Sipat-Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan
Mapagpalayang Paglalakbay sa Panitikan
Naiibigan ko ang salitang mapagpalaya. Pro-active ang salita, may direksyong nais patunguhan na inihahayag ng prefix na “mapag-,” tulad ng mapagbigay, mapagmatiis, mapaglingkod, mapagmahal at iba pa. Ang ugat na salita ay laya, na nasa salitang layas o pag-alis at paglisan—sapilitan man o boluntaryo—sa isang lugar, at samakatuwid, pagpopook o paggawa ng tahanan sa ibang lugar na pagpapadparan, mga lunan na pinili o idinikta ng pwersa na tirhan ng naligaw, politikal o pang-ekonomiyang exile, overseas contract worker, probinsyano sa syudad at iba pa. At katulad ng kwento ng prodigal son, ang naglayas na anak ay parating bumabalik, literal o figuratibo man. Nasa salitang layag din o paglalakbay ito, pagsunod sa elemento ng hangin at tubig at pagpalaot kung saan dadalhin nito. Ang paglalakbay ang pangunahing talinhaga sa pagpipino ng balangkas sa pag-unawa—pagbasa, pag-aaral at pagtuturo—ng panitikan. Maglalakbay--na sa unang biyahe ay hindi nakakatiyak kung saan ipapalaot kahit pa mayroon namang lighthouse na gumigiya sa nabigasyon, na maaring hindi maibigan ang tutunguhin kaya kinakailangang buksan ang pag-iisip at tunghayan ang biyahe, na sa paulit-ulit na pagpalaot ay hindi na mahalaga ang giya dahil marami pang bagong lunan na pwedeng paglayagan sa paglawak ng panorama ng bisyon—ang mambabasa tungo sa mapagpalayang pag-unawa ng panitikan.
Ito ang sisipatin ng libro, ang paraan ng pagkaunawa sa panitikan ay kahalintulad sa pag-unawa sa mas malaking entidad na kinabibilangan nito, ang pag-unawa sa kultura. Hindi abstrakto ang karanasan sa panitikan at kultura. Ito ay aktwal na dinadanas—binabasa, nanonood ng sine o telenovella, nagmo-malling, kumakain sa fastfood, walang makain, nagnanasa ng bagong damit o bagong kotse, nagnanasasa ng mabuting buhay. Ang pagsipat—pagtingin sa lente, tulad ng mga mikrobyo sa microscope—ay pagbibigay-ugnay sa dalawang bagay: una, ang relasyon ng panitikan at kultura, ng maliit na karanasan ng pagbasa sa mas malaking pagdanas ng kultura, ang kolektibong identifikasyon at formasyon ng pagkatao; at ang relasyon ng produksyon at resepsyon ng mga ito—sino ang lumilikha (sa panitikan, ang manunulat-intelektwal sa isang banda, at sa kabilang banda, ang mambabasa-intelektwal sa kanyang produksyon ng kahulugan ukol sa binabasa), paano nalilikha (ano ang mga panitikang kumbensyon na pinaghahalawan ng manunulat at ano ang kultural na background na kinakailangang ihayag ng mambabasa para makabuo ng kumprehensibong kahulugan sa akda), at higit sa lahat, para kanino (sa bansang makakatlong nakadanas ng kolonialismo, integral ang katanungang ito sa paglilinaw ng papel ng panitikan at kultura sa transformasyong historikal at panlipunan).
Ahensya at Kapangyarihan sa Panitikan
Ang posibilidad ng ahensya (agency) ay matutunghayan sa panitikan. May mga indibidwal at kolektibong desisyon ang mga tauhan sa kanilang kinahantungan, kahit pa may nakatutok ng baril o wala. Pinili nilang magkagayon kahit pa malinaw na nailahad na ang kanilang mga suliranin ay panglipunan din. Ang panitikan ay rehersal sa transformasyong panlipunan. Sinasambit nito ang posibilidad at imposibilidad ng mga bagay. At sa kauulit nito sa bawat panitikan, ang pagkilos tungo sa pagwaksi ng diskontento ay nabibigyan-diin din. Tinuturan tayo ng panitikan ng ahensya, ang indibidwal na kapangyarihan para baguhin ang kapaligiran at magbago ng sarili. May ahensya sa panitikan sa ilang antas: sa antas ng pagbasa, sa aktwal na pagharap sa mga akda ay boluntaryo aktibidad, sa maraming pagkakataong hindi ito required, at kahit pa required, may kanya-kanya pa ring napupulot na yaman at basura ang mambabasa mula sa akda; sa antas ng pagsulat kahit pa sabihin ng awtor na sinulat niya ito para sa pinakapersonal na kadahilanan, tulad ng “Mi Ultimo Adios” ni Jose Rizal at maging ng maraming journal, at politikal, tulad ng mga akdang nilikha para makapagmulat, magpakilos at mag-organisa ng masa, ang aktibidad ng pagsulat bagamat at dahil solitaryong gawain ay ginagawa ng manunulat bilang pagtugon sa pangangailangang lampas pa sa kanya; sa intersubjective na antas, sa akto ng pagdadaupampalad ng interpretasyon ng manunulat, mambabasa, kritiko, guro, skolar, afisyonado at iba pang identidad at pagpapatuloy ng makabuluhang pagpapakahulugan sa akda, kasama rin dito ang identifikasyon sa tauhan ng akda at kondisyong kinagagalawan nito.
Ang katatonikong pagtunghay sa panitikan ng bilang entidad ng kawalang kabuluhan maliban sa fetishistikong atraksyon ng guro sa lumang bokabularyo, bararila at ilang obhetibong katanungan at kasagutan sa akda ay kulturang nagluluwal ng passivity o pagkamangmang. Ang mag-aaral—kadalasan ay walang kusang atraksyon sa panitikan—ay nagkakaroon ng intelektwal na pagkamuhi at emosyonal na dependensiya sa gurong nagdadadala ng sukdulang kaalaman. Ayon kay Paolo Freire, ang emotional dependence ng inaapi ay makakapagdulot sa kanila ng necrophilic na pag-uugali—destruksyon ng buhay—sa kanila o sa iba pang kasamahang inaapi.[i] Ang pag-aaral ng panitikan, samakatuwid, ay kinakailangang makatugon sa buhay ng nag-aaral nito. At ito ang historikal na papel ng sinumang nagkaroon ng kontak sa panitikan, kahit pa hindi ito nalulubos sa marami—ang pag-akda ng luma at bagong pagpapakahulugan sa tinutunghayang panitikan bilang pag-eensayo sa pag-unawa at transformasyon ng lipunan. Empowerment ng mambabasa, mag-aaral at manunulat ang nilalayon ng libro sa pagkatuto sa panitikan.
Sa isang banda, ito ay pagpapakita na ang namamayaning kapangyarihan ay porous, matatagos ng mga inaapi. Matutunghayan sa mga akda ang mga ehemplo sa tinatawag ni Freire na “vulverability of the oppressor” para magpaunlad ng “kontraryong kumbiksyon” sa hanay ng mga inaapi.[ii] Unti-unti, malulusaw ang pagkawala ng gana, pagiging matakutin at talunan ng mambabasa sa pamamagitan ng kritikal at mapagpalayang dialog, na nagpre-presuppose sa pagkilos, na isasakatuparan ng guro-facilitator (hindi diktador o romantikong awtorial) sa pagsusulong ng mga yugto ng pagbabasa, pag-uunawa at pagkakatuto ng panitikan at lipunan.[iii] Wika nga ni Freire, “At all stages of their liberation, the oppressed must see themselves as women and men engaged in the ontological and historical vocation of becoming fully human.”[iv] Ang kaganapan ng tao ay hindi romantikong nosyon, ito ay ideal na ipinaglalaban ng mga inaapi, katulong ng guro-facilitator.
Sa kabilang banda, mismong ang mga akda ay nagbibigay-representasyon sa pang-araw-araw at historikal na pagbabalikwas ng lipunan. Narito na mismo ang modelo ng pagbabago, kung paano ito prinoproblema ng manunulat-intelektwal para sa kanyang mambabasa; gayundin, narito ang pagtugon sa mga panlipunang hinanaing—paano makakaagapay o hindi sa mga problemang kinahaharap ng publiko. Kung gayon, ang usapin ay nananatili sa mapagpalayang interpretasyong magbibigay ng historikal at panlipunang ugnay sa mga tila hindi magkakaugnay na tauhan, bagay at kaganapan, sa interpretasyong kumikilala sa ahensya ng inaapi. Mainam isaalang-alang ang babala ni Freire, ang reperspektibasyon ng inaapi: “The truth is, however, that the oppressed are not ‘marginals,’ are not people living ‘outside’ society. They have always been ‘inside’—inside the structure which made them ‘beings’ for others.’ The solution is not to ‘integrate’ them into the structure of oppression, but to transform that structure so that they can become ‘beings for themselves.’”[v]
Etika ng Pagbasa at Pagsuri
Hindi ibig sabihin nito ay bigla na lamang magiging militante ang konserbatibong manunulat at akda nito. Ang isinasaad sa transformasyon ay etikal—para kanino ang paglalatag ng naturang pagbasa? Ang idea ay latagan ng konteksto ng pagbasa at pag-unawa sa mga akda—na kung ito ay konserbatibo, paano rin ito bumabagsak sa sarili nitong pagtatangkang papalautin ang bangkarote nitong Titanic? At kung ito ay nagfrofrontang militanteng akda, paano rin ito nananatiling hindi puro na mayroong sariling kontradiksyon dahil sa pangunahing realidad na hindi pa nga natutuklasan ng lipunan ang realisasyon ng pinapangarap na ideal? Hindi rin sinasambit ang postmodernong pagbasa na naglalahad ng validity ng anumang pagbasa dahil nga sa paglalantad ng ethics sa pagbasa at interpretasyon.
Unang malawalakang ipinakilala ang disiplinang panitikan sa kolonyal na edukasyon sa Amerikanong kolonialismo. Ang kasaysayan ng panitikan ay kasaysayan ng pagkawalay sa ideal ng primitibismo ng katutubo at pagtungo sa kosmopolitanismo na idinidikta ng kolonialismo noon at neokolonialismo sa kasalukuyan. Ang naunang panitikan ay tinutunghayan sa dalawang positibismo—sa historikal na positibismo, bilang may kabuluhan lamang sa komunidad na lumikha nito, walang pagtatangkang umugnay sa kabuuang kolektibo kahit pa ito hindi aktwal na realidad sa panahong inakda ang mga ito; at sa developmental na positibismo, na patuloy ang ilan sa mga porma na matutunghayan at ipinagyayaman sa iba’t ibang panahon, maging sa kasalukuyan. Pumasok pa ang malaking disjuncture ng Amerikanong kolonialismo at ng aparato nito ng kolonyal na edukasyon, tunay na ginawang elitistang venture ang panitikang nangangailangan ng formal na edukasyon para makapagsulat at makapagbasa, kadalasan pa nga ay ipinagbubunyi rin ng transnasyonal na biyahe ng manunulat sa english-speaking o -friendly na bansa.
Sistemang Pagbabangko at Pagkabangkarote
Ang nalikha ay pagkawalay, na tulad ng maraming katutubo at modernong akda ay nag-aambisyon, kundi man lumilikha ng nostalgia ng pagbabalik kahit pa hindi na nga makakabalik kung hindi dahil sa hindi na nga makakabalik. Nawala na ang orihinaryong pagbabalikan. Maging ang panitikan ay hindi malinaw sa kanyang pinagmulan at malamang sa patutunguhan. Ang lahat ng pag-uugnay ay tentatibo bagamat hindi relatibo. Tentatibo ito dahil may malaking bahagdan na nakadepende sa paghuhula sa posibilidad; hindi ito relatibo dahil may sistema ng pag-unawa sa posibilidad ng ugnayan at disjuncture. Ang pangunahing katangian ng sistemang edukasyon na kung saan primal na pinanggagalingan ng karanasan sa pagbasa ng nakararami (maliban na lamang kung mayroong ‘library’ ang pamilya, isang bookshelf o mga shelves ng libro na maaring pangunahan ang formal na karanasan) ay nakabatay sa tinatawag ni Freire na “banking system” kung saan naman “Education becomes an act of depositing, in which the students are the depositories and the teacher is the depositor…. In the banking concept of education, knowledge is considered a gift bestowed by those who consider themselves knowledgeable upon those whom they cosndier to know nothing.”[vi] Pinaghihiwalay ng guro rito ang tao sa mundo, “a person is merely in the world, not with the world or with others; the individual is spectator, not re-creator.”[vii] Kaya itong banking system sa edukasyon ay tinatagurian bilang necrophilic na inaruga “sa pagmamahal sa kamatayan, hindi sa buhay.”[viii]
Ang mapagpalayang edukasyon ay akto ng kognisyon, pagkilala sa mga object bilang “cognitive actors” o natuto sa isa’t isa at may dialogical na relasyon—sa pagtunghay sa kahalintulad na pamamaraan ng pag-unawa sa mundo. Binabago ang relasyong guro-mga mag-aaral sa mga guro-mga mag-aaral, na walang may iisang may hawak ng awtoridad—“authority must be on the side of freedom not against it.”[ix] Inilulubog ang kamalayan sa banking system samantalang ito ay pina-uusbong at nagtutungo sa direksyon ng kritikal na interbensyon sa realidad.[x] Ang mapagpalayang edukasyon, kasama rito ang pagbasa, interpretasyon at pag-unawa ng panitikan, ay pratis ng kalayaan, ginagawang konkreto ang ideal tungo sa posibilidad ng karanasan. Ang inaasahan ay ma-empower ang mag-aaral para matuto ito ng pag-unawa ng panitikan at kultura nang sa gayon ay ipagpatuloy ang praxis ng pagbasa bilang praktis ng kalayaan, at sa kakambal nitong praxis ng panlipunang transformasyon. Sa huli, ang idea ay hindi palitan ang kamalayan ng inaapi, kundi palitan ang kondisyon ng kanyang kaapihan tungo sa kanyang paglaya.
Nagbabasa Ako at Binabasa Ako
Nagbabasa ako at ang binabasa ko ay dalawang bagay—ang kaganapan sa buhay ng tauhan at ang kaganapan na ito bilang kahalintulad na kaganapan sa buhay ko. Susuriin ko ngayon, may kabuluhan ba ang ugnayang ito? Naisasaad ba ang limitasyon ng may kapangyarihan at ang kawalan nito, at nailatag pa ang posibilidad para sa pagbabago? Magagawa ito sa pag-uugnay ng akda sa aktwal na lipunan at kasaysayan. Kakayanin ba ang ganitong paglalahad ng limitasyon ng kapangyarihan at posibilidad ng pagbabago sa aktwal na lipunan—na bagamat naresolba ito sa akda ay kailangang suriin muli bilang isang plano ng pagbabagong historikal at panlipunan. Ang isa pang isinasaad ng akda ay ang self-reflexive na produksyon nito ng manifesto hinggil sa panitikan—ano ang sinasabi ng kwento hinggil sa pagbuo, gamit at kabuluhan ng kwento, halimbawa? Dito naman matutunghayan ang puwang ng kultura at gamit-kultural, tulad ng panitikan, sa paglalahad ng posibilidad ng panitikan at kultura sa mismong pagbabago ng kasalukuyang kondisyong ginagalawan, kundi man, ng paglalatag nito.
May tatlong tema na isasaalang-alang sa pag-unawa ng panitikan at kultura—kasaysayan, lipunan at modernidad. May kasaysayan ang panitikan at lipunan. Ang isinasaad nitong importanteng detalye ay ang dobleng pagbasa sa panitikan, sa kasaysayan ng pagkasulat nito at sa kasaysayan ng pagkabasa nito (ang kasalukuyang sandali). Kasama sa kasaysayan ng pagkasulat nito ang mga stilong pampanitikan na umuunlad sa pana-panahon ng panitikan at mismong kasaysayan. Ang tradisyonal na pagkakahati ng kasaysayan ay ang mga sumusunod na yugto—katutubo, Kastilang kolonialismo, Amerikanong kolonialismo, Hapong kolonialismo, post-independence, at kontemporaryong pagsasabansa. Pangunahin sa pagsusuri ng kasaysayan ay ang pag-aaral ng moda ng ekonomiyang pinapaiiral sa bawat panahon—komunal, alipin at Islamikong lipunan sa katutubo, feudalismo sa Kastilang kolonialismo, introduksyon ng kapitalismo sa Amerikanong kolonialismo, neokolonialismo sa panahon ng Hapon, malakolonyal at malapyudal sa post-independence na yugto maging hanggang sa kasalukuyan.
Ang pangunahing katangian ng ekonomiyang produksyon ay ang pagbibigay ng mapa ng pagkaunawa sa produksyon at resepsyon ng panitikan. Sa komunal na yugto, halimbawa, ang diin ay ang kolektibong pag-aari ng kapaligiran at panitikan. Ang mga talinhaga ay galling sa kapaligiran sa komunidad, at ang paglikha ng panitikan ay insidental sa praktikal na gamit sa pang-araw-araw na buhay—tulad ng pormang oyayi sa pagpapatulog ng sanggol—gayong integral sa paghihinuha ng kosmolohikal na kaayusan—ano ang pinaniniwalaang parallel na mundo at kaisipan sa mga akda. Ang feudalismo sa Kastilang kolonialismo, ang pag-aari ng lupain ng mga prayle, Kastilang opisyal at ilang lokal na katiwala, ay nagdulot ng tatlong subpanahon sa panitikan—ang relihiyosong panitikan ng mga prayle—na siya ring nagmamay-ari ng imprenta—at ilang lokal na trabahador ng simbahan na nagbigay diin sa supremacy ng Katolikong kaisipan at Kastilang gawi; ang panitikang sekular sa unang yugto nito at ang paghahanap ng idioma ng kolektibidad ng lokal na manunulat sa mga pormang awit at korido halimbawa, sa paglulunan ng kondisyong lokal sa mga malalayong kaharian; at panitikang himagsikan, ang ikalawang yugto ng panitikang sekular, na naghayag ng politikal na substansasyon sa kolektibong layunin.
Paglayag ng Panitikan
Nagsimula nang lumayag ang panitikan na hiwalay sa pang-araw-araw na realidad, tumungo sa spesipikong misyon ng panitikan para sa kumbersyon sa katolisismo at Kastilang kolonialismo, pabalik sa kakaibang gamit ng panitikan, tungo sa pagpapalaya at transformasyon ng kolonya. Ang impetus ng pagkaunlad ng panitikan sa Amerikanong kolonialismo ay ang introduksyon ng kapitalismo (pangangailangan ng experto sa iba’t ibang disiplinang tatao sa kolonyal na burukrasya) at liberal na demokrasya (ang kamulatang dulot ng edukasyon para sa pagtanggap ng mga bagong kaayusan). Matutunghayan ang mga panitikang nagbibigay-lehitimasyon sa mga karanasang tinataguriang hindi nababagay sa konserbatismong katolisismo, tulad ng pagsusugal, pambabae, pagkakaroon ng affair ng babae at iba pa. Dagdag pa rito, ang bagong karanasan sa paggawa at pag-aklas ay tinatalakay din ng panitikang sa panahong ito. Sa kolonialismong Hapon, ang panitikan ay ibinalik sa pambansang wika gayong ito ay dumanas ng matinding sensura mula sa militar. Pangunahing militaristiko ang layunin ng pananakop ng mga Hapon na hindi nagkaroon ng mahabang panahong magkaroon ng pang-ekonomiyang transformasyon sa bansa.
Sa post-independence na panahon hanggang sa kasalukuyang panahon, tunay na “mala-mala” ang sistemang pang-ekonomiya—ito ay malakolonyal o tumitingin pa rin sa dayuhan para sa pang-ekonomikong kasagipan ng bansa; at mala-feudal, ang malawakang pagkatali pa rin ng bansa sa problemang agrikultural. Kasama rito ang panlipunang relasyon ng dayuhan (na nagmamay-ari ng mga negosyo sa bansa), kumprador (ang negosyanteng nagpapasok ng dayong kapital at naglalabas ng kita pabalik sa parent company nito), burukrata kapitalista (ang mga politiko at opisyales na ginagamit ang posisyon para sa personal na pagpapayaman) at feudalismo (mga may-ari ng lupa, visible man o invisible sa mga nagsasaka, at ang kultura ng patron, lalo na sa politika). Ang karanasan sa kolonialismo noon at neokolonialismo sa kasalukuyan ang siyang nagdudulot sa mamamayan ng pamantayang kosmopolitan—kung ano ang katanggap-tanggap sa panitikan at kultura sa namamayaning kaayusan. Itong karanasan—na dinanas sa serialidad—ay siya ring nagtatakda ng mababa at mataas na antas ng panitikan at kultura. Ang panitikang may relihiyosong turo, halimbawa, ang pamantayan sa unang yugto ng Kastilang kolonialismo, na nagbago sa panitikang politikal sa huli nitong yugto. Ang panitikang aral at edukado ang siya namang pamantayan ng kagalingan sa panahon ng Amerikanong kolonialismo na higit pang idinidiin sa sinumang naghahangad maging manunulat sa kasalukuyan, sa proliferasyon ng mga undergraduate at graduate na programa sa malikhaing pagsulat sa mga pangunahing unibersidad.
Hindi economic determinism—o ang sistemang pang-ekonomiya ang determining factor sa una’t huling usapin—ang paraan ng pag-unawa sa panitikan at kultura. Ito ay ang paglalatag ng ekonomiyang kalagayan na siyang nagbibigay-buhay sa mga politikal at kultural na larangan sa indibidwal at kolektibong pagkatao at pagkabansa. Ang pinag-uusapan ay dalawang aspekto ng representasyon: una, kung paano tinatangkang salaminin ng akda ang mga historikal na kaganapan at pangangailan, kung paano ito nagtatagumpay; at ikalawa, kung paano bumabagsak ang pagtatangka dahil sa pagkabalaho sa mga sektoral na konsern, tulad halimbawa ng papel ng tradisyon sa proyekto ng moderno, ng katutubo sa proyekto ng kolonialismo, ng kababaihan sa proyekto ng makalalaking panitikan. Samakatuwid, ang pag-uusapan ay ang pagtatangka ng panitikan o akda nito na sipatin ang ofisyal na proyekto ng namamayaning kaayusan, at ang kontraryong daloy ng kaisipan mula sa alternatibong konsern.
Usaping Lipunan at Panglipunan
At ito ang pagsusuri ng kasaysayan ay matutunghayan sa pangunahing inihahayag ng panitikan—ang usaping lipunan at panlipunan. Ang pagsulat at pagbasa ay publikong aktibidad dahil ang isinisiwalat ng nasa loob ng panitikan ay mga publikong konsern. Si Urbana o Ibarra, Julio Madiaga o “Ang Babaeng Namumuhay Mag-isa” ay hindi lamang mga personal na karakter ng manunulat, sila ay mga panlipunang tauhan na nauunawaan natin dahil sa panlipunang dimensyon ng kanilang mga konsern bilang karakter o persona sa mga akda. Kung wala ang lipunan, walang three-dimensional aspect ang panitikan. Wala itong foreground, middleground at background para maunawaan natin kung bakit ganoon na lamang ang pinili ng tauhan o persona para resolbahin ang kanyang problema. Hindi sila purong kathang isip dahil mismong ang kathang isip ay isang panlipunang konstrak at likhang panlipunan. Kung ano ang imahinatibo at malikhain ay idinidikta ng namamayani sa lipunan—mga guro at kritiko, halimbawa. At ang imahinasyon ay hindi lamang sa utak nagaganap, kailangan nito ng material na pagkakapitan at paghahapitang porma. Ang panitikan ay isang hulmahan ng imahinasyon gayong nababago at napapagyaman din ng indibidwal na imahinasyon ang panlipunang konstrak nito.
Ang lipunan ay ang espasyo ng imahinasyon ng manunulat at mambabasa. Bilang manunulat at mambabasa, ang imahinasyon nila ay diniditermina ng kanilang afinidad at distansya sa mga nagtutunggaling pwersa ng bawat kultural na kategorya—maykaya o wala sa uri; babae at lalake sa kasarian; heterosexualidad, bisexualidad, homosexualidad o asexualidad sa isyu ng sexualidad; adult o kabataan at kamusmusan sa henerasyon; katoliko o iba pa sa relihiyon; pamantayang maka-dating kolonyal na mananakop sa dating kolonyal na nasakop sa lahi; mestizo at Tagalog o iba pa sa etnisidad, halimbawa. Bawat indibidwal na pagkatao ay hindi kakaiba, natatangi lamang ito batay sa kanyang loyalty sa mga kategoryang piniling maging mahalaga sa kanyang pagkatao. Sa huli, ang indibidwal na pagkatao ay sasalain sa kapasidad nitong pumasa sa naayong kolektibong pagkatao.
Alegorya sa Pagbasa at Pagdanas
Alegorikal ang papel ng bawat akda dahil minimimiko nito ang aktwal na lipunan, maging ang mga kontradiksyong dinaranas nito. Ang papel ng pag-unawa sa lipunan ay hindi maglantad ng simplifikasyon ng mga bagay, kundi ang maghayag ng kumplikasyon ng mga kaganapan sa lipunan. Mahirap ka, at alam mong hindi ka yayaman, pero gusto mo pa ring manalo sa lotto; babae o bakla ka na may rape fantasy; lalake ka na nagwo-wonder kung paano ba makipag-sex sa baklang nagproprosisyon sa iyo; maitim ka pero nagpapaputi; pango ka pero nag-iisip magpa-“corrective” surgery. Paano nangyari ito na ang itinakda para sa atin ay hindi nagiging lubos na katanggap-tanggap, na kahit sa isip natin ay sumasagi ang pagdaloy sa ibang kategoryang inaakala natin bilang lampas-lampasan sa atin? Ang alegorikal ay ginagamit para masipat ang isang daluyan ng pag-unawa—ang maliit tungo sa mas malalaking usapin; pero mayroong kontraryong pagbasa na dapat ring isaalang-alang, kung paano nagtre-trespassing ang mga kultural na kategorya mula sa iba’t ibang hanay nito (babaeng breadwinner o househusband, halimbawa) at maging sa iba’t ibang kultural na kategorya (babaeng breadwinner na nakabase sa Hong Kong, kung saan siya naman ay katulong ng lalakeng breadwinner na Tsino)—intra at extra-movements ang isa pa ring usapin.
Ang tinutunghayan sa panitikan ay ang kasaysayan ng lipunan bilang pagtatakda ng kolektibong kultural na panuntunan. Ang indibidwal na sinisipat ay ang paglapat ng tauhan sa hulmahan ng ideal na pagkatao. Ang pagkataong ito ay karaniwang pumapalaot sa iba’t ibang uri ng karanasan sa kosmopolitanismo—ang paglimot sa katutubong gawi at pagpaloob sa Katolikong gawi sa Kastilang kolonialismo, ang pagnanasang makapantay sa ideal ng nakararaming nagpursigi at nagtagumpay sa mito ng edukasyon sa Amerikanong kolonialismo, ang pang-ekonomiyang pag-unlad ng bansa na mayroon pa ring konserbatibong Katoliko at reaksyonaryong pagpapahalaga sa kasalukuyan. OK lang na nagpa-party-party sa Libis at Malate sa gabi sa lahat ng araw ng linggo, pero sa dakilang araw ng Panginoon, dapat ay nasa loob naman ng simbahan nanunuluyan, na siya namang ginagawa ng nakararami. At kung hindi kaya ng indibidwal na magparty sa mga naturang hip na lugar, kailangan lamang marehistro nito sa kanyang sarili at sa iba pang kahalintulad niya ang kalagayan na kakailanganing madanas ito sa tanang buhay bago masabing “in” ang isang talagang “out” naman.
Moderninad, Edukasyon at Panitikan
At ito ang karanasan sa modernidad na swak na binibigyan-ehemplo ng Amerikanong kolonialismo—ang pagkakaroon ng edukasyong magiging pasaporte sa mga larangan ng lipunan. Ang edukasyon dito ay formal (two-year college experience para sa maraming ordinaryong gawain, tulad ng waitering, pagtrabaho sa fastfood at malls, pagiging gwardya, at iba pa; at informal, maalam ka sa mga bagay, lalo na ang uso. Ang karanasan sa modernidad ay karanasan sa uso. Sa maykaya nito, ang pagbili at paggamit ng uso bilang isang narsisistikong adventura. Isusuot mo ang uso, pupunta ka sa usong lugar, iko-cover ito sa socialite pages, babasahin ng kaibigan mong nakikiuso rin. Sa walang kaya, ang uso ay nirerehistro lamang. Patlang-patlang na pagdaan ng uso ay dapat na nakiiuso rin naman. At may opening din para maging demokratiko ang akses sa uso. Uso ang cellphones at makikiuso rin ang maraming kabataan.
Kailangang pag-ugnayin ang in at out, inihaharap at itinatalikod ng modernidad sa dalawang panahon at espasyo—ang kasaysayan ng panahon ng pagkalikha at pagbasa ng panitikan, at ang lipunan noon at ngayon. Ano ang continuities at discontinuities ng mga panahon at espasyo? Dito naman maangkat ang diskurso—ang relasyon ng bagay sa magkaiba at magkatulad na kasaysayan at lipunan noon at ngayon. Ang entidad ng modernidad ay ang pagkatao—paano ito sinusubstansyahan sa iba’t ibang panahon at espasyo? Paano ito nagtatakda ng ideal na pagkatao at nagsasantabi ng maraming mababang uri ng pagkatao? Ang modernidad ang pangunahing paggagayak sa penomena ng pagkaetsapwera ng katutubo at paghahanap ng idioma ng kosmopolitanismo sa karanasan ng kolonialismo noon at neokolonialismo sa kasalukuyan.
Paano si Maria Clara, halimbawa, ay tipifikasyon ng maykayang babae sa huling yugto ng Kastilang kolonialismo—nakapag-aral pero hindi ganap na nakamit ang kamulatang magpapahintulot sa kanya na danasin ang emosyonal na karahasan sa buhay? Paano rin ang limitasyon ng edukasyon ay maaninag maging sa pinaka-hip na VJ ng MTV? Na kahit hindi nakakasapat, para sa nakararami, ay modelo pa rin ng pagkakamit ng pagiging (becoming), ang ilusoryo ng naging (being). Na kahalintulad ng impetus ng pangangarap ng maraming may hitsurang babae at lalake para mag-showbiz—mag-artista, mag-VJ, at magmodelo--kundi man, mag-GRO (may oxymoron na titulong guest relations officer) at kung hindi pa rin, pumaloob sa mas mababang antas ng sex industry. Nagpapatuloy ang American dream—ang posibilidad ng pag-angat batay sa indibidwal na pagsisikap--maging sa pinakanaghihikahos sa pinakagula-gulanit na barong-barong. Kung wala itong pangarap, bakit pa nabubuhay? Ito ang trahedya ng nabubuhay sa modernismo at postmodernismo—bakit pa natin pinipiling mabuhay, kumilos sa pagpapalaya ng lipunan kahit pa ito ay sa matagal at malayong hinaharap? Kung wala rin itong pangarap ng panlipunan at historikal na pagbabago, bakit pa tayo nabubuhay? Anong pangarap ang mas matimbang sa mas mabigat na pagdidiin ng pangarap nang mayroon nang kaya—ang pangarap na higit pang pagkamkam. Kung wala nang makakamkam pa mula sa huling nagbabasura sa Payatas o katutubong nahukot sa pagtanda ng mabigat na trabaho, bakit pa nabubuhay ang negosyanteng komprador? Pati sa pangangarap ay tunggaliang kakakitaan ng digmaang pang-uri.
Mapagpalayang Pagbasa at Transformasyong Panlipunan
Ang mapagpalayang pag-unawa ng panitikan ay naglalatag ng kondisyon para sa kultural na pagbabago na siyang susing kawing sa anumang panlipunang pagbabago. Ang mapagpalayang pag-aaral, pagtuturo at pagbasa ng panitikan ay pag-eensayo sa pagpapalaya ng lipunan. Tungo saan sa panitikan? May mga naunang nang pagtitipon ng ideal ng kolektibo sa panitikan—panitikan ng Pilipinas, panitikang Filipino, pambansang panitikan, makabayang panitikan at pambaansang demokratikong panitikan.[xi] Ang panitikan ng Pilipinas ay nakabatay sa heograpiya. Ito ang totalidad ng mga akda sa teritorya ng Pilipinas, kabilang dito ang panitikang rehiyunal. Ang problema sa definisyon ng kategorya ay ang hindi pagsaklaw sa panitikang diaspora o yaong mga akdang likha ng mamamayang Filipino sa labas ng bansa. Gayundin, ang in-mixing ng mga rehiyon at kaibahan sa rehiyon ay hindi rin sinasaklaw—ang karanasang Bikol, halimbawa, na may linguinstika at kultural na distinksyon ang Daet, Legaspi at Naga Bikolano, samakatuwid, pati ang panitikan; o ang pagdaloy ng Bisaya at Waray sa Sorsogon at vice-versa. Ang panitikang Filipino naman ay nakabatay nasyonalidad, sa awtorship na kahilingang Filipino ang manunulat. Ang kahinaan naman ng kategoryang ito ay ang hindi pagsaklaw sa etnisidad na Filipino sa ibang bansa, tulad ng Filipino American, Filipino Australian at Filipina Japanese.
Ang pambansang panitikan naman ay politikal na kategorya dahil may kahilingan ito sa pag-interrogate at pagbuo ng bansa, kadalasan sa labas ng opisyal na proyekto ng nation-building. Ang konserbatibong panig nito, kaya madalas hindi binabanggit ang termino (halimbawa, sa panitikang nakasulat sa ingles) at kung mabanggit ay sa ganitong formulasyon, ay bilang multilingual na saklaw gayong walang multikultural na dimensyon dahil sa kawalan ng pisikal na heograpiya ng pagkabilang sa bansa. Ano ang rehiyon ng panitikang ingles? Sa kabilang banda naman, at ito ang afinidad sa makabayang panitikan (nationalist literature), ito ang panitikang may proyekto ng politikal na transformasyong panlipunan at historikal. Sa pagsusuma ni Elmer Ordonez, “…the trajectory of nationalist literature from the social realist mode of Rizal to the Katipunero writers, the proletarian trend among writers involved in the labor and mass movbement, the patriotic and anti-American sentiments of writers in Spanish and English, including the socially committed literature of the Commonwealth era, the protest and radical writings of the national democratic movement, and the underground poems and narratives of guerrillas,” matutunghayan na nakakawing ang proyekto ng makabayang panitikan sa pagsuporta ng pagbabagong panlipunan—at ito ang “realisasyon ng sovereign at makatarungang lipunan.[xii]
Ang kategorya ng makabayang panitikan ay may dalawang panig din—sa unang panig, ang burgis na manunulat na umaangkop sa wika at stilo ng namamayaning kaayusan para sa paghahangad ng reforma sa lipunan; sa kabilang panig, ang organikong manunulat—“mula sa masa, tungo sa masa”—na naglalayon ng himagsikan bilang sandata sa pagbabagong historikal. Kung ganito, walang pinagkaiba ang pambansang panitikan sa makabayang panitikan. Kailangang linawin ang uri ng interogasyon sa pagkabansa sa pambansang panitikan nang matunghayan ang kakaibang kalidad nito. Ayon nga kay Ramon Guillermo, “May panitikang pambansa ng mga naghaharing uri at may panitikang pambansa rin ang sambayanang may sariling mga ipinapaglabang mithiin.”[xiii]
Pambansang Panitikan at Kolektibong Aspirasyon
Kung gayon, ang pambansang panitikan ay hindi lamang pagkakaroon ng aspirasyon at pagkilos sa tunguhin ng bansa, kailangang linawin din kung ano itong tunguhin ng bansang susuportahan ng mga nag-aaral ng panitikan. Malinaw na hindi ito ang opisyal na konseptualisasyon ng pagkabansa, na sumusunod sa ritmo ng Bagong Lipunan hanggang Malakas na Republika, halimbawa. Mas egalitaryo ang layunin ng tunguhin—ang pagpapalaya ng sambayanan. Kung tunay na malaya na ang sambayanan at bansa, bakit kailangan pa ng napakabatayang kritikal na paraan ng pag-unawa sa panitikan—ang mapagpalayang pagbasa ng panitikan? Hindi aksidente ang teleskopya ng paninipat. May materyal na batayan ito—na sampung porsyento ang humahawak ng 90 percent ng yaman ng bansa, samantalang ang 60 percent ay nananatiling nakalubog sa poverty line at ang mas maliit na segment ng middle-class ay hindi tunay na gitnang uri nakakadanas ng global na kosmopolitanismo dahil paratihan pa ring nababagabag ng pang-ekonomiyang kakulangan.
Ideal ng Pambansang Panitikan at Pagkabansa
Samakatuwid, ang ideal ng pambansang panitikan ay tungo sa pagpapalaya ng nakararaming naghihikahos, kapantayan, karapatan, trabaho, katarungan para sa lahat. Dito na rin nararapat na ipakilala ang huling kategorya ng panitikan, ang pambansang demokratikong panitikan mula sa kilusang masa may linyang pambansang demokratiko—pambansa dahil ang bansa ay hindi ganap na malaya, demokratiko dahil walang tunay na demokrasya sa bansa. Ito ang isang panig ng makabayang panitikang tinahak ni Ordonez, at kasama sa definisyon at sakop ni Bienvenido Lumbera ng pambansang panitikan. Gayunpaman, kung iisipin, kung ang panitikang pambansa ay tunay na naghahangad ng paglaya ng nakararami, hindi ba ito ang sukdulang tunguhin ng panitikan? Socially purposive ang panitikang pambansa—hindi lamang show window kung ano na ang naabot na estetikang kalidad ng panitikan ng bansa. Mismong ang panitikan ay arena rin ng tunggalian ng class war.
Mapagpalayang pag-unawa para sa mapagpalayang pambansang panitikan. Magbabasa ako at wala akong makikita. Magbabasa ako at makikita ko ang hari at reyna, ang naghahari-harian at ang maraming pinaghaharian. Magbabasa ako at makikita ko si Marcos, o si Cory Aquino at GMA (Gloria Macapagal Arroyo), at iba pang papalit na presidensya. Magbabasa ako at makikita ko ang masang mamamayan. Magbabasa ako at makikita ko ang sarili ko. At magbabasa pa akong muli. O iiwan ko ang pagbabasa dahil hindi ko gusto ang aking nababasa. Iba na ang aking nababasa at nakikita sa pahina. Hindi na lamang ito kwento nina Simoun at Sisa, Florante at Flerida, Tandang Basyong Macunat, Urbana at Feliza, Impeng Negro at Tata Selo. Naging ibang kwento na ito at natatanging kwento. Sa huli, ang mapagpalayang pag-unawa ng panitikan ay hindi naman talaga nagpapalaya sa mismong panitikan—paano mo palalayain ang libro sa iyong shelf, hindi ba? Ang pinapalaya ay ang mambabasa, ang kanyang sarili, komunidad at kolektibo.
[i] Hango kay Eric Fromm ni Paolo Freire, “Pedagogy of the Oppressed,” The Paolo Freire Reader (New York: Continuum, 1998), 63. Bagamat ang referensiya ni Freire ay ang masang inaapi, ang aking kinokonseptualisa ay para sa mambabasa-intelektwal, sa pagtunghay sa pagbabasa bilang intelektwal na aktibidad ng pag-unawa ng indibidwal sa kanyang sarili, kolektibo, lipunan at kasaysayang ginagalawan. Sa mayoryang pagkakataon, ito ay petty burgis na intelektwal at ito ang afinidad sa inaapi ni Freire, na ang kanyang ekonomikong kalagayan ay sumasaklaw din sa kahirapan ng nakararami gayong may potensyal siyang unawain at pag-isipan ang kanyang ginagawa—ang pagbabasa bilang subsersibong aktibidad—bilang makabuluhang pagpapakahulugan sa akda at lipunan at makaimpluwensya sa nakararaming hanay na mas dahop ang kondisyon kaysa sa kanya.
[ii] Ibid, 62.
[iii] Halaw pa rin ang mga idea kay Freire, 62-63.
[iv] Ibid, 63.
[v] Ibid, 69-70,
[vi] Ibid, 67-68.
[vii] Ibid, 70.
[viii] Ibid, 72.
[ix] Ibid, 74.
[x] Ibid, 75.
[xi] Malaki ang kredit sa pagsinsin ng kasaysayang pampantikan kay Bienvenido Lumbera. Ang kanyang mga sanaysay na may partikular na halaga sa pag-aaral na ito ay “Harnessing Regional Literature for National Literature” (153-156), “Ang ‘Pambansa’ at ang ‘Pampanitikan’ sa Pambansang Panitikan” (157-161), “Panitikang Panrehiyon, Panitikang Pambansa: Magkabukod at Magkarugtong” (162-165), “Ang Pag-usbong ng Bago at ang Paglalatag ng Bagong Pamantayan” (166-170), “Ang Bago sa Pagbabago: Paano Kinikilala ang Bago sa Panitikan, Kritisismo at Pagtuturo?” (171-175) sa Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa (Quezon City: University of the Philippines Press, 2000).
Para sa pagsusuma ng mga tema ni Lumbera, tignan ang kay Ramon Guillermo, “Pagsusuri sa Konsepto ng Pambansang Panitikan sa Ilang Sanaysay ni Bienvenido Lumbera,” papel sa Ph.D., di pa nalalathala, 25 Mar 02.
[xii] Elmer A. Ordonez, “Nationalist Literature,” Emergent Literature: Essays on Philippine Writing (Quezon City: University of the Philippines Press, 2001), 71 at 59.
[xiii] Guillermo, ibid.
No comments:
Post a Comment