imahen mula sa www.nancarrow-webdesk.com/.
Ano ang gagawin sa nag-aabang na labi ng buhay?
Sa ngayon ay tapos na ang mga graduation. Reality check na. Ano na ang gagawin sa nag-aabang na buong buhay ng bagong graduate? At reality bites na. Tapos na ang edad ng sustento ng mga magulang. Panahon na para mag-ambag ng pagkain sa mesa, panggastos sa bahay, at siempre, sa pagpapaaral ng nakakabatang kapatid.
Sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, nagprotesta ang militanteng estudyante at guro habang kinakanta ang hymno ng pamantasan. Dalawang dating student regent, mga dating opisyal ng UP, ang kinolyar nang magtangka silang makiisa sa protesta. Maraming opisyal ang nakasimangot sa entablado,
Centennial graduation itong taon sa UP. At hindi maganda ang mga senyales. Isang guest speaker na kasapi ng Board of Regents ang hindi maintindihang nagtalumpati nang pagkahaba-haba. Hindi ilan ang nakapagsabi na mas “bayad-utang” ang pagbibigay ng pribilehiyong magsalita di lamang sa pag-broker ng call center buildings sa Commonwealth property, pati na rin ang pagkahalal ng mga namumuno sa UP.
Ang valedictory address mula sa isa sa labinglimang summa cum laude ang nagsabi, sa aking pagkaunawa, na hindi na opsyon mangibang-bayan ang graduates dahil sa kondisyon na kinasasadlakan. At tila nasiraan ako ng tiyan sa pag-aalumpihit sa upuan sa mahigit na apat na oras na pagtunghay sa sentenaryong klase ng graduates.
Ito na ba ang maiaalok ng UP na pagtanghal sa kanyang mga pinagtapos na mag-aaral? Na hindi rin naman kakatwa dahil ang idinadambana ay ang paglikas ng graduate sa mga pamantasan, hindi pa ang pagsisimula ng “aktwal na buhay.”
Kung isinasaalang-alang ang paghayo ng bagong graduate, mas may sentimentalidad
Nag-volt in na ang mga piyesa ng neoliberal na jigsaw puzzle. Una, wala nang pagsasaalang-alang kung sino ang nagpaaral sa mga iskolar ng bayan, dahil marami na rin sa nagsipagtapos ay nagbayad na ng umiigkas na komersyal rate. Ikalawa, ito ang pinakamaraming graduate with honors; na nagsisikhay naman sa grade inflation ng ipinatupad na Revitalized General Education Program. Ang mga departamento ay nagkakakumahog magpapopularisa ng kurso na tatangkilikin ng mga estudyanteng naghahanap ng magpapataas ng grado.
Nakakatawa nga na dahil sa pagbabadya ng maitim na ulap, para na lamang roll call ang naganap sa pagbigkas ng pangalan at pagsabit ng medalya sa mga graduate with honors. Ikatlo, ang hinaharap ng pamantasan ay patapos na sa Commonwealth—ang serye ng call center building na pagtratrabahuan ng marami sa mga graduate, pati na rin nag-aaral pa lamang.
Isang daan taon matapos itatag ang UP, at bilang sintomas na rin ng higher education sa bansa, sila ang dapat magtanong, “ano ba ang gagawin sa natitirang buhay ng pamantasan?” Ang mga aktibistang estudyante at guro ay gumawa na ng pagpili.
Taon-taon, sa pagkanta ng hymno ng pamantasan, kahit pa nagiging mas marahas ang pagpigil sa kanila, nagtatakda sila ng pagkilos laban sa mga isyung pambansa at edukasyon. Ang panawagan ngayon taon, “Oust GMA.”
At ang mga ganito ang panawagan na dapat isaalang-alang sa pag-iisip na gagawin sa natitirang labi ng buhay. Ang itinanim sa pag-aaral sa loob at labas ng klasrum ay ang buhay sa pakikibaka. Ito o ang cookie-cutter mould na magtrabaho, mag-asawa, magkaroon ng tatlo’t kalahating anak, at magpayaman. Na kahit hindi nagtapos ay magagawa rin naman ang pagpasok sa kabaong molde.
Sa huli, ang indibidwal na graduate at mamamayan ay dapat maglingkod sa sambayanan. Ang kanyang aspirasyon, para maging tunay na mayaman, ay nakaangkla sa aspirasyon ng nakikibakang sambayanan.
No comments:
Post a Comment