TAG-ULAN AT PAGSISIMULA NG SIKLO
Ang hudyat na nagsisimula na naman tayo ng bagong siklo (cycle) ay ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan. Simula na naman ng klase, ng pagpasok, ng pagtuturo, ng akademikong kalendaryo, ng buhay sa university. Sa isang banda, ang pagpasok ng tag-ulan ay isang cleansing, lalo pa’t dumarating ito ng walang anunsyo, matapos ang katingkaran ng tag-init at ang dulot ng mahabang anxiety nito. Sa kabilang banda, inihahanda lamang tayo ng tag-ulan sa ating mismong pagpasok at pagpalaot sa mga dating gawain at dating realidad.
Tila nagbabago ang paligid sa tag-ulan. Mas matingkad ang kaluntian ng mga halaman. Muling tumutubo ang damo sa sunken garden matapos mapulbos sa summer. Inaanod ng bigat ng patak ang bulak ng kapok, pulang bulaklak ng fire tree at dilaw na bulaklak ng narra. Sa isang mabilis na iglap, iba na ang kapaligiran. Hindi ito tulad ng summer, nakakainip at nakakabagot antayin ang pamumulaklak at iba pang transformasyon ng paligid.
Dahil kagyat itong pumapasok, walang lubos na handa. Paratihang sinisipon at nilalagnat ang ating mga pakiramdam. Parating kulang ang kasuotan sa dobleng lamig ng mall. Parating nababasa ng ulan dahil hindi pa bahagi ng peryodikong kamalayan ang pagbibitbit ng payong at kapote. Paratihang sablay sa mga plano ukol sa pag-over-extend ng nanatiling bakasyon. Pero kaagad din tayong pinapapasok sa ibang molde, ang molde ng pagsisimulang muli.
Sa isang guro, mabilis na dumadaan ang panahon dahil sa hindi pagsubaybay sa siklo. Ako nga’y nalingat lang ay pumatak nang apat na taon na ang nagdaan nang bumalik ako sa U.P. Tila walang nagaganap sa siklo, maliban na lamang sa pagsisimula’t pagtatapos nito taontaon. Paratihang kabataan ang kliyente. Paratihang isyu ng imperialismo’t feudalismo, ng komersyalisasyon at privatization ng edukasyon ang taunang umaalingawngaw sa loob at labas ng klasrum. Paratihang may umaalis at may bagong nauupo.
Sa isang banda, paano lumalampas ang mga siklo ng gayon na lamang? Sa bigat at dami ng gawain, mahirap magkaroon ng pagkakataong magnilaynilay pa sa mga bagaybagay, lalo pa’t ito naman ay patungkol sa mga realidad ng trabaho at buhay sa university. Sa liit ng sweldo, ang konsern ay kung paano ito madadagdagan, na katumbas ng pagdagdag pa sa dati nang mabigat na trabaho. Paano ka ba naman maalimpungatan pa kung wala ka nang ginawa kundi kumayod-kabayo? At ito ang afinidad ng mga guro sa iba pang manggagawa. Alienated ito sa kanya-kanyang trabaho. Trabaho ang buhay ng guro’t manggagawa, gayong trabaho rin ang nagpapawala sa kanila sa kanilang mga pagkatao. Ang kaibahan nga lamang, intellectual value ang pangunahing sangkap ng guro para kumita, hindi physical labor, na siya rin pangunahing lumulusaw sa kanya.
Ang pagkakaroon din ng paratihang kabataang kaharap sa klase ay nagdadagdag pa ng ilusyon na “bata” pa rin ang ating mundo, gawain at realidad. Maari ba namang tumanda kung ang nakikita mong refleksyon ay ang mga eager na mukha ng estudyanteng umaasa at umaasam na matuto sa iyo? At dalawang beses itong ipinapamukha taontaon.
Sa kabilang banda, kahit pa malinaw na may wakas ang siklo, paano pa rin tayo inihahanda sa ritual ng pagpasok ng bagong siklo? Bakit may excitement na sambit ito sa bawat pagpasok? Bakit nawawala o nagpla-plateau rin ito kada semester? Maaring dahil may bagong liderato. Pero may intrinsikong panghatak ang klasrum. At ito ang aura ng mass production. May direksyon ng transformasyon ang pangunahing komodity na inihahanda ng university--ang estudyante. Kada semestre ay may matutunghayan na magical transformation ang work-in-progress na produktong ito, unti-unti itong nagbabago para mabenta matapos ng produksyon. Nitong nakaraang akademikong taon, may 9,272 estudyante ang grumadweyt, nagkaroon ng pagbabago mula sa mga nene ng una silang tumuntong sa university.
Ang nililikha ng university--o ng anumang institusyon ng edukasyon--ay ang ilusyon ng kalitatibong pagbabago sa pamamagitan ng mga nakatagong proseso. Ang tinutukoy ko rito ay ang pag-aambag ng bawat guro sa paglikha ng prototype ng “skolar ng bayan” kahit pa sa limitadong resources ng university. Unti-unti, nagkakaroon ng pagbabago ang estudyante, kundi man ay napapaniwala tayong may pangako itong matransforma sa malapit na hinaharap. At may mahigpit na mekanismo ang institusyon para tunghayan ito sa mga estudyante. Tignan na lamang ang burukrasya ng Registrar, Disciplinary Tribunal, at Vice-Chancellor for Student Affairs, halimbawa.
Ang kakatwa sa estudyante ay may value-added siya mismong inilalangkap sa proseso. Hindi tulad ng gurong binabayaran, ang estudyante pa (kahit malamang, ang magulang naman talaga) ang nagbabayad para sa posibilidad at realidad ng kanyang transformasyon. Doble ang sangkot sa ritual ng pagpasok ng estudyante--nagbabayad at nagtratrabaho para sa kanyang pagbabago.
At ito naman ang afinidad ng guro sa estudyante. Hindi man siya nagbabayad, siya naman ay nagtratrabaho para sarili nitong transformasyon maging katanggaptanggap na guro ng pangunahing university ng bansa. At may mga institusyonal na alituntunin hinggil sa hiring at firing, tenure, promotion (o ang kawalan nito sa matagal na panahon), at iba pa. Siya man ay naglalangkap ng value-added labor para maging tapat na ahensya ng institusyon.
At kung maunawaan natin ang realidad na ito, maari tayong magsimulang maghanap ng katarungan. Kaya ang siklo ay hindi parating lubos. Ayon nga sa pelikulang Before the Rain, isang Macedonian production, “the circle never completes its cycle.” Kaya ang paratihang ipinapaalaala ng tag-ulan na hindi mauudlot na paratihang pagdating nito ay hindi rin lubos. Mas ipinapaalaala sa atin ng pagpasok ng tag-ulan ang ay pagdama sa ating mortalidad, na ang tag-ulan ay panghabampanahon habang tayo ay naglalakbay lamang. Maligayang muling pagsisimula ng mga klase at buhay natin!
2 comments:
grabe ka, roland! hindi kita kinakaya! ang tindi mo talaga magsulat! hehe.
may blog ka pala! Ü
sana talaga pagbalik mo sa pinas, makajoin ka sa pictorial namin... hehe. Ü
tingnan mo yung site ko... iyan yung sinasabi ko sa'yo... hehe. Ü
hi roland, natutuwa naman ako at nadiskubre ko ang blog mo.
Post a Comment