ANG PAGSULAT AY INTELEKTWAL NA GAWAIN
Kakaiba ang papel na pinanggagalingan ng manunulat. Ang kanyang labor ang kanyang puhunan. Pero hindi rin naman siya lubos na laborer. Gawaing intelektwal ang kanyang inile-labor. Binabayaran siya para makapag-isip, at maisulat ang kanyang iniisip.
Di tulad ng kanyang kapatid sa factory, may panahon siyang umangas (angst). At ito ang kanyang pangunahing puhunan. Pinakikinabangan niya ang “I love you world” at ang “I hate you world” modes niya. Parehong pwedeng maging basis ng kanyang bagong kwento o
Kung iisipin, angas naman talaga ang nagpapagalaw ng utak ng manunulat na nag-uudyok sa kanyang imahinasyon para dalhin siya sa mga insight at persperktibang hindi pa lubos na nararating. Angas ang nagpapaikot ng mundo ng manunulat. Ito ang kapasidad ng manunulat na maging kritikong panlipunan o maging pasibong nilalang. Ito ang nagiging paksa ng kanyang love stories, protest poems, columns at one-act plays. Titigan lang ang sunset, maglakad sa beach, sumama sa rally, may nahihimok nang kakatwang statement ang manunulat hinggil sa mga event na ito ay may sinasaad na komentaryo.
Angas ang hindi pagtanggap sa kasalukuyang kaayusan. Kaya ka nga gagawa nang statement dahil unhappy ka sa kalagayan. Angas ang may hindsight sa mga pangyayari. Binasted ka na nga, may gusto ka pang sabihin sa pagkabasa mo sa ulan. Ang kape ay hindi lamang kape. Ang pagkatimpla nito ay naihahalintulad sa pagtimbang sa pag-ibig. Angas ang puhunan sa intelektwal na gawain ng manunulat. Pero hindi kasobrahan.
Hindi ka maaring maging walking angas. Hindi cute ito. Nakakabwisit din pagdating ng ikalawang araw. Pwede kang magkaroon ng angas day-maging yelo, bato, halaman, cactus, kung anong objek mo nais. Pero hindi pwedeng ito ang being mo. Walang taong gustong kumapit sa cactus, maging partner ito, maliban sa kapwa cactus. Maaring maging co-dependency, feeling cacti kayo sa desert. Walang gustong makapareha itong mga objek na ito dahil mas perfect naman ang mga tunay na objek. Bakit ka magpapabwiset sa isang taong bato kung mas perfect naman ang batong pinulot at itinabi mo mula sa dalampasigan ng Batanes? Walang may pasensya sa mga taong may angas lifetime.
Ano mang sobra ay may kalabisan. Kaya ang angas ay dapat maximahin sa produktibo nitong antas – ang kapasidad nitong makapag-usad ng bagong pagtingin sa kapaligiran. Hindi produktibo ang manlumo sa angas. Ang manunulat ay sumasalok lamang sa balon nito para makapagsulat. Kapag hindi na siya makapagsulat dahil sa angas, mas naging makapangyarihan na ito. Sa ganitong kalagayan, walang laban ang manunulat. Maari niyang pagbigyan ang pagtatagumpay ng angas, pero hindi gawing lubos ang Miss Universe walk at wave nito. Kailangang pahantungin ng manunulat ang angas sa puntong maari siyang mag-snap out of it. Hindi lubusang mag-snap lamang.
Ang manunulat ay kilala lamang sa kanyang huling sinulat. Dahil wala namang full-time na maganda sa pagsulat ang part-time writing at part-time writers. Hindi naman part-time job ang pagsulat. Full-time commitment ito. Kaya kahit manipis ang opus ng manunulat, maari pa rin siyang bansagan ang sarili bilang manunulat. Pero inuunahan ko na ang aking sarili.
Ang gusto kong sabihin ay ganire: kung walang lifetime walking angas, dapat wala ring lifetime walking writer’s block. Hindi excuse ang pagkakaroon ng miserableng buhay sa hindi pagsulat. Kung iisipin naman talaga, lahat tayo ay nasa loob ng isang miserableng mundo. Kung hindi miserable ang mundo, ano pa ang magiging lahok sa ating pagsulat. Kaya nga kailangan ng angas, kailangan din ng akto ng pagsulat.
Ang akto ng pagsulat ay isang memorialisasyon ng kaganapan. Inaalala natin ang isang pangyayari, madalas kalahok ang isang tao man lamang, at ang ating relasyon sa pangyayari at tao. Ine-entomb natin para ma-enshrine ang moment.
Mahalaga ang memorialisasyon dahil wala naman, maliban sa rulers at philosophers na gumagawa nito. At madalas pa, nagagawa nila ito dahil sa fasistang ideolohiya. Maaring gayon din ang manunulat, pero ang kagandahan ng kanyang akda ay ang panahong mayroong kultural na pagkakaiba sa paraan nito ng pagbasa. Ang hindi pinansing mga akda ay maaring dakilain sa hinaharap, kapag mayroong matiyaga’t competent na scholar na makaka-unearth nito sa archives. Pero ang hindi maaring mangyari ay ang pagbasa sa mga ginawa ng manunulat, at least, sa kanyang lifetime.
May pagtataya ang gawaing intelektwal ng manunulat. Dahil siya ay part-time writer, part-time someone else, implicated ang kanyang sinusulat sa iba pa niyang trabaho batay sa kanyang iba pang pinaggagagawa. Madalas, hinuhusgahan ang kanyang pagkatao batay sa kanyang non-writing activities
Madali kasing ma-usurp ang manunulat dahil part-time identity lamang ito. Kaya para mabuhay, ang manunulat ay gagawa pa ng ibang bagay, kadalasan, extension ng kanyang intellectual work. Maari siyang magturo o speech writer, maging artistic director, maging undersecretary, at kung ano-ano pa. Ang iba pang gawain ng manunulat ay kanyang nakamit dahil sa kanyang kredensyal bilang manunulat. Mas nauna siya siyang nakilala sa mga larangan bilang manunulat.
Dahil kulang ang kabuhayan ng manunulat, isa na naman itong afinidad niya sa laborer, kailangan niyang magtrabahong makakapagbayad ng bills. At isinasangkalan nga niya ang kanyang prestihiyosong posisyon bilang manunulat. Itinataya niya ang kanyang pagsulat sa timbangan ng ibang mga tao at larangang handang magbayad sa kanyang serbisyo at prestihiyo. Madalas, nilalamon siya ng sistema, tulad ng paglamon sa maraming manunulat ng angas at writer’s block. Sa ganitong pagkakataon, kapag ang kanyang pagiging manunulat ay naging isang mas tagong identidad, hindi na siya intelektwal.
Kaya ang intelektwal ay parating nasa panig sa labas ng establisyimento, bagamat mayroon ding intelektwal ng estado. Pero oxymoronic ang huli, hindi ka maaring maging intelektwal kapag binabayaran ang iyong serbisyo lampas pa sa tunay nitong halaga. Kailangan, tulad ng laborer, nasa survival wage lamang. Sobra pa rito, managerial position na ito kung baga. Iba na ang ipinaglalaban mo, hindi na ang iyong sariling paninindigan. Yung paninindigan na ng lubos na tumatangkilik at nagbabayad sa iyo. Mahirap maging manunulat-intelektwal, pero ito ang higit na kailangan n gating panitikan at lipunan.
No comments:
Post a Comment