imahen mula sa www.hiraya.com/collections/
Mahika ng Paggawa
Sa kapitalismo, binubura ang napakahalagang lahok ng paggawa sa transformasyon ng hilaw na materyales—mga bagay—tungo sa pagiging komoditi nito. Nawawala ang paggawa sa pagtunghay, resepsyon at konsumpsyon ng komoditi.
Pumapasok tayo sa loob ng mall, kahit pa may gumagawa pa sa outlet ng bagong tenant, na parang biglaan na lamang nagawa ang strukturang magbibigay-espasyo para sa libangan na malling. Kumakain tayo ng instant pansit kanton, pati ng sardinas, at maaring sumaglit ang idea ng pasasalamat sa tumuklas sa at may-ari ng mga produkto sa pagbibigay ng mabilisang pamatid-gutom, o kung paano naisiksik ang anim na pirasong isdang wala nang ulo at buntot sa maliit na bilog na lata.
Hindi sumasagi ang bisig ng manggagawa, at ang panganib na maputulan ng mga daliri, kundi man ng buong braso sa bawat pagpapadaloy ng mga pakete ng instant noodles sa mainit na makina, o ang peligro ng pangingisda sa gitna ng karagatan, lalo na sa panahon ng tag-ulan at bagyo. Sa transformasyon ng mga hilaw na materyales tungo sa final na yugto ng pag-unlad ng bagay—ang komoditi—naglalaho ang paggawa.
May inverse na relasyon ang paggawa at komoditi. Nilulusaw ng huli ang una, gayong ang una ang lumikha ng huli. Ang huli ay mamamayani para sa ganansya na ng kapitalista. Kaya kahit magkandahulog pa ang mga manggagawang nagpipinta sa mall mula sa scaffolding, lamunin ng higanteng vat na limulusaw ng dyaryong gagawing recycled paper, at humina ang mga mata at baga sa pagsunog ng micro chip ng computer, pati sa pananahi ng Barbie doll, pinapaglaho na ang manggagawa sa akto ng palikha pa lamang.
Nawawala na sila sa guni-guni ng produkto (katapusang asembleya ng hilaw na materyales) at komoditi (ang isa pang transformasyon, sa pangunahin ay advertising at public relations, na ang produkto ay kayang ipagbili lampasan sa aktwal na halaga). Ang produkto ay nawawala sa abot-kamay abot-tanaw ng manggagawa: hindi nila mabibili ang kanilang nililikha. Walang peon na makakatira sa condo na kanyang itinayo. Walang babaeng manggagawa ang makakabili ng sweatshirt na kanyang tinahi. O kung makakabili man siya ng Ligo, mabibili niya ito, tulad ng ibang mamimili at kahit pa may diswkento, bilang komoditi na.
Mismong ang kalakaran sa paggawa ay inihihiwalay na ang manggagawa sa kanyang paggawa. Sa proseso ng produksyon—ang assembly line na ang manggagawa ay gumagawa lamang ng partikular na aspekto ng trabaho sa kabuuang transformasyon ng materyales sa pagiging produkto—ay nakakapagtanaw sa manggagawa sa makitid na aspekto lamang ng kanyang paggawa, hindi ang kabuuan ng proseso.
Pinabibigat pa ito ng quota system at mababang sahod. Ikaw ba naman ang manahi ng X-na bilang ng zipper sa pantalon, maglusaw para sa circuit 123 ng lahat ng chips na lumalabas sa pabrika, o mag-quality control ng mga himulmol sa damit, ano ang kontribusyon nito sa pagkatao ng manggagawa?
Ang sahod ay pinanatiling kakarurampot, halos nakakasapat lamang para muling makabalik sa pabrika ang manggagawa at muling makapagtrabaho. Hindi aksidente ito. Sinasadya talaga ito dahil sa transformasyon ng materyales sa komoditi, di lamang ginagawang incidental, isang historikal na aksidente lamang ang manggagawa: sa isang banda, na dahil nga pinaglalaho ito sa produksyon at konsumpsyon, paano hihiling ng mas mataas na sweldo gayong nalikha na silang hindi kaugnay sa komoditi; at sa kabilang banda, na parang walang nang choice ang kapitalista dahil hindi naman kusang magiging hamburger patty at chicken nuggets ang mga materyales nang walang interbensyon ng manggagawa, kaya hindi rin mahika ang pagsulpot at paglaho ng mga ito?
At sa pamamagitan ng advertising at public relations, nagiging dobleng invisible ang manggagawa. Maiisip ba ang sexualidad ng mananahi ng Bench underwear sa taunang parada ng naka-brief at panty na modelo, pagtingin sa higanteng billboards sa EDSA, o sa pagtunghay sa may-ari nito? Ang tanging nananatili ay ang pagiging purong komoditi ng materyales, at kahit man dito—sa garter, sinulid at tela—ay walang paggunita sa mga manggagawa.
Lalo pang napapalaho ang paggawa sa estado ng neoliberal na globalisasyon. Katawagan rito ay flexible labor, subcontractuals at “endo” (end of contract), na inilalahok ang mga manggagawa, sa partikular ang kabataan, sa serye ng anim na buwang kontrata. Na sa aktwal ay maaring tatlo hanggang limang buwan lamang dahil walang intensyong buuin ang anim na buwan at bigyan ang nagtratrabaho ng lehitimong status ng “manggagawa” na may kaakibat na karapatan at benefisyo.
Sa katunayan, hindi itinuturing na lubos na manggagawa ang subcontractuals na may karapatang mag-organisa dahil sila ay trainees pa lamang. Nilikha ng estado ang bagong variety ng invisibilidad ng paggawa: sa simula pa lamang na pumasok sila sa pabrika, opisina at outlet, hindi na sila lehitimong kalahok sa produksyon at konsumpsyon. Mas lalo silang maaring dustain.
Ito ang mahika ng kapitalismo sa paggawa. Ang hindi isinasaad sa naratibo ng kapitalismo ay ang sariling mahika ng manggagawa: na may kapangyarihan itong mag-organisa at magmulat para sa proletaryado (kontra-kapitalistang estado) na adhikain. Ang kapangyarihang ito ang nakakapagkimi sa kapitalista at estado na kaya nga sa lahat ng pagkakataon ay dinudusta ang manggagawa.
Dahil nga ang manggagawa ay may kapangyarihan di lamang ng transformasyon ng indibidwal at sektoral na abang lagay sa pabrika, maging ng transformasyong panlipunan. Kapag namulat ang manggagawa, buhay-at-kamatayan ang diwang magpapasulong ng proletaryadong kaisipan at pagkilos. At sa pagpapalakas ng kanilang hanay, kasama ang bulto ng iba pang anakpawis at intelektwal, ang mahika nila ay ang kapasidad na ibaling ang daloy ng kasaysayan.
Mula sa mahabang kasaysayan ng pang-aapi at pandudusta, tungo sa kasaysayan ng paglaya at pagtataguyod ng mapagpalayang lipunan.
Maligayang araw ng paggawa!
3 comments:
Isang Patak ng Apoy
Pssst!
Sapagkat kayo ang target kong mambabasa, sino pa ang aking susutsutan?
Kayo, mga makata. Mga manunulat. Mga kritiko. Mga intelektwal!
Para ding pamamalakaya ang pagsulat.
Pero ang style ko’y bago - hindi bulok.
Kaiba sa sinauna’t nakamihasnang paraan ng pangingisda.
Ang sistema ko’y kabaligtaran ng pagbabaka-sakali.
Hindi bingwit o lambat ang gamit ko. Bakit mag-aabang ng lapulapu na kakagat sa pain o dilis na kusang sisilong sa ilaw ng basnig – Sayang kahit saglit na pagtunganga, kisap-mata lang ang buhay. Maging superyor ang pakiramdam sa ibabaw ng higanteng mga alon.
Gusto kong tapakan ang kapangitan ng buwan.
2
Totoo, ang lunggati ko’y superyor na pag-iisip at damdamin. Kailangan kong magdeklara ng gyera laban sa pag-aakala. Ang misyon ko’y salakayin kayong mga tagapagpalala ng kamangmangan. Hindi ko dudumihan ang aking kamay. Hindi ako pisikal na marahas. Ngunit ibubulgar ko ang inyong mga krimen. Aatake ako para iparamdam nang maaga na mas maaga o mas kulelat ninyong kamatayan. Sariling pakikidigma ko ito laban sa mga walang kaluluwa.
Ang tototo, kung hindi lang kayo nagsulat, hindi na importante kung huwad o orihinal ang inyong birth certificate. Ngunit malaki ang nagawa ninyong kasalanan. Kahit itinuturing kong kayo’y patay na at depektado ang pagkatao bago pa isilang. Kailangan kong ibulgar ang may kagagawan ng polusyon at krimen sa kultura. Kung hindi nga lang kayo nagsulat, wala kayong kasalanan pagkat patay na nga kayo bago pa isilang.
Ang maaari ko lamang ipagmagandang loob sa inyo bilang kaaway ay sabihing sa alinmang digmaan, dalawa ang makapangyarihang Hukom. Sa panig ko, nakapagdesisyon na akong mag-isa.
Sa kabilang panig, alam kong matagal ang proseso ng pagdidesisyon. Pagtatalunan ninyo ang imposible – consensus – iyan ang pantasya ng organisasyon. Magbigayan, magpakisamahan, magdeadmahan, magsa-alang-alang, na ang ibig sabihin ay kabaligtaran ng magpakatotoo, madalas na pagpaparty at kalimitang nauuwi sa kalmutan sa likod. Dito’y tiyak na maiintindihan ninyo ako liban na lang kung bigla kayong magkaamnesiya at di na makabasa: ‘Kabaliwan na magpakatotoo ang isang indibidwal sa loob ng grupo.’ Sa anu’t anuman, gagapiin ko ang inyong panig. Magkaroon man kayo ng hukom na imposibleng maging tunay - tatawagin ko siyang Hukom Komikero.
Ngunit bukas din ako sa katotohanang magbubunga ng positibo ang larangan ng mahayap na digmaan. Komikero o seryoso man ang hukom hindi ako magtataka kung pumanig siya sa kanyang kalaban. Ang superior na hukom, bago mapahamak ang buhay o kahit niya ikamatay ay kakayanin niyang lumalagda sa isang papel ng pagsuko bilang sarili niyang paghatol na nagkamali ang kanyang panig. Gagawin nga niya ito sukdang kanyang ikamatay, para sa kaluwalhatian naman ang kanyang kaluluwa.
Na hindi gagawin ng mga walang kaluluwa.
3
Bagama’t nakakaamoy ako ng kaguluhan mula sa iisang panig ng napakaraming kaaway, paninindigan kong hindi ako mangungumbinsi isa man ng kakampi. Ni hindi ko kakampihan kahit ang sarili. Sapagkat hindi ako kunsintidor ng katangahan. Lalong magpapalakas sa akin kung sasabuyan ako’t matitilamsikan sa bibig ng lasong pinagtatampisawan ng mga ketongin. Lalabas na kakapusan ko ng sariling pagkukuro ang pag-asam na meron kahit isang lukolukong susuko sa tinatarget kong kaaway. Sapagkat namulat na sila’t tumanda sa kultura ng pagpapaimbabaw, nawalan ng kapasidad na umamin ng mga taglay-taglay na kamangmangan sa buhay.
Inuulit ko, pinaninindigan kong hindi ko kakampihan ang sarili. Pagkat ipapahamak rin ako ng sariling kahinaan. Mapanganib kahit mumunting katangahan.
Maraming nagpapanggap na mamamalakayang hindi marunong lumangoy, maraming dahil sa takot sa mikrobyo ay naririmarim mabasa ng tubig ang sakong.
Nangangamba silang baka kapitan ng kalawang ang kuko sa paa gayong inaalipunga na ang kanilang utak. Na ipinahihiwatig sa kanilang mga sulatin ngunit itinuturing nilang magaling. Sino ba naman ang nakaamoy na mapanghi ang sariling pundya?
Kaya marami sa loob at labas ng akademya ang nalulunod sa isang kutsaritang ihi ng palaka.
Ngunit hindi ako.
Kaya kong lagukin ang isang bilyong taong tag-ulan.
4
Sa laot, kapag nambubulag ang ulang walang puknat, pareho lang ang pagkapa sa direksyon ng paglalayag sa araw o gabing walang masisilip kahit isang bituin. At ang tiyak lamang na maaasahang makapagtuturo ng wastong oryentasyon sa patutunguhan ay ang pagkakabatid kung saan nagmumula ang ihip ng hangin. Kaya nga bawat saglit, pinagdududahan ko nang tahimik - buong katapatang binabantayan ang galaw ng simoy - na parang babaing may reglang naglalayag – tulad niya, ang hangi’y sumpungin at maaaring taksil - ngunit ipinapasa ang inaakalang imoral at kasalanan sa patetikong salitang pag-ibig.
5
Ang hangin, gusto kong pagbintangang ayaw pasakop sa batas ng kalikasan gaya ng babae. Walang dudang may sandaling kapwa sila mas makapangyarihan kaysa pinagkawing na puwersa ng diyos at demonyo.
Sumasanib sa katawan ni babae ang ispirito ni Salome, sa algoritmo ng kanyang fertilidad, natataranta siyang parang naglalanding kambing o mabalasik na diwatang pakunwaring nasusuklam sa rapist o mandarambong. Nagkukunwaring pinaglalahuan at salit-salitang pinagsasaulan ng lakas para masawata o di masawata ang kanyang laman at ispiritong naghahagilap ng katalik. Kasinlibog ng lindol at ipagkakamaling poot ng diyos sa imoralidad at nagbabanta sa tao ng pagkagunaw ng mundo. Kaya kapuri-puri si Salome – kung paano siya nananatiling babae at may superyor na pakiramdam bilang higit sa isang tao’t kalahati - tulad nga siya ng namumuong hangin - ipuipo na umaaligid sa simboryo ng mapagkumbabaw na moralidad ng simbahang Kristyano.
6
Nagtatawa ba kayo? Kung ako ang unang makatang nagsasabi na ang babae ay higit sa isang tao’t kalahati. Sa maraming kaso, abnormal ang lalaki. Kulang-kulang ang pagkatao. At marami sa manunulat, na ang kaibahan lang sa hayop ay ang pagpapanggap na siya’y maaaring pagkatiwalaan ng kapwa tao kahit na siya mismo’y dudang mapagkakatiwalaan ang sarili sa lahat ng pagkakataon.
Ang babae, dalaga, may-asawa, biyuda, kasal o hindi, ginagahasa ng kapitpahay o ng kanyang asawa – binibitag siya ng kaluwalhatian sa pagkatao niya’t kaluluwa bilang epekto ng tungkulin niyang magbuntis at mangangak na ipinagkaloob sa kanya ng - Hiwaga - na siyang mekanismo na tumitiyak sa pagpapatuloy ng pag-unlad ng homo sapiens para di mahigtan ang kultura ng mga baboy o iba pang klase ng hayop.
Paano kung ang rapist ay kadugo? Hindi na ninyo maarok ang komplikasyon ng moralidad. Saka ko na kayo babalikan!
May higit pa bang mas matayog na kapalarang natamo ng sangkatauhan nang walang bayad na ipinagkaloob sa atin ng Hiwaga?
Ngunit ano ang kaluwalhatiang ito? Ay, damdaming ikinalulula kahit ng buhawi!
Panganganak! Wala na. Wala nang darakila pa sa sandali ng pagputok ng panubigan. Sapagkat ang Tao ang anak ng Hiwaga. At si Salome ang tunay at bukod na pinagpala sa taong lahat. Ang kanyang orgasmo ang rurok ng di matingkalang kaluwalhatian ng pagiging tao. Damdaming wala sa walang lasang pagtatalik ng diyos at demonyo.
7
Bakit imoral ang sex? Bakit imoral ang pagnanasa? Ang personal na motibo ay imoral kung sagkaan ng mga “huwag at dapat” - ng mababaw na pag-aalala, pagpapakundangan, karuwagan, pakikisama, pagpapakasakit, di-bale-na-lang, nakamihasnang bahala na at pagpaparty – na ang pinakaugat ng lahat ng panunupil na ito sa pagsibol at pag-unlad ng tao ay ang pamahiing maykapal.
Sinong manunulat, makatang Pilipino ang hindi natatakot sa Diyos? At may manunulat bang Pinoy na hindi tumataya na may kabilang buhay?
8
Alam nating lahat tulad ninyo’y kailangan ng sinuman - pati ako - ang kuwarta at parangal. Masarap ang alak at karangyaan. Pero ang di matighaw na gutom ko’t uhaw ay hindi pagtakam sa kanin at pag-ibig na nalulusaw. Pinagnanasaan ko ang tsansang maihatid ako ng mga alon lagpas sa matitigas mayayabong na punong kahoy sa tuktok ng Himalayas. Gusto kong maglayag sa kaitaasan at laklakin ang dalisay na ulan bago pa bumagsak at inyong mapaliguan. Sa kaitaasang hindi narating ng lahar sa pagputok ng Pinatubo.
Ngunit maraming pating na nagnanasa rin sa aking katawan. At alam ko kung nasaan sila.
9
Sapagkat nag-asin na ang kilay ko sa pagdaragat. Pinatatag ang aking tuhod ng alon at unos. Pinatalas ang aking pandama ng kidlat at mga bituin. Kaya kong mamangka sa pitong libong ilog tungo sa karagatang bago, yung hindi pa natutuklas.
10
Sa tula, ang totoong pakay ko’y kalakasan ng tao hindi salita. Naniniwala ako kay Rizal - kailangang ilantad agad ang mga kapansanan ng tao sa unang palatandaan nito upang malunasan. At kung talagang talamak na ang kanser, hayaan nang kusang tumalon sa dagat ang dinadahas nito. Makalilibong kapakinabangan kung aangkinin siya ng dagat sapagkat may buhay rin ilalim ng tubig at sasakanya ang kapayapaan sa piling ng mga lamang-dagat. Sapagkat ang pinakaimoral at kasuklam-suklam ay ang pagbabawal sa Eutanasia.
Sinasapantaha kong tungkol dito – Eutanasia - ang desisyon ng pagtatakda ng tamang sandali ng buhay at kamatayan - ang kalatas na nakasulat sa kapirasong papel na isiningit ni Rizal sa kaliwang sapatos bago siya barilin sa Bagumbayan. Nagdisisyon siya sa sariling kamatayan, sa tamang-tamang oras, hindi maaga at hindi rin huli na. Kung kalian kailangang-kailangan.
Sa kabila ng nakabantang tiyak na kamatayan matapos niyang ilathala ang Noli at Fili sa Europa, buong pananabik na nagbalik si Rizal sa Pilipinas sa matinding pagkasuklam niya sa mga Frayleng nagsakdal at nagparusang mabilanggo sa kanyang ina kasama ng parusang palakarain sa lansangan mula Calamba hanggang Binang; mga Frayleng nagpasunog sa sinilangan niyang bahay at nagpatapon sa kanyang buong pamilya palabas ng arkipelago. Nasa tula niyang Huling Paalam ang ekspresyon ng rurok at superyuridad ng kanyang tula – ang kaganapan ng pagkatao’t kaluluwa na bago pa man siya hatulan ng kamatayan, nararamdaman na niya ang yabag ng himagsikan.
Yayamang magaganap ang orgasmong ispiritwal, sa rurok ng kanyang luwalhati ay nag-iwan siya ng dalawang kalatas na isinulat sa papel. Mi Ultimo Adios na inipit niya sa lampara at ang isa’y ipinasok sa kaliwa niyang sapatos bago nagmartsang nakagapos patungo sa lugar ng kanyang kamartiran. Ikalawang kalatas na nagtagubilin sa kanyang lahat ng mahal sa buhay at mamamayang pinaghandugan niya ng sarili upang matupad ang pangarap niyang tawagin at maging malayang Pilipino:
Ang kalatas: Sapagkat ngayong ako’y patay na, may karapatang moral akong manawagan sa aking pamilya at sa mamamayang pinag-alayan ko ng sariling buhay. Walang makapagbibintang na nanulsol lamang ako ng himagsikang kasasangkutan ng buhay at kamatayan ng maraming nilikha mula sa magkabilang panig habang ako’y nasa isang ligtas na lugar. – Kay Josephine, sa aking mga kapatid at magulang; at sa buong mamamayan – kayong lahat na pinag-alayan ko ng aking sarili sa kasukdulan ng aking buhay, nagmumungkahi ako sa inyong lahat na sumapi sa Himagsikan. Humanda at kumilos nang karapatdapat sa minimithing Kalayaan ng Inang Bayan!
Sa kasawiang palad, hindi na nakuha ang kalatas sa kaliwang sapatos.
11
Tama si Rizal, hindi pa handa ang mga indio sa rebolusyon. Tanging ang magkakapatid lamang na Bonifacio, Procopio at Ciriaco ang tunay na handa sa paghihimagsik na buong tiyaga nilang ipinundar at pinalakas. Ngunit napariwara ang KKK dahil sa pagmamadali at katangahan ng mga indio nang ikumpisal ng isang asawa ng katipunero sa Frayle ang tungkol sa lihim na kilusan ng mga Anak ng Bayan. Tandaang matiyagang itinatag ni Bonifacio ang Katipunan halos limang taon pa bago narinig ang sigaw sa pugad lawin. Sigaw sa Pugad Lawin, isa pang krimen ng mga Historyador. Ito raw ang simula ng nag-aapurang pag-aalsa.
Ibig sabihin, hindi nila tinatanggap ang katotohanang kaya lang nagmiting sa Balintawak, Bahay Toto, Banlat, Kangkong, Pugad Lawin o saan man, (Fuck you historians) ay dahil sa katotohanang natuklasan na at may katibayan na ang pamahalaang Kastila na may nagbabantang kilusan ang mga Indio laban sa Espanya.
Ang katarantaduhang sigaw sa pugad lawin ay hindi pagsisimula ng himagsikan. Kundi ito’y wastong aksiyon at pagpaplano kung ano ang dapat nilang gawin sapagkat hinahabol na sila ng mga Kastila at pagpapapatayin. Hindi nag-aapura si Bonifacio. Ang totoo, sinangguni nila si Rizal at hinimok na pamunuan ang Katipunan. Pinayuhan lamang sila ni Rizal paghandaan muna ang rebolusyon na sinusunod naman ng Katipunan. Napilitan lang silang kumilos sa armadong pakikibaka kahit kulang talaga ng armas dahil pinaghahanap na sila. At ang katibayan, marami nang hinuhuli, ibinibilanggo, ipinatatapon at binabaril sa Luneta. Kaya nagkukumahog silang humarap sa isang Himagsikang hindi talaga sila handa. Kung sigaw man ito, hindi pag-aapura kundi sigaw ng ganting salakay ng nagipit na KKK sa isang di pa napapanahong himagsikan. Ito ang sigaw na nasa bingit ng Bahala na - Patay o Buhay! Mabuti kaysa ikaw ang mapatay.
Hindi yan kasalanan ni Rizal, Hindi rin kasalanan ni Bonifacio. At kung kasalanan man yan ng mga Frayle, sila’y manipestasyon lamang ng pinagmumulan ng problema ng pananakop at pagsasamantala at pambubusabos ng kolonisasyong Kastila. May malalim na ugat yan na hindi nakikita ng mga historyador ng mga manunulat. Ugat na naging tagabulag din ni Rizal.
12
Nang ikudeta ng mga Magdalo ang KKK, ang mga mangmang na Katipunero ay sumama kay Aguinaldo. At ang marami ay nagsawalang-kibo. Maging si Jacinto ay nanahimik. Mismong si Paciano Rizal ay waring nagkibit-balikat sa krimen ng Magdalo laban sa Katipunan. Matapos ang anim na buwan ay isinuko ng mga buhong na ilustrado sa Biac na Bato ang rebolusyong inagaw nila sa pamumuno ng Supremo. Kasama ng maraming mangmang na Katipunero, nakihati rin si Paciano sa 800 libong pisong kabayaran sa pagsasalang ng armas at pakikipagkompromiso sa Espanya ng mga tagapagtatag ng Republica Filipina.
Hanggang ngayon, inaaglahi si Rizal ng mga gunggong na manunulat, mayayabang, mga tana, mapagdunung-dunungan na tinalikuran daw ang rebolusyon. Pinapalibhasa nila ang pagiging ilustrado ni Rizal at hinatulang takot daw sa himagsikan. Fuck you! Lohika ng praning na utak ng mga manunulat na nagpapamukhang mali ang pagbasa ni Rizal sa Himagsikan. Si Rizal daw palibhasa’y bayaning inisponsor ng bagong mananakop na Amerikano. Pagkaraan ng mahigit isang sentenaryo, tala-talaksang pag-aaral at libro ng mga edukado ang nagtalo-talo hinggil sa partisipasyon ni Rizal sa kalayaan ngayong tinatamasa diumano ng mga Pilipino. Magugulong lalo na parang hinalong kalamay ang usapan ng mga edukado sa diskusyong akademiko na parang pagpapataasan ng ihi ng mga palakang araneta. Kasabay ng kawalang pakundangan at kabastusan nila kay Rizal ay galit din pala sila kay Aguinaldo. Ngunit kung pagbibigyan sila sa argumento na mali nga si Rizal at talagang handa na ang mga indio sa Himagsikan, lalabas na dapat nilang tanggapin na makatwiran ang pagkudeta sa Katipunan. Kung gayon ang kanilang lohika, lumalabas na sang-ayon din sila sa pagpatay sa magkakapatid na Bonifacio. Ipinangangalandakan ng mga manunulat na naipagtagumpay ng mga indio ang Republica Filipina laban sa Espana. Tumpak ang opinion ni Rizal: hindi pa hinog ang panahon para sa Himagsikan.
Kung tutuusin hanggang ngayon, hindi pa handa ang mga Pilipino para maging karapatdapat sa kalayaan ng Pilipinas na pinangarap ni Rizal.
Kaya nga kabaliwan na ipagmalaki ang pagiging Pilipino.
13
Kahiyahiya ang maging Pilipino!
At sa katotohanang ito, hindi pa rin magigising ang mga manunulat sa kamangmangan na gusto pang ipagmalaki at ipagkalat na sila’y mga Pilipino.
Marami nang makatang romantiko’t mangmang na ipinangangalandakan ang pagiging Pilipino. Si Jose Corazon de Jesus, si Amado Hernandez at sangkatutak na gunggong ang umaamin at nagmamalaki pang sila’y mga Pinoy. Bukod sa tula, nanggigitata rin ang mga popular na mga luma at mga bagong kanta tulad ng Tayo’y mga Pinoy, Ako’y Isang Pinoy, Ako ay Pilipino. Tama kayo, ang Pilipino ay totoong taas noo kahit kanino, at gusto kong dagdagan – Pilipinong totoo, taas noo kung mangulangot…
14
Kung si Andres Bonifacio ay hindi trinaidor at sabwatang pinatay ng mga Magdalo, kung ang Supremo ay hindi tinalikuran at pinabayaan ng mga mangmang, mapagpaimbabaw, mapagbigay, mapagwalang bahala at mapagsamantalang pangkat ng Magdalo at Magdiwang, walang tatawaging Pilipino ngayon. Kung nasunod ang payo ni Rizal sa Katipunan na paghandaang mabuti ang Himagsikan; kung naging karapatdapat lamang ang mga Indio sa minimithing Kalayaan ng Inang Bayan, magtatagumpay ang Rebolusyon. At sa halip na tawaging Pilipinas ang bansang ito ay makikilalang Haring Bayang Katagalugan. Ngunit imposible nga itong mangyari sapagkat hanggang ngayon hindi handa ang Pilipino para sa isang bansang malaya. Tandaang hindi Magdalo ang nagkanulo kay Bonifacio, ang Magdalo sa simula’t sapul ay kontra kay Bonifacio. Ang totoong nagkanulo sa Supremo ay ang Magdiwang.
Katangahan ang pagtatalo ng mga historyador at manunulat na may dalawang pangkat sa KKK. Hindi maaaring dalawang pangkat lamang ang nasa loob ng KKK o kahit anong klaseng organisasyon. Taktikal lamang lagi ang kaisahan sa anumang partido. Kung magtatayo ka ng kulto, kailangan mas mahusay ka kay Hitler, mas mahusay kay Mao Tse Tung, mas mahusay kay Lenin, mas mahusay kay Pol Pot para magtagal ang isang organisasyon huwag na ang isang Republika. Sapagkat sa loob ng organisasyon, imposibleng sumunod sa lahat ng pagkakataon ang bawat miyembro. Maaari lamang magbaliw-baliwan ang mga indibidwal sa loob ng samahan o kapatiran ngunit hindi sila magiging aliping mapagpaimbabaw habambuhay sa loob ng organisasyon. Sapagkat ang organisasyon sa katagalan ay makikita ang karupukan - mabubulok at mahahalata ang pagkaimbalido sa pag-unlad ng bawat indibidwal. At sa isang panahong hindi inaasahan ng mga nasa sentrong pamunuan na nakikinabang sa organisasyon, magkakaroon at puputok ang bagong rebelyon.
Kung may grupong itataguyod ang islogang Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan, susugal ako sa organisasyon.
14
Sa anu’t anuman, si Rizal at Bonifacio lamang ang dalawang makata na sumunggab sa bawat kibot ng kanilang laman na kumokoryente sa kanilang pagkatao bilang makatang makatao at naturalista. Hindi sila kinain ng sariling tula; bagkus, nililok nila nang buo tulad ng marmol ang kanilang tula. Ang Mi Ultimo Adios ang esensiya ng katawan at ispirito ni Rizal; kung paanong ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ng Supremo ang esensiya ng buhay at kaluluwa ng Katipunan.
15
Ikumpara sa Florante at Laura, na kung tutuusin ay isang dekadenteng epiko at nagpasimuno ng gaya-gaya puto-mayang kultura mula sa impluwensiya ng romansa sa literaturang Katoliko sa Europa. Ang Florante at Laura ay isang tsismis na nagmukhang alegorya ng lipunan ng mga indio sa ilalim ng masasamang Frayle. Ginamit ni Balagtas ang mga kaalamang bayan at sawikain at inaring kanya. Mga salawikaing indio na isinakay niya sa isang epikong metapisikal at nagkalat ng pagpapahalagang Kristiano kung saan nagpabinyag sa huli ang magkasing muslim na Aladin at Flerida sa pananagumpay at pagbawi sa trono ng kahariang Kristiano nina Florante at Laura.
Ang bisa ng Florante at Laura bilang epiko ay isang poetikang pinagtampisawan ng tradisyong Pinoy kasama na ang popular, komersyal, pang-akademya, komunista, modernista o ang mga rebeldeng lumpen. Ito ang tinatawag kong poetikang paimbabaw, pilit, pasiklab, pasingaw at bilasa kung meron mang laman. Ang sining ng tula ang poetikang ampaw kung baga sa pangingisda, ay isang klase ng lambat na walang pusod, at kahit isalok mo sa kawan ng isdang nagdidilim-sa-dami ay hindi makakahuli. Walang mahuhuli liban sa lansa at duming pinipilit pakinisin sa pamamgitan ng pagkakawing-kawing ng salita at panggulat na idioma ng imahinasyon ng makata. Marami na ngang salita, post moderns hermeneutics, feminism, environmentalism ek-ek-lism.
Ano ngayon ang ipinangangalandakan sa akademya na kailangan ang makapangyarihang pagbasa sa tula ni Bonifacio para hanguin ang Supremo sa kinasadlakan nitong pedestal?
Fuck you.
15
Ang poetika ni Bonifacio ang pinakarurok ng sining. Maaaring saltud ang kanyang sesura, ngunit ang ispirito ng tula ay huwag ninyong metrohin sa sukat at tugma o taludturang malaya. Ang ispirito ng kanyang tula ay klasikal tulad ng bisa ng dugo na ibinubomba ng puso para dumaloy sa buong katawan at magpayabong ng isip, tulad rin ng hangin na kailangan sa baga upang lumawig ang buhay at magpatuloy ang metamorphosis mo O homo sapiens!
Hanguin ninyo ang mga sarili sa kumunoy ng ek-ek-lism, mga salita, hakahaka, kahambugan, pagpapaimbabaw at pagkabalasubas.
16
Tahas kong pinaninindigan na ang lahat ng makata mula kay Balagtas hanggang sa panahon ni Rio Alma ay pawang mga pasiklab lamang ng imahinasyon, tsismis ng emosyon, pag-aakala, pagdudunung-dunungan, pamimilosopong lumpen, propagandang personal-pulitikal, pagbabangkete ng mga linta sa literatura. Lahat sila’y may utak na kung baga sa gata ng niyog ay mga katas ng pinagsapalan. Na kahit langgam ay hindi papatulan sapagkat wala nang katas ang pinagsalapan. Katas ng sapal o gaya-gaya puto-mayang tradisyon mula sa kulturang metapisikal na dala-dala rito ng mga Frayle sa bisa ng kolonisasyong Kristiano. Ngayo’y nakapagpasulpot tayo sa ebolusyon ng kritikang panliteratura : Ek-ek-lism modernong salitang katumbas ng katas-ng-sapal.
Sa kasawiang palad, ang lalim ng pag-iisip ni Rizal ay nasagkaan sa dahilang di niya naugat na sanhi ng kolonisasyon at kasamaan. Ang napagtuunan lamang sa pagsusuri ng paham ay ang manipestasyon ng problema ng pananakop ng Espanya sa mga Indio. Ang balakid sa mas matayog na superyuridad ni Rizal ay ang di pagkasapul sa kung alin ang ugat at bunga ng pagmamalabis ng mga Frayle at kaalipnan ng mga Indio. Ang kasakiman ng Frayle at Kolonyalismong Kastila ay bunga lamang ng isang kulturang metapisikal. Walang ibang pinagmumulan ng problema kundi ang paniniwala ng Kristiyano na may Diyos na lumikha ng langit at lupa na nagbabasbas sa Inquisition at Pananakop ng mga Hari at Relihiyon.
17
Ngunit namulat man at lumaki sina Bonifacio at Rizal sa metapisikal na paniniwalang may Diyos na magtatakda ng hanggahan at hadlang sa pag-unlad at kapangyarihan ng tao, naigpawan nila bilang makata ang poetikang ampaw. Ang pagkatao nila’t sining ay likas at magkalangkap na sumibol kaagapay ng bisyon nila’t praksis. Sabi ni Bonifacio, sa taong may hiya, ang salita ay sumpa. Kaibang kaiba sa poetika ng mga makatang walang hiya! Kasumpa-sumpa. Ek-ek-lism.
18
Kung mahahalata ninyong namamalakaya akong pasalunga sa mga alon, asahan po natin ang uliuli. Wala na tayong paki kung ang biktima’y maliit o malaki. Kung ako o kayo. O tayong lahat.
Patay o buhay. Matira ang matibay.
Kung tumaob ang aking bangka at akoy mabingit sa kamatayan, at sapagkat ako rin nama’y nakakaranas ng sindak, magdasal man ako’y walang makapipigil sa unos para payapain ang dagat. Sa laot ay walang makasasagip sa akin. Mabuti, hindi ninyo ako maduduraan. Maaari lamang kayong magpasalamat sa diyos pag nabalitaan ang inabot kong kapamahakan. At naririnig ko na kayo ngayon pa lamang: “Talagang marunong sa lahat ang Diyos, pinarusahan na ang baliw!“
18
Ipagpatuloy ang inyong pagdiriwang at pagpapalala ng kamangmangan at pagkabansot ng tao. Ngunit sa malao’t madali mabubulok kayo kasama ng inyong mga sulatin sa katihan.
Tinitiyak kong bawat isa sa inyo, bago tuluyang maagnas sa mapanghing lusak ng kamangmangan, may sasahurin kayong basbas ng Diyos mula sa katutuklas na karagatan sa kaitaasan – isang patak ng apoy mula sa bibig ng isang mamamalakaya sa bagong dagat na pinaglalayagan ng aking kaluluwa.
Pwe!
Interesting and informative post.
I was looking out for a company that could provide customized and affordable SEO services and with whom I could touchbase on a daily basis. I was very impressed with the professionalism and quick response time of Seo Traffic Spider and hired their full time SEO services. Its interesting that they not only offer a customized optimization plan but also provide a superb discount on their SEO combinations.
I think this would be a helpful start for anyone looking out for highly professional seo services and who prioritize quick customer response time and chat availability. You can surely get it all here.
ok
Post a Comment