Friday, October 06, 2006

Fantasya

Fantasya

Sino ang hindi nabubuhay sa fantasya sa kasalukuyang panahon? Fantasya ng mga hubad at halos hubong babae at lalake sa panahon ng bikini at model searches. Fantasya ng maging next big star. Fantasya ni Darna na muli’t muling pinapapanood sa atin, ngayon naman sa telebisyon.

Matatawag rin fantasya ang malling at window shopping. Binibigyan tayo ng pasubali sa posibilidad sa mga pinakabagong damit, bag, sapatos, gadget—ang maaring makamit kung mayroon tayong sapat na salapi sa wallet. At tunay namang abot-tanaw lang ang pangarap na napapagitnaan ng salamin—ang kakulangan sa mamimili at ang tagapamatid-kulang na bagay.

Sa pagtindi ng krisis pang-ekonomiya at pangkabuhayan, sino ang ayaw maniwalang maililigtas tayo ni Darna, o kahit na sa kapangitan ng pabalat ay ginintuan pa rin ang puso ng Kampanerang Kuba? O sa pagtayo ng pinakabagong exklusibong mall sa Cubao—ang Gateway—sa pagitan ng dalawang mass rail transit lines ang siyang karugtong ng pangarap na maging First World?

Sa isang banda, mahalaga ang fantasya dahil ito ang nagiging paraan ng negosiasyon sa paghihirap ng buhay. Sino ang hindi nangarap magkaroon ng superpowers para malampasan ang kawalan-katarungan sa sarili o para maisalba ang mahal sa buhay sa kumunoy ng paghihirap?

Sa kabilang banda, ang hindi produktibo sa fantasya ay ang pagiging kabahagi rin nito ng mismong mga institusyong pagbibigay-lagusan sa fantasya bilang solusyon sa problema. Binebentahan tayo, halimbawa, ng ABS-CBN ng pangarap na pwede tayong mag-artista o maging sikat na singer, pati boxingero, kapag nagpursigi tayo sa ating mga pangarap.

Sila na nagbebenta ng pangarap natin ay sila rin naman na nagpapangarap sa atin. Mayroon bang magkakaroon ng lehitimong interes na maging boxingero via reality search kung may oportunidad naman sa mga larangan ng palakasan?

Sa kadalasan pa nga, sa malawakang korapsyon sa bansa, ang mga institusyon din ang nagnanakaw ng pangarap ng sambayanan. Hindi nga ba’t sa pagkapangulo ni Erap ay dinambong niya ang mga pangarap ng bayan sa pagnanakaw ng yaman-pambansa? Ang mamamayan na nagpakat ng kanilang pangarap sa tagumpay ni Erap ay naiwang nakabinbin sa hangin hanggang sa may bagong panday o aparisyon ng birhen na kanilang makikita bilang katubusan ng kanilang kalagayan.

Kakatwa sa titulo ng isang pelikula, “Kung mangarap ka’t magising,” walang gumigising sa pangarap. Natatapos lamang ang pangarap para simulan ng bago. Ang ating pagtanghod sa pang-araw-araw ay pagsasalit-salit ng mga pangarap.

Nagigising lang naman talaga kapag hinaluan ng politikal ang pangarap. Sa isang banda, ang pagtukoy sa realidad kaysa sa fantasya ang katapusan ng pangarap. Paano ka mangangarap kung mulat ka? Sa kabilang banda, kapag nilagyan ng politikal ang fantasya, ito ay nagiging causa na nagkakaroon ng lugar sa “cause-oriented groups” o mga organisasyon may layon ng panlipunang transformasyon.

Utopia ang dulot nito. Nagsasakripisyo ka dahil mayroon kang pangarap na maabot sa hinaharap na lampas pa sa sarili mong kabutihan. Ang utopia ay kolektibong pangarap. Kapag maramihan ang naniniwala at nakikipaglaban para sa paniniwala, ito ay utopia.

Si Narda, isang pilay at mahirap, nangarap na mapabuti ang kanyang sariling lagay. Pumasa siya sa isang pagsusulit ng enkantadang matanda na binigyan siya ng kapangyarihan. Ang agimat na bato, kapag isinubo at binigkas ang kataga, ang ordinaryong si Narda ay magiging extraordinaryong si Darna.

Pero kailangang isakripisyo ni Narda ang kanyang sariling interes. Kailangan niyang tulungan ang mga higit na nangangailangan, gamitin ang kanyang kapangyarihan para sa kabutihan. At sa dami ng natulungan ni Darna, nangarap tayong maging tulad niya—may kapangyarihan at may kapangyarihang makapanlimi sa kinakailangang gawin.

Pero hindi tulad ni Darna, hindi magical ang transformasyon ng sarili. Wala tayong boses o lakas para baguhin ang kalagayan ng sarili, lalo na ng nakararami. Tayo ay tulad ni Narda na may kapansanan at kabilang sa hanay ng mahihirap. Ano ang puwang ng pamamantasya?

Ang pamamantasya ay tulad ng aktibidad ng pamimintana. Patanaw-tanaw ka lang sa labas. Nakatanghod ang paningin sa kung ano-anong dumadaan. Wala ka naman talagang tinatanaw o nakikita kundi ang nais mong makita.

Ginagamit mo lang ang external na kapaligiran para tunghayan sa isang relaxadong pamamamaraan ang kalagayan ng internal na sarili. Nababawasan ang anxiedad ng internal, nakakawing sa haraya ng posibilidad kung saan pwede tayong lahat magkaagimat, sumigaw ng Darna, puksain ang katiwalian, makamit ang sosyalismo, maging Richie Rich, magkaroon ng syotang kasing ganda ni Paris Hilton o guwapo ni AJ Dee.

O di ba, kay ganda ng buhay? Siempre, dito lang yon sa maliit na bubble na kay daling pumutok sa bigat ng aktwal na kapaligiran: Payatas, korapsyon, presyo ng gasoline at pamasahe, pagbaba ng buhay sa ilalim ni GMA, at iba pa.

Hindi na maganda ang buhay. Ang buhay, para maging kapaki-pakinabang, kailangang pagsanibin ang paglangoy sa dalawang ilog—ang daloy ng fantasya ng nagbibigay posibilidad sa mga imposibleng bagay; at ang daloy ng realidad na aktwal na ginagawalan ng buhay.

Kaya si Narda at Darna ay pinag-uugnay ng matibay na katotohanan ng batong hindi madudurog pero lagusan para makalabas-pasok sa mundo ng fantasya at realidad.

5 comments:

Anonymous said...

natutuwa ako sa blog na ito.. pati sa entry na ito.. at kung itatanong mo kung bakit? kasi fantasya kong makagawa ng blog na may saysay..

mommy kiel said...

hi sir.
kamusta po? sana naaalala niyo pa ako.
ang sarap basahin ng mga sulat niyo, malalalim, may kabuluhan.
ako po, eto wala ng oras gumawa ng mga sulat na may kabuluhan at nilalamon na ng everyday tasks at ng task ng pagiging nanay. sana nakakagawa pa rin ng difference kahit papano.
kakamiss marinig kayo uli magturo! :)
hope you're fine and well.
God bless too.

gingmaganda said...

halu sir roland! ang fantasya ko ay matuto kumanta! at ang mega-fantasya ay makabili ng magic sing. kainis.
nyahaha

Anonymous said...

fanstasya ng malaking porisyento ng tao sa mundo ay ang mag-level-up sa lipunan. lalo na sa ating bansa. ngunit kung minsan ay nagiging eksaherado ang pagtanaw mga tao. kung sa bagay eksaherado nga pala ang mamantasya. ngunit sana naman, ang bato na ginagamit ni Narda at Darna sa kanilang transpormasyon ay ipambato na lang sa mga pumafantasyang ng mga alagad ng pasismo na matauhan sila na hindi ideal ang kanilang pinapangarap na na nais na itatag na uri ng mundo sa ating bansa. sana magkabukol sila, madala at matuto sa tamang konsepto ng pag-aangkop. ngunit kung hindi mangyayari iyon ay, marami pa rin mamumuo na mga bato ni Darna-Narda na siyang ibabato ng taong bayan sa kanila.

gingmaganda said...

woohoo! marunong na akong kumanta! may videokehan na kami! woohoo!!!!

today, videoke, tomorrow, da werld!!!

ahahaha