Sa bayan namin sa San Leonardo, Nueva Ecija, pati sa kapit-bayan na General Tinio, nangangaluluwa ang mga bata, gayundin ang matatanda. Kung sa pasko ay karoling ang ginagawang pag-awit, sa todos los santos ay pangangaluluwa.
Bisperas pa lamang ng Nobyembre 1 ay nagsisimula na ito. Dalawang gabi ito magaganap. Mula sa mga inipon na patak ng mga kandilang ginawang bola at sinaksakan ng buhay na kandila sa loob, magsisimula nang mangaluluwa. Heto ang titik sa kanilang awit:
Kaluluwa’y dumaratal/Sa tapat ng Durungawan
Kampanilya’y tinatantay/Ginigising ang may buhay
Kung kami po’y limiusan/Dali-dalian po lamang
Baka kami mapagsarhan/Ng pinto ng kalangitan
Kaluluwa kaming tambing/Sa purgatoryo nanggaling
At tulad ng mga nangangaroling, bibigyan din ng mga barya ang mga bata at maliit na salapi ang matatanda. Walang humpay itong pangangaluluwa sa dalawang gabi, sunod-sunod. Tila nagkakabalitaan pa nga, tulad sa karoling, kung sino ang madamot at mapagbigay.
Ang umaawit ba ay umaako ng personahe ng yumaong kaluluwa, gaya ng isinasaad sa awit? Hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng pangangaluluwa. Wala namang nakapagpaliwanag nito sa akin. Isa ito sa mga bagay na parang pamilyar pero wala kang masasabing malalim, tulad ng pagkain sa fastfood, ng berdugong kumikidnap ng mga bata, sawa sa dressing room ng Robinson’s department store, at iba pa.
Pero sa paglusob ng sambayanan sa sementeryo sa todos los santos, ginugunita ang mga mahal na naunang yumao. Nilinis ang mga puntod, pinipintahan ng bagong kalburo, dinadamuhan at tinitirikan ng kandila. Itinuturing na ‘kasalanang mortal’ ang hindi man lamang magpakita sa mga yumao sa puntod. Magsasalitan ng oras ang mga magkakagalit, o hatinggabi dadalaw ang gustong umiwas sa trafiko.
Sa ngalan ng mahigit nang 750 nang aktibistang kaluluwang biktima ng karahasan ng estado, tumatanghod sila sa ating durungawan. Tulad ng mga mahal na naunang yumao, gunigunita natin ang mga aktibista bilang kapamilya, kasama, kaibigan at kamamamayang may napakahalagang kontribusyon sa pagsusulong ng ating kolektibong buhay. Hindi sila malalagay sa tahimik kung walang katarungan na makakamit.
Si Obispo Alberto Ramento, tagapagtanggol ng masang inaapi; Si Ka Fort ng unyon ng Nestle; si Leima Fortu, tunay na guro ng bayan; Juvy Magsino, makabayang opisyal; Honor Ayroso, makata at organisador ng mga magsasaka; Fr. William Tadena, makabayang pari ng Philippine Independent Church; Feliditu Dacut, makabayang abugadong tagapagtanggol ng karapatang pantao….
Mga magulang ng walong anak, sina Expedito at Manuela Albarillo; Edwin Pastor, drayber ng tricycle; Isaias Manano, aktibistang makapesante; Emilio Santilla, edad 70; Rev. Edison Lapuz, pastor ng UCCP; Eden Marcellana, ina ng dalawang anak at manggagawa para sa karapatang pantao; Eddie Gumanoy, manggagawa para sa karapatang pantao; Danny Macapagal, lider sibiko; Danny Ladera, konsehal ng Tarlac City; Beng Hernandez, manggagawa para sa karapatang pantao….
Kasama rin ang mga kabilang sa nawawala-- ang mga mag-aaral na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno na pumiling kumilos para sa interes ng batayang sector, at iba pang daan-daang dinukot sa ngalan ng kontra-insureksyon. Nabuhay silang mabuting tao dahil nabuhay sila hindi para sa kanilang sarili. Hindi rin ininda ang pamilya kahit pa para sa kanilang hinaharap ang pagkilos. Mapanganib man ay binili nilang mabuhay sa panganib, kasama ang mayoryang hanay ng naghihikahos—lalo na sa katarungan—na mamamayan.
Kung itinanong ni Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya, sa pagkadalisay at pagkadakila?” Sinagot rin niya ito ng “Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa.” Wala na nga, wala. Pagpupugay sa mga martir ng sambayanan!