Summer at Ang Pakiramdam ng Wari
Tag-init na, tuyo ang kapaligiran at dulot nito, namumutiktik ang buong katawan ng pawis. Ito ang panahon na nakatayo ka lang ay pinagpapawisan ka na. Ang buong non-ariconditioned area ay tila isang malaking sauna. Sa taunang pagkakataon, may centralized heating ang buong paligid.
Nakakatanaw ka rin ng usok sa horizon sa dulo ng iyong pananaw. Parang gusto mong pumasok sa komersyal ng ice tea o sabong pampaligo. Marami kang gustong gawin para guminhawa ang pakiramdam. Summer na at nasa katingkaran tayo ng pakiramdam ng wari.
Ang ibig sabihin ng “wari” ay pag-iisip, at resulta nito, may pagtingin o bisyon na nakikinita bilang manifestasyon nitong pag-iisip. Ang irony sa wari ay paratihang nasa proseso ng pag-iisip, mahirap kumawala, magdesisyon at umaksyon.
Ang pakiramdam ng wari ay ang pakiramdam na parati na lamang kailangang mag-isip. Halimbawa, ano ang gagawin para labanan ang init? Mag-iisip ka ngayon: maghahalo-halo, manonood ng sine o magpupunta sa beach. Pero ang mangyayari rito ay mas mahaba ang panahon ng pag-iisip ng gagawin kaysa sa aktwal na gagawin. Ang nangyayari, madalas, ay nauudlot ang paggawa ng desisyon.
Hindi na lamang maghahalo-halo dahil mainit sa labas. Hassle din magbiyahe papuntang mall. Malayo pa rin sa Manila ang pinakamalapit na disenteng beach. Nakapaloob na lamang ang indibidwal sa fetisismo ng pasakit sa proseso kaysa sa pagkawala’t paglaya mula rito. Nakasanayan na ang wari, at wari ko, ito na ang normal na kalakaran sa ating predikamento’t buhay sa kasalukuyang panahon.
May pakiramdam ang wari, karaniwa’y pagdurusa’t pasakit. Sa unang banda, hindi naman marami ang may materyal na kapasidad na makaigpaw sa kanilang larangan. May pasok o trabaho, kaya hindi pwedeng mawala at mag-beach. Hindi rin naman pwedeng araw-araw ay laman ka ng mall. Pati ang pagtunganga ay may bayad at magastos.
Sa ikalawang banda, habang nagtatagal, lalong tumitingkad ang kontradiksyon ng kawalan. Ang fantasya ay hindi pwedeng lumaki, ito ay paratihan lamang sinusustena ng iba pang sub-tema ng fantasya. Sa kabataan, malling o outing, kasama ng barkada. Sa matatanda, family picnic o pagbisita sa probinsya.
Ang nangyayari ay paratihang nasa estado ng discomfort at anxiety ang pakiramdam ng wari. Paratihan kang idinidiin at kinukwestyon sa iyong kasalukuyang kinasasadlakan. Ang nangyayari, paratihan mong napapansin ang iyong kakulangan. Kung naniniwala ka kay Freud, sasabihin mong mas malaki ang ari ng iba, at hindi ka masaya rito. Kung ikaw ay may sosyolohikal na pananaw, hindi rin tama na mayroon ang iba at ikaw o ang marami ay salat.
Kung hindi makokontrol--hindi masa-sublimate sa sarili o mapro-project sa iba--puputok itong pag-repress ng pakiramdam ng pakiwari. Kung ang paniniwala ng sikolohista ay mas maraming suicide kapag pasko dahil sa katingkaran ng pambansang kasiyahan at indibidwal na kalungkutan, ang paniniwala ko naman ay mas matingkad ang pag-iisa at isolation kapag summer. Kung salat ka sa materyal na resources, nanasain mo na lamang na magkulong sa bahay, maging lantang gulay sa panonood at pag-surf ng TV.
Lahat ng masagap mong komentaryo sa iyong kondisyon ay reinforcement ng estado. Nasa “I-hate-you, world” mode ka. At maliban na lang kung magpapatiwakal ka, ang iyong kondisyon ang nagiging predikamento ng kasalukuyang estado. Inaapi ka pero wala kang magawa. Gusto kang gawin produktibong mamamayan ng estado. Pero ayaw mo ito dahil ang rekisito ay ang panggitnang uring yaman--na makakapaghatid sa iyo ng kumpyansa sa sarili sa iyong malling at outing--na wala ka naman. Imbis na mag-rally ka sa harap ng Mendiola at ibagsak ang estado, magre-retreat ka na lang sa iyong maliit na sulok ng mundo.
Kung gayon, nasa “semana santa” mode ka naman. Ibig sabihin nito, hinahanap mo ang kasagutan sa iyong kondisyon sa pamamagitan ng pagninilaynilay at pag-iisip: ano ang ginawa kong mali, ano ang tama, bakit ako malungkot, bakit ako walang magagawa, bakit tila nasa gitna ako ng ere? Nangingilin ka, at hinahanap mo sa bukal ng iyong pananampalataya ang kasagutan sa mga katanungan mo sa mundo.
Samakatuwid, hinahanap mo ang imposible. At dahil hindi nakikita ang imposible, paratihan ay nasa pakiramdam ng wari ka na lamang. At walang lusot dito, lalo lamang pinaiigting ang kondisyon ng init ng summer at ng kasalatan ng marami na umagapay dito.
May ginagawa ang estado para ikahon ang pakiramdam ng wari at nang hindi ito pumutok at sumiklab. Naglalabas ito ng sariling mito, mga naratibong pang-agapay sa paglutang kahit pa bumibigat na ang predikamento. At dito’y naalaala ko ang nasagap kong dalawang graduation speeches. Ang una ay kay John Nathan Cruz, graduate ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, na nagbigay-diin sa kanyang abang pinagmulang lugar sa Taytay, at pagiging anak ng katulong. Ang ikalawa ay ang commencement speaker, ang Pinoy engineer-scientist sa Silicon Valley, si Diosdado “Dado” Banatao, na nagmula sa pamilya ng magsasaka.
Sa dalawang kaso pa nga’y marami ang napaiyak sa pakikinig. Pag-iyak pa rin ang lagusan ng mismong kondisyon ng pasakit at pighati, tulad ng martyrdom. Ginagawang highly exceptional cases ang dalawa. Tila kung nagpursigi lamang ang mga tao’y maiigpawan nila ang kanilang materyal na kondisyon. Pero hindi ba ang katulad ni Cruz ang dapat lamang na pinapa-graduate ng U.P.? Hindi ba’t tayo ay unibersidad ng masa? O ano naman kaya ang trade-off ng pagkilala kay Banatao bilang exemplar ng Filipino global at IT (information technology) mind sa panahon ng pagguho ng suporta sa humanities at nasyonalismo?
Gayunpaman, hindi nagiging mahalaga ang mga ganitong katanungan. Ang mahalaga ay ang afekto o ang dating na magbibigay-kalinga at kalma sa palpitation at anxious state ng pakiramdam ng wari. Ang mga ganitong mito ang nagpapatuloy ng ating pagdurusa, ang ating bagong sikoanalitikal na relihiyon sa panahon ng matinding transformasyon ng mga bagay at nilalang, maliban na nga ang batayang kondisyon ng pambansang paghihirap.
Happy vegetating sa harap ng ating mga telebisyon! Happy pagpaypay at pagiging bugnutin at mainitin ang ulo sa gitna ng matinding init! Ginagawang happy ang ating mga pasakit at pagdadalamhati.