Mapagpalayang hapon sa ating lahat.
Ang Publikasyong-Iglap ay kinonseptwalisa ng kagurong si Joi Barrios na ngayo’y itago na lang natin sa pangalang Gng. Josephine Leblanc, dakilang maybahay sa
Ngayong hapon ay dalawa pa ang ipinagmamalaking madaragdag sa serye, pawang may inobasyon sa pagpapabuti ng Publikasyong Iglap. Naglahok ng pormang kritikal na sanaysay para sa Kontra-Gahum na nagbibigay-diin sa napakahalagang papel ng akademiko sa paglilinaw ng mga disiplina at interdisiplinang lapit sa paglaban sa politikal na pagpaslang. Naglahok naman ng pormang kwento para sa Subverso na pumapaksa naman hinggil sa pakikibaka laban sa politikal na pandarahas ng rehimeng Arroyo.
Kung sisipatin ang mga bagong guro at manunulat na lumahok sa dalawang proyekto, masasabing lumalawak ang ating hanay. Mas marami ang gustong magdagdag ng kanilang tinig sa karumaldumal na kaganapan sa ating kasalukuyang kolektibong karanasan sa rehimeng Arroyo.
Ang dalawang karagdagang libro ay inihahandog sa kulang na 800 biktima ng politikal na pagpaslang ng estado. Sa kanilang alaala at sa patuloy na pakikibaka ng kanilang mga kapamilya, kaibigan at kasama iniaalay ang paglulunsad ngayong hapon.
Sinabi na ni Pilosopo Tasyo ang rasyonal kung bakit ginagawa ang ginagawa natin, para masabing “hindi lahat ay natulog sa magdamag.” Marami ang nanatiling gising, nababahala at napapasulat, kundi man, nag-aaral at nagpupulong, naglulusad ng mga taktikang pagkilos, nagsusuma, nagtatasa, o nagpupuna sa sarili.
Mahalaga ang papel ng guro at manunulat bilang kaisang-hanay sa intelektwal na gawain. Inilalapit ng guro sa mga estudyante ng kanyang klasrum ang mga karanasan politikal ng nakikibakang mamamayan, kung bakit pinapaslang ang mga pinapaslang, kung bakit ipinagpapatuloy ang pakikibaka kahit na napakaraming pinapapaslang. Kaya may teacher’s guide ang mga libro ng Publikasyong Iglap, nagmumungkahi ng lapit sa pagtuturo ng mga panitikan hinggil sa politika ng pagbabago.
Ang manunulat naman ay mas kumplikadong nilalang. Mag-isa siyang nagtitika ng kanyang akda, at kalimitan ay bitbit ang burgis na pananaw hinggil sa mga politikal na karanasan. Ang ipinagkaiba, wish ko lang, ay pinaglimian di lamang ng mga manunulat ang kanilang mga talinhaga at mga salitang ginamit
Ang CONTEND ay grupo ng progresibong akademiko rito sa UP, kasapi ng Alliance of Concerned Teachers. Nilalayon ng mga libro na hindi lamang manimbang hinggil sa kaangkupan ng pagsusuri at pagkamalikhain sa politika ng akda, kundi bilang pagtataya, hindi man buhay, sa giyerang intelektwal na nagaganap sa akademya. Kasama rito ang pagbabato ng mga itlog sa bugok at pag-heckle sa mga galamay ng rehimen. Marami sa mas malaking hanay ng guro sa UP ay naging buruktrata ng mga nauna’t kasalukuyang rehimen, tinubigang gaas ng mga think-tank ng rehimen para rasyonalisahin ang pasismo at neoliberalismo nito, at ang iba ang kasamang nangliligwak sa Kaliwa na tila mayroon pinauusbong na bagong kilusang masa kahit wala naman.
Patuloy na tataya ang CONTEND sa pagigiit hindi lamang ng usaping disiplinal sa akademya kundi ng paggigiit ng mapagpalayang posisyon bilang tampok na diwa kung bakit kami nagtuturo at nanghihimok ng pakiisa sa mas malaking hanay ng kilusang masa.
Nagpapasalamat kami sa mga kapwa akademiko at manunulat na nakitaya, kasama ng Ibon Publishing at ACT, at sa mga kasama at bisita, kaguro at kamag-aaral sa pakikibaka. Naituro na sa atin ng kasaysayan ang aral ngayong hapon, humayo at magparami; tibayan ang hanay, gapiin ang kaaway; hanggang sa tagumpay ng tunay na kalayaan! Mabuhay tayong lahat.
No comments:
Post a Comment