Thursday, September 14, 2006

Ang pagsulat ay gawaing politikal (dagli column)

ANG PAGSULAT AY GAWAING POLITIKAL

Higit sa anupamang bagay – maliban na lamang sa hayagang politikal na pagkilos, tulad ng pagboto o pakikidigma o pagpapakamatay para sa bayan – ang pagsulat ay gawaing politikal. Kapag sinabing “politikal,” mayroon itong nais baguhin at i-transform, layuning nais makamit, at lipunang nais marating. Ibig sabihin, mayroong mas egalitaryong kalagayan naroon sa makakamit na hinaharap kaysa sa kasalukuyan. Mas magandang tanawin ang “doon” kaysa ang “dito.” Pero kailangan pa ring gamitin ang lente ng “dito” para makita ang hangganan ng “doon.”

Kapag nagsusulat, mayroong nais baguhin. Kung laging maganda na lamang ang kasalukuyang sandali, lalamlamin na lamang ito. O di kaya, gagawing Kodak moment – ifo-fossilize ang sandali, at pwede pang i-mass reproduce. Pero hindi parating ganito ang kasalukuyan. Hindi parating gumigising tayong may ngiti sa ating labi at natutulog na may mas malaking ngiti pa. Ang kasalukuyan ang bukal ng kasiyahan at angas natin. Hindit ito wagas at dalisay. At kahit pa ito wagas at dalisay, may masasabi pa rin tayong angas hinggil dito.

Kaya bawat akda na isinusulat ay isang manifesto hinggil sa mga posibilidad ng mga bagay at lagay – kung paano tumula, kung ano ang silbi ng kwento, kung ano ang paninindigan ng manunulat sa mga bagay na kanyang sinasambit sa kwento at dula, kung paano mabuhay at mamatay. Sa kasaysayan, may kaunlaran ang papel ng manunulat sa lipunan – mula taga-dokumentaryo tungo sa pagiging pilosopo at pantas ng lipunan. Samakatuwid, ang manunulat ay hindi nalamang nagrerekord ng kaganapan, namimilosopiya o nagsasateorya ng kaganapan.

At ito ang boom at bane ng kasalukuyang manunulat. Sa isang banda, masyado siyang nahihiwalay sa mga taong kanyang kinikilusan at pinaghahalawan ng kanyang mga akda. Sa kabilang banda, may bago siyang lengguwahe na isinisiwalat para sa lalong nagiging kumplikaodng panahon – ang wika at retorika ng pagninilay-nilay. Pinag-iisipan niya nang husto ang mga bagay-bagay. Hindi kagaya ng maraming mga politikong di naman politikal – nauuna ang dakdak bago ang isip.

Binibigyan ng manunulat ng bagong kapangyarihan ang sarili at ang mga tao para unawain ang mundo. Ipepreserba ba niya ito na parang jam o de-latang sardinas o lalansagin ba? Walang patlang na arena, dalaw lamang ang pagpipilian ng manunulat kahit hindi pa siya pumili. Ito man ay isang panig sa preserbasyon ng status quo.

Kaya sa huli, ang kanyang isinusulat ay isang paraan ng pakikisalamuha sa lipunang kanyang kinikilusan. Ito ay isang interbensyon sa isang lipunang ayaw na pinakikialaman. Ito ay isang mediation sa isang lipunan na sa isang banda ay sanay sa panunulay at go-between, at sa kabilang banda, may sariling paglahok sa mga debateng kinakaharap ng lipunan.

Pero sa una’t una pa lamang, ang pagsulat ay isa nang politikal na aktibidad. Marami namang maaaring gawin – tumuklas ng sandaan pang variety ng hibiscus o gumamela at bougainvillea, butingtingin ang kotse at sirang alarm clock, gumawa ng compost pit, magsegregate ng basura, o mag-“Final Fantasy”. But no, pinili ng tao na magsulat. Sumasagka na ito sa daloy ng kalakaran sa lipunan.

Gayunpaman, hindi naman ibig sabihin na ang akto ng pagsulat ay isa nang politikal na pagkilos. Kailangan ng manunulat na malinaw sa kanyang sarili ang kanyang dahilan kung bakit siya nagsusulat. Unang senaryo: gustong sumikat. Hindi ito politikal dahil hindi naman lumalampas sa hangganan ng indibidwal na sarili ang kanyang sinusulat. Ikalawang senaryo: gustong yumaman. Hindi ito politikal; may kahunghangan ang taong ito. Walang yumayaman sa malikhaing pagsulat. Ito ay maaari pa ngang maituring na vanity publishing dahil sa maraming pagkakataon, abonado pa ngang maituring na vanity publishing dahil sa maraming pagkakataon, abonado pa nga ang manunualt. Kailangan pa ngang magkaroon ng ibang trabaho para makapagsulat. Ikatlong senaryo: dahil may nais siyang sabihin sa mundo. Ito pa ang may trace ng politikal.

Sa isang mundong nais tayong gawing pipi at pawang tagapakinig lamang, nagsasalita tayo at naririnig ang ating tinig sa pagsulat. Lahat naman tayo ay may posisyon ng marginality – babae, bakla, lesbiana, manggagawa, at kung ano pa man. Lahat tayo ay iniipit ng lipunan para di natin ganap na magawa ang nais natin. Lahat tayo ay pilay, at ginagamit natin ang at ng panulat bilang sakla para umusad, para makakilos, para magkaroon ng buhay.

Mayroon tayong lahat na pisikal at mental na kapansanan na nagbibigay sa atin ng moral na karapatan para magkatinig, para makapagsulat. Kapag alam natin ang ating posisyong pinanggagalingan, alam natin ang ating magiging claim sa mundo. Hindi naman kayang saklawin ng isang tao o manunulat ang lahat ng “truth-claims,” “ang suwapang naman nito”, o dili kayang “aping-api naman.” Mayroon lamang tayong claims na makakapagbigay sa atin ng politikal na ahensya para makapagsalita.

Pero itong claim ay may shelf-life. Halimbawa, ang angas ng mga na-deprive na “Voltes V generation” noong naunang bahagi ng dekada otsenta ay hindi naman pwedeng magnguyngoy forever and ever. Maaari itong produktibong magamit sa pagsisiwalat ng kultural na claim, ang karapatan ay di deprivation ng impormasyon at kasiyahan.

Kapag kasi hinusto ang mga claim na lampas pa sa kanyang shelf-life, maaaring dalawa ang rasyonal nito. Una, may martyrdom complex ang indibidwal – parating api kaya parating nagko-complain. Ikalawa, kapag pinatagal ang isang bagay, may desire na gawing preservative ang claim. Kapag nagkagayon, tulad ng reintroduksyon ng Voltes V halimbawa sa kamalayan sa bingit ng ikalawang milenyum, di naman sa interes ng claiming group ang itinataguyod. Sa interes ng negosyo at kita ng korporasyon ang pinapalawak. Nagiging bahagi na ito ng status quo. Nanggagamit na lamang ng interes ng mga naisantabi para mapalaganap ang sarili nitong kapakanan.

Kaya kapag nagsusulat, mainam din ang mayroong humbling effect. Walang akda, kontraryo sa mga romantiko at klasikal na pananaw, na timeless at unibersal. Marami sa mga akdang inaakalang ganito ay mga historical piece na lamang. Halimbawa, bilang magandang karakterisasyon at plot, magandang tema at kung anu-ano pa. Ito ang mga akdang nasa mga literature books, mga akdang nagdudulot ng aral tungkol sa panitikan, kaysa sa buhay o lipunang ininugan ng mga ito.

Nagsusulat tayo dahil may politikal tayong layunin; lampas ito sa sarili. Nagsusulat tayo dahil mayroon tayong nais baguhin. Mayroon tayong sarili at kolektibong bersyon ng isang mas matiwasay na lipunan sa hinaharap. Nagsusulat tayo dahil kailangan natin at ng lipunan. Nagsusulat tayo ng buhay para mabuhay. Pinili natin ito. Panindigan natin ito.

No comments: