Ang awit, nilalamlam na parang bola ng makapuno na nilalaro sa bibig. Hindi kinakagat o nginunguya, hinahayaang matunaw ang tamis. Unti-unti dahil kay bilis ng sandali.
Ang awit, iniindayog ang nakikinig, pinapatunton ang paraan para maunawaan ito. Hindi kung papaano nagsasanib ang metro at ritmo, o ang pinagmulan at impluwensya. Hinahayaang mamukadkad, tulad ng mga talutot ng kampupot, ang sarili nitong kaluluwa. Hinay-hinay dahil kay bilis ng sandali.
Ang awit, nakakapagpangiti dahil may alaalang sinasambit, tulad ng walang lamang lata ng sardinas o punong balde ng tubig. Ginugunita ang sariling ligaya at lungkot habang marahang idinuduyan ng nakaraan at kawalan, ng kasalukuyan at kawalan. Marahan dahil kay bilis ng sandali.
May mga awit na dumadaan at umaalis. May mga awit na namamahay at nananatili. Lahat ng awit ay nag-uugat, sumasanga at kinakailangang maglaho. Ganyan ang angking ugali ng mga natatanging awit.
Pamandalian, kagyat man kung dumating at mamaalam, ang awit ay mahika ng sandali sa krisis na nakakapangpangulila. Pero bakit mangungulila kung nadamha na ang kaluluwa ng awit?
9:19 ng umaga, 21 Disyembre 2006
No comments:
Post a Comment