Thursday, May 08, 2008

Ang Attachment sa Kaswal, KPK Column, May 4-10, 2008



imahen mula sa www.seasite.niu.edu/.../araw_ng_manggagawa.htm

Ang Attachment sa Kaswal

Sa mga party, kapag sinabing “kaswal,” malilito ang imbitado. Ang kalakarang formal sa ibang bansa ay suit-and-tie, o katumbas na jusi at pinya na barong sa atin. Pero kapag formal na okasyon, tulad ng graduation o binyag at kasal, matatagpuan pa rin, maliban sa mga magulang at may opisyal na may katungkulan sa okasyon, na naka-long at short sleeves na polo lamang ang nakararami.

Kaswal na sa ibang okasyon ay katumbas ng t-shirt at maong. May natanggap na rin akong imbitasyon na ang attire ay “summer casual” na parang gusto kong magsuot ng shorts at sando lamang. Ang mahalagang alituntunin sa kaswal na damit ay ang lugar ng okasyon, at sino ang nagspo-sponsor ng okasyon. Na kahit pa sabihing kaswal ni Jaime Zobel de Ayala ay ang tendensiya ay mag-overdress sa okasyon, at kay Mang Pandoy naman, mag-underdress.

Sa musika, ang kaswal ay parang walang ka-effort-effort na pagkanta. Ang magandang ehemplo rito ay si Eli Buendia ng dating Eraserheads. Nasal ang tono na parang madaling sundan. Pero subukan mong sundan ito sa karaoke at matutuliro ka. Tulad ng Queen, sa operatikong rendisyon ng “Bohemian Rhapsody,” tignan lang kung masusundan ang lahat ng boses sa artistikong pinagsanib sa awiting “Pare Ko” at “Huling El Bimbo.”

Kaya rin nang mapakinggan ko ang Eraserheads na live ay hirap din silang plakaduhin ang sariling recording. Sa studio-mixing at MTV lamang perfekto ang pag-awit. Sa live performance ay tila hindi aksidenteng ginogoyo at lalong sinusuntunado ng bokalista ang sariling awit. Mismong siya ay nahihirapang sundan ang ni-record na awit.

Hindi naman nagsimula sa pananamit at pag-awit ang kaswal. Ito ay paglalarawan sa isang aktityud at pananaw-buhay: keber lang, may attitude pero hindi obvious, hindi halatain ang pagiging cool, na kapag nahalata kasi ang effort, hindi na cool. Kaswal na panliligaw, kaswal na personahe sa malling, kaswal na pagtratrabaho at pagnananay, kaswal na anak.

Iba pa ang “kaswal” sa “astig.” Ang kaswal ay agarang astang walang effort para ipakita ang effort. Na kapag napansin ang effort ay hindi na kaswal, garapal na. Ang astig ay agrebisong astang cool, wala nang patumangging nagpapa-cool. Astig kapag tigasin, kaswal kapag malamya gayong ang ang after-effect ng dalawa ay “cool-ness.” Ang recording ng Eraserheads ay kaswal, ang live performance nila ay astig.

Kaya ang kaswal ay may wanna-be na aspirasyon: ang mapabilang sa nakakaangat na metapisikal (cool-ness group) at materyal (resources para maging cool) na antas. Dahil nga ang cool-ness ay binabantayan ng ekonomiko at kultural na gatekeepers—sino ang nagsasabing hip at in ang isang bagay, ano ang uso at hindi, saan dapat magpakita para maging we-belong?

Ang cool ay wala sa larangan ng politika dahil walang bagong isinasaad ang tradisyunal na politika at ang personalidad nito. Cool ngayon si Barack Obama sa kanyang kampanya bilang unang African American na kandidato sa Democratic Party presidential nomination. Mas bawas ang coolness ni Hilary Clinton kahit pa siya ang unang babae nominado dahil hindi lamang siya nakikita bilang “appendage” ng dating asawang pangulo pero maging ng tradisyonal na politikang nirerepresenta nito.

Sa bansa, ang “Young Turks” o bagong henerasyon ng politikong nagsasaad ng kabataan at anti-establisimentong politika ay kinakasangkapan lamang ang kaswal para makamit ang mas lehitimong baitang sa pambansang politika. Silang dating anti-establisimento ay gagamitin ang bagong perspektiba para maging establisimento.

At ganito rin ang larangan sa mas angkop na usapin ng kaswal sa kultura. Tulad sa digi indie films, maraming batang direktor ang nangangarap maging mainstream, kahit pa naghihingalo ang industriya ng pelikula. Ginagawang calling card lamang ang kaswal na produkto—kasama rito ang personalidad ng kaswal na artista/henyo—para maging we-belong.

Ang mas matingkad na usapin ng kaswal ay ano ang pangunahing ekomiyang pwersang naghudyat ng ganitong paggagap sa bago at makabago, para lamang sa aspirasyong mapasama sa nakakaangat na estado ng panlipunang buhay? Paano naging katawagang “kaswal” sa kaswal na manggagawa?

Na bilang trainee—kahit pa gagap na ang trabaho sa serbisyong sektor, tulad ng fastfood at retail--ay walang kaakibat na permanenteng status ang kaswal bilang isang manggagawang gumagawa at nagpapakita sa kanyang amo? Kaswal siya na cool dahil siya ay kabataang sa unang pagkakataon ng kanyang buhay-paggawa ay nakakabili ng ilang luho sa katawan, nakakagimik, at nakakatulong sa gastusin sa bahay.

Effort umastang mayaman si Pedrong mahirap. Pero sa liberal na demokrasya ng pananamit at pag-asta sa mall na maaring pinaghahaluan ng mayaman at mahirap, nakakalusot ang kanyang pagiging kaswal. Kapag masyadong matigas at garapal, nagiging astig siya na may polaridad mula pagiging novelty hanggang pagiging jologs, at kung maging huli, marahas na isinusuka ng mismong nakakaangat na sektor na nais niyang maging bahagi.

Tinatayang kalahati ng manggagawa sa formal na ekonomiya ay mga kaswal. Walang ligal na status bilang manggagawa—walang benefisyo at karapatan. Na may malakas na bigwas sa kilusang manggagawa. Mula sa kasagsagang kasapian na mga tatlong milyon sa unyonismo noong gitnang 1980s, bumaba na ang kasapian sa 1.8 milyon ng 2006. Mababa ang bilang ng kasapi kung isasaalang-alang na 36 milyon ang labor force sa bansa.

Ang mga collective bargaining argreement (CBA) ay bumaba na mula 4,500 noong 1992 tungo sa 1,742 ng 2006. Bumaba mula sa 250,000 unyonista ng 2006 ang mga kalahating milyong unyonista sa may 16 milyong paswelduhang manggagawa ang nakapaloob sa CBA.

Hindi na kaswal ang pagiging kaswal. Nadale na pati ang arena ng unyonismo. Bahagi ito ng kadahilanan kung bakit nabawasan na ang bilang ng militanteng unyon. Kung sa gitnang uring kultural na uniberso ay aspirasyong kaswal ang nananaig bilang coping mechanism sa kasalatan ng materyal na buhay at muling magpapagising-abang-trabaho-tulog sa mamamayan, ang kaswal sa uring manggagawa ay pinagdamutan ng pagpipilian.

Sa pelikulang “Endo” (End of Contract, 2007), ang nakakatandang kapatid ay napaluhang niyapos ang nakakabatang kapatid dahil sa balita ng huli na natanggap na ito sa kauna-unahang pagkakataon sa kontrata ng paggawa. Ang nakakatandang kapatid ay beterano na ng mga endo, at paratihan traumatiko ang kinasasadlakan ng kanyang personal na buhay, lalo na ang pag-ibig.

Paano iibig sa isang katrabahong hindi sinkronisado ang pagpasok at paglabas sa kontrata? Na sa serye ng pagiging kaswal ay hindi na kaswal (cool), kundi isa nang kaswalidad sa malawakang hanay ng kabataang manggagawang itinali ng mismong estado sa negosyo para manatiling unskilled, underpaid at under-protected?

Ang aspirasyong kaswal ang binura na ng estado sa mismong sektor ng kaswal. Ito ay ipinuwesto na ng estado sa pangkalahatang hanay ng mamamayan ang mayorya ay naghihikahos at umaasang maibsan ang abang predikamento. Kaswal na buhay sa paghihikahos, kaswal na aktityud para mental at pisikal na makaagapay sa paghihikahos, na ang rekurso ng maraming kabataan ay maging kaswal para magkaroon ng simulacrum ng kaswal.

Ang atas ng kasaysayan ay putlin ang attachment sa kaswal: sa paggawa at sa mas malaking lipunan sa labas nito. Hanggang walang kapantayan sa kita, oportunidad at pangako ng mapagpalayang kinabukasan, mananatiling dehado ang mga kaswal at peligroso ang aspirasyong kaswal.

Ang panghagip ay pagpapaigting ng kilusang manggawang may layong unyonismo kahit pa lumalawak ang bilang ng kaswal na walang ligal na akses dito. Ibang imahinaryo para sa rekonseptwalisasyon at pagbalikwas ng kaswal.

*Ang mga datos ukol sa paggawa ay hango sa http://www.bles.dole.gov.ph/, sinipi kay Isagani de Castro, Jr. “Labor Movement Weak, No Longer Militant” (5 Abril 2008), http://www.abs-cbnnews.com/storyPage.aspx?storyId=116722.

No comments: