Sunday, May 13, 2007

Responsaryo: Bayan muna, bago ang sarili.

Responsaryo: Bayan muna, bago ang sarili.

Para sa 20 porsyento ng pambansang budget na napupunta sa korapsyon, sa 30 porsyento sa pagbabayad ng interes sa utang panlabas, ano pa ang natitira para kay Pedro, Maria, Juan at Jose? May barya pa ba sa inyong mga bulsa?

Responsaryo

Para kay Kris at sa kanyang nawalang show, kay Hope at kay James, sa kuwarto sa klinika ni Vicky Bello, ang giyera at kapayapaang patani, ang napakatamis na Goldilocks cake, paano tayo napapakaisa sa mga buhay at dramang ganito?

Responsaryo

Para sa 15 milyong Filipinong kumikita ng kulang sa P50 bawat araw, sa tatlong milyong pamilyang nakararanas ng pagkagutom, at sa 60 porsyento ng populasyong naghihikahos, ano ang kinabukasang nag-aantay sa kawalan? May ulam ba sa hapunan sa inyong mga hapag?

Responsaryo

Para sa katubusang dulot ng Super Twins, ng mahikang pagpapagandang dulot ng Hiram na Mukha, ng pagtatagumpay ng pag-ibig sa Maging Sino ka Man, ng pagnanasang maging mabuting tao sa Lupin, mabuting pamayanan sa Rounin, bakit pakiramdam natin ay tayo ang kanilang inililigtas?

Responsaryo

Para sa kalsada ng Ripada na magpapaubaya sa Highway C-5, at sa daan-daang pamilya at tahanang ididimolisa, ano ang bukas sa kalakarang MMDA at UP na walang konsultasyon bigla na lang, sa isang iglap, may pirma at papel na nag-uutos? Hanggang kailan may mauuwiang tahanan?

Responsaryo

Para sa kasiyahan dulot ng panonood ng pagsunod kay at paglibak ni Big Brother, napapasayaw sa akmang musika, napapagawa ng mga bagay na hindi iisiping magagawa, napapasabing makasasaksak ng kapwa, mapapaahit ng isang kilay, at ok lang, bakit tayo naaaliw sa karahasang maging sunodsunuran?

Responsaryo

Para sa eleksyong nagpapatanim ng pichay, ginagawang tol ang hindi naman kaputol ng buhay, dinadaan kay Sarah Geronimo at Juday ang paglilikom ng boto, tunay bang may pagbabagong magaganap sa mga kandidatong ito? Sino ang iboboto natin sa Lunes?

Responsaryo

Para sa pagdambana kay Manny Pacquiao at sa kanyang kamao ng bansa, iadya tayo sa lahat ng masasama, iknockout ang lahat ng umaapi, ipagtagumpay ang ating pagiging talunan sa tunay na buhay, bakit inaasa sa iba ang dapat ay sa sarili?

Responsaryo

Para sa may 800 na pinaslang dahil sa aktibong nakilahok sa tunay na pagbabago, tinortyur, binaril sa tanghaling tapat, sa loob ng kani-kanilang mga tahanan, may patutunguhan ba ang mga buhay na nawalay? Para saan sila nabuhay, nagpursigi at namatay?

Responsaryo

Para sa ating kabutihan, sa kabutihan ng ating mga anak, at ng ating kinabukasan, ang ang isasaalang-alang natin sa Lunes?

Responsaryo

Sino ang iboboto natin sa Lunes?

Responsaryo

Ano ang isasaalang-alang natin sa habampanahon, lampas pa sa eleksyon? Ano ang panata natin?

Responsaryo

Bayan muna, bago ang sarili.

Mabuhay tayong lahat. Mabuhay ang Bayan Muna.

No comments: