Tuesday, August 29, 2006

Karnabal sa UP (Sapantaha Column)

ANG KARNABAL SA U.P.

Noong bata pa ako, mahilig ako sa karnabal. Tuwing fiesta sa aming bayan sa Nueva Ecija, may peryang bumibisita tuwing Mayo. May dala itong ferris wheel, bingo, roleta, beto-beto, at mga palabas ng, kadalasan, mga babaeng ipinaglihi sa alimango o gagamba. Nang lumipat kami sa Manila, laging espesyal ang manakanakang pagdala sa aming magkakapatid ng aming magulang sa Fiesta Carnival sa Cubao. Dati itong tinaguriang “world’s largest indoor carnival” pero ngayon ay nakakaawa nang latak na alaala ng di-nakasabay na kosmopolitanismo ng mga Araneta at Cubao sa iba pang urbanisadong lugar sa Metro Manila.

Napunta na rin ako sa Enchanted Kingdom at nagustuhan ko ang pagiging artifisyal ng lugar. Hati-hati ang erya sa iba’t ibang temang walang kinalaman sa isa’t isa. Mas kahindikhindik ang rides kahit pa pamatay rin ang traffic at biyahe patungo sa Santa Rosa. Dalawang magkasunod na taon na rin akong napupunta sa U.P. Fair. At gusto ko ang liberalismo ng okasyon at lugar. Maaring uminom, sumayaw at makikanta sa panonood ng concert, at magPDA (public display of affection).

Nagpunta ako sa STAND-UP sponsored na gabi ng fair. Reggae night ang tema. Kumanta ng all-time favorite tunes ang The Jerks. Nakising- at dance-along kami ng mga kasama kong junior faculty. Matapos ay uminom ng kung ano-anong mixed drinks na may pangalang Orgasm at Traffic Light. Sa isip ko, tanging sa U.P. lamang mararanasan ang ganito--kasama ko ang mga faculty at mga estudyante, naghahalo na ang pawis at amoy namin, may masayang tama, walang kagalanggalang.

Kahit kailan ay hindi ako nahilig sa mga modelo dahil lahat naman ng ipinagpupunyagi ay binabato’t ibinabagsak sa ibang panahon. Madalas, sa di-inaasahang hinaharap. Kaya ang karnabal ay pahiwatig ng temporaryong pagbabalikwas ng kaayusan--ang mga bawal ay ginagawa, ang mga mga sagradong imahen ay binabastos, ang mga marginal ay namamayani. Pinapayagan ang karnabal dahil maminsanan lang naman ito bawat pahanon.

Sa labas ng espasyo’t panahon ng U.P. Fair ay karnabal pa rin. Ang mga kasapi ng rival frats ay nagmistula na ring tag-uri nila sa mga hindi kasapi, barbarians. Namatay si Den Daniel Reyes ng Alpha Phi Beta sa taga ng gulok noong Pebrero 10, 2000. Hindi ba naman sukdulang kabarbariko na nito! Parang Quentin Tarantino na pelikula marahil ang mapagbigay na pagbulwak at pagkalat ng dugo. Na namatay si Reyes sa gabi ng unang anibersaryo ng pagkapatay sa inosenteng biktima ng isang frat war din, si NiƱo Calinao, ay tunay nang mala-karnabal ang pangyayari.

Nawawala na ang distinksyon ng literal at figuratibong karnabal. Nawala na ang politikal na subersyon sa pang-araw-araw ng karnabal. Ang negatibong aspekto na nito ang namamayani, nagdidikta ng kalakaran sa pang-araw-araw nating buhay sa U.P. Bakit tayo nagpapa-harass sa taunang pagdaraos ng karnabal na sponsored ng frat wars? At iba pang institusyon sa labas?

Bahagi ng produktibong aspekto ng karnabal ay ang pagmamarka sa pagsasapraktika ng bawal. Na bagamat ito ay nagaganap lamang minsanan kada taon, ang pagkakaroon ng bawal at pagbalikwas sa kaayusan ay maaring pumatungkol sa politikal na praktis sa labas ng panahon at espasyo nito. Samakatuwid, kailangan ng memorialisasyon sa mga inisyatiba’t kaganapan sa karnabal dahil baka ito may praktikal na subersyon sa labas nito.

Ang namamayaning kaayusan ay mahilig sa amnesia. Pinakakalimot sa atin ang ating dapat alalahanin at matutunan sa kasaysayan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng institutionalized deprivation. Maliit ang sahod kaya kailangan magtrabaho. Kailangang magtrabaho ng higit pa dahil kailangan ng kita. Kailang ng kita dahil kailangang makabili ng nais sa buhay. Kailangang magkabuhay kahit na maliit ang sahod. Mayroong ginagawang pag-aalaala rin ang namamayaning kaayusan.

Ang investiture ng ika-18 pangulo ng U.P. ay isang karnabal din. Disruption ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Walang klase at pasok, hinihimok ang lahat na nakacostume--sablay o gowns--at formal na dumalo sa ritual, may piging pagkatapos ng lahat. Karnabal ito dahil temporal nitong binabago ang kalakaran ng informal na kaayusan, ng kultura ng jeans at t-shirt, ng aktibismo sa dekorum at formalidad ng investiture.

Ano ang gustong ipaalaala sa atin sa mas miminsanang ritwal ng investiture? Ano ang mga bagong pangakong ihaharap? Ano ang pamantayang isasaad kung saan, kung may makakaalaala, huhusgahan ang susunod na limang taon ng bagong administrasyon? Ano ang kaayusang itataguyod na tutuligsain ng manakanakang karnabal?

Mahina sa memorialisasyon ang mga tao sa ganitong pangyayari. Nagbalik na ang mga Marcos, nagpatuloy na naman ang war games ng U.S. sa bansa, napangunahan na naman ng popularidad ang rasyonal sa naging pagpili ng mga opisyal, nandito na naman ang cronyism, at nandito pa rin ang kawalan ng prioritisasyon sa budget sa edukasyon, ang patuloy na mindless at senseless na karahasan ng frat wars.

Ganito tayo noon, at maliban sa ilang kosmetikong pagbabago, ganito pa rin tayo ngayon. Hanggang sa susunod na minsanang pagdating ng karnabal, ng kagyat na pananakop ng rehimen ng kapangyarihan ng karnabal.

1 comment:

Anonymous said...

hi mir. tolentino! i'm nikki real from ateneo de manila.. what's your e-mail address? i would like to ask permission from you about something.. thanks!