Rebyu:
Jose F. Lacaba, editor, The Films of Asean (Pasig City: ASEAN Committee on Culture and Information, 2000).
Ako ay nagtuturo ng kursong Asia-Pacific National Cinemas sa UP, at ang isang blind spot parati ay ang readings pagdating sa Southeast Asian cinemas. Mayroon na ring mga libro hinggil sa iba’t ibang national cinemas sa rehiyon, tulad ng kay Krishna Sen, Indonesian Cinema: Framing the New World Order, at Karl G. Heider, Indonesian Cinema: National Culture on Screen, at ang ilan libro nina Isagani Cruz, Joel David, Emmanuel Reyes, Cloudaldo del Mundo mula sa Pilipinas. Mayroon ding mga sanaysay sa librong inedit ni Wimal Dissanayake, Colonialism and Nationalism in Asian Cinema at sa mga film journals tulad ng Asian Cinema, Cinemaya, at ng yumaong East-West Film Journal.
Pero walang iisang libro ang tumatalakay ng pelikula ng rehiyon. Ang The Films of Asean ay mahalagang libro sa paglilinang ng kalagayan ng pelikula ng mga bansa sa rehiyon. Ito ay naglalatag ng kasaysayan, pag-unlad, problema at rekomendasyon ng iba’t ibang national cinemas. Gayunpaman, kahit pa nakapaghanay ng situwasyong pambansa, hindi malinaw ang larawan ng rehiyonal na cinema.
Iba-iba ang pagpasok ng pelikula sa mga bansa. Turn-of-the-20th century sa Indonesia, Pilipinas at Thailand, at post-war sa Brunei Darussalam, Malaysia at Vietnam. 1933 nang pumasok ang pelikula sa Singapore.
Batay sa mga sanaysay ng situwasyong pambansa, maraming pagkakahalintulad ang mga bansa ng rehiyon. Tila ang nabubuong larawang pangrehiyon ay ganito: Ang kwento ng pagkaunlad ng pelikula sa mga bansa ay bahagi ng naratibo ng modernisasyon ng bansa. Ang pelikula ay siya namang kinikilalang teknolohiya at sining ng modernidad. Samakatuwid, ang kwento ng pelikula ay nagiging kwento ng aspirasyong makabansa sa rehiyon.
At ang kasalukuyang kalagayan ng pelikula sa bansa ay ugma sa post-independence, post-kolonyal na yugto at bind ng mga bansa: ang pagbalanse sa globalizasyon at mga media nito (dati, tulad ng panganib ng kumpetisyon sa telebisyon, ngayo’y cable), at ng nasyonal na agenda (produksyon ng pambansang pride sa makinarya ng pelikula). Pero paratihan, ang kasalukuyang mga industriya ng pambansang cinema ay inoorganisa ng Hollywood: paano makakahulagpos sa global na tangan nito? Hindi hiwalay itong katanungan sa iba pang aspirasyong makahulma ng pambansang estetika sa pelikula: Ano ang kakaibang paglalarawan ng mga pelikula ng bansa?
Kaya ang diin ng mga sanaysay ay ang nasyonal na konsern: Ano ang imahen ng bansa na nailarawan ng industriya, estetika, sosyolohiya at kultural na produksyon ng pelikula? Nakaugnay ang paglikha ng situwasyong pambansa sa nasyonal na agenda, kadalasan opisyal, ng mismong mga bansa. Samakatuwid, ang paglalatag ng kasaysayan ng pelikula ay nakaugnay sa mga pangunahing players nito—ang estado at ang negosyo. Pumapasok lamang ang iba pang players—sa pangunahin, ng mga direktor--sa elaborasyon ng pagkahulma ng pambansang kondisyon, bilang pagbalikwas, pero mas madalas, pagsang-ayon sa kalakaran. Hindi kakatwa na ang nagsulat ng mga sanaysay ay players din sa arenang pampelikula na kalakhang tinanggap na ang kalakaran at kaayusang nauna sa kanila.
At dahil ganito ang substansya ng rehiyonal na kalagayan, ang mga bansa, tulad ng mismong naratibo ng pagkabansa, ay may pampelikulang kalagayan na hindi pantay-pantay ang naging pagkaunlad ng mga ito, at may sariling interpretasyon sa pelikula bilang idioma ng pagkabansa. Sa isang antas, ginagamit ang pelikula—ang teknolohiya ng modernidad—sa kakatwang paraan, bilang tagapagpadaloy ng mga inaakalang tradisyonal na pagpapahalaga. Dito nagkakaroon ng kakaibang laman ang pambansang cinema.
Sa iba pang antas, may pagkakahalintulad ang gamit at interpretasyon sa pelikula, bilang pedagogical na gamit o paraan ng pagtuturo ng pagkabansa. Kinikilala ng mga bansa ang kapangyarihan ng pelikula, kaya din, komon ang mahigpit na regulasyon—sa pangunahin, kaugnay sa senura—hinggil sa pelikula. Bukod dito, institusyonalisado rin ang pelikula, malawak ang formulasyon ng burukrasya para panghawakan ito; kadalasan, sa pambansang lebel ang mga institusyong ito.
Sa partikular na kasaysayang pampelikula, maaninag na ang mga Europeo ang naging unang producers ng pelikula. Naging malaki rin ang papel ng Tsinong negosyante at direktor sa pagkaunlad ng pelikula ng mga bansa. Gayundin, partikular sa Pilipinas at Indonesia, mayroon din malapit na kasaysayan ang pelikula at politika. Ang mga sikat na aktor ay nagiging politiko sa dalawang bansang ito.
Mayroon ding national boundary crossing sa kasaysayang pampelikula. Halimbawa, ang pagpalawas ng Dawn of Freedom, isang propaganda film ng mga Hapon sa World War II, sa Indonesia; ang proliferasyon ng bomba films sa Pilipinas at Indonesia noong maagang yugto ng 1970s; star system sa Thailand at Pilipinas; o ang paggamit ng Filipinong direktor sa pagkaunlad ng pelikula sa Singapore.
Pero ang mga ito ay iprinisenta bilang mga detalyeng bumubuo ng pambansang kalagayan. May dalawang inaasahan sa libro na hindi nito naidulot: una, ang rehiyonal na situwasyon, at ikalawa, dahil na rin sa yumayamang katawan ng mapanuring panitikan, ang kritikal na pagbasa sa historiograpiya ng mga bansa. Walang gaanong problematisasyon ginawa ang mga manunulat, inilatag lang ang pambansang kalagayan. Wala man lamang nagtukoy na ang pambansang kalagayan ng pelikula ay ugma sa naging kasaysayan ng bansa.
At ito ang mas mabigat na inaasahan sa susunod na magluluwal ng aklat hinggil sa cinema ng rehiyon ng Southeast Asia, lalo pa’t, tulad ng nabanggit sa mga tatlong bansa, mayroon nang karanasan sa formal na film education ang mga lumalahok sa industriya. Hindi lamang ito nagluluwal ng artisans, maging ang mga kritiko ay nasimulan na ring maging integral na player nitong mga pambansang cinema. Kinakailangan na rin ng intra-regional studies, kung paano pareho at magkaibang umugapay sa pambansang sitwasyon, halimbawa, ang mga bansang tulad ng Indonesia at Pilipinas.
Thursday, August 17, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
hi! favor lang po, pahingi naman po ng kopya ng "KUNG HINDI NGAYON, KAILAN? KUNG HINDI RITO, SAAN? KUNG HINDI TAYO, SINO?" : NAPAKARAMING
TANONG AT ISYU NG TAO AT LIPUNAN SA PANITIKAN NG PILIPINAS" .. paki-email na lang po dito: tympani23@yahoo.com ..salamat!
elow po ede po ba humingi ng favor padalan nyo naman me ng halimbawa ng isag rebyu need kc namin sa filipino pls paki send nalang po sa vanie_redorb@yahoo.com.ph dyan po please ill wait to ur reply thx po
Post a Comment