PAHAYAG NG CONTEND-UP PARA SA SONA 2006
(CONGRESS OF TEACHERS/EDUCATORS FOR NATIONALISM AND DEMOCRACY)
Ang Krisis ng LehitimongPamumuno
Ang “krisis ng lehitimong pamumuno” ay ang pinakamatunog na pagsasalarawan sa nakaambang hamon sa kasalukuyang administrasyon. Sa aktwal, ang pagsasalarawang ito ay sumasaklaw sa iba’t-ibang realidad na kinakaharap ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng pangkating Macapagal-Arroyo.
Graft and Corruption
Ang krisis ng lehitimong pamumuno ay isang ekspresyon na tumutukoy din sa kahirapan na dinaranas ng mamamayan habang walang dangal at walang habas ang pangungurakot at pagnanakaw sa kaban ng bayan ng pamilyang Arroyo at ng mga kapaksiyon nito sa gobyerno. Habang ang mga magsasaka’t manggagawa ay namamaluktot na sa mistulang sahod alipin kapalit ng nakapapatang pagkakayod sa araw-araw, nagpapasasa sa yaman ang pamilya ni Gng.Arroyo at pilit nitong tinatakasan ang mga kaso ng korupsyon na isinampa laban sa kanila. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag ang anomalya sa likod ng mga kontrata sa pagitan ng gobyerno at ng NorthRail, at ng Piatco NAIA Terminal III projects. Hindi na rin kaila sa atin na ang perang panuhol ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mga opisyal ng gobyerno at ang puhunan niya sa eleksyon ay mula sa ilegal na jueteng payola. Ginamit din niya ang PhilHealth cards at Road Users’ Tax Projects para sa kanyang kampanya sa pagkapangulo. Hindi ligtas ang mga empleyado ng gobyerno at mga manggagawa’t propesyunal sa pampribadong sektor sa matinding hagupit ng krisis pangekonomiya. Malaki ang papel ng gobyernong Arroyo sa unifikasyon ng merkado at ng buong lipunan sapagkat pangunahing papel ng larangang burukrasya, bilang macroeconomic stimulator, ang pagsisiguro ng katatagan ng ekonomiya na sa kasalukuyan ay walang ibang batayan kundi ang konsentrasyon ng kapital at likhang yaman sa iilan.
Patakarang Neoliberal sa Ekonomiya
Ang deregulasyon ng langis ay nagresulta sa halos linggo-linggong pagtaas nito. Ang pribatisasyon ng mga mga batayang serbisyo gaya ng patubig at serbisyong pangkalusugan ay umabot na sa puntong kawalan ng mga ito sa maramaming komunidad. Hindi liban dito ang komersaslisasyon ng edukasyon na nagaganap dahil sa budget cut ng gobyerno sa edukasyon. Ibig sabihin, mas maliit ang inilalaang budget para sa mga pampublikong paaralan at unibersidad kumpara sa aktwal na budget na kailangan upang makapagbigay ng isang mura at dekalidad na edukasyon sa nakararaming mamamayan. Sa kalagayang napipilitang maghanap ng ibang pamamaraan ang mga pampublikong paaralan para maibsan ang kulang na budget sa pamamagitan ng mga income-generating schemes at tuition fee increase. Marapat lamang tukuyin na ang anumang porma ng komersalisasyon ay dumudulo sa pribatisasyon ng pampublikong edukasyon. Samantala, ang pagdagsa ng mga produktong dayuhan, kasama pati gulay at iba pang produktong agrikultural na dala naman ng liberalisasyon ng kalakal ay naging sanhi ng kawalan ng hanapbuhay ng maraming magsasaka at pagkabansot ng mga lokal na mamumuhunan.
Samakatuwid, ang deregulasyon, pribatisasyon at liberalisasyon ay tatlong salik ng polisiyang neoliberal ng rehiming Macapagal-Arroyo na walang ibang epekto kundi ang palalain pa ang kahirapan ng bawat pamilyang Pilipino, liban sa pamilyang Arroyo at sa iilang kasabwat nito sa gobyerno. Kung gayon, ang pag-unlad ng bayang ito ay pangunahing sinasagkaan ng rehimeng Arroyo. At sa kalagayang pagkalugi rin naman ang aabutin ng pamumuhunan sa lokal negosyo, hindi na palaisipan kung bakit ang mga katulad ni Gloria Macapagal Arroyo ay namuhunan sa isang istratehikong pwesto sa isang istratehikong pwesto sa gobyerno dahil doon, sigurado ang kita sa pandarambong.
Pandaraya sa Eleksyon at Panunupil
Kaya naman walang takot na nandaya si Macapagal-Arroyo sa eleksyong 2004. Kapansin-pansin ang padaskol-daskol niyang hakbang upang ipatupad ang kanyang layunin at iligtas ang sarili sa kasong isinampa laban sa kanya dahil sa Hello Garci scandal. Ngunit hindi lang siya napansin ng mga mamamayang Pilipino kundi tahasan tayong nanawagan sa kanyang pag-alis sa Malacañang. Pasismo ang isinasalubong ni Macapagal-Arroyo sa isang nasyunal at popular na panawagang siya’y patalsikin hindi na lamang dahil sa pandaraya at korpusyon kundi lalu’t higit sa patuloy na pagkitil ng rehimen sa mga kalayaan sibil. Sa anibersaryo ng People Power, PP 1017 ang sagot ni Ginang Arroyo sa mga mamamayang naghahanap ng katotohanan at nananawagan ng mga demokratikong reporma sa gobyerno. At upang durugin ang pinakamatalas na pangkat ng oposiyon sa kongreso, pilit na idinikit ng rehimeng Arroyo ang mga representante ng mga progresibong kinatawan ng partly list o ang Batasan 5 sa Partido Komunista ng Pilipinas. Hanggang ngayon, si Rep. Crispin Beltran ng Anakpawis ay hindi pa rin pinapalaya. Literal naman ang pagkitil ng buhay ng mga aktibista, mamamahayag, taong-simbahan at ang sinumang mamamayan na may kritikal na tindig sa kasalukuyang rehimen. Mula Enero 2001 nang maupo si GMA sa Malacañang , 705 na ang napaslang habang 181 naman ang dinukot at hanggang ngayon ay nawawala.
Ang Taktika ng Diktador sa Panahon ng Krisis
Sa kasalukuyan, dalawang mukha ang inihaharap ni GMA sa taumbayan na matutunghayan sa kanyang sabayang paggamit ng dalawang uri ng kampanya: 1)ang kanyang kampanyang pulitikal para sa CHA-CHA at 2)ang kampanyang militar laban umano sa mga “rebeldeng komunista.” Ginagamit niya ang una upang palabasin na kaya pa niyang pahabain ang kanyang pananatili sa Malacañang sa pamamagitan ng binagong konstitusyon. Subalit agad namang nabuko ang maanomalyang People’s Initiative kung saan pondo mismo ng gobyerno ang ginagamit upang makapangalap ng pirma para sa CHA-CHA. Bukod dito, ang mga rebisyon sa konstitusyon ng CHA-CHA ni GMA ay naglalayong tanggalin ang mga probisyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga mamamayan laban sa diktaturya, pandarambong, kawalan ng karapatan sa sariling likas na yaman at pagbebenta ng absolutong karapatan, kontrol at pagmamayari ng mga institusyon at kumpanya sa mga dayuhan.
Kung susumahin ang mga kasalanan ng rehimeng Arroyo sa sambayanang Pilipino at kung tatasahin ang pambasang sitwasyon, malinaw na bumabalik ang sambayan sa madidilim na araw ng Batas Militar noong panahon ng diktaduryang Marcos. Ngunit may pinagkaiba. Ideneklara ni Marcos ang Batas Militar sa panahong mataas ang konsolidasyon ng sandatahang lakas. Subalit maging ang batas militar ay hindi naging sapat upang pigilin ang silakbo ng mamamayang handang lumaban para sa kalayaan at katarungan. Samantala, ang All-Out War ni Gloria Macapagal-Arroyo ay kanyang idineklara sa panahon na mahinang-mahina ang konsolidasyon sa panig ng sandatahan lakas dahil marami na ring mga sundalo at lider-sundalo ang nanawagan para sa kanyang pagpapatalsik. Kung gayon, walang batayang lakas ang pandarahas ni Arroyo at ng alipores niyang si Hen. Jovito Palparan. Abot-abot na ang galit ng mga Iskolar ng Bayan ng Unibersidad ng Pilipinas sa ginawang pagdukot ng mga pwersang militar sa Bulacan sa dalwang kapwa iskolar na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño. Habang sila’y hindi inililitaw ay mabilis na namumulat ang mga Iskolar ng Bayan sa katiwalaan ng gobyernong Arroyo.
Walang duda na ang paghahasik ng pasismo ng estado ay isinasagwa mula sa pusisyon ng kahinaan at umaasa ito na sa pamamagitan ng dahas ay makonslolida muli ni Arroyo ang kanyang kapangyarihan. Pero wala ni isa sa kanyang taktika ang nagsisilbi sa kanyang interes na manatili sa Malacañang.
Pagbabalikwas ng Sambayanan
Ang taktika ng panlalansi at dahas ay sintomas ng isang rehimeng wala nang kakayahang mangumbinsi ng taumbayan upang mapagwagian ang kanilang tiwala at suporta para sa kasalukuyang gobyerno. Walang ibang sagot ang taumbayan kundi paniningil sa gobyernong Arroyo. Patunay dito ang daan-daang mamamayan—mula sa iba’t-ibang sektor, may samu’t saring pampulitikal na paninindigan at paniniwalang pang-relihiyon—ang nagsampa ng impeachment complaint laban kay Gloria Macapagal-Arroyo. Ang kasalukyuyang impeachment complaint ay isang makapangyarihang pananagisag sa pinagsama-samang lakas ng mamamayang Pilipino laban sa pinakapasista at pinakapapet na rehimen sa kasaysayan ng Pilipinas. Laman ng impeachment complaint ang makasaysayan at dumadagundong na sigaw ng mamamayan para sa kalayaang sibil, karapatang pantao at progresibong reporma sa gobyerno. Ang mga karapatan at pagbabagong ito ang siyang ubod ng nasyunal-popular na interes ng mamamayan sa kasalukuyang yugto ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino, at ito ang ating paninindigan at ipaglalaban. Ang pagkakaisa ng sambayanan laban kay Arroyo ay nakabatay sa taglay na lakas nito. Kabaligtaran nito ang pangil na isinusuot lang ni Arroyo upang mapagtakpan ang kabulukang umuukuk sa kanyang rehimen. Kung gayon, nasa atin ang lakas. At sa tunggalian ng mamamayang Pilipino laban kay Arroyo, tayo ang magpapasya at tayo ang magwawagi!
Isulong ang Impeachment laban kay Gloria Macapagal-Arroyo!
Itigil ang Pulitikal na Pamamaslang!
Palayain sina Sherlyn Cadapan, Karen Empeño at Ka Bel!
Patalsikin si Gloria Macapgal-Arroyo!
Makilahok sa martsa ng mga Iskolar ng Bayan laban sa paglabag sa mga karapatang sibil ng mamayan at sa patuloy ng pagkawala ng dalawang estudyante ng UP sa Hulyo 20 “Tagulaylay:Hinagpis at Pakikibaka 5 n.h. Quezon Hall papuntang Sunken Garden. Magsuot ng itim at pula.
Sumama sa SONA ng Mamamayan sa July 24, Lunes 10 n.u. pagtitipon sa Quezon Hall papuntang Sandiganbayan
1 comment:
ang ganda ng sona mo day
Post a Comment