Kasiya-siyang Pasismo
Pasismo ang tawag sa paggamit ng dahas para mapasunod ang kolektibo tungo sa hangarin ng estadong kapangyarihan. Dati, sa formulasyon ng marxistang Antonio Gramsci, kailangan ang pasismo ay tineternuhan ng paghimok. Hindi pwedeng sukdulang pwersa o lampas-lampasang paghimok. Combo meal kung baga, kumbinasyunan hanggang tayo ay napapaayon na sa nais ipamulat sa atin ng may kaban ng kapangyarihan.
Kapag bata tayo, ang paraan para mapakain tayo ng ampalaya at iba pang gulay ay kumbinasyon ng panghihimok (makakatikim ng Coke, may panghimagas, dadalhin sa parke at mall) at pwersa (palo, panatiling nakaupo hanggat hindi nauubos ang gulay, hindi palalabasin ng bahay). Ganito rin ang paraan kung paano tayo sinosoyalisa sa lipunan ng pamahalaan at negosyo. Bakit numinipis ang dumarating sa rali?
Hindi na kasi ito kasing hip ng politikang sangkot sa shopping, fastfood, paggimik at malling. Bukod pa rito, ang paratihang ginagawa ng pamahalaan na walang rali na lubos na nakakalampas sa tulay ng Mendiola. Marahas ang dispersal, at madalas, nakukunan pa ito ng mga imaheng inuulat sa dyaryo at telebisyon.
Sa kasalukuyan, mayroong pasismo na nainternalisa na sa atin dulot di lamang ng lantarang paggamit ng dahas (tulad ng daan-daang politikal na pagpaslang at forced disappearance) kundi na rin sa pagtatanya ng negosyong sangkapan ang pasismo ng kasiyahan. Hindi na lamang latay ang naalaala natin sa hagupit ng yantok sa dispersal ng anti-riot police o ng sinturon ng tatay. Sa kasalukuyang kulturang popular, nagiging kasiya-siya na ang pasismo.
Tunghayan ang palabas sa telebisyon na Big Brother. Sa isang episode pa lamang ay pinagsasayaw ni Kuya ang “housemates” kapag nakarinig ng samba music, at kapag ibang tugtog naman ay ibang gawain ang isasakatuparan. Naging pet na aso si Nel, pinahawak ng palaka ang mga kababaihan. At sa huli, buong paggalang pa rin pino-po si Kuya. Hindi ba’t ang titulo ay hango sa karakter ng antip-pasistang nobela ni George Orwell na “1984”? Paano nagbago ang direksyon ng ihip ng hangin?
Ito ang edad ng reality television—ang pagtunghay sa buhay ng mga nilalang na kontestant na pumapahintulot na mailagay ang kanilang sarili sa peligrosong sitwasyong pangbuhay. Sa isang banda, alam nilang may kamera at sila ay nagtatanghal para sa kamera. Nagiging bitch, bading, queer, macho, at iba pang hulmahang makikilala ng manonood.
Sa kabilang banda, vicarious ang posisyon ng manonood. Pinapanood natin ang ating worst fears sa pamamagitan ng kontestants—pagkain ng blinender na patay na daga sa “Fear Factor” o “Extra-Challenge,” pagkampi sa Pinoy at Pinay na kontestant sa “American Idol,” pagkuha ng back story ng mga kontestants sa “Deal or No Deal”–kahit pa nasa ligtas tayong posisyon, sa harap ng telebisyon. Hindi tayo ito, mayroon palang mas miserable at hayok na nilalang kaysa manonood.
Pero tayo rin ito, ang kontestants ay kinondisyon ng media at negosyo, tulad ng pagkondisyon sa ating pagtunghay sa mga kontestant. Tinutunghayan natin ang pasismo sa kanila—pwersahang pagdala sa liblib na isla at makipagtunggali sa kabilang tribu, o pagkondisyon ng ilang pribihileyadong housemates sa “Big Brother” para hindi ito ang ma-vote out. At sa ating pagtunghay, nagiging kasiya-siya—hindi pisikal na malupit—ang pasismo. Nilalamlam natin, sinusubaybayan natin, tinatangkilik natin ang pasismo ng negosyo para saan?
No comments:
Post a Comment