Sunday, May 13, 2007

Responsaryo: Bayan muna, bago ang sarili.

Responsaryo: Bayan muna, bago ang sarili.

Para sa 20 porsyento ng pambansang budget na napupunta sa korapsyon, sa 30 porsyento sa pagbabayad ng interes sa utang panlabas, ano pa ang natitira para kay Pedro, Maria, Juan at Jose? May barya pa ba sa inyong mga bulsa?

Responsaryo

Para kay Kris at sa kanyang nawalang show, kay Hope at kay James, sa kuwarto sa klinika ni Vicky Bello, ang giyera at kapayapaang patani, ang napakatamis na Goldilocks cake, paano tayo napapakaisa sa mga buhay at dramang ganito?

Responsaryo

Para sa 15 milyong Filipinong kumikita ng kulang sa P50 bawat araw, sa tatlong milyong pamilyang nakararanas ng pagkagutom, at sa 60 porsyento ng populasyong naghihikahos, ano ang kinabukasang nag-aantay sa kawalan? May ulam ba sa hapunan sa inyong mga hapag?

Responsaryo

Para sa katubusang dulot ng Super Twins, ng mahikang pagpapagandang dulot ng Hiram na Mukha, ng pagtatagumpay ng pag-ibig sa Maging Sino ka Man, ng pagnanasang maging mabuting tao sa Lupin, mabuting pamayanan sa Rounin, bakit pakiramdam natin ay tayo ang kanilang inililigtas?

Responsaryo

Para sa kalsada ng Ripada na magpapaubaya sa Highway C-5, at sa daan-daang pamilya at tahanang ididimolisa, ano ang bukas sa kalakarang MMDA at UP na walang konsultasyon bigla na lang, sa isang iglap, may pirma at papel na nag-uutos? Hanggang kailan may mauuwiang tahanan?

Responsaryo

Para sa kasiyahan dulot ng panonood ng pagsunod kay at paglibak ni Big Brother, napapasayaw sa akmang musika, napapagawa ng mga bagay na hindi iisiping magagawa, napapasabing makasasaksak ng kapwa, mapapaahit ng isang kilay, at ok lang, bakit tayo naaaliw sa karahasang maging sunodsunuran?

Responsaryo

Para sa eleksyong nagpapatanim ng pichay, ginagawang tol ang hindi naman kaputol ng buhay, dinadaan kay Sarah Geronimo at Juday ang paglilikom ng boto, tunay bang may pagbabagong magaganap sa mga kandidatong ito? Sino ang iboboto natin sa Lunes?

Responsaryo

Para sa pagdambana kay Manny Pacquiao at sa kanyang kamao ng bansa, iadya tayo sa lahat ng masasama, iknockout ang lahat ng umaapi, ipagtagumpay ang ating pagiging talunan sa tunay na buhay, bakit inaasa sa iba ang dapat ay sa sarili?

Responsaryo

Para sa may 800 na pinaslang dahil sa aktibong nakilahok sa tunay na pagbabago, tinortyur, binaril sa tanghaling tapat, sa loob ng kani-kanilang mga tahanan, may patutunguhan ba ang mga buhay na nawalay? Para saan sila nabuhay, nagpursigi at namatay?

Responsaryo

Para sa ating kabutihan, sa kabutihan ng ating mga anak, at ng ating kinabukasan, ang ang isasaalang-alang natin sa Lunes?

Responsaryo

Sino ang iboboto natin sa Lunes?

Responsaryo

Ano ang isasaalang-alang natin sa habampanahon, lampas pa sa eleksyon? Ano ang panata natin?

Responsaryo

Bayan muna, bago ang sarili.

Mabuhay tayong lahat. Mabuhay ang Bayan Muna.

Saturday, May 05, 2007

Pagpapakilala sa CONTEND Film Showing, Sept 06

Asintado Intro

9 Sept 06

Ang panonoorin natin ngayon ay documentary films. Ang kakatwa rito, hindi tulad ng regular na sineng pinapanood natin sa mall, ay may indexical reference ang dokumentaryo. Ibig sabihin, kapag may ipinakitang binaril sa pelikula, may tunay na tao na tinamaan ng bala, bumulantang sa lupa at namatay. Hindi tulad ng sine, may pekeng baril na may pekeng bala na may pekeng putok na magdudulot ng pekeng dugo.

Ang dokumentaryo ay galing sa salitang kanluran, ibig sabihin ay magturo. Pedagogical ang layunin ng mga dokumentaryo—upang turuan tayo ng mga bagay na hindi pa natin lubos na nalalaman, tulad ng pinakamasibo at sistematikong karanasan sa karahasan sa pagkapangulo ni Gloria Macapagal Arroyo.

Kaiba rin ang karamihan sa mga dokumentaryong mapapanood natin dahil ginawa ito ng tinatawag na documentary film collectives, mga maliliit na grupong pamproduksyon na kinabibilangan ng mga kabataang aktibista. Mas malaya itong nakakagawa at nakakapagpalabas ng mga dokumentaryo kaysa sa mga balita at news magazine shows ng television channels. Marami nang documentary film collectives ngayon, tulad ng Sine Patriyotiko ng Metro Manila, ST Exposure ng Southern Tagalog, Kodao; mayroon din sa Ilokos, Bikol, Visayas at Mindanao.

Sa kasaysayan ng pelikulang Filipino, sabay na sumulpot ang documentary film collectives at digital feature film bilang dalawang mahahalagang daluyan ng independent filmmaking scene sa Pilipinas.

Bakit kayo inimbitahan ngayong Sabado sa Asintado?

Para panoorin, matuto at makipagdiskusyon sa mga bagay na hindi natin natutunghayan sa komersyal na media o sa media at politika na hawak ng kasalukuyang pamahalaan. Para maglahad ng kontra-diskurso sa namamayaning diskurso ng karahasang pang-estado nina Palparan, Ermita, ng Kongreso at ni GMA, mga kontrang-katotohanan sa pinapalaganap na tunay na karanasan sa daan-daang pinapatay at dinadampot dahil sa politikal na paninindigan. At sa panonood, maaring dumating ang pagbabago.

Maligayang panonood sa katotohanan.

Tuesday, May 01, 2007

Kuwentong Siyudad Book Cover Studies



Junjun Sta. Ana Graphic Art




CONTEND May 1 Statement

ARAW NG PAGGAWA, ARAW NG PAGLABAN
May 1, 2007

Walang pasok kapag Mayo Uno, ngunit para sa mga manggagawa ito ay hindi araw ng pahinga kundi araw ng paggunita at paglaban.

Iminarka sa kasaysayan ang petsang ito ng malawakang welga ng mahigit na 190,000 manggagawa sa Hay Square Market, Chicago noong 1886. May 200 manggagawa ang nasawi nang walang habas na magpaputok ang mga pulis para paalisin ang mga welgista. Ang dahilan ng welga: hindi pagpapatupad ng umiiral na batas na walong oras ng trabaho, pagwasak ng unyon, at pagtatanggal sa trabaho sa mga lider ng unyon. Sa kasalukuyan, hindi mahirap makita ang pagpapatuloy ng busabos na kalagayan ng mga manggagawa sa harap ng tumitinding asulto ng neoliberal na globalisasyon.

Sa pagsapi ng Pilipinas sa World Trade Organization (WTO), tuluyang niyakap ng pamahalaan ang todo-todong liberalisasyon sa kalakalan, industriya at serbisyo bilang pagsunod na sa mga preskripsyon ng World Bank-International Monetary Fund (WB-IMF). Hindi ito humantong sa pagpapabuti ng ekonomiya ng bansa, at lalo pang nagsadlak sa mga manggagawa sa kahirapan at dehumanisadong kalagayan.

Ayon sa National Wages and Productivity Commision, kailangan ng P721 bawat araw ng isang pamilyang may anim na miyembro. Malayung-malayo sa minimum wage na P350. Taong 1999 pa nang pangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang panawagan para sa umentong P125 sa sahod. Naihapag man bilang House Bill 345 sa kongreso, sinasagkaan naman ito ng mga pulitiko sa pagsasabing “malulugi” ang mga negosyante. Pinabubulaanan ito ng ginawang pag-aaral sa mga dayuhan kumpanya at maging ng maliliit na negosyante. Sa kaso pa lamang ng mga dayuhang korporasyon, lumilitaw na $3 ang tinutubo ng mga ito sa isang taon sa bawat $1 pinuhunan nila dito.

Ang pagpapanatili sa limos na sahod ay nagiging posible sa pagpapalaganap ng kawalan ng kasiguruhan sa paggawa, kasabay ng pagbabawal sa pag-uunyon. Saklaw ng istratehiya ng flexibilisasyon ang kontraktwalisasyon na ginagamit upang sagkaan ang pagiging regular ng istatus ng manggagawa, at kung gayon ay ang pagtatanggal sa kanya ng karapatan sa pagtanggap ng minimum wage at mga benepisyo. Kabilang rin dito ang “multi-tasking” upang lalong makatipid ang employer at ang pagpapatupad ng “flexi-time” na nagiging daan para hindi na magbayad ng overtime pay.

Sa paghahangad ng “industrial peace, ”handang suportahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang “no union policy” ng mga kapitalista, at gamitin ang AJ o “assumption of jurisdiction” para pigilan ang pagwewelga ng mga manggagawa. Ang “industrial peace” ay euphemismo lamang ng “union-busting” para sa pagtiyak ng mura at siil na paggawa. Target din ng sistematikong pulitikal na pamamaslang ang sektor ng manggagawa. Mula 2001, 76 nang manggagawa at lider-manggagawa ang pinaslang sa pag-aakalang ang kaya nitong kitilin ang pagbalikwas na kung susuriin ay iniaanak
din ng pananatili ng mga opresibong kondisyon.


Ngayong panahon na naman ng eleksyon, nahaharap ang mamamayang Pilipino sa isang mahalagang pagpili. Bagamat alam nating mahirap nang umasa sa mga pulitko, na kadalasa'y sariling interes lamang ang isinusulong; at alam na rin natin na sa praktika, ang sambayanan din, sa pangunguna ng uring manggagawa, ang tumitinndig para sa ating mga mithiin, mahalaga pa ring maging mapanuri at mapagbantay sa mga panahong ito. Huwag nating bigyan ng puwang sa gobyerno ang mga pulitikong sagad-sagarang kumokontra sa interes ng mga manggagawa. Dapat nating alamin kung ano ang tindig ng isang kandidato hinggil sa pag-uunyon, sa panawagang pagtaas ng sahod, sa maka-dayuhang polisya ng gobyerno sa paggawa na dumudulo sa murang sahod at mala-impyernong kundisyon sa paggawa. Atin ding tandaan na marami nang lider-manggagawa at unyonista ang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Kung kaya't mahalagang mabatid ang tindig ng ating mga kandidato hinggil sa tumitinding pampultikang pamamaslang.

Suportahan natin ang mga kandidatong may malinaw na tindig laban sa GATT-WTO na nagbibigay ng pagkakataon upang todo-todong tawaran ng mga dayuhang korporasyon ang mura nang paggawa ng mga manggagawa. Ang lider magnggagawa na si Representative Crispin "Ka Bel" Beltran ng ANAKPAWIS party list ay mahigit isang taon nang nakakulong dahil sa kanyang militanteng pagtataguyod ng mga karapatan ng manggagawa. Siya, kasama ni Representative Satur Ocampo ng BAYAN MUNA ay kasalukuyang nahaharap sa mga kasong wala namang batayan, at malinaw na panggigipit lamang ng rehimeng Arroyo sa mga progresibong lider na tumitindig para sa sambayanan. Ngayon, higit sa alinmang panahon, kinakailangan nating tumindig para sa mga kasama nating naninindigan.

Ang kasaysayan ng Mayo Uno at ng kilusang manggagawa sa bansa ay rekord ng nagbabanggaang interes ng kapital at paggawa, at ng higit na pangangalaga ng estado sa interes ng una. Ipinapaalala ng araw na ito ang pawis, dugo, at buhay na ibinuwis para sa pakikibaka para sa mas maayos na kondisyon sa paggawa. At higit na nagiging mahalaga ang araw na ito dahil sa ating patuloy na paninindigan laban sa mapagsamantala at mapang-aping sistema.

Kung kaya’t ang Mayo Uno ay hindi araw ng pagpapahinga, kundi araw ng paggunita at paglaban. Hindi lang para sa mga manggagawa, kundi sa lahat ng binubusabos ng umiiral na sistema. Dahil dumarami ang mga dahilan para magkaisa at magmartsa sa lansangan – hindi lang para sa nakabubuhay na sahod, kundi para sa mas makataong lipunan.


PALAYAIN SI KA BEL ! PATALSIKIN SI GLORIA!

LABANAN ANG PULITIKANG PAMAMASLANG SA URING MANGGAGAWA!

URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA!