Paano naman ang terorismo ng estado?
Ipapatupad na ngayong linggo ang Anti-Terrorist Law na may pagpapatanggap na katawagang “Human Security Act.” Pagbaluktot ang katawagan sa diskurso ng United Nations na gamit ito para sa peace conflict resolution, o paghahanap ng kapayapaan lahok ang civil society. Bagkus, ang katawagan ay direktang halaw sa Patriots Act ng U.S., na pareho rin ang abbreviations—HSA o Homeland Security Act.
Ipapatupad na ang pagyurak sa mga karapatan, tulad ng walang definitibong panahon ng detensyon o pagkahuli nang walang warrant of arrest (batay lamang sa suspisyon, pwede nang damputin sa kalye), karapatang maglakbay; kasama na kapag na-house arrest, di ka pwedeng gumamit ng cell phone, internet at sumagot sa telepono.
Ipapatupad na ang anti-terrorist law na napakalabo at napakalawak ng definisyon ng terorismo. Lahat ng gumagamit raw ng malawakang panic at kaguluhan para mapilit ang estado na sumang-ayon sa iligal na panukala ay terorismo. Malamang, kung nanaisin ng gobyerno, pati ang nagrarali, nagwewelga o gumamamit ng kanilang lehitimong mga karapatan para mag-assembly at mag-aklas laban sa mapanupil na kalakaran sa pabrika at estado ay mapapasama sa aktibidad para sa terorismo.
Pati ang asosiasyon sa mga grupong binansagan ng U.S. (at kung gayon, pati na rin ang chuwariwap na pamahalaan ng Pilipinas) na terorismo, ang CPP at NPA, ay tatawagin na ring terorista at masasakop nitong batas. Kung gayon, batay sa sapantaha nina GMA at ng kanyang alipores, sina Ermita at ang kambal na Gonzalez, pati ang mga legal na organisasyong masa na kanilang pilit na idinadawit sa dalawang organisasyon ay terorista na rin.
Malaking pagkakamali ang batas na ito na tunay na may ngiping makakapagpigil sa anumang pagtutol kay GMA. Kakatwa rin na ipinapatupad ito sa panahong matindi pa rin ang pagdududa sa lehitimasyon ni GMA bilang tunay na halal na pangulo? Panahon ng martial law nang hindi man lang ipinapataw ang batas militar. Anong kumbinyenteng pamamaraan para usigin ni GMA ang kanyang mga kaaway, o ang mga tumututol, at mapanatili ang kanyang bangkaroteng pagkapangulo?
Sa isang banda, ang batas ay lehitimasyon ng karahasan ng estado, ang legal na pagtataguyod ng pasistang katangian nito. Sa kabilang banda, ito rin ang hugas-kamay ng estado sa kanyang dugo, sa mga 800 politikal na pinaslang at aabot na sa 200 sapilitang dinukot sa ilalim ng rehimeng GMA. Hindi pa kasama rito ang pandaraot ni GMA sa ekonomiyang karapatan—ang patuloy na pagtaas ng bilihin at hindi na pagsabay ng sweldo, ang neoliberalismong lalong nagpipindeho sa mga manggagawa at lokal na negosyante, ang budget na napupunta ang bulto sa pagbabayad-utang.
Hindi naman bago ang pagbabansag sa mga tumataliwas sa mapanupil na pamahalaan na “erehe,” “filibustero,” “subersibo,” “tagabundok,” at “komunista.” At ngayon naman ay “terorista.” May pwersang politikal ang pagbansag sa mamamayan at organisasyon na terorista dahil global ang digmaan, pangunahing lunsad ng mabilis na pagbabang popularidad ng mga polisiya ni Bush. Kasama sa Anti-Terrorism Law ang pagbibigay sa tinaguriang terorista sa ibang bansa para ito ang magsiyasat at lumitis sa indibidwal. Malamang ay matagpuan natin ang unang Filipino, hindi sa buwan, kundi sa Guantanamo military base ng U.S.
Kapag estado ang gumamit ng dahas, ito ay tinataguriang lehitimo. Kapag mamamayan ang gumamit nito, ito ay terorismo. Ang hindi pagsang-ayon ay dinadambana sa liberal na demokrasya. Kaya ang hindi pagkilala sa karapatang tumutol ay pagkilala na hindi demokratiko ang rehimeng GMA. At sa panahong naghahanap ito ng kanyang pamana o legacy sa pagkapangulo, maihahanay ang rekord ni GMA sa pinakamasahol na naging pangulo ng bansa—si Marcos.
Nalampasan ng mamamayan ang diktadurya ni Marcos, maging ang “sword of war” na inilunsad ni Aquino, at ang mga bersyon ng pagsupil ng kilusang mamamayan nina Ramos at Estrada. Paano naman ang terorismo ng estado? Kasaysayan ang huhusga, nagkakaisang mamamayan ang aakda.
No comments:
Post a Comment