Asintado Intro
9 Sept 06
Ang panonoorin natin ngayon ay documentary films. Ang kakatwa rito, hindi tulad ng regular na sineng pinapanood natin sa mall, ay may indexical reference ang dokumentaryo. Ibig sabihin, kapag may ipinakitang binaril sa pelikula, may tunay na tao na tinamaan ng bala, bumulantang sa lupa at namatay. Hindi tulad ng sine, may pekeng baril na may pekeng bala na may pekeng putok na magdudulot ng pekeng dugo.
Ang dokumentaryo ay galing sa salitang kanluran, ibig sabihin ay magturo. Pedagogical ang layunin ng mga dokumentaryo—upang turuan tayo ng mga bagay na hindi pa natin lubos na nalalaman, tulad ng pinakamasibo at sistematikong karanasan sa karahasan sa pagkapangulo ni Gloria Macapagal Arroyo.
Kaiba rin ang karamihan sa mga dokumentaryong mapapanood natin dahil ginawa ito ng tinatawag na documentary film collectives, mga maliliit na grupong pamproduksyon na kinabibilangan ng mga kabataang aktibista. Mas malaya itong nakakagawa at nakakapagpalabas ng mga dokumentaryo kaysa sa mga balita at news magazine shows ng television channels. Marami nang documentary film collectives ngayon, tulad ng Sine Patriyotiko ng Metro Manila, ST Exposure ng Southern Tagalog, Kodao; mayroon din sa Ilokos, Bikol, Visayas at Mindanao.
Sa kasaysayan ng pelikulang Filipino, sabay na sumulpot ang documentary film collectives at digital feature film bilang dalawang mahahalagang daluyan ng independent filmmaking scene sa Pilipinas.
Bakit kayo inimbitahan ngayong Sabado sa Asintado?
Para panoorin, matuto at makipagdiskusyon sa mga bagay na hindi natin natutunghayan sa komersyal na media o sa media at politika na hawak ng kasalukuyang pamahalaan. Para maglahad ng kontra-diskurso sa namamayaning diskurso ng karahasang pang-estado nina Palparan, Ermita, ng Kongreso at ni GMA, mga kontrang-katotohanan sa pinapalaganap na tunay na karanasan sa daan-daang pinapatay at dinadampot dahil sa politikal na paninindigan. At sa panonood, maaring dumating ang pagbabago.
Maligayang panonood sa katotohanan.
2 comments:
Roland, Kamusta!
Sukat napakadilim ng front page at buntot ng blog kaya hindi mabasa, o ito ba'y hiwagang di-sinasadya, a la suryalismo?
Nakatutuwa ang visuals mo--kailan ang labas ng Sipat-Kultura sa Ateneo?
Masayang eleksiyon na naman--sa pandaraya ni diktador labandera ! Ipagpatuloy ang laban...Mabuhay ka!
Ingat,
Sonny
hi sonny,
pinalitan ko na ang design. mahirap gumawa ng sariling template kaya nanghiram na lang ako sa isang format.
ang sipat-kultura ay inaasahang lumabas nitong hunyo.
ano ang iyong blog site?
roland
Post a Comment