Monday, July 23, 2007

Cinema Posters, Bangalore Feb 2007



Kultura ng Pandaraya (Pasintabi column)

Kultura ng Pandaraya

Ang retiradong heneral at tumatakbo rin sa sariling party-list ang pinagbabantay ng muling pagdaraos ng eleksyon sa Lanao. Umalagwa ang mga bumoto sa party-list sa Lanao, Sulo at Maguindanao, lampas-lampasan sa 30 porsyentong pagtaas ng mga bumoto sa buong bansa. Sa Basilan, nangunguna ang party-list ng kamag-anak ng komisyoner sa Comelec, isang partido ng mga tricycle driver sa Nueva Ecija.

Maitatanim pa ang petchay sa Senado? O si ‘Tol o ang may record ng pinakamaraming bill na nai-file sa mababang kamara? Si Chavit Singson nga ay nangunguna sa Maguindanao, sa di mawaring dahilan. Kung ang eleksyon ay kolektibong tinig ng mamamayan, bakit ito dinudusta?

Malawakan na nga ang pagpapadaloy ng salapi para bumili ng boto, ikampanya ang administrasyon. Nangunguna nga ang adiministrasyon sa lokal na pagkapanalo. May mga angkang natalo, tulad ng Jopson ng Nueva Ecija at Espinosa ng Masbate. Mayroon bagong naitaguyod at napalaganap—mga magulang, kapatid, asawa at anak. Humina ang mga kandidatong artista. Hindi na ito tinangkilik ng mamamayan.

Nagaganap ang pandaraya sa laylayan ng naunang masibong pandaraya noong 2004. Sariwa pa ang alaala ng mga di pagbukas ng election returns sa Kongreso, si “Mr. Noted,” at siempre, ang magulang ng lahat ng pandaraya, ang Hello, Garci recordings. Garapalan ang pandaraya pero hindi garapalan ang ginawang paraan para pagtakpan ito. Ang nangyari lang, namuhay ang mga nanunungkulan na para bagang walang pandarayang naganap na nagdudulot ng malaking katanungan tungkol sa usapin ng lehitimong pamumuno.

Nanalo sa sariling makinarya, naiproklama ng sariling makinarya, nanunungkulan na gamit ang sariling makinarya. Bakit pa babaguhin ang sistemang sila ang nagtatamasa ng biyaya ng kapangyarihan? Hindi lang naman nagaganap sa eleksyon ang paggamit ng makinaryang magpapanatili sa nasa poder sa poder. Pati ang patakarang edukasyon, poverty alleviation, overseas contract work, employment at underemployment at globalisasyon ay pinapanatili sa ganitong masibong antas para makamtan ng estado ang katas ng salapi mula sa katawan ng mamamayan.

Bakit iaangat ang buhay ni Juan at Maria kung mas makukuha mo silang gumawa ng trabaho sa napakababang halaga? Bakit hindi mo gawing exklusibo ang Unibersidad ng Pilipinas na para na lamang sa may kapasidad na makapagbayad ng 300 porsyentong pagtaas ng matrikula? Bakit mo pipigilan si Andreang tapos ng masscom sa plano nitong maging call center agent? Kikita ng malaking halaga para sa kakayahang hindi naman niya pinagtapusan sa kolehiyo.

Dahil dapat ay nakatago ang pandaraya, bawal magbunyag ng dokumentasyong magsisiwalat ng sikreto. “Dinaya ako,” wika ng mga Pilipino kapag natatalo sa anumang kontest daw. “Pikon talo,” patutsada naman sa mga natalo. “Sa eleksyon, dalawa lang ang uri ng tao—ang nanalo at ang dinaya.” Bagamat alam naman na may antas ng pandaraya—kasama ng karahasan at pagbili ng boto—sa bawat eleksyon, tila pinapalaki ang lawak nito sa bawat kasalukuyang eleksyon.

Kaya hindi na napapansin ang maliliit na pandaraya—ang kawalan ng mga pangalan sa listahan ng botante, halimbawa. Dahil nga buo-buong probinsya ay pwede nang palitan ang resulta ng eleksyon, ang maliit ay hindi na binabatikos. Napapalampas na ang pandaraya dahil sa isip ng mga nandaraya, lahat naman tayo ay lumalahok sa eleksyon, at sa eleksyon naman ay talagang may dayaan.

Makunan man ng kamera ang pag-snowflake sa resulta ng halalan, pati ang pagtutok ng baril sa mga gurong pinapapuno ng administrasyong kandidato ang mga balota, pati na rin ang guro at iba pang sinunog sa klasrum sa Batangas, wala pa rin nakukumbinsi na malawakan ang pandarayang naganap. Sa katunayan, kapag kulang sa 200 ang napatay sa eleksyon, sinasabi ng pangunahing ahensya ng polisya na “mapayapa ang eleksyon.”

Higit pang bantayan ang kaganapan. O mapangiti na lamang sa realisasyon na naging bahagi na ng politikal na buhay ang pandaraya.

Lupa, hindi bala, hindi mall (Pasintabi column)

Lupa hindi bala, hindi mall

Kahit pa sa edad ng globalisasyon, kapag ang magsasaka hindi nagtanim, walang kakainin ang bansa. Ito ang paulit-ulit na isinisigaw ng emcee sa rali ng mga magsasaka sa Bustillos. Sa globalisasyon, malls, bulaklak na mums, pinyang idedelata at Cavendish na saging, ang nangingibabaw kaysa sa food security. Sa isang bansang pinaliligiran ng dagat at tubig, kay mahal ng isda, hipon at iba pang lamang-dagat.

Wala raw sariling kakayahan ang bansa para sa bigas, ang pangunahing kinakailangang produktong agrikultural. Kaya mas mura itong angkatin sa ibang bansa, tulad ng Vietnam, Thailand at China na hindi lamang may sariling kakayahang pakainin ang kanyang mamamayan, may labis pa para ibenta sa tulad nating wala.

Tunay na reporma sa lupa ang usapin para matugunan ang batayang problema hinggil sa pagkain, kalayaan at kaunlaran. Hindi ito natugunan ng papatapos na implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na nagdulot ng korporatisasyon bilang opsyon sa mga panginoong maylupa. Ang Hacienda Luisita ang pinakamatingkad na halimbawa ng pandaraot sa buhay at karapatan ng magsasaka at ng kanyang pamilya, pamayanan at kauri sa pinakahuling pambansang alaala.

Marhinal ang tingin sa magsasaka, ang pinakamaraming bilang na pinanggagalingan ng mga Filipino. Sa telebisyon, halimbawa, walang bidang magsasaka, maging anakpawis. Ang ginagawa pa nga sa TV ay gawing sityo ng invisibilidad ang paggawa. Tanging katulong o goons ang may trabaho sa uring anakpawis: katulong na comic relief, goons na bayarang lumpen, handang pumatay at mapatay.

Ang mga bida ay managers at may-ari, kundi man inilalarawan bilang anakpawis pero insidental lamang. Sila ay nagtratrabaho bilang dispatsadora at katulong, kalimitang babae, para matagpuan ang kanilang tunay na pag-ibig. Kung gayon, mahalaga lamang ang kanilang mababang pinaggalingan para matunghayan ang pagiging karapat-dapat o hindi na moral at materyal na maiangat ng tulong ng mataas na uri.

Dahil wala sila sa popular na imahinasyon, ang substansyal na kontribusyon ng magsasaka at anakpawis ay hindi nakikilala. Bagkus, binubura pa nga ito para lusawin ang radikal na posibilidad ng transformasyon: silang pinaghihirap ng ilang siglo para makatamasa ang iilang may lupa ay hindi kinikilala para hindi magkaroon ng muwang sa politikal na potensyal.

Kaya, sila ay inaakalang mob lamang na kailangang disiplinahin, kundi man gamitin ng lehitimong karahasan ng estado. O ang piling pinakamabuti at pinakamasikap sa kanila, bilang exemplaryong iaangat ng estado at alta-sosyedad para mapabilang sa mas malapit na laylayan ng kapangyarihan. Malapit pero hindi nakapaloob. Hindi pinapahintulutan ng estado na sila ay maging lehitimong kabahagi dahil exklusibong historikal na pagmamay-ari ng lupa ang rekisito ng pagiging miyembro ng alta-sosyedad.

Sila ay magiging exemplaryo ng janitor na naging real estate broker, na anak ng manininda na sa pagsisikap ay naging senador, o child star na naging dramatic movie queen, mayor ng Lipa at ngayong gobernador ng Batangas. Takasan man nila ang uring pinagmulan ay hindi lamang sila hindi matatanggap nang lubos ng mas matagal na nakakaangat sa kanila, hindi rin nila lubos na maitatatwa ang naunang uri. Markado na sila, at may tagong ligaya pa rin di lamang sa pagkakamay sa pagkain ng tuyo at kamatis, pati na rin sa pakikiisang usapin ng trabaho at panlipunang katarungan.

Pero maging ang hanay ng anakpawis ay naapektuhan na rin ng popular na media. Binubura na rin ang afiliasyon sa sariling uri. Pinapanaginip ng Jollibee, cell phone at cartoons, pati ng balita tungkol sa eleksyon at suliranin ng bidang magsing-irog sa mga telenobela. Na kahit na nagugutom ay busog naman ang kaluluwa ng pagiging kampanteng mamamayan. Kahit pa ang nakararami ay walang akses, at mas malinaw ang posibilidad ng rebolusyon kaysa animation at malling nang walang pera.

Sa mga biktima ng daan taong paghihikahos at panunupil, sa napakaraming bilang ng politikal na pagpaslang at desaparasidos, sa uring magsasaka, hanggang sa paglaya at tunay na reporma sa lupa, pagpupugay!

Paano naman ang terorismo ng estado? (Pasintabi column)

Paano naman ang terorismo ng estado?

Ipapatupad na ngayong linggo ang Anti-Terrorist Law na may pagpapatanggap na katawagang “Human Security Act.” Pagbaluktot ang katawagan sa diskurso ng United Nations na gamit ito para sa peace conflict resolution, o paghahanap ng kapayapaan lahok ang civil society. Bagkus, ang katawagan ay direktang halaw sa Patriots Act ng U.S., na pareho rin ang abbreviations—HSA o Homeland Security Act.

Ipapatupad na ang pagyurak sa mga karapatan, tulad ng walang definitibong panahon ng detensyon o pagkahuli nang walang warrant of arrest (batay lamang sa suspisyon, pwede nang damputin sa kalye), karapatang maglakbay; kasama na kapag na-house arrest, di ka pwedeng gumamit ng cell phone, internet at sumagot sa telepono.

Ipapatupad na ang anti-terrorist law na napakalabo at napakalawak ng definisyon ng terorismo. Lahat ng gumagamit raw ng malawakang panic at kaguluhan para mapilit ang estado na sumang-ayon sa iligal na panukala ay terorismo. Malamang, kung nanaisin ng gobyerno, pati ang nagrarali, nagwewelga o gumamamit ng kanilang lehitimong mga karapatan para mag-assembly at mag-aklas laban sa mapanupil na kalakaran sa pabrika at estado ay mapapasama sa aktibidad para sa terorismo.

Pati ang asosiasyon sa mga grupong binansagan ng U.S. (at kung gayon, pati na rin ang chuwariwap na pamahalaan ng Pilipinas) na terorismo, ang CPP at NPA, ay tatawagin na ring terorista at masasakop nitong batas. Kung gayon, batay sa sapantaha nina GMA at ng kanyang alipores, sina Ermita at ang kambal na Gonzalez, pati ang mga legal na organisasyong masa na kanilang pilit na idinadawit sa dalawang organisasyon ay terorista na rin.

Malaking pagkakamali ang batas na ito na tunay na may ngiping makakapagpigil sa anumang pagtutol kay GMA. Kakatwa rin na ipinapatupad ito sa panahong matindi pa rin ang pagdududa sa lehitimasyon ni GMA bilang tunay na halal na pangulo? Panahon ng martial law nang hindi man lang ipinapataw ang batas militar. Anong kumbinyenteng pamamaraan para usigin ni GMA ang kanyang mga kaaway, o ang mga tumututol, at mapanatili ang kanyang bangkaroteng pagkapangulo?

Sa isang banda, ang batas ay lehitimasyon ng karahasan ng estado, ang legal na pagtataguyod ng pasistang katangian nito. Sa kabilang banda, ito rin ang hugas-kamay ng estado sa kanyang dugo, sa mga 800 politikal na pinaslang at aabot na sa 200 sapilitang dinukot sa ilalim ng rehimeng GMA. Hindi pa kasama rito ang pandaraot ni GMA sa ekonomiyang karapatan—ang patuloy na pagtaas ng bilihin at hindi na pagsabay ng sweldo, ang neoliberalismong lalong nagpipindeho sa mga manggagawa at lokal na negosyante, ang budget na napupunta ang bulto sa pagbabayad-utang.

Hindi naman bago ang pagbabansag sa mga tumataliwas sa mapanupil na pamahalaan na “erehe,” “filibustero,” “subersibo,” “tagabundok,” at “komunista.” At ngayon naman ay “terorista.” May pwersang politikal ang pagbansag sa mamamayan at organisasyon na terorista dahil global ang digmaan, pangunahing lunsad ng mabilis na pagbabang popularidad ng mga polisiya ni Bush. Kasama sa Anti-Terrorism Law ang pagbibigay sa tinaguriang terorista sa ibang bansa para ito ang magsiyasat at lumitis sa indibidwal. Malamang ay matagpuan natin ang unang Filipino, hindi sa buwan, kundi sa Guantanamo military base ng U.S.

Kapag estado ang gumamit ng dahas, ito ay tinataguriang lehitimo. Kapag mamamayan ang gumamit nito, ito ay terorismo. Ang hindi pagsang-ayon ay dinadambana sa liberal na demokrasya. Kaya ang hindi pagkilala sa karapatang tumutol ay pagkilala na hindi demokratiko ang rehimeng GMA. At sa panahong naghahanap ito ng kanyang pamana o legacy sa pagkapangulo, maihahanay ang rekord ni GMA sa pinakamasahol na naging pangulo ng bansa—si Marcos.

Nalampasan ng mamamayan ang diktadurya ni Marcos, maging ang “sword of war” na inilunsad ni Aquino, at ang mga bersyon ng pagsupil ng kilusang mamamayan nina Ramos at Estrada. Paano naman ang terorismo ng estado? Kasaysayan ang huhusga, nagkakaisang mamamayan ang aakda.