Monday, May 12, 2008

Nouveau riche at pagpapangalan sa condos, KPK Column, May 11-17, 2008



imahen mula sa www.arizona4pinoys.com/tips-on-how-to-buy-phi...
allthatblogs.blogspot.com/


Nouveau Riche at Pagpapangalan sa Condos

Construction boom ngayon, kung tutunghayan natin ang nangyayari sa landscape ng Metro Manila. Dalawang klaseng building lamang ang ginagawa. Kundi call center, ito ay condo (pinaigsi sa condominium, o high-rise na apartment type, kumpara sa dalawa o tatlong palapag na townhouse na may sariling lote).

Binabago nito ang landscape ng Metro Manila. Sa kauna-unahang pagkakataon, kapag tumanaw sa di malayong lugar, tulad ng Antipolo o C-5, makikita ang bahagi ng hanay ng nagtataasang building. Ito na raw ang ikalawang henerasyon ng high-rise na building, ang simuladong hudyat na umuunlad na ang Pilipinas.

Ang naunang henerasyon ay ang “Chicago school” na building sa Ayala Avenue, ang financial na distrito ng bansa. Marami sa mga gusali ay dinisenyo ni Leandro Locsin, ang National Artist para sa Architecture na gumagamit ng modernong idioma: konkretong kahon, diretsong mga linya, at sa kaso ng mga naunang building sa Ayala, walang borloloy maliban sa mga pare-parehong bintanang papasukan ng ilaw sa nagtratrabaho sa mga opisina.

Purong komersyo ang efisyenteng espasyo ng mga opisina at mismong gusali kaya hindi inaaksesorya. Pare-parehong grid, konkreto at bintana ang mga harap at tagiliran ng gusali. At dito humalaw ang unang henerasyon din ng condo sa bansa sa Ayala Avenue, tulad ng Gilarme Apartment, at ang sumunod na Pacific Plaza, Twin Towers, at Ritz Tower. Ang Pacific Plaza ay gumamit ng kurbang linya sa harap at likod, at ang Twin Towers ay hindi solidong linya ang gamit sa apat na mga kanto.

Nagpatuloy ang love affair ng arkitekto at building developer sa konkreto at salamin. Ang ikalawang henerasyon ng high-rise ay kundi man lantarang purong salamin ay mas industrialisado ang disenyo—para masiksik ang pinakamaraming bilang ng tenant sa building. Sa ikalawang henerasyon ng condo, may pagkilos rin na bumalik sa parang tahanan na disenyo, may tisa na bubong at matitingkad ang kulay ng building, tulad sa art deco na gusali sa Iloilo City at Avenida sa Manila.

May ikatlong henerasyon na ng arkitektura sa high-rise na gusali at condo. Ito ang paggamit ng salamin at bakal na hindi statiko ang dating kundi sinasabing “architecture in motion.” Hindi na malinaw na apat na kanto ang building, maari na itong maging anim o mas marami pa. Tulad sa kahenerasyon nitong condo at opisina sa Singapore, dahil sa malawakan gamit ng tinintang luntiang salamin, inaasahan na may green rin na paligid dtto para mas mapatingkad ang pagiging earth-friendly ng building o ang pagtatangka na mabalanse ang infrastruktura ng bakal at salamin sa natural na kapaligiran.

Tatlong henerasyon na ang high-rise pero kakatwa na hindi nagbabago ang ethos ng pagpapangalan sa mga condo: kung dati ay Ritz, Pacific Plaza at Twin Towers, ngayon ay hayagan pa ring western-envy ang ipinapangalan. Sa Katipunan Avenue, sa hanay ng exklusibong pamantasan ng Ateneo de Manila University at Miriam College, Burgundy at Prince David, at ang itinatayong Berkeley ng SM Realty. Sa Taft Avenue, sa erya ng De La Salle University, Transpacific Burgundy Tower, W.H. Taft Residences, at The Grand Towers.

Ang Megaworld Corporation, isa sa pinakamalaking real estate developer sa bansa, ay may condos na pinangalanang 8 Forbestown, New Port City, Bellagio III, Forbeswood Parklane, McKinley Hill Garden Villas, Morgan Suites, Stamford Executives, Park Side Villas, Manhattan Garden City, Tuscany Private Estate, Greenbelt Excelsior, Greenbelt Chancellor, Forbeswood Heights, at Presidio at Britanny Bay.

Masyadong matingkad ang pagpataw ng western at western-sounding na pangalan sa condo na maging si Donald Trump, isang bilyonaryong developer at reality TV host, ay nagbantang idedemanda ang Megaworld dahil sa balak nitong pangalanan ang isang proyekto na “Trumps.” Samakatuwid, mismong ang mga developer ang lumilikha ng kultura ng nouveau riche sa mamamayang may akses dito.

Ang nouveau riche ay pejoratibong katawagan sa mga biglang yumaman sa kanilang henerasyon. Ang target ng mall at condo development na pangunahing nagbabago ng pangkalahatang landscape ng syudad, at mga lunan na gustong makapasok sa antas ng pangako ng modernong urbanidad, ay ang walong milyong overseas contract workers (OCW).

Ito ang malawakang platoon na may substansyal na kita at savings na maaring idirekta--matapos ang sariling pagpapakaranasan sa nouveau riche na pamimili ng ginto kung lalakeng OCW sa Saudi Arabia, stuffed toys at appliances kung babaeng entertainer sa Japan, halimbawa, o mga bagay na maaring iprenda kapag nagipit—sa long-term investment.

Pero magtataka tayo, hindi ba, Banini, na bakit hindi lahat ng walong milyong OCWs ay mayroong kondo o sariling tahanan na matatawag? Sinasaad lang nito na hindi pa lubos ang akses nang mas maraming bilang ng OCWs para sa long-term investment. Na ang kita ng marami sa OCWs ay kaya lamang gastusan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya, tulad ng pagkain, damit, edukasyon, at kaunting luho.

Gayunpaman, may mahahagip pa rin na ilan daang libo na makakabili ng condos. Sa Singapore, halimbawa, ang mga Filipino ay kilala bilang maramihang katulong at kakaunti pero substansyal na bilang ng kawani at management sa boom industries. Ang mga Filipinang katulong raw ang nagpapataas ng hierarkiya ng pangangatulong sa Singapore—ang sweldo ng Filipinang katulong ay doble kung ikukumpara sa Indonesian. Gayunpaman, ang pangangatulong ay mababang uri at pasweldong trabaho sa Singapore.

Samantala, ang mga nasa high-end na industriyang OCWs ay mas maraming oportunidad na umangat kundi man lumipat sa ibang bansang mag-aalok ng mas mataas na sweldo. Tunay na ito ang target market ng high-end rin na condo boom sa bansa.

Ang kinakalabasan nito ay ang dalawang uri ng nouveau riche na mentalidad, isa na mas mababa kaysa sa isa. Ang mas mababa ay ang nouveau riche na OCW na nagkakadakumahog magtrabaho at nang makapagpadala sa kanilang mahal sa buhay para sa pang-araw-araw na gastos at peryodikong luho, tulad ng Jollibee party na may kasamang video coverage nang mapanood naman ng absentee na tumustos sa gastos.

Naipapasa ng aktwal na pisikal na pagdurusa ng OCW sa ibang bansa ang karanasang makaangat ang mga mahal sa loob ng bansa. Siya na may astang nakakaangat dahil nangangatulong sa iba at hindi sa loob ng bansa ay mababa naman ang aktwal na pagtingin sa kanyang pinagtratrabahuang bansa. Nakakapag-astang maykaya, kundi man mayaman, ang kanilang kamag-anak kahit hindi sila ang aktwal na nagtrabaho para sa kitang ginagasta.

At ito ang pang-ekonomiko at pangkulturang kapangyarihang pinanghahawakan ng mga pamilya ng nakararaming OCW: umaastang maykaya sa tulong ng finansyal na suporta ng kamiyembrong OCW, umaasta rin dahil sa sarili nilang pangangatawan ay tiyak na agrabiyado sila sa marahas na pwersa ng lipunang Filipinong nagsasarado ng akses sa kanilang aktwal na pag-angat. Tunay na nakasandal sila sa pader na sinusuportahan ng pagpapakasakit ng kanilang kapamilyang OCW.

Ang ikalawa’t mas mataas na nouveau riche ay ang tunay na transnational OCW class na may kapangyarihang mobilidad, di tulad ng mas abang lagay ng nakararaming OCWs. Maari na nga silang hindi bumili ng condo dahil kaya naman nilang manatili sa ibang bansa. Ang milyones na condo kung gayon ay isa nang status symbol.

Bahagi na lamang ang condo ng lifestyle ng nouveau riche, parang isang higanteng laminadong diploma sa sala. Simbolo ito na nakarating (arrived) na ang nakabili ng condo. Gayunman, kung tunay kang kabahagi ng transnational na uri, wala naman talagang pangangailangang magkaroon ng permanenteng base, tulad ng condo, sa Pilipinas?

Tulad ng gintong alahas, stuffed toy at portable appliances na binibili ng mas mababang uri ng OCWs, ang katumbas ng mga ito sa high-end na OCW ay ang condo. Maipreprenda at benta rin kung sakaling magipit, na kaya rin pinapaniwala ang sarili na ang condo ay isang “wise investment.”

Na tunay namang magpapapilit sa akin kapag ako ay nasa lagay nila at tinanong, “Saan ka nakatira?” “Sa Berkeley,” “sa Soho” o “sa Esplanade,” na tila ito ang new world—tulad ng Nueva Caceres, Nueva Ecija at Nueva York—na maaring magsimula ang pioneer gayong sa kasalukuyang estado ng global na mundo, matingkad ang isinasaad na dito kayo nakatira dahil hindi kayo aktwal na makatira sa tunay na lumang mas maunlad na mundo.

Ang ipinapangako ng nouveau riche na kultura ay hindi aktwal na pag-angat kundi ang akses lamang sa simulacrum ng modernong mundo. Hindi nga ba’t ang unit sa kondo ay isang simulacrum na rin—walang permanenteng lupang kasama, titulo at karapatan lamang sa aktwal na unit na binili, na sa pagtanda ng building ay pagyao na rin ng karapatan ng tenant sa unit niya rito.

Ito ang ideal na kopya ng kopya ng global na modernidad. Hala, bili na ng unit!

Thursday, May 08, 2008

Ano ang gagawin sa nag-aabang na labi ng buhay?, Pasintabi Column



imahen mula sa www.nancarrow-webdesk.com/.../img.201509.html

Ano ang gagawin sa nag-aabang na labi ng buhay?

Sa ngayon ay tapos na ang mga graduation. Reality check na. Ano na ang gagawin sa nag-aabang na buong buhay ng bagong graduate? At reality bites na. Tapos na ang edad ng sustento ng mga magulang. Panahon na para mag-ambag ng pagkain sa mesa, panggastos sa bahay, at siempre, sa pagpapaaral ng nakakabatang kapatid.

Sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, nagprotesta ang militanteng estudyante at guro habang kinakanta ang hymno ng pamantasan. Dalawang dating student regent, mga dating opisyal ng UP, ang kinolyar nang magtangka silang makiisa sa protesta. Maraming opisyal ang nakasimangot sa entablado, gaya nang inaasahan.

Centennial graduation itong taon sa UP. At hindi maganda ang mga senyales. Isang guest speaker na kasapi ng Board of Regents ang hindi maintindihang nagtalumpati nang pagkahaba-haba. Hindi ilan ang nakapagsabi na mas “bayad-utang” ang pagbibigay ng pribilehiyong magsalita di lamang sa pag-broker ng call center buildings sa Commonwealth property, pati na rin ang pagkahalal ng mga namumuno sa UP.

Ang valedictory address mula sa isa sa labinglimang summa cum laude ang nagsabi, sa aking pagkaunawa, na hindi na opsyon mangibang-bayan ang graduates dahil sa kondisyon na kinasasadlakan. At tila nasiraan ako ng tiyan sa pag-aalumpihit sa upuan sa mahigit na apat na oras na pagtunghay sa sentenaryong klase ng graduates.

Ito na ba ang maiaalok ng UP na pagtanghal sa kanyang mga pinagtapos na mag-aaral? Na hindi rin naman kakatwa dahil ang idinadambana ay ang paglikas ng graduate sa mga pamantasan, hindi pa ang pagsisimula ng “aktwal na buhay.”

Kung isinasaalang-alang ang paghayo ng bagong graduate, mas may sentimentalidad sana. Mas matikas ang panindigang “humayo, makibaka, magpadami hanggang sa tagumpay.” Pero dahil sa konserbatismong liberalismo ng mga pamantasan, ang matingkad na isinaad sa akin ng UP graduation ay “humayo, magpayaman, tulungan (sa pangunahin, finansyal) ang UP.”

Nag-volt in na ang mga piyesa ng neoliberal na jigsaw puzzle. Una, wala nang pagsasaalang-alang kung sino ang nagpaaral sa mga iskolar ng bayan, dahil marami na rin sa nagsipagtapos ay nagbayad na ng umiigkas na komersyal rate. Ikalawa, ito ang pinakamaraming graduate with honors; na nagsisikhay naman sa grade inflation ng ipinatupad na Revitalized General Education Program. Ang mga departamento ay nagkakakumahog magpapopularisa ng kurso na tatangkilikin ng mga estudyanteng naghahanap ng magpapataas ng grado.

Nakakatawa nga na dahil sa pagbabadya ng maitim na ulap, para na lamang roll call ang naganap sa pagbigkas ng pangalan at pagsabit ng medalya sa mga graduate with honors. Ikatlo, ang hinaharap ng pamantasan ay patapos na sa Commonwealth—ang serye ng call center building na pagtratrabahuan ng marami sa mga graduate, pati na rin nag-aaral pa lamang.

Isang daan taon matapos itatag ang UP, at bilang sintomas na rin ng higher education sa bansa, sila ang dapat magtanong, “ano ba ang gagawin sa natitirang buhay ng pamantasan?” Ang mga aktibistang estudyante at guro ay gumawa na ng pagpili.

Taon-taon, sa pagkanta ng hymno ng pamantasan, kahit pa nagiging mas marahas ang pagpigil sa kanila, nagtatakda sila ng pagkilos laban sa mga isyung pambansa at edukasyon. Ang panawagan ngayon taon, “Oust GMA.”

At ang mga ganito ang panawagan na dapat isaalang-alang sa pag-iisip na gagawin sa natitirang labi ng buhay. Ang itinanim sa pag-aaral sa loob at labas ng klasrum ay ang buhay sa pakikibaka. Ito o ang cookie-cutter mould na magtrabaho, mag-asawa, magkaroon ng tatlo’t kalahating anak, at magpayaman. Na kahit hindi nagtapos ay magagawa rin naman ang pagpasok sa kabaong molde.

Sa huli, ang indibidwal na graduate at mamamayan ay dapat maglingkod sa sambayanan. Ang kanyang aspirasyon, para maging tunay na mayaman, ay nakaangkla sa aspirasyon ng nakikibakang sambayanan.

Ang Attachment sa Kaswal, KPK Column, May 4-10, 2008



imahen mula sa www.seasite.niu.edu/.../araw_ng_manggagawa.htm

Ang Attachment sa Kaswal

Sa mga party, kapag sinabing “kaswal,” malilito ang imbitado. Ang kalakarang formal sa ibang bansa ay suit-and-tie, o katumbas na jusi at pinya na barong sa atin. Pero kapag formal na okasyon, tulad ng graduation o binyag at kasal, matatagpuan pa rin, maliban sa mga magulang at may opisyal na may katungkulan sa okasyon, na naka-long at short sleeves na polo lamang ang nakararami.

Kaswal na sa ibang okasyon ay katumbas ng t-shirt at maong. May natanggap na rin akong imbitasyon na ang attire ay “summer casual” na parang gusto kong magsuot ng shorts at sando lamang. Ang mahalagang alituntunin sa kaswal na damit ay ang lugar ng okasyon, at sino ang nagspo-sponsor ng okasyon. Na kahit pa sabihing kaswal ni Jaime Zobel de Ayala ay ang tendensiya ay mag-overdress sa okasyon, at kay Mang Pandoy naman, mag-underdress.

Sa musika, ang kaswal ay parang walang ka-effort-effort na pagkanta. Ang magandang ehemplo rito ay si Eli Buendia ng dating Eraserheads. Nasal ang tono na parang madaling sundan. Pero subukan mong sundan ito sa karaoke at matutuliro ka. Tulad ng Queen, sa operatikong rendisyon ng “Bohemian Rhapsody,” tignan lang kung masusundan ang lahat ng boses sa artistikong pinagsanib sa awiting “Pare Ko” at “Huling El Bimbo.”

Kaya rin nang mapakinggan ko ang Eraserheads na live ay hirap din silang plakaduhin ang sariling recording. Sa studio-mixing at MTV lamang perfekto ang pag-awit. Sa live performance ay tila hindi aksidenteng ginogoyo at lalong sinusuntunado ng bokalista ang sariling awit. Mismong siya ay nahihirapang sundan ang ni-record na awit.

Hindi naman nagsimula sa pananamit at pag-awit ang kaswal. Ito ay paglalarawan sa isang aktityud at pananaw-buhay: keber lang, may attitude pero hindi obvious, hindi halatain ang pagiging cool, na kapag nahalata kasi ang effort, hindi na cool. Kaswal na panliligaw, kaswal na personahe sa malling, kaswal na pagtratrabaho at pagnananay, kaswal na anak.

Iba pa ang “kaswal” sa “astig.” Ang kaswal ay agarang astang walang effort para ipakita ang effort. Na kapag napansin ang effort ay hindi na kaswal, garapal na. Ang astig ay agrebisong astang cool, wala nang patumangging nagpapa-cool. Astig kapag tigasin, kaswal kapag malamya gayong ang ang after-effect ng dalawa ay “cool-ness.” Ang recording ng Eraserheads ay kaswal, ang live performance nila ay astig.

Kaya ang kaswal ay may wanna-be na aspirasyon: ang mapabilang sa nakakaangat na metapisikal (cool-ness group) at materyal (resources para maging cool) na antas. Dahil nga ang cool-ness ay binabantayan ng ekonomiko at kultural na gatekeepers—sino ang nagsasabing hip at in ang isang bagay, ano ang uso at hindi, saan dapat magpakita para maging we-belong?

Ang cool ay wala sa larangan ng politika dahil walang bagong isinasaad ang tradisyunal na politika at ang personalidad nito. Cool ngayon si Barack Obama sa kanyang kampanya bilang unang African American na kandidato sa Democratic Party presidential nomination. Mas bawas ang coolness ni Hilary Clinton kahit pa siya ang unang babae nominado dahil hindi lamang siya nakikita bilang “appendage” ng dating asawang pangulo pero maging ng tradisyonal na politikang nirerepresenta nito.

Sa bansa, ang “Young Turks” o bagong henerasyon ng politikong nagsasaad ng kabataan at anti-establisimentong politika ay kinakasangkapan lamang ang kaswal para makamit ang mas lehitimong baitang sa pambansang politika. Silang dating anti-establisimento ay gagamitin ang bagong perspektiba para maging establisimento.

At ganito rin ang larangan sa mas angkop na usapin ng kaswal sa kultura. Tulad sa digi indie films, maraming batang direktor ang nangangarap maging mainstream, kahit pa naghihingalo ang industriya ng pelikula. Ginagawang calling card lamang ang kaswal na produkto—kasama rito ang personalidad ng kaswal na artista/henyo—para maging we-belong.

Ang mas matingkad na usapin ng kaswal ay ano ang pangunahing ekomiyang pwersang naghudyat ng ganitong paggagap sa bago at makabago, para lamang sa aspirasyong mapasama sa nakakaangat na estado ng panlipunang buhay? Paano naging katawagang “kaswal” sa kaswal na manggagawa?

Na bilang trainee—kahit pa gagap na ang trabaho sa serbisyong sektor, tulad ng fastfood at retail--ay walang kaakibat na permanenteng status ang kaswal bilang isang manggagawang gumagawa at nagpapakita sa kanyang amo? Kaswal siya na cool dahil siya ay kabataang sa unang pagkakataon ng kanyang buhay-paggawa ay nakakabili ng ilang luho sa katawan, nakakagimik, at nakakatulong sa gastusin sa bahay.

Effort umastang mayaman si Pedrong mahirap. Pero sa liberal na demokrasya ng pananamit at pag-asta sa mall na maaring pinaghahaluan ng mayaman at mahirap, nakakalusot ang kanyang pagiging kaswal. Kapag masyadong matigas at garapal, nagiging astig siya na may polaridad mula pagiging novelty hanggang pagiging jologs, at kung maging huli, marahas na isinusuka ng mismong nakakaangat na sektor na nais niyang maging bahagi.

Tinatayang kalahati ng manggagawa sa formal na ekonomiya ay mga kaswal. Walang ligal na status bilang manggagawa—walang benefisyo at karapatan. Na may malakas na bigwas sa kilusang manggagawa. Mula sa kasagsagang kasapian na mga tatlong milyon sa unyonismo noong gitnang 1980s, bumaba na ang kasapian sa 1.8 milyon ng 2006. Mababa ang bilang ng kasapi kung isasaalang-alang na 36 milyon ang labor force sa bansa.

Ang mga collective bargaining argreement (CBA) ay bumaba na mula 4,500 noong 1992 tungo sa 1,742 ng 2006. Bumaba mula sa 250,000 unyonista ng 2006 ang mga kalahating milyong unyonista sa may 16 milyong paswelduhang manggagawa ang nakapaloob sa CBA.

Hindi na kaswal ang pagiging kaswal. Nadale na pati ang arena ng unyonismo. Bahagi ito ng kadahilanan kung bakit nabawasan na ang bilang ng militanteng unyon. Kung sa gitnang uring kultural na uniberso ay aspirasyong kaswal ang nananaig bilang coping mechanism sa kasalatan ng materyal na buhay at muling magpapagising-abang-trabaho-tulog sa mamamayan, ang kaswal sa uring manggagawa ay pinagdamutan ng pagpipilian.

Sa pelikulang “Endo” (End of Contract, 2007), ang nakakatandang kapatid ay napaluhang niyapos ang nakakabatang kapatid dahil sa balita ng huli na natanggap na ito sa kauna-unahang pagkakataon sa kontrata ng paggawa. Ang nakakatandang kapatid ay beterano na ng mga endo, at paratihan traumatiko ang kinasasadlakan ng kanyang personal na buhay, lalo na ang pag-ibig.

Paano iibig sa isang katrabahong hindi sinkronisado ang pagpasok at paglabas sa kontrata? Na sa serye ng pagiging kaswal ay hindi na kaswal (cool), kundi isa nang kaswalidad sa malawakang hanay ng kabataang manggagawang itinali ng mismong estado sa negosyo para manatiling unskilled, underpaid at under-protected?

Ang aspirasyong kaswal ang binura na ng estado sa mismong sektor ng kaswal. Ito ay ipinuwesto na ng estado sa pangkalahatang hanay ng mamamayan ang mayorya ay naghihikahos at umaasang maibsan ang abang predikamento. Kaswal na buhay sa paghihikahos, kaswal na aktityud para mental at pisikal na makaagapay sa paghihikahos, na ang rekurso ng maraming kabataan ay maging kaswal para magkaroon ng simulacrum ng kaswal.

Ang atas ng kasaysayan ay putlin ang attachment sa kaswal: sa paggawa at sa mas malaking lipunan sa labas nito. Hanggang walang kapantayan sa kita, oportunidad at pangako ng mapagpalayang kinabukasan, mananatiling dehado ang mga kaswal at peligroso ang aspirasyong kaswal.

Ang panghagip ay pagpapaigting ng kilusang manggawang may layong unyonismo kahit pa lumalawak ang bilang ng kaswal na walang ligal na akses dito. Ibang imahinaryo para sa rekonseptwalisasyon at pagbalikwas ng kaswal.

*Ang mga datos ukol sa paggawa ay hango sa http://www.bles.dole.gov.ph/, sinipi kay Isagani de Castro, Jr. “Labor Movement Weak, No Longer Militant” (5 Abril 2008), http://www.abs-cbnnews.com/storyPage.aspx?storyId=116722.

Mahika ng Paggawa, KPK Column,



imahen mula sa www.hiraya.com/collections/eighties/eighties....


Mahika ng Paggawa

Sa kapitalismo, binubura ang napakahalagang lahok ng paggawa sa transformasyon ng hilaw na materyales—mga bagay—tungo sa pagiging komoditi nito. Nawawala ang paggawa sa pagtunghay, resepsyon at konsumpsyon ng komoditi.

Pumapasok tayo sa loob ng mall, kahit pa may gumagawa pa sa outlet ng bagong tenant, na parang biglaan na lamang nagawa ang strukturang magbibigay-espasyo para sa libangan na malling. Kumakain tayo ng instant pansit kanton, pati ng sardinas, at maaring sumaglit ang idea ng pasasalamat sa tumuklas sa at may-ari ng mga produkto sa pagbibigay ng mabilisang pamatid-gutom, o kung paano naisiksik ang anim na pirasong isdang wala nang ulo at buntot sa maliit na bilog na lata.

Hindi sumasagi ang bisig ng manggagawa, at ang panganib na maputulan ng mga daliri, kundi man ng buong braso sa bawat pagpapadaloy ng mga pakete ng instant noodles sa mainit na makina, o ang peligro ng pangingisda sa gitna ng karagatan, lalo na sa panahon ng tag-ulan at bagyo. Sa transformasyon ng mga hilaw na materyales tungo sa final na yugto ng pag-unlad ng bagay—ang komoditi—naglalaho ang paggawa.

May inverse na relasyon ang paggawa at komoditi. Nilulusaw ng huli ang una, gayong ang una ang lumikha ng huli. Ang huli ay mamamayani para sa ganansya na ng kapitalista. Kaya kahit magkandahulog pa ang mga manggagawang nagpipinta sa mall mula sa scaffolding, lamunin ng higanteng vat na limulusaw ng dyaryong gagawing recycled paper, at humina ang mga mata at baga sa pagsunog ng micro chip ng computer, pati sa pananahi ng Barbie doll, pinapaglaho na ang manggagawa sa akto ng palikha pa lamang.

Nawawala na sila sa guni-guni ng produkto (katapusang asembleya ng hilaw na materyales) at komoditi (ang isa pang transformasyon, sa pangunahin ay advertising at public relations, na ang produkto ay kayang ipagbili lampasan sa aktwal na halaga). Ang produkto ay nawawala sa abot-kamay abot-tanaw ng manggagawa: hindi nila mabibili ang kanilang nililikha. Walang peon na makakatira sa condo na kanyang itinayo. Walang babaeng manggagawa ang makakabili ng sweatshirt na kanyang tinahi. O kung makakabili man siya ng Ligo, mabibili niya ito, tulad ng ibang mamimili at kahit pa may diswkento, bilang komoditi na.

Mismong ang kalakaran sa paggawa ay inihihiwalay na ang manggagawa sa kanyang paggawa. Sa proseso ng produksyon—ang assembly line na ang manggagawa ay gumagawa lamang ng partikular na aspekto ng trabaho sa kabuuang transformasyon ng materyales sa pagiging produkto—ay nakakapagtanaw sa manggagawa sa makitid na aspekto lamang ng kanyang paggawa, hindi ang kabuuan ng proseso.

Pinabibigat pa ito ng quota system at mababang sahod. Ikaw ba naman ang manahi ng X-na bilang ng zipper sa pantalon, maglusaw para sa circuit 123 ng lahat ng chips na lumalabas sa pabrika, o mag-quality control ng mga himulmol sa damit, ano ang kontribusyon nito sa pagkatao ng manggagawa?

Ang sahod ay pinanatiling kakarurampot, halos nakakasapat lamang para muling makabalik sa pabrika ang manggagawa at muling makapagtrabaho. Hindi aksidente ito. Sinasadya talaga ito dahil sa transformasyon ng materyales sa komoditi, di lamang ginagawang incidental, isang historikal na aksidente lamang ang manggagawa: sa isang banda, na dahil nga pinaglalaho ito sa produksyon at konsumpsyon, paano hihiling ng mas mataas na sweldo gayong nalikha na silang hindi kaugnay sa komoditi; at sa kabilang banda, na parang walang nang choice ang kapitalista dahil hindi naman kusang magiging hamburger patty at chicken nuggets ang mga materyales nang walang interbensyon ng manggagawa, kaya hindi rin mahika ang pagsulpot at paglaho ng mga ito?

At sa pamamagitan ng advertising at public relations, nagiging dobleng invisible ang manggagawa. Maiisip ba ang sexualidad ng mananahi ng Bench underwear sa taunang parada ng naka-brief at panty na modelo, pagtingin sa higanteng billboards sa EDSA, o sa pagtunghay sa may-ari nito? Ang tanging nananatili ay ang pagiging purong komoditi ng materyales, at kahit man dito—sa garter, sinulid at tela—ay walang paggunita sa mga manggagawa.

Lalo pang napapalaho ang paggawa sa estado ng neoliberal na globalisasyon. Katawagan rito ay flexible labor, subcontractuals at “endo” (end of contract), na inilalahok ang mga manggagawa, sa partikular ang kabataan, sa serye ng anim na buwang kontrata. Na sa aktwal ay maaring tatlo hanggang limang buwan lamang dahil walang intensyong buuin ang anim na buwan at bigyan ang nagtratrabaho ng lehitimong status ng “manggagawa” na may kaakibat na karapatan at benefisyo.

Sa katunayan, hindi itinuturing na lubos na manggagawa ang subcontractuals na may karapatang mag-organisa dahil sila ay trainees pa lamang. Nilikha ng estado ang bagong variety ng invisibilidad ng paggawa: sa simula pa lamang na pumasok sila sa pabrika, opisina at outlet, hindi na sila lehitimong kalahok sa produksyon at konsumpsyon. Mas lalo silang maaring dustain.

Ito ang mahika ng kapitalismo sa paggawa. Ang hindi isinasaad sa naratibo ng kapitalismo ay ang sariling mahika ng manggagawa: na may kapangyarihan itong mag-organisa at magmulat para sa proletaryado (kontra-kapitalistang estado) na adhikain. Ang kapangyarihang ito ang nakakapagkimi sa kapitalista at estado na kaya nga sa lahat ng pagkakataon ay dinudusta ang manggagawa.

Dahil nga ang manggagawa ay may kapangyarihan di lamang ng transformasyon ng indibidwal at sektoral na abang lagay sa pabrika, maging ng transformasyong panlipunan. Kapag namulat ang manggagawa, buhay-at-kamatayan ang diwang magpapasulong ng proletaryadong kaisipan at pagkilos. At sa pagpapalakas ng kanilang hanay, kasama ang bulto ng iba pang anakpawis at intelektwal, ang mahika nila ay ang kapasidad na ibaling ang daloy ng kasaysayan.

Mula sa mahabang kasaysayan ng pang-aapi at pandudusta, tungo sa kasaysayan ng paglaya at pagtataguyod ng mapagpalayang lipunan.

Maligayang araw ng paggawa!