Kakatwa na matutunghayan lamang ang frontality ng acacia lane sa university oval at ng ShoeMart malls mula sa isang vantage position. Kapag nasa sasakyan ka. At matutunghayan naman ang overview ng ganitong massive structures mula sa isang matayog na posisyon, tulad ng sa eroplano. Ang karanasan ng pagtunghay sa acacia lane at SM malls ay magagawa lamang sa isang posisyon ng pagkilos o mobilidad.
Ang katotohanan ng isang bagay ay natutunghayan sa pamamagitan ng bisyon. Sa partikular, sa pamamagitan ng frontalidad nito, ng face value ng pangharap. Fiat ito, dahil tila mas mabigat ang halaga na ibinibigay sa bisyon na ito kaysa sa aktwal na halaga nito. Sa edad ng maturing kapitalismo sa bansa, ang bisyon ay dinidirekta ng pagkilos ng kapital. May kapamaraanan ang kapital na baguhin ang ating persepsyon sa realidad. Tulad ng roads-to-market, halimbawa, ginagawang compressed ang nosyon ng panahon at espasyo. Ang U.P. lamang, sa Metro Manila, ang may patuloy na expansyon ng bisyon batay sa kapital. Ang techno parks at vested scholarship ay patunay sa kolaborasyon ng multinasyonal na negosyo at akademya. Ang bisyon ng U.P., tulad ng acacia lanes, ay patuloy na umaakibat sa nagbabagong kasaysayan ng kapital.
Nang nagtuturo na ako sa U.P. Diliman, iniisip kong kung dahil man lamang sa bisyon ng acacia lane, lalo na kung kasama pa ang sunset sa may bukana ng campus, ay sulit na. Sa dinami-rami ng aktwal na problema sa U.P. bilang isang guro at bahagi ng akademikong komunidad, naiibsan ang mga ito sa pamamagitan ng halaga ng aura ng bisyon. Kaya nga napakalungkot para sa akin ang tag-ulan dahil naitatago nito ang iniisip kong kabuuang bisyon. Pero ako lamang ang nagtalaga ng halaga nito. Sa realidad naman, wala namang halaga ang mga punto sa takbo ng aking pag-iisip at disposisyon sa klase. Baka rin naman napaka-precious at priceless ng bisyon na hindi kayang tumbasan ng ekonomikong halaga. Parang ang kanya-kayang bisyon: kung bakit sa dinami-rami ng problema at limitasyon ng U.P. ay naririto pa rin tayo at wala sa ibang lugar.
Tulad ng mga pagpapakita ng birhen, nasa U.P. ang inaakalang pook ng milagro. Ang bisyon ng milagro, ng pananatili ng maraming namamanata at deboto, ay ang acacia lane sa university oval. Narito, higit sa mga building na naagnas o di pa lubos na maitayo, ang katuparan ng isang ideal na university setting: ang puno ng kaalaman sa paraiso ng mga skolar, ang punong tumambad sa pagtuturo ng Thomasites sa mga natibo, ang puno ng buhay.
May isang visiting profesor na Amerikano na taunang bumibisita--at namamanata--sa U.P. Sa kanya ko lamang narinig ang obserbasyon na tila mas malalaki na ang mga puno sa university oval kaysa sa kanyang huling dalaw. Sa loob ng field of vision, hindi natin namamalas ang paglaki’t pagkaunlad. Naging statiko ang ating bisyon, tulad ng ating verbalisasyon ng hinanaing sa U.P., kahit pa ito ang isa sa pangunahing paksa sa usapang faculty, kundi man libangan.
Sa ibang banda kasi, mula sa ground level, ang natutunghayan lamang ay ang karanasan ng puntodebista, hindi ang kabubuang dulot ng masibong pangharap o itaas. Ang karanasang ng puntodebista ang nagsasaalang-alang sa isa o ilang anggulo lamang ng karanasan, hindi ang kabuuang dulot nito. Kinakailangang pagtagpi-tagpiin ng tumitingin sa ground level ang mga puntodebista, na paratihan, ang mga bahagi ay hindi magdudulot ng kabuuan.
Lubhang napakalaki ng struktura na hindi kakayaning madanas sa pamamagitan ng ordinaryong pagtingin lamang sa ground level. May nagaganap na mortalidad sa ordinaryong bisyon sa pagpabor sa bisyon ng panggitnang uri. Matutunghayan itong huling bisyon sa pamamagitan ng pagdanas sa paraan ng pagtunghay dulot ng kasangkapan at marka ng panggitnang uri.
At ang kakatwa sa panggitnang uring bisyon ay hindi ito institusyonal. Kanya-kanya ang pagdadala ng kanya-kanyang sasakyan para masaksihan ang bisyon. Walang literal at figuratibong tulong ang university institution para likhain ang panggitnang uring bisyon. Bagkus, ipinapataw pa na ito ang maging pamantayang bisyon. Kaya hindi magkandaugaga ang maraming walang sasakyang guro, halimbawa, sa pagkatalaga ng kanilang mga klase sa iba’t ibang building sa campus. Kahit pa may shuttle service para sa kanila, hindi kinakaya ng institusyon na mairaos ang pangangailangan. Parati nitong ginagawang kulang, nang ang guro ang umalinsabay sa bisyon. Ang tanging kayang gawin ng guro ay magtalaga ng halaga sa bisyon na ito, tulad ng ginawa kong pagsusulit ng kakulangan batay sa acacia lanes at sunset dito.
Ang imposiveness ng struktura ay ang pagkakaroon ng epekto na mortal lamang ang taong nagmamasid sa tabi nito. Hindi kayang madanas ang kabuuan ng struktura dahil hindi naman pwedeng pagsama-samahin ang mga bahaging nagbibigay ng iba’t ibang puntodebista. Paratihan, ang puntodebista ay isang labi lamang ng di mawaring kabuuan ng ordinaryong mamamayan.
Ang kakatwa naman sa posisyon ng panggitnang uri ay nangyayaring lamang sa serialisasyon ng struktura. Ibig sabihin, hindi kabuuan ang natutunghayan kundi ang tila pare-parehong pirasong bumubuo ng struktura. Ito ang paradox frontalidad ng mga masibong struktura--ang inaakala ng ground level na bisyon na kabuuan ay isa lamang palang series ng iisang imahen. Ang singular na puno ng acacia na siyang bumubuo ng karanasan ng university oval, at ng fraction ng kongkreto ng SM.
Sa guro, may imahen ng estudyante ng U.P.--matalino, may opinyon, may paninindigan, masipag. Ang nangyayari, tulad ng imahen ng puno at kongkreto, ay nagiging robotics ang ating konstruksyon ng bisyon. Hindi binabago ang bisyon, ginagawang aktibista sa dinamismo ng panahon. Nagmimistulang teknolohikal na mekanikal ang imahen. By themselves, ang mga estudyante ay walang sariling kakanyahan. Naunang ipakat ang itinakdang kakanyahan kaysa sa aktwal na paghahalawan. Maging ang guro ay naging bahagi ng postFordist na era, assemblyline ng produksyon ng pagkatao at karunungan.
Totoong matutunghayan ang overhead na bisyon o overview ng mga struktura sa pamamagitan ng mas matayog na bisyon. Halimbawa, mula sa ikatlo o ikaapat na palapag ng Palma Hall o Engineering, makikita ang foliage ng acacia at iba pang higanteng puno sa U.P. Pero hindi ito nagdudulot ng frontalidad. Ang foliage halimbawa ay hindi nagpapakita ng lokasyon, ng halaga ng lunan at order. Ang dulot nito pa nga ay chaos na nangangailangan ng architectural landscaping para lagyan ng coherence at ugnayan ang mga bagay-bagay ng asembliya.
Ang nagagawa ng frontalidad ay naitatago nito ang aktwal na realidad, kaya ito ang preferred view. Hindi ang overview. Sa U.P., ang ating naagnas na buildings at facilidad, ang kakakurampot na sweldo ng guro’t kawani; gayundin, ang mga pangako ng global competitiveness sa gitna ng napakalimitadong resources. Sa SM, ang malaganapang kontraktwalisasyon ng labor at mababang pasahod. At any given point in time, may 10,000 contractuals sa SM gayong 1,447 lamang ang regular nito. Sa tanya ng isang resource center, may 80,000 contact hires ang SM taon-taon. Ibig sabihin nito, terminated ang kontrata bago pa man umabot ng ika-anim na buwan, ang mandated sa batas na kailangang gawing regular kapag hindi tinapos. Maging ang welga ng unyon ay hindi nakikita. Ang SM North EDSA ay dalawang beses nang binubuwag ang picket--una, ng may 400 na security guards; ikalawa, ng mga polis at militar.
Dahil nga sa ground level ay hindi nakikita ang kabuuan, ang mga estudyante’t guro ay patuloy pa rin sa pagpasok sa kanilang klase, mga empleyado sa kanilang opisina, pagkatapos ay tutungo sa SM dahil may katagumpayan na ang implementasyon ng pagkilos ng at preferensiya ng pambansang pamahalaan sa kapital. Kaya naririto pa rin tayo at wala sa ibang lugar. Robotiko nating nire-reproduce ang sistema ng pagtingin at produksyon ng kaalaman. Sunny smiles, friendly faces, the latest in fashion... sa U.P. at SM.
No comments:
Post a Comment