagpaliwanag. Biglang nagbago ang ihip ng hangin at ako’y nanatiling nakapinid sa upuan.
Pumunta ako sa bahay ng kapatid ko sa Welcome, pinanood ang pelikula ng figura mo. Isang multong naghihiganti sa di-makatarungang pagkamatay nilang mag-irog. Anino sa dilim.
Sa pagitan ng iyong paghubad ng shorts at sando, at pag-area, patayo’t pagbabalik sa upuan; sa pagitan ng aking pag-iwas sa iyong mabigat na pagdantay, paglipat sa katapat na upuan, umalis na ang aking kaklase; sa pagitan ng mga putolputol na kwentuhan at pag-alaala, ninais kong titigan ka, ang multo sa aking buhay.
Happy Halloween, wika ng isa mong kasamahang madalas kong hindi rin pansinin.
Q & A
19 Oktubre 1998, Bahay ng Consultant
Sa di-inaasahang pagsasama-sama natin, kabilang ang iyong mga katrabaho, nagkukwentuhan tayo tungkol sa susunod na Mr. A. contest sa Disyembre. Kapiling natin, ang kasalukuyang Mr. A., nagbibigay ng ginintuang payo. “Kailangang charming ang sagot sa question-and-answer portion.”
“Ano ang tinanong sa iyo?” usisa mo.
“Ano, sa tingin mo, ang pinakamagandang bahagi ng iyong katawan, at bakit?”
Kumunot ang iyong noo. Tumingin ka sa akin. “Paano mo sasagutin ito?”
Sumikat na ang araw, hindi pa rin gising ang utak ko dahil hindi pa nga nakakatulog. Itinuro ko ang aking utak. “Hindi, paano mo sasagutin ito para sa akin.”
Nagpatuloy si Mr. A. “Higit sa lahat,” ika niya, “kumuha ng guests na magju-judge.”
Nauna ang Consultant, “Ang kilay mo. Dahil maraming napapa-oo.”
Singit ko, “Ang ngiti mo. Dahil habang lalong ipiangkakait, lalong pinagnanasaan.”
Kumunot muli ang iyong
Ang Pagkampay ng Pakpak ng Anghel
10 Oktubre 1998, Bahay ng Consultant
Unang quorum ng mga kasapi ng square table. Dalang guests sa A., ang Professor at ang Consultant. Dalang guests sa bahay mula sa A., sina Payaso at Playboy. Narito tayong lahat para siluin at lamlamin ang pagkampay ng pakpak ng anghel.
Naghanda ng mga kasangkapan. Botelya ng pag-ihip at pagsilo. Sa loob nito, tubig na pakuluan. Aluminum foils, pinino’t nirolyo para pangsilab at paningas. Inihanda ang mga munting kristal. Sinilaban sa rolyo hanggang sa maging likido. Nagpapakita na ang kumakampay na pakpak ng anghel!
Mailap ang anghel pero nalilikob pa rin ng malumanay na pasalo’t pagsilo ni Payaso, ang panungahing mangangaso ng quorum. Iniaalay sa iyong bibig ang muli’t muling pagkampay ng mga pakpak ng anghel, tigdalawang direksyon ang paninilo.
Ang pagpasok ng pakpak ng anghel ay pakikiisa sa mga hapong kaluluwa ng apat na nilalang. Ang anghel ay pumapaloob, hinahawaan ng kasiglahan ang mga nagsusumamong kaluluwang nagkakaisa ngayong gabi. May kagyat na kaginhawaang dulot, may tiyak na pangakong di napapako. At hinayaan naming saniban kami ng anghel, bawat nilalalang at ang kabuuan ng grupo.
Magaan at matikas ang kwentuhan. Bukas na bukas. Kung ano ang gustong malaman, sya ring inihahapag para mapagsaluhan. Pati ang mabigta na sama ng loob sa kanya-kanyang trabaho’y naging magaan. Masarap magkwentuhan na lumilipas ang oras, napapag-iwanan ng malgkit na kaisahan, nagtatagumpay laban sa mapanupil na panahon. Masarap magkwentuhan kapag hindi bilang na bilang ang oras ng pakakaisa, kapag handang magbigay at magpaubaya. Maraming salamat sa kalabisan, lalo na sa mundo ng kasalatan, o ang tanging labais ay ang panunupil ng isa sa isa. Sa biglang kasiglahan, nais pang muli’t muling mabuhay.
Maraming salamat, mga humpay ng pakpak ng anghel. Sa pag-iwan at pagdala mo sa amin sa isa’t isa, maraming salamat.
Karaoke Lesson 1
10 Oktubre 1998, Bahay ng Payaso sa Bulacan
Minsan ay inihatid ka namin ng Consultant sa inyong bahay sa Bulacan. Inaya mo kaming bumaba muna, akala ko’y magpapa-Coke ka dahil nanunuyo ang ating mga lalamunan sa pagsilo sa kumakampay na pakpak ng anghel. May kinalikot sa sa TV at maya-maya pa’y tumugtog na ang music mula sa karaoke machine, lumabas ang mga titik sa screen.
May boses ka pala, isip ko sabay alaala sa mga pagsabay mo sa kanta sa A. habang tine-tabel kita. Tila malulusaw ako, maligamgam ang iyong tinig. “Faithfully” na iniisip ko’y iniaalay mo sa akin. Tinitigan kita at para akong may nasilip na bago sa iyo. Marami pa talaga akong hindi alam sa iyo.
Tila malulusaw ako, dahil ganito rin ang libangan ng aking unrequitted love sa
Tumanggi ako nang ilang ulit pero mapilit ka at ang Consultant, na walang takot dahil libangan ang karaoke sa Zamboanga. Tumanggi ako dahil talagang kapag pumayag ako’y tunay na ang pagmamaliit ko sa aking sarili. Hindi naman ito hahantong sa eksena na mas magiging endearing ako sa iyo, tulad ng pagkanta ni Cameroon Diaz sa My Best Friend’s Wedding.
Dumaan ang apat na oras at ilan pang pagtatangkang malagay sa tono. Matapos ng tatlo kong pagkanta, kahit pa ako gabayan ng Consultant, wala na ngang nagtangkang alukin pa akong muli. Lumabas ako at naupo sa balkonahe, hanggang ngayon ay napakalayo pa rin sa akin ng aking boses. Parati pa rin itong estranghero sa akin, lalo’t kapag tinangka kong kumanta, lalo na para sa iyo. Pakiramdam ko’y namamatay sa ere na paro-paro, gumegewnggewang na babagsak sa lupa ang nasa loob kong pakpak ng anghel.
Karaoke Lesson 3
2 Nobyembre 1998, Karaoke Cubicle sa Shoemart
“Huwag kang mahiya. Mag-enjoy ka,” payo ni Jovita, ang co-teacher ko na kasama ng isang chorale sa university. Inaya ko siayng magkaraoke at tulungan ang aking boses na magkaroon ng porma. Pumayag naman siya pero hindi pagkatapos tanungin kung bakit. May nakilala kasi ako, sabi ko. Mahilig siyang magkaraoke at nahihiya naman ako dahil alam mo naman ang kultura ng karaoke, participatory.
“Manggagaling ang power ng boses mo sa tyan, dibdib at noo,” banggit niya, kasama ng module na inihanda niya para sa akin. “Basta, kanta ka lang nang kanta. Pagkatapos rerepasuhin natin ang isang gusto mo.”
“Kailangan talagang enseyado ka. Lahat ng kumakanta sa karaoke, alam na ang kanilang kakantahin. Performance level na lang.”
“Ngayon naman, huwag mo lang basahin ang mga salita. Mag-emote ka, kausapin mo. Teacher tayo, kaya parang nagkukwento tayo sa harap ng klase. Isipin mong nandiyan siya sa harap mo, paano mo ngayon sasabihin sa kanya ang lyrics?”
Pinakagusto ko itong huli niyang payo, magandang motivation para kumanta ng nakapagngunguyngoy na awitin. Sabi pa naman ni Jovita, magsimula ako sa ballads. At lahat ng ballads na alam ko’y tila pinipilas ang aking puso.
Karaoke Lesson 2.5
Oktubre 1998
Madalas mo akong biruin. Ikinuwento mo sa isang kasamahang tineybol ng Consultant ang pagtambay namin sa inyong bahay, ang pag-jamming sa karaoke. Sabi mo’y nahihiya at tumatanggi pa nga ako ng una, pero sumabak na rin. Sabi ko’y wala talaga akong boses, napilitan lang. Pero pinuri mo ako, “Magaling ka ngang kumanta.” Tinama kita, “Wala akong tono.” Lumapit ka sa akin, para kang may ibubulong. Nakangiti mong inulit mo ang iyong sinabi sabay rolyo ng iyong dila sa aking pisngi. Nahalayan ako. Sabi ko’y “Hindi ka nga tinigasan noong prinayveyt show kita.” At ikaw naman ang nahalayan.
Puting Maskara
21 Oktubre 1998, Pabalik sa University
Sumakay ka ng kotse, hindi pa nagsusuot ng pantaas. Sabi mo’y pinatutuyo mo pa ang putting maskarang nakapinta sa mukha mo. Kanina, pareho kayo ni James Dean na nagkaraoke na nakasuot ng facial mask. Galing ng
Sinundo natin ang Consultant. Pinagyabang ko sa kanya na nagpakadakila ka naman kaninang hapon para lamang makuha ni James ang kanyang quota ng pakpak ng anghel na ipinagkait ng iba mong kasamahan. Mainit pa naman ngayon ang mga paligid na pinaglalagian ng mga pakpak ng anghel. Pinagbilinan pa kita, huwag mong ginagagawa ang pangangalap ng pakpak ng anghel para sa iyong mga kasamahan. Pababayaan ka nila kung may mangyari sa iyo. Dumantay ang iyong kamay sa aking balikat, ang unang kusang loob mong pagsalat sa akin. Ibang-iba sa ipinayo kong pagdantay ng iyong kamay sa aking hita kapag tine-table kita. Kahit pulpol ang aking boses ay may nasabi rin palang makakapag-command ng ibang sentido. Buti na lang at kahit pulpol ag aking boses ay matalas naman ang aking sentido ng pagsalat.
Ang Imahen sa Salamin
21 Oktubre 1998, Bahay ng Payaso sa Bulacan
Tinapos na ang ikalawang sesyon ng karaoke sa inyong bahay. Pintay mo na ang TV. Kinuha mo ang barbell na hiniram mo sa Consultant. Wala kang pantaas, nagsimula mong buhatin ito patagilid. Nagtanong ka sa iyong kuya kung tama ba ang iyong ginagawa. Nanood din si James Dean na kanina pa paulit-ulit na nagsasabing payat ang kanyang katawan. Nakaharap ka sa salamanin, nakatabi ako sa salamin. Salamin, salamin, sino ang pinakamagandang lalake sa balat ng lupa?
Nakikita ko ang iyong katawan, ang kabuuan nito. Nakikita ko ang mga hugis ng iyong kalamnan. Nakikita ko ang seryoso mong mukha, maamo pa rin.
Sinapian
8 Nobyembre 1998, sa A.
Inaya ko ang Consultant na magtequila sa bahay ni Ligaia, bago pumunta sa A. Tamangtama at dumaan kami sa groseriya’t nakabili ng lemon. Sa tea cups kami nagbuhos. Masama pa rin ang loob ko, dahil kagabi lang sa A. ay may tensyon na naganap sa pagitan ko at ni Payaso. Numuka ang kanyang bibig, ninenerbyos na ipinapakiusap sa akin. Dalawang beses kong ipinaulit sa kanya, hindi ko siya maintindihan. Pagkatapos ng pangatlong pagpapaliwanag ay tumango ako. Namalayan ko na lang na umupo na siya sa tabi ng isa pang guest. Nagulat ang kasama kong Consultant pati si Taurus, ang mama-san sa A. Pinabalik ni Taurus si Payaso, tinanggihan ko ito nang papaupo na. Inutusan ulit ni Taurus, pero tinanggihan kong muli. Pumasok sa aquarium si Payaso.
Ipinaliwanag ko kanina sa Consultant, nakahanap lang ako ng butas para hindi na maging guest ni Payaso. Wala akong laban—hindi na nga ako umuubra bilang kaibigan, hindi rin ako umuubra bilang kliyente. Tama si Mr. Padded Shoulders. Hindi ko kayang tapatan ang lahat nang gustong mag-private show kay Payaso. Hindi ako nasaktan, hindi rin ako galit. Napapagod lang ako, wala akong kalabanlaban. Hindi ko na kayang pasanin ito. Nakakahapo ng damdamin, parati na lang akong waiting for Godofredo. Hindi ako makatulong nang maayos.
Naintindihan ko siya, hanapbuhay para sa kanyang baby, si M. Pero kailangan kong magsungit dahil pilay na pilay na ako sa lahat nang nagaganap na ito. Bugbog-sarado na ako, hindi ko na makakayanan pa kung ipagpapatuloy pa.
Nangangalahati ang bote, at hindi ito dahil sumasabay sa akin ang Consultant. May tumawag sa akin, ang kaibigan ko sa college na kasama ko sa Halloween Party sa A. Nagsimula na akong masapian nang kinukumusta niya ako.
Kinabukasan, tumawag sa akin ang Consultant. Nanghingi ako sa kanya ng alaala dahil lubos ang pagkakasapi sa akin. Iilan ang natira sa akin—ang madalas kong pagpunta sa banya kahit hindi ako naiihi, ang pagdantay ko sa dingding ng urinal, ang pag-iwas sa akin ng upo ni Traurus, ang pagsabi sa Payaso na “OK lang sa akin,” ang pagsabi sa akin ni Payaso na “malapit ka na palang maging birthday boy.” Naalaala ko rin ang pag-aya ng Consultant na umuwi na, dahila ang Playboy ay uumagahin na naman sa kanyang regular na guest. Naalaala ko ang sinabi ko na antayin na natin at nang makasabay mag-almusalan, pero tumanggi ang Consultant. Hindi ko naalaala ang pag-uwi, ang pagmaneho sa kotse sa daan papunta sa housing.
Binigyan ako ng Consultant ng alaala. Pagsakay pa lang ng kotse’y umiiyak na ako, na para akong dadalhin sa kinatatakutang doktor. Nabura ang aking make-up at mascarra, tukso ng Consultant. Sa A. ay inakala nang lahat na badtrip ako, na totoo naman. Pero inisp daw ng mga tao na nagtsongki ako. Natakot sa akin si Taurus kaya tumabi sa Consultant. Matapos ang isang oras ay ipinatawag ko kay Taurus si Payaso. Gusto ko siyang kausapin ng seryoso pero ang nasabi ko lang ay “OK lang sa akin.” Patulog-gising ako sa aking upuan hanggang sa kuhanin ni Consultant ang bill at mag-ayang umuwi, hanggang sa kuhanin ni Taurus si Payaso para mag-private show. Ok lang sa akin, isip-isip ko bago umalis ng A.
Paggising ko’y maaliwalas ang kapaligiran kahit pa may hang-over. Paggising ko’y magaan ang aking pakiramdam kahit walang alaala sa naganap. Sinapian na ako ng aking sarili.
Bula at Tutubi
10 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas
Noong bata pa ako, madalas maging libangan ang paggawa ng bula. Sa isang tabo, pipitpitin ang buko ng gumamela, lalagyan ng tide at tubig, at hahaluin. Mula sa tingting ng dahon ng buko, gagawa ng panilo. Isasawsaw ang tingting sa tabo, iwawagayway sa ere, at maglilipana at magliliparan ang mga bula. Maliliit, malalaki, magkakasalikop, mag-iisa. Bawat isa’y may balat ng bahaghari, bawat isa’y tumatanaw sa mundong kanilang pinapailanlangan, kahit sandali lamang. Bawat isa’y salamin ng munting mundong nagaganp sa ibaba-mag-isang bata na nakatingala sa mga pumapailanlang na bula. Sa isang iglap, isa-isang maglalaho ang mga bula. May sasayad sa lupa, may matitinik sa bogamvilla, may dadantay sa puno’t alambre. At muli’t muling isasawsaw ang tingting sa tabo, iwawagayway sa ere, at maglilipana at magliliparan muli’t muli ang mga bula.
Noong bata pa ako, na hindi ko na nakikita ngayon sa Maynila, madalas maglipana ang mga kawan ng tutubi tuwing tila bago umulan. Papasok ako sa gitna ng kawan, iaangat ang mga kamay, ikakampay. Pero wala ni isa ang dadapo sa akin. Patuloy ang paroon at parito ng mga gintong tutubi, walang kapaguran. Tatangkain kong manghuli ng tutubi. At sa bawat makulong sa aking mga palad, isasawsaw ko ang mga pakpak sa lata ng tubig. Gagapang ang tutubi hanggang sa matuyo ang pakpak, muling sasabay sa kahiluhan ng kawan. Kahit pa tila magulo ang paroon at parito, walang nagkakabanggaan. Tiyak ang direksyon ng bawat isa; gayunpaman, tiyak din ang kaisahan sa loob ng kawan. Hanggang sa ako ang magsawa o tuluyan nang bumuhos ang ulan, saka lamang maglalaho ang mga tutubi. Gumagapang kaya sila sa lupa sa pagkabasa ng kanilang mga pakpak?
Ngayong matanda na ako, wala na ang mga bulang tumatanaw sa akin, lalo pa sa kalungkutan ng pag-iisa. Ako ay nakapaloob na sa bulang nakatanaw sa malapit na kinaroroonan. Ako na ang basangbasang tutubing nakasayad sa lupa.
Pilay at Bugbog
10 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas
Minsa’y ako’y nagising mula sa linggo’t gaing di magkandaugapay ang aking katawan at kaluluwa sa ritwal ng araw-araw na pamumuhay na magaangaan, kahit papaano, ang pakiramdam. Matagal akong nabugbog ng aking sarili at ng imahen ng Payaso. Marami akong nararamdamang pasa sa aking katawan, kulay pula, asul at itim pa nga kahit di ko nakikita. Namamalayan kong nanghihina ako, mabigat ang pakiramdam, hindi makaurong, hindi makasulong. Nararamdaman kong nawawala na ang aking sarili sa bawat paglatay ng di mapapapantayang pag-aasam-asam sa isang lubhang napakailap na imahen. Ewan ko kung bakit ko hinahayaan bugbugin ako ng imahen. Ang pagdantay ng kanyang kamay sa balikat? Bakit nagiging sapat na itong una’t huling pagsalat sa aking mga pasa?
Tila ao ang bolitas sa may ulo ng kanyang titi, hindi naman ako ang hinihimas ay ginawa ko namang misyon na paligayahin siya. Na sa buong katawan niya’y mayroong isang dayong bagay, mula sa labas na hinayaan din niyang makapasok at makaangkin sa kanya.
Karaoke Lesson 4
10 Nobyembre 1998, Family KTV
Gusto ni Playboy ang kulungang ito. Sabi niya, maari kang magwala nang walang pakialam sa mundo. At tulad ng siyam sa sampung Filipino, maganda at hasa ang boses ni Playboy para sa karaoke.
Umorder si Playboy ng Wengweng para sa kanyang sarili, ako’y nag-beer. Pareho kaming pinatikim ni Playboy ng kanyang inumin, “Lasang cough syrup, di ba? Cherry flavored.” At naalaala ko ang biro sa kanya sa A. noong nagsisimula pa laamng siya at nalulon sa cough syrup.
May quorum na naman. Tatlo kami. Bagamat nagtangka ang Consultant na magsama pa ng dalawa, ang Payaso at si Minotaur, na sa huling sandali ng tagpuan ay hindi nagpakita. Pumasok ang dalawa sa A. habang nagtagpo ang Consultant at Playboy sa Jollibee Philcoa. Si Payaso naman ang nangumbinsi kay Playboy na sumama at sorpresahin ako sa bisperas ng aking birthday.
Unang Panaginip
9 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas
Sa kauna-unahang pagkakataon ay napanaginipan kita. Tila nasa loob tayo ng isang pelikula ni Fellini, magulo at sobra ang lahat. Hindi ikaw ang unang imahen sa aking panaginip. May shooting ng pelikula, si Gardo Verzosa’y nakahubad, nakabraid ang bulbol, parang gothikong mukha ng demonyo. Gayon din ang kanyang costume, may pulang sungay at kapa. Tulad ng mga nagsayaw sa A. noong Halloween. Mula sa bukana ng isang bahay ay pumasok sila, gayon din ako. Umupo ako sa bilog na mesa, tulad ng mesa ni Ligaia sa kanyang bahay sa Hardin ng Rosas, kasama ang kapatid mo, si X-man. Kinausap niya ako, hindi ko naintindihan ang kanyang sinasabi. Bigla kang pumapasok, susuraysuray, parang lasing. Suot mo ang iyong itim na skimpy at silk dancing costume, yung mesh ang likuran at nakikita ang mapuputing pisngi at hiwa ng pwet mo. Bigla kang umupo sa tabi ko, kukurapkurap na humarap mula sa pagkatungo. Bagsak ang buhok mo sa harapan. Pero sa kauna-unahang pagkakataon ay nakito ko ang imahen na nilikha ko—ikaw na may pinakamaamong mga mata’t labi, ikaw na may pinakamagandang mukha, para sa akin. Ganito pala kita nilikha, ganito kita aalahanin sa tago kong alaala, sa pagitan ng pag-aalumpihit sa pagkatulog at pagkakagising.
Payo ng Isa Pang Ateng
15 Nobyembre 1998, Cyberspace
Georgie Girl: If the man is a jerk and doesn’t share your feelings, shit, drop the fucker. You may not believe this but you are NOT small potatoes. You’re handsome (well, when you dress up; not the tibak look you sometimes revert to), smart and successful in your academic career. Don’t settle for anything less. It isn’t love when there is no respect, no affection. End of sermon.
Payo ni Ateng
17 Nobyembre 1998, Chocolate Kiss
Matapos ang talakayan hingil sa iyong planong gawing disertasyon, tungkol sa improbisasyon sa kasaysayang panteatro, partikular sa panahon ng seditious plays ng 1900s at ng protestang dulaan noong martial law…
Ateng: Humanda kang magsugal, manalo’t matalo.
Ang suyuan at pag-ibigan ay power polay, isang laro na kailangang kalkulado mo ang iyong sarili, kontrolado mo ang laro, pati na ang iyong pinipintuho.
Kung ano lang ang kaya, maging masaya
Paano?
Parang isang binibitag na ibon. Akala nang ibon ay siya ang nakatuklas ng mga nakahilerang butong iyong inilagay sa kanyang direksyon, hindi niya namamalayan kung saan ito patungo. Tanging ikaw lamang.
Kung baga, sinusuyo ka sa paraang gusto mong suyuin ka na tila siya ang sumusuyo, pero hindi.
Gusto ko pang magsugal.
Maging generous ka sa sarili mo. Huwag kang tuluyang palusaw sa kanya. Ipasok mo ang sarili mong pinanggagalingan sa inyong talakayan. Huwag lamang kung ano ang gusto niya. Isama mo ang sarili mo sa larawang ninanasaan.
Bigyan mo ng motivation kung bakit gagawin niya ang mga bagay na gusto mo. Lagyan ng surprises. Alukin mong ipapakita sa kanya ang iyong koleksyon pagbisita niya sa bahay mo. Ano ba ang hilig niya?
(Patlang.) Hindi ko alam. (Matatawa.)
Pinakamadali pa nang hiwalayan siya. Mababaliw ka lang ng dalawang linggo, isang buwan, tapos na.
Suyuin mo, i-explore mo kung saan ka dadalhin nitong relasyon.
Magpasuyo ka rin. Windangin mo rin. Laging walang katiyakan sa kanya. Panghawakan mo ang mga alas mo.
Kahit kayo na, kung sakali man, magligawan pa rin kayo. Ipagtapat mo sa kanya ang iyong fasinasyon sa ibang tao para on-his-toes din siya. Kapag siya naman ang magsasabi nang ganito, ipamukha mo ang mawawala sa kanya kung sakali.
Kung sakali.
Kahit pa siya may ka-live-in. Huwag mong isarado ang posibilidad. Huwag mong tanggalin ang sex sa larawan. Bakit ka pa naglalaro?
Kwento ni Ateng
17 Nobyembre 1998, Chocolate Kiss
Gusto ko lamang, pagkatapos ng lahat nang ito, na masabi niya sa akin na naging mahalagang tao ako sa buhay niya. Kahit sa isang panahon lang.
Kaya gusto ko pang magsugal. Handa akong lumubog pa para sa pangako ng pagdating ng isang panahon ng katubusan.
At handa ka rin dapat tumigil kapag alam mong patalunan ka pa lamang.
No comments:
Post a Comment