Sa digital film na Ang Daan Patungong Kalimugtong (Mes de Guzman, direktor, 2005), tahimik na ipinakita ang pang-araw-araw na buhay ng dalawang magkapatid, mula bahay tungo sa malayong eskuwelahan. Kape lang ang almusalan; bitbit ang iisang pares ng unipormeng araw-araw ay nilalabhan at ibinibilad para magpalit-bihis kapag malapit na sa eskuwelahan; tunay na malayo, matarik, maputik ang daan patungong Kalimugtong, ang sityo ng eskuwelahan. Sa loob ng eskuwelahan, ang mabait na batang guro ay hindi regular dahil walang item, at dahil na rin tatlong beses na itong bumabagsak sa board exams. Siyang nagtuturo ay kulang sa kakayahang magturo, kaya sa huli ay napilitan na lamang mag-abroad. Ang paratihang ulam sa bahay ay mula sa sayoteng talbos at bungang nakatanim sa bakuran. Iniiwan ang dalawang bata ng kanilang nakakantandang mga kapatid para magtrabaho sa palengke at minahan. Sa murang edad, sila ang nag-aalaga sa kanilang sarili, sa maysakit na lolo, at sa baboy at manok. Sa mahabang panahon ng pagkawala at pagbabalik ng nakakantandang magkapatid, inaabangan din ng mga nakakabata ang pasalubong na chips, damit, ketsap, bagoong, at iba pang galing sa lugar ng komersyo.
Mabagal ang daloy ng kuwento ng pelikula, isang kuwento tungkol sa labis na kasalatan at kawalan sa mundo. Maliit ang mundong iniinugan ng mga tauhan, gaya ng paulit-ulit na inaawit ng paslit na lalaki. Maganda ang hamog at bundok, malamig at sariwa ang hangin, at peryodikong may naririnig na putukan sa karatig-lugar, gayunpaman, puno ng kasalatan. Ang kasalatang ito ay tinutunghayan bilang normal na buhay. Salat sa trabaho, sahod, tirahan, may kakayahang guro, gamit sa pag-aaral, pagkain, malinis na tubig, kabuhayan, at kalidad ng buhay. Ang pangunahing nagbibigay ng ritmo ng buhay ay ang pagpasok sa eskuwelahan ng dalawang musmos.
Kung itong institusyon naglalayong magbigay ng magandang kinabukasan sa maraming nagpursiging mag-aral ay isang fixture na lamang ng pang-araw-araw na buhay, ano pa ang papel ng edukasyon sa kasalukuyang predikamento ng labis na kasalatan sa malaking bilang ng mamamayan? Saan hahantong ang mga batang ito kung ang mundong kanilang iniinugan ay tunay ngang maliit at minamaliit, tulad ng pag-away ng batang babae sa kaklase dahil sa pagtuksong mabaho ito dahil nga iisa lang ang pares ng uniporme nito? Matwid ba ang araw-araw na pagpupursigi sa daan ng Kalimugtong?
Hindi kaya ang mismong idea ng edukasyon ay isa nang aparisyon, nangangako ng spiritwal pero hindi materyal na katubusan? Na ang mga bata ay pumapasok dahil bahagi ito ng ritmo ng kanilang normalisadong buhay sa laylayan ay hindi magandang pangitain ukol sa edukasyon. Ang kaalamang isinasaulo—fractions, pronouns at baranggay—ay walang halaga sa materyal na realidad ng mga musmos at iba pa nitong kaklase. Sa huli, ang magkapatid na kasama ng mga musmos sa paglalakad patungong eskuwelahan ay pinatigil na lamang ng magulang para tumulong sa bukid. Sila namang magkapatid ay nagpapatuloy sa paggising, pagkape, pagtahak ng landas, pagpalit ng uniporme malapit sa eskuwelahan, at pag-uwing gutom. Alin ang mas malaking trahedya?
Sa batayang antas, sino na lamang ang nakakapag-aral? Isang napakalaking pang-uring pribilehiyo ang makapag-aral, at umabot sa at makapagtapos ng kolehiyo. Sino ang nagtuturo? Ano ang pangarap na maaring matupad sa pag-aaral at pagtuturo? Ano ang papel ng akademya sa meta-realidad ng labis na kasalatan at sa politikal na pagpaslang? May laban ba ang akademya sa usaping politikal—mabago ang lipunan—sa neoliberal na pangarap (mula sa kasalatan ng kaalaman ng guro hanggang sa kanyang desisyong mag-abroad, pati na ang mga asignatura at textbook sa klase sa pelikula) at manaka-nakang realisasyon nito (madalang na pasalubong kapalit ng mahabang panahon ng pagtitiis)? Nag-aaral at nagtuturo na lamang ba tayo dahil wala nang ibang gagawin sa ating pang-araw-araw na buhay? Iisa lamang ba ang daan, at ito ang daan patungong Kalimugtong?
Lumampas na sa 700 ang politikal na pinaslang simula 2001. Mahihigitan na ni Gloria Macapagal Arroyo ang karumaldumal na kombong rekord sa pandarahas nina Corazon Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada. Walang panahon na hindi gumamit ng fasismo ang estado. Pero walang kasing sistematiko at integral sa pagpapanatili ng bangkaroteng pagkapangulo ni Arroyo na sa simula’t sapul ng kanyang pagbawi sa desisyong huwag tumakbo, ang akusasyong pandaraya sa eleksyong hindi sinagot maliban sa “I am sorry,” pati na ang korapsyon ng kanyang pamilya, appointees at gobyerno ay hindi pa naiibsan ng moral, elektoral at panghustisyang reafirmasyon. Ang rhetorika ng matatag na republika ay hindi hangin lamang, may buong pwersa ng lehitimasyon ng karahasan bilang pambansang polisiya ng kanyang estado. At nakakabagabag ang dumarami ng bilang ng biktima ng fasismo. Nakakabagabag nga ba? O mas nakakabagabag ang katahimikan?
Ginawang kagyat at maigting ni Arroyo ang pagbwelta sa politikal na pagtutol sa kanyang pamahalaan, kabilang dito ang hanay ng mga politikal na posibilidad--ang paulit-ulit na pagtapon ng mga kasong impeachment ng mayoryang representatibo sa Kongreso, marahas na dispersal ng raliyista bago pa man makaabot sa daang Mendiola, pag-igting ng digmaan sa kanayunan sa suporta ng U.S., at itong politikal na pagpaslang. Hindi lamang kumakapit sa kapangyarihan si Arroyo pero ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan para itaguyod ang matatag na republika ng imperyalistang negosyo at pamahalaan. Ang moda ng pamamahala niya ng estado ay gawing bastyon ng neoliberalismo ang bansa sa abot ng makakaya nito (overseas contract work at call centers nga ang pinakamaigting na halimbawa nito sa kasalukuyan) bilang paraan ng sabayang pagdisimulado nito ng kabangkarotehan ng kanyang gobyerno at ng mga tumutuligsa nito (mula kontra-GMA hanggang kontra-estado).
Noong Agosto 2006, marahas na dinisperse ang protesta ng mga hanay ng mga janitor na nawalan ng trabaho sa desisyon ng University of the Philippines-Diliman na kumuha ng ibang ahensyang magbibigay serbisyo. Doble kawalan-halaga ng buhay ng abang manggagawa ang naganap—ang pagkawala ng kanilang trabaho, at ang pagyurak sa kanilang karapatan para magprotesta. Dapat sanang magtaka na ito ay naganap sa isang pamantasan, sa UP pa! Pero hindi na ito nakakagulat dahil maging ang UP at ang akademya ay nababalutan na ng simptomas ng pasismo sa ngalan ng neoliberalismo. Hindi nga ba ang UP Los Banos ay dumanas ng pasistang pamamalakad sa campus sa ilalim ng nakaraang Chancellor nito? Ang mga pribadong eskuwelahan ay tila mga kampong militar sa high-tech screening ng ID at sa proliferasyon ng security guard. Maging ang disenyo ng mga pribadong eskuwelahan sa Taft at Mendiola sa partikular—lagusan ng mga tao, entrance at exit, pagdagdag ng gusali sa kumikipot na campus—ay walang konsiderasyong magbigay ng publikong spero sa sarili nitong mag-aaral. Hinihikayat ang bawal—bawal magtipon, bawal magdiskusyon, bawal magrally.
Ang rebisyon ng mga kurikulum para higit na magsilbi sa iniimaheng global na manggagawa, pagbawas ng subsidyo ng gobyerno sa edukasyon, komersyal na pagtaas ng matrikula, paghimok ng pondo mula sa pribadong tao at sektor, at diin sa dagdag na kita mula sa lupain at iba pang asset, kasama na ang intelektwal, ay lalong nagpapahina sa posisyon ng akademya sa meta-realidad ng masibong paghihikahos at fasismo ng estado. Ang akademiko ay sabayang nakapaloob at nakapalabas sa sitwasyong ito. Mula sa kanyang impluwensya, kasabay ng mga politikal na organisasyon, nagiging aktibista ang ordinaryong mag-aaral. Sa loob ng klasrum, sa loob ng isang semestre, nakakapag-ambag ang guro sa paghulma ng politikal na kamalayan ng estudyante. Dito ay pwedeng magtriple somersault ang kanyang pagdidiskurso sa mga problemang panlipunan at ang pagmungkahi ng politikal na solusyon. Isa ang Pilipinas sa bansang may options pa rin sa panlipunang transformasyon—nadadayang eleksyon, elitistang civil society, kilusang pangmasa, at rebolusyon. Pwede dahil nasa loob ito ng klasrum, sa ligtas na lugar ng akademya.
Nasa labas ang guro sa akto ng pagpili ng estudyanteng maging politikal o hindi--kung nanaisin pa rin ng estudyante na magtrabaho sa call center para makatulong sa pamilya o kung sasapi ito ng Gabriela Youth, Anakbayan o LFS (League of Filipino Students). Tila ito na lamang ang mahalagang pagpipilian ng estudyante sa kasalukuyan. At dahil hindi naman parating may mga politikal na organisasyon, mas marami ang nahihimok na manilbihan sa neoliberalismo na iniendorso at prinoprotektahan ng estado. Umiinog ang mundo at parating kasabay kahit ayaw sumabay ng guro sa pag-inog.
May iba’t ibang figura ng akademiko na nagbibigay-liwanag sa hugis at substansya ng akademya. Una ay ang korapt na akademiko na handang ibenta ang kanyang kaluluwa sa estado--mula sa balon ng ina-appoint ni GMA at ng iba pang pangulo, hanggang sa mga subcontractual na pananaliksik at gawaing intelektwal para sa gobyerno at multinasyonal na negosyo. Ikalawa ay ang akademiko ng civil society, nangangarap ng intelektwal na interbensyon sa kalakarang pang-estado sa pamamagitan ng pag-endorso ng panggitnang uring ipinapataw na politikal na posisyon sa masa—na sa kasalukuyang antas ay mula sa eng-eng na intelektwal na nangangarap mabago ang pambansang politika sa pamamagitan ng pagsinsin ng sistemang elektoral hanggang sa paksyong nagtatangkang paigtingin ang anti-rebolusyonaryong sentimiento at diskurso sa pagdami ng proyekto hinggil sa war at trauma, “failure of the Philippine revolution,” at iba pa. Ikatlo ay ang akademikong tali sa pagtratrabaho para kumita ng sapat, at maari o hindi na mag-endorso ng politikal na paninindigan. Ito ang bulto nang hinahaltak para magkaroon ng balat ng kritikal na masa ang akademya. Ang tatlong figura ay tali sa pang-uring interes, protektahan ang kanilang ganansyang pang-ekonomiya (galing sa estado, global funding agencies, NGO networks na nagbibigay ng pondo, pribadong sektor) sa pamamagitan ng paghayag ng posisyong politikal na hindi tutuligsa sa kanilang benefactor na sa una’t huling usapin ay ineederso ng estado.
Ang ikaapat na figura ng akademiko ay ang aktibista na nag-aambag sa pagiging mapanganib at kontra-estado ng kanyang tinuturuan at mismong hanay. Ito ang nakakapag-ugnay ng loob at labas ng akademya at lipunan sa teoretikal at konkretong antas. At dahil hindi siya tali sa pang-ekonomiyang ganansya, ang kanyang afiliasyon ay tungo sa interes ng masa at politisadong mamamayan. Kung gayon, ang aktibistang akademiko ang nakakasapul ng lohika ng politikal—na ito ay mula at tungo sa interes ng masa, at tungo sa politikal na transformasyong panlipunan. Kaya sa isyu ng politikal na pagpaslang, nanindigang pabor sa gobyerno ang figura ng korapt na akademiko, indibidwal na prumoprotesta ang figura ng akademiko ng elite civil society, kalat ang tugon ng akademikong ang fokus ay kumita o magka-tenure, mag-master’s o magdoktorado, at aktibong pagtutol sa estado ng aktibistang akademiko. Kung ang guro ay tulay ng mga estudyante at uring anakpawis, ng kamulatan at politikal na proyekto, hindi ba’t kabawasan ang nagaganap na politikal na pagpaslang sa indibidwal at kolektibong pagkatao at pagkamamayan ng guro at ng mga sabjek na kanyang ininutulay?
Ang akademya ay nagiging bahagi ng aparatong paramilitar ng fasistang estado. Sa pamamagitan ng kuntsabahang manatiling tahimik, tali sa moda ng produksyon ng karunungan, pagbenta sa intelek sa pinakamataas na makakabili nito o lantarang pagpapagamit sa estado sa gawaing kontra-politikal, ang akademya ay hayag at patagong umeendorso sa fasismo. Sa batayang antas, ang kahilingan sa intelektwal at akademiko ay lumikha ng klasrum at forum na nakakapanghikayat ng politikal na layon. Gawaing kritikal ang atas—makapagsuri ng mga bagay na lampas sa nakikita at sinasabi, pag-ugat ng malalalim na strukturang politika, ekonomiya at kultura na pumapaimbabaw sa paghulma ng mga hayag, at pagsusuri ng pang-uring interes sa mga akda at pangyayari, maging ang panglahi, etnisidad, sexualidad at kasarian, relihiyon, henerasyon at pisikalidad na mga interes. Mapapag-ugnay sa malikhaing paraan ang fractions, grammar at kasaysayan sa mga nagaganap sa karahasan at politikal na pagpaslang ng estado, at ang pag-endorso nito ng neoliberalismo. Kaninong interes ito itinataguyod? Bakit kailangang matuto at magturo ng ganitong mga aralin?
Hindi na ito ang panahon ng pagsaksi lamang, ang pagiging tao-sa-kapaligiran ng mga karahasan ng fasismo at karangyaang isinisiwalat ng neoliberalismo. Patuloy pa rin ang pagpaslang kung ganito, at ang paglusaw sa politikal na proyekto. Aktibo ang panunuligsa kahit aktibo rin ang paglikha at pagsusubstansya ng figura ng aktibista at aktibidad ng aktibismo. Dahil ang figura ng aktibista ang mapanganib na nilalang sa mata ng estado, ito ang pinapaslang. Walang bababa sa panuntunang aktibismo ang hinihingi sa edad ng umiigting na fasismo at neoliberalismo ni Arroyo, at ng susunod pang mga presidente. Kung mas mababa pa rito, ito ay ligtas sa nagmamatyag at nanunupil na mata ng estado. Nagiging kabahagi ang nilalang dahil tanggap na niya ang kapangyarihang nagpapanaginip sa kanya ng pagkain ng tatlong beses, pagtratrabaho sa call center at sa ibang bayan. Nagiging pwersa na siya ng proyekto ng estadong naglalayong supilin ang anumang pagtatangka ng subersyon at radikalisasyon. Tahimik na mamamayang kumakayod para sa pamilya ang nagiging imahen ng katiwasayang pang-estado. Hindi mananahimik ang estado matapos ng kasalukuyang yugto. Sa kondisyong malakolonyal at malapyudal, nananatiling instrumento ng pagpapanatili ng estadong nagpapanatili ng neoliberalismo ang fasismo.
Pinapaslang na ang mga estudyante at kabataan dahil sa kanilang politikal na paniniwala, bahagi nito—politikal man o politika ng pagsang-ayon—ay kontribusyon ng guro sa loob ng eskuwelahan. Sa labas, pinapaslang naman ang manggagawa, magsasaka, pastor, peryodista, abogado, feminista, manggagawang kultural at karapatang-pantao, lider at kasapi ng masang partidong politikal, at iba pang figurang bumubuo ng pamayanang itinutulay ng guro sa kanyang forum, mapaklasrum man o mapadiskusyong kaakibat ang posisyong panlipunan ng guro. Bakit hindi gagamitin ang publikong posisyon ng guro sa pagsisiwalat ng katotohanang nagaganap sa kapaligiran? Ang adikasyon ng historikal na kahilingan sa guro sa nakaraan at kasalukuyang predikamento ng fasismo at neoliberalismo ay pagboto sa referendum ng estado ni Arroyo na nagsisiwalat ng politikal na pagpaslang bilang normal na operasyon ng bansang-estado.
Dito nasasala ang politikal na motibasyon ng akademiko. Sa meta-realidad ng fasismo, sa manifestasyon nito sa politikal na pagpaslang sa edad ng umiigting na krisis pang-estado ni Arroyo, at ng neoliberalismo, hindi ito ang panahon ng pagkimi at pag-endorso. Umiigting ang krisis ng estado at pinaiigting rin ang mas malawakan pang pananahimik at pagsang-ayon na lamang ng mamamayan. Lahat ng posibilidad sa pagbalikwas ng politikal ay ginagamit ng estado sa iba’t ibang antas ng pananahimik at pagsang-ayon. Lahat ay nagiging usaping panlipunan dahil apektado tayo sa kabawasan, sa paraan at lohika ng pagpaslang. Kung gayon, lahat ay politikal. Nakapanig ka na sa estado sa pananahimik at pagsang-ayon. Nakapanig ka sa masang nakikibaka sa pagkilos at pagtuligsa sa pagpaslang, sa paglikha ng kritikal na kapaligiran sa pagtuturo at pag-aaral, sa produksyon ng bagong paradigmatikong sasalungat sa lohika ng fasismo at neoliberalismo ng estado. Ito ang ibang daan patungong Kalimugtong. Narito na sa bukana ng ating mga tahanan at puso, kung hindi man nakapasok na sa ating kusina at tulugan, klasrum at pagawaan, ang eksena ng pagpaslang. Walang ibang panahon!
Para sa fasistang estado, wala nang lilim ang akademya.
27 Agosto 2006
Gillman Heights, Singapore