Kabanata ni Indoy Badidoy
(sipi sa novellang Isang Opereta sa Roleta ng Kapalaran)
(I-format na parang balita: enlarged heads, columned text)
Ano ang nangyari sa ideal couple ng showbiz?(one column itong text.)
Ito'y atin-atin na lang. Pero ano na ang nangyari sa marriage nitong ideal couple ng showbiz? Ayon sa aking reliable informant na nagkakape sa lobby ng airport (hinihintay lumipad ang eroplano ng lover nyang patungong Saudi. Broken-hearted itong friend ko, but not broken enough para hindi makasagap ng balita.). Tumatakbo ang babae kaya nakatawag pansin. Biglang huminto sa harap ng asawa at bigla na lamang sinampal ng babae si lalaki sa harap ng madlang sangkatauhan. At ano raw ang dahilan? Ano pa ba naman kundi another woman. . .
Surprised? Ako rin. Akala ko pa naman ay forever and ever ang kanilang pag-ibig. Well, all good things must come to an end. Pero nakakapanghinayang talaga itong couple na ito. To think, their marriage was a model to the showbiz community.
Wala na kaya talagang tunay at wagas na pag-ibig sa hanay ng mga tao sa pinilakang tabing? Has showbiz' last great romance faded?
Clue: ang babae'y beauty queen turned actress, ang lalake'y action star turned drama king. Both are elegant and dashing. Both (used to) spell romance, yong champagne and caviar over a dinner serenaded by a string quartet.
Actress Slaps Husband in Airport Scene(two columns itong report.)
Everyone was looking for the movie camera. The scene easily fitted the silverscreen: angry wife, scorned husband, confused kids. The setting was the international airport, pre-departure area.
Husband was supposed to go to the U.S. on a leisure trip, towed children along. Wife knew nothing, found out only minutes before departure. She scampered to the airport, even moving pass the diplomat's car she bumped on the highway. Wife has her moment, culminated into a confrontation scene. Wife slapped husband.
But there was no movie camera. However, there were real actors and reporters. Not showbiz reporters though, but reporters from the airport media bureau. This was not make-believe, this was life.
In a meeting at the VIP room where airport general manager Greg Tobias mediated, Bituin Veneracion alleged that husband Mulawin Santiago was trying to bring their children to the U.S. without her consent. Santiago countered, saying that it was a planned vacation, that Veneracion could not be reached because of her busy schedule.
Retired General Brigido Batungbakal who was tagged along by Veneracion blamed Santiago for the miscommunication. "This scene could have been averted if Mr. Santiago was transparent with his plans."
Manager Tobias requested the couple to set aside their differences for the sake of the children. Santiago and Veneracion consented to the request, agreeing that it was a case of misunderstanding.
Bago ang lahat, nais ko kayong pasalamatan sa pagdalo rito ngayong tanghali. Alam kong marami kayong ginagawa. Salamat, for taking time out to come to this press conference. I hope na nasarapan kayo sa tanghalian. Kung bitin, order lang kayo. Open bar pa tayo ngayon.
Narito tayo ngayon, folks para i-settle once-and-for-all ang issue of the hour. Kasama ko sina Bituin at Mulawin para sagutin ang lahat ng inyong katanungan. No holds bar. I'll turn you over to them for your questions.
"Bituin, totoo ba?"
"Totoong ano?"
"Totoong sinampal mo si Mulawin?"
"Oo, pero katulad nang nababanggit namin ni Mulawin, it was a case of miscommunication. Pero ok na kami ni Mulawin."
"Kung ok nga kayo, maari bang i-kiss mo si Mulawin para sa camera?"
"Sure."
"Mulawin, kilala ka pa naman bilang action star. Hindi ka ba nagkaroon ng feeling na inaander da saya ka ni Bituin sa nangyari sa airport?"
"Hindi ko masisisi si Bituin. Galit sya noong oras na yon. Alam mo naman, kapag galit ang tao, hindi pa matinong mag-isip, maraming agiw sa utak. Ok na kami, nakapag-usap na kami."
"Paano naman ang mga fans mo, Mulawin? Gusto nila ng barako, hindi yong tumatakbo na nakaipit ang buntot sa pagitan ng hita."
"Depende naman kung saan nakaipit ang buntot. Kung kay Bituin naman, di mas ok, di ba?"
"Ano ba talaga ang nangyari, Bituin? Come on, spill the beans."
"Siguro si Mulawin muna ang dapat magkwento. Ayaw kong inuunahan ang mga sasabihin nya. Mulawin?"
"Nakapag-usap kami ni Bituin last month na we deserve a vacation, a real vacation. Yong walang istorbo, kaya sa States ang plinano namin. Sinet namin ang date, kinausap na ang mga bata. Everything was settled. Ang problema'y natanguan na ni Bituin si Tito Ronnie para sa isang team-up. Out-of-town ang shooting. So nag-decide akong mauna na lamang kami ng mga bata."
"Bakit naman hindi mo ito nalaman, Bituin?"
"It slipped my mind. Katulad ng sinabi ni Mulawin, out-of-town ang shooting namin. It was a prior commitment, malaki ang utang na loob naming mag-asawa kay Tito Ronnie. Kababalik ko lang sa bahay nang mabalitaan kong wala na ang mga bata. I panicked. Pagod na pagod ako kaya hindi na siguro ako nakapag-isip nang matino. I called up a family friend, si General Batungbakal para makapasok kami sa restricted area ng airport. Just in case na medyo mahuli ako."
"Then what, Mulawin?"
"Then nangyari ang insidente."
"May nagbalita na may other woman ka raw?"
"Husto na si Bituin, wala ka nang hahanapin pa."
"Sabihin mo nga “love you.””
"Sinasabi mo lang yon in private."
"But isn't showbiz one big happy family?"
"Totoo ba, Bituin?"
"Totoong ano?"
"Si Monica Daeng, yong dried-fish beauty ni Dr. Rey Napakosacruz?"
"Hindi ko sya kilala."
“Bakit hindi mo kilala? Isn’t showbiz one big happy family?”
“Bakit? Sikat na ba sya para maging myembro ng pamilya?”
_
One-Night Stand
Tinanong nya kung maghuhubad na sya. Nakatungong tumango ako. Nang tumitig ako sa kanya’y napangiti nyang hinubad ang kanyang mga suot. Lumubog ang kanyang tsinitong mata. Pabulong nyang ipinaliwanag, tila naglalaan ng susunod na pundar kundi man ay tinityak ang kakumpletuhang suot: pulang t-shirt na may collar, Bench; white shirt, imported na Hanes; sapatos, Nike Air na may fushiang neon insignia; olive green na boot socks, Octopus Army; Levi’s 501, comfort fit; hinimas ang puting pusod, cologne, Bench pa rin; puting panty na may lace, Soen. Nahiyang napangiti’t marahang nagsalita na mas komportable sa singit ang panty kaysa jockey, hindi bumabakat ang garter, hindi nangingitim ang balat. Napangiti rin ako dahil pareho pala kami ng brand ng panty. Itinanong nya kung gusto ko na syang maghubad ng panty. Kahit hindi ako sumagot ay sumige sya hanggang sa rumolyo ang panty sa paanan nya, pinagpag at isinantabi sa maayos na nakatiklop na iba pang mga gamit. Tumungo akong muli, “Ngayon na ba kita babayaran?” Napangiti na naman sya, bahagyang umangat ang ulo ko’t nakita ang kanyang mapuputing ngipin at pulang gilagid. Umiling sya at sinabing mamaya na’t baka maisipan ko pa raw dagdagan ang ibabayad, kung maibigan ko. Suminghot ako, nawala ang pagkahiya sa sarili. Tinanong nya kung hindi ako maghuhubad. Dito ko lang naisip na kailangan na nga yata bagamat gusto kong kahit paano’y may natitirang balabal pa rin ako. First timer, sa ganito, pati na rin sa sex. Nang natagalan ako sa pag-iisip kung gusto o dapat nang maghubad ay lumapit sya, tinanggal isa-isa ang mga butones ng aking polo. Lumuhod sa harap at tinanggal ang pagkatali ng sintas ng sapatos ko, minasahe ang talampakan bago isinunod hubarin ang mga itim na medyas. Napapikit ako dahil masarap syang magmasahe, napadilat na lang nang bigla nyang simulang halikan matapos ay isinubo’t dinede ang mga daliri sa aking paa. Sinimulan nyang luwagan ang sinturon pero mahigpit ko itong hinawakan. Umismid sya pero ipinilit ang mga kamay sa zipper ng pantalon ko at ngayon lang ako nabingi sa paglangitngit ng hinuhubarang zipper.
May metro kaya ito? Kung mag-premature ejaculation, papayag ba syang umulit? May warranty ba ito? naisip ko. Pero hindi naman appliance o insurance itong binibili ko. Ano kung hindi ako masiyahan, may rebate ba o money-back guaranty plan? Kung maliit? Hindi naman karneng por kilo ang usapan. Yon na nga, baka wala na nga sa size, wala pa rin sa performance. Kung diretsahin ko baka masira ko naman ang career nya. Saka baka lalong masira ang ambiance at fantasya. Mas may alam naman sya pagdating dito. Pero properly trained kaya sya o bara-barabay lang? Hindi naman aso o musmos na tino-toilet train ang binabayaran ko. Sya kaya, magustuhan ako? Hindi naman ito ang issue, ako ang nagbabayad.
Sinimulan nyang papakin ang labi ko. Nakadilat ako, kahit unethical, habang hinahalikan nya ako. Bakit parang gusto nga nya ang kanyang ginagawa? Totoo kaya ito o nagpapanggap lang na nasasarapan? Ganito ba sya sa lahat? Bakit masarap, bakit malasa?
Inulit nya pero ngayo’y nagsimula sya sa paghawi ng aking buhok, hinahagod ng mga daliri palikod. Hinalikan ang aking noo, pababa sa pagitan ng mga kilay, sa ilong, sa ilalim ng leeg... Parang listahan ng pamamalengkehin. Pumikit ako at hindi na nag-isip, umungol na lamang nang umungol habang hinahalikan nya ako pababa nang pababa at sa pakiramdam ko’y pasarap nang pasarap.
“Mahal kita,” nagkamali kong ibinulong, may narinig akong marahang tawa. At nang malaman kong wala sa lugar ang bigla kong nasabi’y bigla na naman akong napatanong, “Gusto mo ba ang ginagawa mo?” Biglang nawala ang ngiti sa kanyang mukha at sumagot sa inaasahan kong sagot, “Trabaho ito.” Hinalikan nya ako, nag-eskrimahan ang aming dila. Nag-uunahang agawin ang hininga ng kapareha, nagsawa lamang nang matuyuan ang aming lalamunan. Ipinagpatuloy nya ang paghagod, pababa, pati talampakan hanggang sa mapakat sa singit, sa pagitan ng ari’t butas ng pwit. Masarap ang kanyang turuang dila. At naisip kong magaling nga sya sa kanyang trabaho.
Hinaplos ko ang kanyang buhok, humigpit ang tangan hanggang sa umiri’t marahan nyang tapikin ang aking kamay. “Sorry,” paulit-ulit kong nababanggit. Hindi sya sumagot pero ipinagpatuloy ang trabaho ng kanyang dila at minsa’y pilikmata. Nakapatong, nakatalikod, nakadapa, nakadantay, nakaupo, nakatanghod, panibagong grocery list. Tinanganan ko ang kanyang pawisang bisig hanggang sa pumakat at dumulas ang aking mga kuko. Magbabago kami ng pwesto, magbabago ako ng kakapitan at magbabago ang kanyang marka sa katawan. Mahaba man ang prusisyon ng posisyon ay sa mga kabutasbutasan ng ari, pwit, at bibig pa rin ang tuloy. Hanggang sa ipinagpatuloy nya ang paglalaro ng dila, hindi ko matigilan ang aking mga halinghing.
“Tapos na,” banggit nya sa puntong may nakikita na akong lusis at may naririnig na kampana. Bigla-biglang tumigil ang kislap at dagundong. Tunog ng cash register ang kumokoro ngayon. Bumuka ang aking bibig, nais ko pa syang halikan, ipaulit ang ginawa sa akin. Pero tahimik sya, hindi na kasama sa kasunduan. Panibagong aregluhan na naman. Bumuka muli ang kanyang bibig. Wala na akong naririnig, nakita ko lamang ang kanyang magang lalamunan at ang mga nagkalat na puting singaw sa kanyang namamagang gilagid. Maraming itim na pasta ang kanyang ngipin, pustiso pa ang harapan. Inabot nya ang aking pantalon, bumuka ang kanyang palad.
Humugot ako ng tatlong dadaanin sa wallet, gaya nang usapan. Hindi na sya umimik; muli, isa-isang isinuot ang kanyang mga gamit na kaydaling napamemorya sa aking isip: hinimas ang puting pusod, cologne, Bench; olive green na boot socks, Octopus Army; white shirt, imported na Hanes; pulang t-shirt na may collar, Bench pa rin; puting panty na may lace, Soen; Nike Air na may fushiang neon insignia. Lumabas sya sa cubicle, biglang sumarado ang pinto, biglang naglaho ang mga impit na yapak ng kayang rubber shoes sa malagkit na sahig ng pasilyo. Bigla akong napabihis, inuna ko ang panty at naalaala ang nahihiya pa nyang ngiti at ang kanyang banggit--mas komportable ang panty kaysa jockey, hindi bumabakat ang garter at hindi nangingitim ang balat.
Lumabas ako ng cubicle, biglang sumarado ang pinto, biglang naglaho ang mga impit na yapak ng aking rubber shoes. Lumabas ako ng bar, biglang bumukas ang kalsada, muling nagsimula ang impit na yapak ng aking rubber shoes. Lumingon ako sabay himas sa wallet, tinityak na naroroon pa rin ito.
_
Roleta ng Kapalaran
Madalas takip ng buhok ang kanyang mukha. Mula sa aking pwesto, tanging labi lamang ang tanaw. Bawat taya nya’y sa katorse, ang numero ng pag-ibig. Sa aking pag-ikot ng roleta’y sinisilip ko sya. Mula sa kanto ng aking mata, ang kanyang labing pinapahiran ng kanyang basang dila. Ipinagdarasal kong hindi huminto ang pag-ikot ng roleta. Ano ang hantungan ng kawalanhanggang pag-ikot ng roleta ng kapalaran? Ano ang hantungan ng pag-ibig sa isang mukhang nakapinid sa partida ng mahabang buhok? Ano ang hantungan ng pagnanasang hindi naipapaabot sa pinagnanasahan? Mahal ko sya, ipinagdarasal kong hindi huminto ang pag-ikot ng roleta.
Malimit ay tumitigil ang roleta sa pagitan ng kanyang taya. Sa dahandahang paghinto, alam kong hindi sya humihinga. Maging ako’y gayon din. Alam kong bahagyang naghihiwalay ang kanyang mga labi. Iniisip kong pumapailanlang ang kanyang hininga sa akin. Iniisip kong may ibinubulong sya sa akin. Sana’y hindi na huminto ang pag-ikot ng roleta. Ano ang hantungan ng kawalanhanggang pag-ikot ng roleta ng kapalaran? Ano ang hantungan ng pag-ibig sa isang mukhang nakapinid sa partida ng mahabang buhok? Ano ang hantungan ng pag-ibig sa pagnanasang hindi naipapaabot sa pinagnanasahan? Mahal ko sya, ipinagdarasal kong hindi huminto ang pag-ikot ng roleta.
Huminto ang roleta, talo na naman kami. Sya’y nagbuntonghininga, umihip ang hangin. Nadampian ang aking pisngi, nakiliti ang aking balahibo sa batok. Bumuka ang kanyang bibig, umangat ang kanyang buhok. Nasilip ko pamandali ang kanyang mukha bago sya tumalikod at umalis sa kadiliman ng gabi. Sana’y hindi na lamang huminto ang pag-ikot ng roleta.
_
Indoy Badidoy, Star InterviewerKagabi, sa Eye-2-Eye. Parang kailan lang. Nagninang pa ako sa kanilang kasal. May exclusive footage pa kami ng lasing na groom during the bachelor’s party at ng tensionadang bride minutes prior to the wedding. Day, tumaob ang mga kakumpitensya kong mga palabas.
Kailangan mo talagang may pang-amoy sa trabahong ito. Aba, sino ang makakapagsabi na itong si Bituin ay magiging drama queen in her own right. Eh, di nga ba sa Bb. Pilipinas contest ay talaga namang nakatsamba by sheer mediocrity among her competitors. Tanungin ba naman kung ano ang kanyang uunahin kung magkasabay manganak ang kanyang inahing baboy o magkumbulsyon ang asawa; ang isinagot ba’y ang inahing baboy. Dahil kung labingwalo raw ang suso nito’y tyak na ganoon din karami ang magiging biik nito. Hay, si Bituin talaga. She can never distinguish dream from reality or reality from dream. Noon yon. Pero sa night gown competition, talbog silang lahat sa coca-cola body ni Bituin. From then on, alam kong may dyamante sa kalawanging pabalat ni Bituin. Yan ang sinasabi kong kailangang may pang-amoy ka sa negosyong ito.
I sympathize with Bituin. Her life story is my own story. Yong tipo bang nagbebenta lang ng tubig sa riles sa kung saang bayan sa Bikol ay naging superstar na. Hindi ko naman ginawa yon dahil wala na akong originality kung sakali. My road is the road less travelled. Sa karnabal ako unang nagka-break. Simula nang hawakan ko ang mikropono’t gayahin ang ye-ye-vonel ni Susan Roces at ng kanyang batang kapatid na si Rosemarie Sonora, alam kong ito na ang aking gagawin sa buhay. Give-na-give akong umiindak habang pinapaikot ang roleta.
Ayon sa may-ari, kailangang isa sa sampung ikot lamang may mananalo. Pero kailangang longneck na patis o yong isang piraso sa set ng mangkok, ito ang pinakamura. Pagkatapos ng huli kong linya’y pipihitin ko ang aking mga daliri para masilip ang nasa likod ng roleta, kung saan patitigilin ang numero. Kung saan walang nakatayang pitsa. Tiba-tiba talaga ang may-ari.
Isang gabing walang gaanong tao, dahil medyo nagbabantang umulan, ay natagpuan ko ang isang lalaki sa pagitan ng dilim at kubol ng beto-beto. Kaagad kong pinatugtog ang “I Once Had a Dear Old Mother” at sa simula ng tugtog ay idinedicate ko ang awit sabay turo sa kanya sabay flying-kiss. Lalo syang napausad sa dilim. Nang simulan kong i-internalize ang pagkawala ng aking ina sa kanta’y bigla syang tumalikod at tumapat sa dingding. Nagtampisaw na lamang ang mga pulang langgam. Nang tumulo na ang aking luha sa feel-na-feel kong pagiging ulila, lumakad syang paalis sa aking tarangkahan. Nawala na ang aking lalaki sa dilim. Pananalunin ko pa naman sana sya ng keso o sandok o pancit canton, kahit ano kung sakaling tumaya sya.
Hindi ko na sya muling nakita hanggang matapos naming kalasin ang aming roleta para tumuloy sa iba pang bayan. Sa mga bayan ng San Jose at Gapan ay di ko pa rin makalimutan ang hugis ng kanyang mukha, kahit pa nasa dilim. Sa bayan ng Santa Rosa ay naalaala ko ang hugis ng kanyang mata. Sa bayan ng Santa Rita’t Zaragosa, naalaala ko na ang kanyang pangong ilong. Sa bayan ng Santa Ines ay nagsimula akong malumbay. Sa bayan ng Titihaya ay madalas na akong kagalitan ng may-ari dahil wala na raw kabuhaybuhay ang aking performance. Ano ang magagawa ng isang pusong nagdurugo? Maari ba namang ipagpatuloy ang buhay gayong alam nang may sugat sa puso’t pilat sa alaala? May tinik ako sa aking dibdib. Tuluyan na akong nangulila sa San Felipe at Cabanatuan. Magkikita pa kaya kami?
Nabalitaan kong may pistang sibil sa kanilang bayan sa susunod na buwan. Pinag-iisipan pa ng may-ari kung tutuloy kami. Lumuhod ako sa harap ng may-ari, niyakap ang mga pata’t nagmakaawa. Ewan ko kung na-feel nya ang aking acting o nairita lamang, pero napapayag ko sya. Tumibok muli ang aking puso habang nagsimula kong marinig ang mga koro ng anghel na kumakanta ng “Messiah” ni Handel.
Alleluiah, at dumating din ang aming trak sa kanyang bayan. Sa bubong ako ng trak, hinahawi ang mga koryenteng maaring makahatak ng mga nakausling poste’t bakal ng ferriswheel. Panay sulyap ko sa paligid, nagbabakasakaling nabalitaan din nya ang aming pagbalik. Ang aking pagbabalik. Nasaan na kaya sya, ang aking matapang na anino, ang aking mandirigma ng kadiliman?
Habang ang mga trabahador ay nagpapahinga, mag-isa kong itinayo ang aming tolda’t roleta. Bawat pagpako’y naalaala ko sya, at lalo akong ginanahang buhatin ang mga kaingkaing na premyo, mga tone-toneladang tabla’t bakal. Hindi ko ininda ang pagod at gutom, ang uhaw at paghihirap hanggang sa maitayo ko ang tolda, hanggang sa maikabit ko ang roleta at ang magnet sa likod nito. Nagulat ang lahat ng mga kasamahan ko sa akin pero wala akong pakialam. Narito ako, umiibig.
Sa pagitan ng paghigop ng paradusdos at pagnguya ng suman ay saka ko lamang naisip na baka sya’y dayo lamang na tulad ko. Pero kung sya’y taga-karatig bayan ay sana’y nakita ko na sya. Ilang ulit rin naman kaming nagpapaikot sa mga bayan dito. Noon ko nga lamang pala sya nakita. Nawalan ako ng gana. Paano na ang aking pusong natutong magmahal?
Kinagabiha’y naitayo na rin ang ferriswheel at ang mga kubol ng beto-beto. Nagsimula na akong magpalit at magpameyk-ap sa may-ari. Ala-syete medya’y marami nang taong gustong tumaya sa roleta. Pinatugtog ko ang “God Bless The Day I Found You.” Teary-eyed ako nang simulan kong sabayan ang kanta, kumakatokkatok pa rin sa aking puso na baka nga sya’y isang dayo. Pero hindi nga ba’t ako’y isang dayo rin? May sinasabi kaya ito? Sa isang tingin ko pa lamang ay nagkatugma na kami sa isa’t isa, nabuo na ang aking pag-ibig sa kanya na kahit na magkahiwalay, alam kong kami’y magkasama pa rin sa magkabilang dulo ng probinsyang ito?
Ibinuhos ko ang aking sarili sa susunod na kanta, “Good Morning, Starshine.” Nagsimulang maglabasan ang mga bituin, nagsimula itong magkutitapan, at nagsimula akong masilaw hanggang sa may matanaw akong isang anyo sa pagitan ng dilim at beto-beto. Nagsimula muli ang mga koro ng anghel, at sa isang iglap ay nakita ko ang aking sarili, nakalutang sa alapaap ng aking kalangitan.
Lumabas ang anyo, napangiti ako sa kanya sabay patak ng luha sa aking nunal sa kanang pisngi sabay singhot ng ayaw magpaawat na pagtulo ng uhog. Tumagilid ang kanyang mukha, saka ko lamang napansin na may kaakbay sya. Gusto ko nang mamatay. Di ko natapos ang kanta, kaagad akong pumasok sa likuran. Marami tuloy ang napahiyaw dahil may nanalo ng kutsilyo. Pumasok ang may-ari, hihiyaw sana pero naunahan na sya ng aking hagulgol. “Indoy, what happened?” Wala akong maisagot. Inulit-ulit nya ang tanong, haggang sa masabi ko lamang na gusto ko nang mamatay. Sinampal nya ako.
Minaliit nya ang pagiging propesyonal ko sa trabaho. Para akong isang kutong tinitiris o isang ipis na pinipisat. Ano ang magagawa ko? Mahal ko ang lalaki, natutunan ko nang mahalin. At binigyan ulit ako ng may-ari ng mag-asawang sampal. “Indoy, the show must go on.” Inulit-ulit ko ang kanyang mga kataga habang para akong zombie na lumabas muli sa entablado, bitbitbitbit ang mikropono. Bumakat ang mga kuko ko sa aking palad sa mahigpit kong paghawak sa kurdon. Nakita kong nagkakatuwaan ang mga nanalo ng kutsilyo, nagkukunwang nagsasaksakan. Kumikislap ang turok ng mga kutsilyo, tinitigan ko ang mga kislap. Tinitigan ko ang lalaking taksil habang nanunuksong nakangiti’t nakaakbay sa kanyang kasamang nanalo rin ng kutsilyo. Tinitigan ko silang lahat bago pinatugtog ang “The Greatest Performance of My Life” ni Shirley Bassey. Sinabayan ko si Shirley na parang wala nang bukas. Napapangiti ako tuwing natatapatan ng kislap ng mga kutsilyo’t ang ngiti ng aking lalaking taksil.
Ano kaya ang gagawin ni Indoy? Ano ang mangyayari sa lalaki? Madamay kaya ang kaakbay nito? Maitulak kaya ng demonyo ang mga nagbibiruang nagsasaksakan? Magamit pa kaya ang kurdon ng mikropono?