Friday, November 03, 2006

Kulay (short story)

Kulay

para kay Chicken Shit

1. Maroon na Kotse

Bawat maroon na kotseng dumaraan ay napapalingon ako. Ang dami palang maroon na kotse rito! May maroon na Honba, may maroon na Toyota, may maroon na Mitsubishi. Pero tiyak kong hindi maroon na Kia o maroon na Benz. Napakaraming maroon na kotse sa isang university na may loyalty sa maroon na kulay.

Four o three ba ang dulo ng iyong plate number, hindi ko na maalaala. Pero hindi naman ito ang kaagad kong nakikita. Maraming mga maroon na kotse, pakaliwa’t pakanan, umaarangkada’t bumabagal, luma’t bago. Walang diperensya, lahat sila’y nagpapaalaala sa akin.

Sa ilalim nitong acacia lane sa university oval, naglalakad akong mag-isa. Papagabi na’t paratihang umaasa na makita ang iyong kotse. At kapag nakita naman, di ko naman alam ang gagawin. Pero kahit kailan, hindi ko pa natatanaw ang iyong maroon nakotse. O baka naman, nalalampasan na lamang ako. Kaya paratihan, patanawtanaw pa rin sa lahat ng maroon na kotseng naligaw, napadayo’t nanunundo rito. Nakakabalaho ang pagtingin at pag-aantay.

Sa isip ko, mayroon din namang maroon na kotseng sumasabog, maroon na kotseng nasusunog, maroon na kotseng kina-carnap, maroon na kotseng naglalaho na lamang na parang bula.

Ako’y muli’t muling titingin pa rin. Dahil nga baka ito ang maroon na kotse sa dinamirami ng maroon na kotse. Baka ito ang higit na maroon na kotse. O dahil nga ang maroon na kotse ay isang maroon na kotse lamang.

2. Dilaw na Bubuyog

Wala kang tanong, kaagad ka pang sumagot nang “oo.” Nanood tayo ng Rama Hari sa Cultural Center of the Philippines. Habang naghihintay ng palabas, ipinakilala kita sa kasamahan ko sa Ateneo, sina Beni, Danny, Jonathan, Jerry, Mel, Kalon at Mrs. Quetua. Hindi ko alam kung natuwa ka naman sa palabas. Pero hindi mo ipinakitang inaantok ka. Komportable ka naman, katabi nina Glecy at Ginebra, at tanaw sina Nic at Pete. Nang nakipagdigma si Rama, kasama ng mga kaalyadong unggoy, natuwa naman tayo sa movements at costumes.

Sa ten-minute break, habang naninigarilyo ka sa driveway ramp ng CCP, tanaw ang higanteng fountain, may lumapit sa aking babaeng kakilala. Nanghingi siya ng sigarilyo sa iyo. At nag-pour out ito ng kanyang probelma sa lover. Tumunog ang chime sa lobby, patapos na ang break. Papasok ay sinabi ko sa iyong hindi ko naman ka-close ang babae. At ang tinutukoy niyang lover ay isang babae rin. Tinanong ko kung nagulat ka. At tila natuwa ka sa posibilidad ng iba pang mundo.

Natapos ang palabas. May reception sa third floor. Inaya kita para batiin si Nic, ang librettist ng performance at iya ring nagbigay ng compli tickets sa atin. Wala si Nic sa itaas, kaya habang naghihintay ay uminom na lang tayo ng red wine at tumikim ng ilang pika-pika. Nakasandal ka sa poste, tila hindi ka kumportable habang tinatanaw ka ng mga bakla at iba pang tao. Nang tila hindi na darating si Nic ay inaya na kitang bumaba. Sabi mo kasi’y baka may maaga ka pang lakad bukas.

Pababa ay nagkita tayo ng mga taga-Ateneo, tinang kung paalis na tayo. Pababa ay nakita ko si Nic na naninigarilyo sa labas ng lobby. Sabi ko sa iyo’y sandali lang at babatiin ko. Kinamayan ko si Nic, nag-congratulate at nagpasalamat sa kanya. Tinanong niya kung kanino napunta ang extra-ticket kong hiningi. Lumingon ako’t itinuro kita. Lumapit ka nang kawayan kita. Tila wala naman sa iyo. Nagpasalamat ka kay Nic. At ako namay kay Badong, ang production designer. Dahil paisa-isa lang ang salita at conversation skills ni Badong, naubos ang aming pleasantries. Pareho na kaming nakatanaw sa tila animated ninyong usapan ni Nic.

Patungo sa sasakyan ay tila naman sincere ang pasasalamat mo sa pag-imbita sa iyo. Inihatid kita sa inyo at ako ay tumungo sa aking bahay sa Quezon City. Tila naman maganda ang naging gabi, kahit na gusto pa sanang pahabain.

Tila naman, tila maganda pa sa Jollibee na may katiyakan ang lahat ng produkto sa lahat ng branch sa lahat ng lugar nito sa mundo. At nakakaumay ang mga katiyakang ganito, tulad ng katiyakan ng walang katiyakan sa iyo.

3. Abong Syudad

Dati’y tinatanaw ang kagandahan ng kaunlaran at modernong syudad. Ilang beses pa lang akong napapadaan sa highway paakyat ng Antipolo. Sa may original na Padi’s Point, tanaw ang syudad, nababalutan ng abong hangin. Ang may Ortigas Center ay parang relic ng naunang sibilisasyon. Habang papalayo ang tingin, lalong lumalabo ang kapaligiran. Nagmimistulang abo ang dakong paroon. Abo rin ang kulay ng ubod ng syudad, habang tumataas ang tingin, may kalinawagang unti-unting natatamo. Nagsasalising kulay asul at puti ang langit kapag araw, at kulay itim kapag dilim. Tanging ang ilaw ang bahabahagi ng syudad ang nagbibigay ng artifisyal na liwanag sa kapaligiran. Hindi para makita ang paligid, pero para matanto ang lawak at sakop nito.

Sa aking pagtanaw rito sa Antipolo, walang tao ang syudad. Tila walang laman ang loob ng mga struktura gayong alam nating may anim na milyong katawan ang kumikilos dito sa syudad. Nagkakadaupampalad sa isang iglap. At sa ibang iglap, kagyat na nagpapaalam.

Narito ako ngayon at nakatanaw sa syudad, at naalaala ko rin kung paano kita nakikita noong unang panahon. Hindi ba’t para ka ring aparisyon ng sinauna? Minsan, sa isang maikling panahon, nagbigay-pag-asa sa monotonomiya ng karahasan sa abong kapaligiran. Pero ang aking nakaligtaan ay ikaw ay ikaw dahil sa abong nakabalot sa paligid. Hindi ikaw ang pag-asa, hindi ikaw ang katubusan. Ikaw at ang kapaligiran ay magkabahagi. Ikaw ay nabahiran na, kundi man nasaniban na, ng itim mula sa paligid sa iyong budhi. Ikaw ay sumasamsam ng lakas mula sa abo. Gayundin, ang abo ay sumasamsam ng lakas mula sa taong katulad mo. Kahit manakanaka’y marami pa rin kayong naglipana rito sa lupa ng abang abong syudad. Nakatungtong nang hindi sumasayad ang talampakan sa lupa. Iba na ang anak ng diyos.

At para akong sugo na walang kapanalig. Tanging ako ang nakakakita nito sa iyo. Nakakatuwa kang tao pero hindi ka naging mabuti sa akin. Ako, mag-isa, ang nakatanghod sa malapit na distansya nitong abong syudad. Ikaw, at ang mga tulad mo sa kapatiran at konfradia, ang pumapailanlang naman sa ubod nito. Ano ang natatanaw ninyo mula diyan, na sa akin ay sa dakong paroon, dito?

No comments: