Wednesday, September 05, 2007

Orihinalidad at Reprodyusabilidad ng Sining at Kulturang Popular (Powerpoint Presentation)

Orihinalidad at Reprodyusabilidad ng Sining at Kulturang Popular
Panayam
Obra Maestra Mamera Series
UP CMC Auditorium



I. Habang naghahandang matulog, isang text joke




II. Mga iniisip bago matulog


1. Mga preso sa Cebu na nag-eehersisyo sa musika ng “Thriller” sa Youtube




2. Tsinelas, rubber slippers, Havaianas



3. Search for the Bench Underwear Models






4. Sex-scandals na na-video at ipinalaganap sa cellphone



5. Litrato ni Sherilyn na parating nakatapat sa dibdib ng kanyang Nanay Linda kapag nasa publiko

Orihinalidad at Reprodyusabilidad ng Sining at Kulturang Popular (draft, not for citation)

Orihinalidad at Reprodyusabilidad ng Sining at Kulturang Popular

(papel na binasa sa “Obra Maestra Mamera Series” ng Lopez Memorial Museum at UP College of Mass Communications, CMC Auditorium, 25 Agosto 2007. Burador, hindi para ireferensiya nang walang permiso ng awtor.)

Ako ay hindi kritiko ng sining kundi skolar ng media at kulturang popular. Sa presentasyong ito, nais kong ilahad ang ilan, maaring di magkakalapat, na idea ukol sa orihinalidad at reprodyusabilidad ng sining at kulturang popular bilang paraan ng pag-iisip din ng mas malakihang isyu kung paano itinatanghal at itinuturo ang bago at orihinal sa mas malawak na usapin ng politika, ekonomya at kultura. May orihinal ba talaga? Bakit nirereprodyus ang kumikitang orihinal? At paano, sa mismong reproduksyon, ay tumitingkad ang orihinalidad ng bagay sa sining at kultura? Sa aking palagay, mahalaga ang talakayan ng orihinalidad at reprodyusabilidad dahil inilalarawan nito kung paano inoorganisa ang karanasan sa sining at kultura, ginagawang interesante para tangkilikin at painugin pa lalo sa daloy ng kapital. Ang proseso ng organisasyon at reorganisasyon ng seduksyon at pagnanasa (desire) ay hindi lamang insitutsyonal na isinisiwalat, ito ay nirereprodyus sa indibidwal na antas para mas maging katanggaptanggap ang orihinaryo o ang primordial na lokasyon ng karanasan sa bagay. Ang sumusunod ay mga preliminaryong idea sa daloy ng kamalayan, inisip bago matulog, na tila angkop naman sa pag-iisip bago pumalaot sa pagtulog at sa dreamwork, nakakapagmuni-muni muna tungkol sa kung ang iniisip nga ba ay orihinal o reproduksyon lamang ng realidad—kung ang mulat na pag-iisip ay reproduksyon ng di-kamalayan (unconscious) bilang orihinal, o ang di-kamalayan ay reproduksyon ng mga agam-agam sa mulat na realidad.

1. Habang naghahandang matulog, isang text joke

May isa akong text na natanggap noong nakaraang linggo. Na-delete ko na kaya ikukuwento ko na lang sa inyo: Nasa eroplano ang mag-anak ni Gloria Macapagal Arroyo. Sinabi ng pangulo, “Ano kaya kung magtapon ako ng isang tseke para sa isang milyon. May isang mamamayan na matutuwa.” Tugon ng First Gentleman, “Bakit hindi mo hatiin ang isang milyon sa tig-kalahating milyon nang may dalawang mamamayang matuwa.” Wika naman ng wanna-be na artistang anak, si Mikey Arroyo, “Bakit hindi mo hatiin sa sampung tig-wa-one hundred thousand nang sampung mamamayan ang matuwa?” Ang nag-iisang apo ang huling tumugon, “Bakit hindi si lola ang tumalon nang milyon-milyon ang matuwa?”

Maraming antas ng orihinal at kopya ang isinasaad ng text joke. Una, ang primordial na halaga ng orihinal na ligaya—isang milyon para sa isang tao, o ang reprodyusabilidad nitong ligaya sa dalawa, sampu at milyon-milyong katao. Sino ang nagdidikta kung ano ang halagang tumbas ng primordial na ligaya, sa paanong paraan, at kaninong interes ang isinisiwalat? Ano ang katumbas ng primordial na ligaya? Ano ang halaga ng orihinal na sining ng mga pambansang alagad ng sining? O ng maaring ibenta ang puri kapalit ng phone cards, gaya ng ginagawa ng mga batang sex worker sa Pasig City? Sa edad ng maigting na yugto ng kapitalismo, ano ang matatanggap mong halaga para maging maligaya, matupad ang pangarap, makaahon sa hirap, makatunghay ng sining na makakaantig sa iyong damdamin nang walang katulad? Sa kasalukuyang kapitalistang sistema, ang mga pangarap ay parating nasa ere, hindi maabot kaya paratihang nangangarap nang gising. Ipinaghehele ng kumpiyansa sa posibilidad na maaring matupad ang pangarap batay sa limitado o labis na kapital. At ito lamang ang pangako ng kapitalismo sa ating lahat: iprenepresenta ang mga sining at kulturang popular, at ang mismong karanasan sa mga ito bilang posibilidad na maaring makamit, hindi pa ang pangakong makakamit nga ang mga ito. Kaya ang kalakaran ay ang pag-agapay sa panuntunang itinakda. Dito papasok ang reprodyusabilidad ng bagay ng sining at kulturang popular—ang karanasang makatunghay pa rin sa karanasang orihinal. Ibig sabihin, pirated imbis na orihinal na DVD at softwares, downloaded imbis na bumibili ng orihinal na CDs, fake na branded imbis na orihinal na branded, ukay-ukay imbis na bagong orihinal, xerox imbis na orihinal na libro, at iba pa. Ang mga ito o tinging orihinal—sache economics na magpapapasa load sa halagang piso, electronic e-load na P15, pantanggal ng balakubak na P3.50 bawat pakete, gel na P4.50, pagbili ng softdrinks bilang climax na yugto sa karanasan ng malling, pagpag na chicken joy, at iba pa. Tila lahat ay binibigyan ng akses sa primordial na karanasan ng orihinal.

Ikalawa, ang simulation ng Unang Pamilya, ang kapasidad ng mamamayang i-reproduce ang mag-anak sa ibang paralel na sityo na may di katugmang kaangkupan ng kapangyarihan—pribadong eroplano para sa pinakamakapangyarihang pamilya pero may tinig ng di-pagsang-ayon at pakikitunggali sa musmos na figura, at kung gayon, ang pagtuya sa presidensyal na kapangyarihan. Ito at hindi ito ang Unang Pamilya. Hindi magkakaroon ng fantasya ng Unang Pamilya na maaring pagtawanan kung walang indexical na referensiya sa tunay at historikal na Unang Pamilya. Ang sityo ng joke ay ang pamilya at ang eroplano. Ang pamilya ang minamapa bilang familiar at familial na entidad ng sosyalisasyon sa biro, karanasan sa kapangyarihan at pagbalikwas. Kung ito ay biro, ito ay postponement sa mismong orihinaryong kahulugan. Ibig sabihin, ang minamapa ay ang di familiar at di familial. Ang mga nakakabasa ng text ay hindi familiar sa tunay na operasyon ng pambansang kapangyarihan, pati na rin ang familial na dynamics ng Unang Pamilya. Ang pinopostpone ay ang orihinaryong sinasambit ng punchline. Dito papasok ang nosyon ng difference ni Jacques Derrida. Dine-defer ang kahulugan hanggang sa ang kabuuan ay matunghayan. Parang hindi mo malalaman ang puno ay nasa gubat kapag pinagmasdan lamang ang isang puno. Dini-differ din ang kahulugan dahil ang paghulog ng tseke ay kaiba na sa paghulog sa pangulo. Magkaiba pero paralel ang isinasaad sa sityo ng karanasan. Mahalaga ang maliit na disjuncture ng dalawang paralel na referensiya dahil dito papasok ang irony sa punchline—ang di magkapantay na pagsaad sa dalawang ipinapantay na siyang magtatahi sa kabuuan, kung bakit katawa-tawa ang biro, kung bakit may politikal na komentaryo ang birong nagsasaad na mag-self-sacrifice ang pangulo nang sa gayon ay milyon-milyon ang matuwa, magkaroon ng primordial na kaligayahan sa akto ng self-effacement bilang panibagong irony sa panahong naghahanap siya ng kanyang legacy sa natitirang panahon ng kanyang panunungkulan. Kung gayon, hindi pala kaiga-igaya ang paningin ng milyon-milyon sa pangulo, at itong reprodyusable na sinasambit ay nakaangkla sa primordial na pagnanasa ng milyon-milyon na matanggal siya sa panunungkulan, kundi man, magboluntaryong mawala sa poder ng kapangyarihan. Isa laban sa milyon-milyon na tila isinasaad na ang eroplano, ang isa pang sityo ng karanasan, ay di parating inaantay para dumating sa kanyang destinasyon. Mahalaga rin ang nagaganap sa proseso ng paglisan at pagdating. Ang liminalidad ng ere, ang mas mahabang panahon kaysa sa paglisan at pagdating, ay nagsasaad na ang gitnang posisyon sa magkadulong binaryong oposisyon ay pinaghahalawan ng kahulugan ng karanasan. Sa liminalidad, matutunghayan ang kontraryong posisyon ng intimate na kahulugan ng signifier (eroplano, Unang Pamilya) para hindi ito lubos na makarating sa kanyang destinasyon (awtoridad, kapangyarihan). Sa tiered diffusion ng kapangyarihan—mula Pangulo, tungo sa First Gentleman, anak at apo—dine-defer ang awtorial na kahulugan para ang pinakamahinang koneksyon sa kapangyarihan ang magsiwalat ng subversyon.

Ikatlo, ang reprodyusabilidad ay hatid ng teknolohiya ng media. Ang orihinalidad sa sining ay gumagamit ng hardline na media. Tanging ang amalgamasyon ng strokes sa pintura at kanvas na ang kaisa-isang akda ng sining ay nasisiwalat na ito ay natatangi. Hindi ito mass reproduced na entidad. Kaya lalabas rin na mas mahal dahil namumukod-tangi sa pag-iisa. Kaya nakakaangat ang gawa ng isang pintor sa kanyang exhibit kaysa sa tinatawag na “Mabini art” o gawang “Peck Pinon” dahil ang mga huli ay malawakan ang reproduksyon ng mga bagay ng sining. Kapag pumasok at pumaloob ang orihinal sa mass media, natitiyak ang reprodyusabilidad nito. Ang narereprodyus ay hindi ang orihinal kundi ang maramihang kopya. Sa pamamagitan ng ilang characters na sinend sa maramihang kaibigan, ang kopya ng biro ay nadi-disseminate sa maramihan. Manganganak pa ito hanggang sa mawalan na ng interes ang publiko (ang kasapian ng familiar at familial na komunidad ng nag-text) kahit pa manaka-naka naman kahit regular na sumusulpot ang politikal na biro. Ang digital na teknolohiya ang kaibahan ng orihinaryong sining (biswal, sayaw at tanghal, musika, at iba pa), na kahit pa ito photograph, prints at digital art na maramihan ang kopya, ang bawat isa ay inaakala at iniisip na natatanging gawa ng artist. Sa pagpasok ng mass media, ibig sabihin rin ang pag-igting ng komersyo sa sining, ang sining naman ay nagkaroon ng propensidad nang mas malawakan kaysa sa orihinal na diseminasyon. Ang patron sa renaissance ay tumatangkilik ng mga batang musikero at pintor hindi para makalikom ng sandamakmak na orihinal na gawa ng mga artista kundi para mareprodyus ang natatanging artista sa maraming orihinal na gawa. Ang artista ang primaryong orihinaryong bagay ng sining, hindi ng mga akda. Dito papasok ang fetishismo sa orihinal, na ang layon ay hindi para sa pagdambana sa orihinal na mga gawa ng sining kundi para idambana ang natatanging talento ng artista. Hindi magiging national artist sina Leandro Locsin, Virgilio Almario, Bienvenido Lumbera o Fernando Amorsolo kung iisa lang ang gawa mga nito. Naghahanap tayo ng orihinal gayong patay na ang orihinaryong bagay ng sining—ang artista. Ang kanyang mga akda ay mga tagni-tagning labi ng kabuuan na lamang ng kanyang orihinaryong posisyon, kung maabot man niya ang status ng pagiging artista sa kanyang tanang buhay o sa after-life—na ang ibig sabihin ay kung nabigyan na siya ng seal of approval ng kanyang tukayo, ng mga institusyon ng sining at kultura, ng mga patron ng kanyang akda, at ng mismong estado. Buhay man o patay, ang artista ay isa na lamang bakas (trace) ng orihinaryong bagay—ng kasiningan, kapangyarihang politikal, kultural o ekonomiya. Sa pamamagitan ng pagtunghay sa sining o sa aktwal na pagbili nito, ang orihinaryo ay namamasid pero hindi nang kabuuan nito kundi ng imahinaryo ng kabuuan—nandiyan sa harap ang orihinal na Van Gogh, halimbawa, pero ano naman ang orihinal at orihinaryong isinasaad nito, walang lubos na makakapagpaliwanag. Tanging sa pamamagitan ng teknolohiya na ang orihinaryo (artista, GMA) ay reprodyusable at malaon, nagiging kauna-unawa (discernable). Sa orkestrasyon ng politika at ekonomiya ng kapitalismo, sa naratibo ng pambansang pag-unlad, ang orihinaryo ay natutunghayan sa pamamagitan ng aktwal na reprodusibilad nito. Ibig sabihin, at ito ang paradox ng orihinalidad at reprodyusibilidad ng sining, kailangang magka-formula ang paulit-ulit na exekusyon ng artista sa kanyang mga akda—para gunitain (in retrospect parati) na may orihinal itong kontribusyon, at kung magpakagayon, sa reprodusibilidad ng orihinaryo matutunghayan ang orihinalidad.

Ikaapat, ang teknolohiya ng media ang nagsisiwalat ng paraan ng indibidwal sa kolektibong imahinasyon. Kung sa text joke, ang biglaang pag-aninag na nandiyan pala ang presidente ng bansa ay sa pamamagitan ng digital teknolohiya ng nagpapasa ng binabayarang impormasyon para matunghayan ang kakaibang spelling, kakaibang deferment ng punchline kabuuang kahulugan sa scrolling function ng cellphone, kakaibang aksyon (pagpapasa muli sa kinauukulang virtual na komunidad sa address book) o tugon (text back ng “hehehe” o smiley face, o delete). Kung may teknolohiya lang din na pwedeng i-delete ang mismong presidente kaysa abangang magpakahulog sa eroplano…. Pero wala pa. Ang text ang siyang media kung saan muling nabubuo ang trinatratong di magkakatugma, at kung gayon ay di magkakaugnay na mga bagay, ay integral sa karanasan ng sandali. Sa aktong sandali ng pagtanggap ng text, ang mga planetang politika, kultura, teknolohiya at ekonomiya ay biglang nagkakaroon ng temporal at paralel na realignment para mabuo ang kahulugan ng orihinaryo—temporal dahil bigla ang rekognisyon na tayo nga pala ay mamamayan ng Pilipinas, na mayroong presidenteng pinagdududahan ang kanyang pagkapangulo, na ang panunungkulan ay ibig sabihin ay self-sacrifice; at paralel dahil tayo ng konsyumer ng cellphone ay mamamayan na may komunidad at pamayanan, o may publikong inaadres. Sa panahon ng pagpapatalsik kay dating Pangulo Joseph Estrada, may comfort na ang cellphone ang nakakapanghimok sa maraming mamamayan, lalo na ang kabataan, hindi lamang para mag-ayaya na mag-EDSA, kundi para ireafirma, sa pamamagitan ng Erap jokes, na may moral na batayan ang paglahok—ang mga biro sa pagkakaroon ng maraming asawa, sobrang makainom, at sobrang walang alam ay nagsasaad ng moral na bankruptcy. Kakatwa rin na sa pagkalulok pa lamang ni Arroyo sa pagkapangulong pumalit kay Estrada na naglipana na naman ang serye ng text jokes tungkol sa kanya. Hindi na nag-antay para pagtawanan ang kanyang taas (o kakulangan nito), monotonong boses at postura, at ang tendensiya ng First Gentleman sa bagong masibong pangungurakot din. Kaya sa simula pa lang ay may pag-aatubili na sa pagkapangulo niya. Kahalintulad ito ng kung paano nagkakakumpyansa sa orihinalidad via reprodusibilidad ng orihinaryong figura. Sa pamamagitan ng reprodyusabilidad ng kumpiyansa at komersyo sa mga akda na ang sining ay nagiging masining, na ang pintor ay nagiging artista, na ang artista ay nagiging National Artist. Ibig sabihin, bawat artista ay nagpoposturang cottage industry para magtagumpay. Artisano itong nakakapaghanda ng sariling materyales na lilimiin at aakdain sa mga gawang-sining, pero kailangang may pakat ng komersyo para literal at figuratibong bumenta sa antas na sining. Ang hardline na media na kanyang pinili ay mangangailangan rin ng reprodyusibilidad sa iba pang media: maiimprenta kung ito ay panitikan, magiging cover ng libro kung ito ay sining biswal o peryodikong masasama sa retrospectives, theme song sa isang art film, at iba pa. Kung gayon, kailangang ang orihinal ay reprodyusable na sa simula pa lang. Maari rin, mula sa latak ay angkatin ito sa status ng sining, tulad ng pagpili ng kulturang popular para gawin indie digi film, o ang “Pamela-mela One” at “Otso-otso” ay awitin ng Madrigal Singers sa Main Theater ng CCP, o ang kakaning nilupak ay gawing Asian fusion cuisine ng Mandarin Hotel, at iba pa. Ang putik ay nagiging burnay na nagiging di na lamang anthropological object, kundi isang art objek na rin na kakailanganin ng sertipiko bago matanggal sa Baranggay Burnay sa Ilokos Sur. Nandadaya rin ang orihinaryo dahil ipinopostura ang pinaka-di-orihinal bilang orihinal. Ang pinakareprodyusable na bagay—kung ano ang hip sa kulturang popular—ay biglang nadidispley sa museo. Gumugunaw na ba ang mundo? Hindi naman, mahirap lang paratihang maging orihinal. Sa pamamagitan ng teknolohiya, ang imahinaryo—ang ideal na isinisiwalat ng indibidwal at kolektibo—ay napapadami at napapalawak. Ang kakatwa sa imahinaryo ay ang kawalan ng orihinalidad. Walang bagong fantasya, tanging mga bagong paraan lang ng pagpapatagos ng fantasya—kanino pang espasyo ito mapapadanas? Ang isinasaad ng teknoloniya ay ang kapasidad nitong dalhin tayo paratihan sa makabagong konfigurasyon ng mga espasyo at kaunay na paralel na mga mundo. Kung bago ang perspektiba, lokasyon, sityo, kanto, lunan at lugar na napapatagos ng lumang karanasan, nagiging tila bago na rin ito. “Tila” dahil, gaya nga ng idinidiin, wala naman talagang tunay na bago at orihinal; lahat pa ay tila nagiging orihinal at bago dahil sa reprodyusabilidad nito.

2. Mga iniisip bago matulog.

2.1 Mga preso sa Cebu na nag-eehersisyo sa musika ng “Thriller” sa Youtube.

Mula sa MTV ni Michael Jackson, ang orihinaryong figura ng musika at sayaw, isinasaad ang kasiyahan sa pag-terorize ng babaeng sinusuyo ng karakter ni Jackson. High school nostalgia ang espasyo, biglang matratransforma si Jackson bilang lider ng mga zombie at kolektibo nilang tatakutin ang babae. Sa huli, ang mangmang na babae ay iisiping masamang gunita lamang ang nangyaring pananakot habang yakap siya ni Jackson na nanlisik ang mga mata, pangitain na ang gunita ay may batayang katotohanan. Sa Youtube video, ang mga daan-daang preso sa Cebu ay kolektibong nag-eehersisyo sa musika ng “Thriller.” Ano ang ineensayo at ineehersisyo: ang kanilang kawalan ng kapangyarihan, ang di nakikitang may hawak ng kapangyarihan, o na kailangan pang daan-daan silang kolektibong mga markadong katawan—ang reproduksyon ng terorismo ng karakter ni Jackson sa inaakala ng estado bilang terror na sabjek, at kung gayon, tine-terrorize naman nito para sinkronisadong mapasayaw ng “Thriller”—bago magkaroon ng MTV moment, sa pamamagitan ng demokratikong akses na ipinapahintulot ng Youtube. Sa isang banda, ang zombie na katawan ni Jackson ay reprodyusable sa daan-daang katawan ng preso, mga katawang nakondena sa pagkaagnas at kawalan ng sariling disposisyon? Kung ang zombie ay ang orihinaryong figura ng indibidwal na pagkatao na nabitag sa buhay na patay na katawan, ang daan-daang preso, kung gayon, ay reproduksyon ng reproduksyon: kopya ng kopya ng orihinaryong indibidwal na pagkatao, na tulad ng high school nostalgia, ay kailanman hindi maibabalik. Sa milyon-milyong malayang tumunghay sa Youtube video, ang tinutunghayan nila ay ang kanilang kolektibong indibidwalidad na nawala sa panonood at nanumbalik sa pagtatapos—na pasasalamat na sila ay nasa labas na tumutunghay sa loob, na ang loob naman, sa Youtube, ay paratihan na lamang nakakulong bilang digital na impormasyon sa internet. Silang mga preso ay patuloy pa rin ang submisyon sa pwersa ng liberal na demokrasyang nagtataguyod ng indibidwal na kalayaan. Sila ay nakakulong at pinapanood na may fasinasyon dahil sa idea na may ginawa silang aspekto ng terorismo laban sa estado—terorismo na sa definisyon ng Human Security Act ng 2007 ay di na lamang sa pagbomba at koersibong taktika para mapasang-ayon ang gobyerno kundi mismong pag-iisip at pagpapaplano pa lamang ng mga bagay ay maari na ngang i-surveillance, i-wiretap, i-freeze ang bank account, i-warrantless arrest at i-extended detensyon—at heto sila, nagtatanghal ng kanilang di-kalayaan para sa inaakalang manonood na nakakapag-ehersisyo ng kalayaan. Sa batayan ng hinala pa lamang, terorista na ang pinagsususpetsahan, na tulad ng kumpesyonal sa Judeo-Kristianong tradisyon, ay nagkasala ka na kung inisip mong halayin ang iyong katabi, mamatay ang iyong kaaway, o mabuti nga sa kanilang sinapit ang gayong abang kalagayan dahil sila ay nagkasala sa lipunan. Walang nagkasala kung walang pinagkakasalaan, kahit pa sa guni-guni lamang ay may rekurso sa katarungan o pagtutumbas man lamang. Walang terorista kung walang pinagteterorisan. Walang estado kung walang mamamayang sinisikil. Walang daan-daan preso kung walang Michael Jackson na sa magkahiwalay ngunit paralel na universo ay sabay rin namang sumasayaw sa musika ng “Thriller.”

2. 2 Tsinelas, rubber slippers, Havaianas

Sa Japan, may tsinelas sa bawat kwarto. Tsinelas na tela sa pagpasok ng bahay at pagtanggal ng sapatos na gamit sa labas. Tsinelas na rubber para sa banyo. Ibang tsinelas na tela para sa nanay na nagluluto sa kusina. Lokasyon ang afinidad ng pagpapakahulugan sa tsinelas: pambahay ito, sa domestikong antas, at kung sa gayon, mas mababang uri kaysa sa de-balat na sumisimbolo sa white-collar jobs. Sa malls sa bansa, dati ay hindi ka papasukin kung nakasando at nakatsinelas ka. Sa pagpasok ng isang libong pisong tsinelas, ang Havaianas, tila hindi na sinusunod ang ganitong mall dress code. Kinailangan pang bigyan-lehitimasyon ng imported na tsinelas ang lokal na praktis ng pagtsitsinelas. Mahihiya nang sitahin ka ng security guard dahil mas mahal pa ang saplot mo sa paa kaysa sa kanyang de-balat. May kaantasan ang saplot sa paa: duhagi ka kung wala kang saplot sa paa, mahirap ka kung nakatsinelas ka lang, maaring taga-probinsya pa nga, at sosyal ka kung naka-high heels o de-balat ka. Wala nang gumagamit ng bakya dahil ayaw mapabilang sa luma, mumurahin at pedestriyanong saplot sa paa. Maliban sa mga pamilihan sa probinsya, wala nang iba pang mapapagbilhan ng bakya, ang representasyon ng lokal na inisyatibang tinibag ng dayuhang industriya ng sapatos, modernismo at kosmopolitanismo. Sa Pilipinas, tsinitsinelas ang mga batang di sumusunod sa magulang. Ang saplot-pampaa ay saplot-pandisiplina. Ang talampakan ay sinasabing pinakamarumi at pinakahindi disenteng bahagi ng nakikitang bahagi ng katawan, pangmababang gawain at kaya kapag tsininelas ka, para kang sinupalpal ng simbolo ng pedestrianong kabulgaran. Ang tsinelas sa mahirap, hindi itinatapon hanggang hindi napupudpod, at kung mapigtas, maari pang gupitin ang magagamit na bahagi, itagni-tagni at gawing door mat. Sa pang-uring katangian ng tsinelas, tulad ng sinasabi tungkol sa kawayan at puno ng buko, lahat ay pinapakinabangan, walang pag-aaksaya, nakakahanap ng bagong gamit sa luma. Tsinelas ang gamit sa larong tumbang preso. Hindi pwede ang bakya, hindi rin pwede ang sapatos. Kaya siguro hindi na nilalaro ang tumbang preso ay dahil sa publikong spero ng paaralan, hindi hinihikayat magtsinelas. Paano maglalaro ng tumbang preso kung walang tsinelas? Paano ang laro kung ang kagamitan ay di lapat? Nang mangyari ang Mendiola Massacre noong 1997 na kinamatayan ng mga magsasaka at ilang demonstrador, ang naiwang eksena matapos malikas ang mga patay ay mga nagkalat na tsinelas sa kapaligiran. Na ang kilos-protesta ay kinabilangan ng maraming magsasakang naghahangad ng tunay na agraryo sa lupa na lumuwas, at kung gayon ay nagtsinelas, at nagmartsa sa Mendiola para yanigin ng bala ng baril ng military habang kumaripas ng takbong papalayo, at sa pagkandakumahog ay nangaiwan ang di na magkakapares na tsinelas ay pumapatungkol sa kalidad ng pagtrato sa inaaping sektor, ang pinakamalaking bilang ng mamamayan sa bansa. Walang opisyal na pagtanggap kahit pa sila ang nagpapakain sa bansa. Di makataong pagtanggap sa silang lumuwas nang nakatsinelas at umuwing nakayapak. Kung gayon, ang tsinelas bilang representasyon ng domestikong spero, mababang uri, naunsyaming kamusmusan at pambansang industrialisasyon, biktimasisasyon ng karahasang pang-estado, at bulgaridad ay binabagabag sa intimasyon ng pagpapakahulugan sa pagpasok ng Havaianas, o hindi nga ba? Sa isang banda, hindi ba’t ang orihinaryong bagay (tsinelas) ay dumulas na ang kahulugan dahil sa pagpasok nang mas mahal at inaakalang mas matibay na Havaianas? O mas nagiging reprodyusabol ba ang orihinaryong bagay dahil sa paulit-ulit na pagpapaugnay nito sa multinasyonal na tsinelas ng mundo? Sa kabilang banda, hindi ba’t ang Havaianas ay reifikasyon ng tsinelas sa edad ng multinasyonalismo? Nailabas sa domestikong spero ang tsinelas, naging lehitimong pampublikong saplot-paa na maari di gamiting pantsinelas ng mga sutil na bata dahil baka masira ang mamahaling tsinelas. Nailabas pero muling naipaloob sa reprodyusabilidad ng Havaianas ang tsinelas. Pinapatingkad nito ang distinksyon sa kung sino lamang ang makakagawang publiko ang pribadong entidad, at sa gayon ay makakadanas ng pang-iistorbo sa autoritarinismong kahulugan. Sino ang pinapalaya, sino ang ikinukulong? Sino ang may kapangyarihang manawid sa dalawang spero ng realidad, makapagdanas ng asersyon ng indibidwalidad sa publikong spero ng pagbibigay-kahulugan, ngalan at substansya sa mundo? Na maaring isipin na kung ang fake na Havaianas ang suot, wala namang magma-magnifying glass para sabihin ang tunay na estado nito. Pero sa kalakaran ng pangungimpisal sa simbahan at paghininala sa terorismo, dahil alam mo na di tunay ang saplot sa paa, hindi ka maaring magka-chinup na attitude. Sa imahinaryo at historikal na mundo ng kasalukuyang karanasan sa kapitalismo sa bansa, dahil may pagkakasala, kinakailangang maglakad ka na nakatungo. Na ang Havaianas ay fake na Havaianas ay pagdirekta ng ugnay sa orihinaryong tsinelas. Tanging ang Havaianas ang natatangi at nakakapagbigay-tangi. Na ang tsinelas ay mamahaling Havaianas pero nananatiling tsinelas pa rin sa Brazil na nagbibigay-diin kung bakit ang gitnang uri sa bansa ay nagnanais magkatsinelas ng ibang bansa at itakwil ang lokal na tsinelas. Sa huli, sino ang mga paang nagsusuot ng kung anong tsinelas, at kung ano ang kamay na humahawak ng tsinelas ng kapangyarihan?

2.3 Search for the Bench Underwear Models

Ang katawan ang simptomas at reseptakel ng orihinalidad at reprodyusabilidad sa kulturang popular. Kapag sinabing “search,” may hinahanap na inaasahang makatagpo at bigyan-rekognisyon. Ibig sabihin, bago sumali, hindi kinikilala, walang personalidad, di entidad, walang pagkatao. Ang tatak na Bench ang awtor ng paghahanap, ito lamang ang proper—angkop, lehitimo, may kapangyarihang makapaghanap at makapagbigay-rekognisyon--na pangalan sa titulo. Ang Bench ang benefactor dahil ito ang mag-aangat sa pinaka-deserving na katawan para bigyan ng proper na rekognisyon, “Bench model.” “Underwear” na modelo ang hinahanap, na tulad ng paradigmatikong pagtutuligsa ng Havaianas, ay may kapangyarihang ibuyanyang ang orihinaryong bagay sa ibang antas ng pagpapakahulugan. Domestiko, itinatago, tinatakpan ng iba pang saplot, pribado, at sexually sterile ang underwear na sa pamamagitan ng awtorial na “Bench” ay nililikha bilang negosyo, trabaho, ibinubuyanyang, hyper-sexual at publiko. Paano matagumpay na nagawang negosyo ang bagay na itinatago lang naman? Kailan pa darating ang manaka-nakang pagkakataon na kailangan mong maghubad at mapahiya kapag gulanit, may butas at mantsa, at bacon na ang garter ng underwear? Ang hinahanap ay modelo na kakatwa rin naman dahil hindi ito ang pagdakila sa modelo-bilang-moral na nakakaangat at sa kanyang pagkabayani, kundi literal ngunit kopya ng idinadakilang pisikalidad—kabataan; matikas na pangangatawan, may abs at pecs kung lalake; balingkinitan at mahihin kumilos kung babae. Kung ang naunang modelo ay kailangang magpakita ng kanyang pagkabayani, ang kasalukuyang ipinaghahanap na modelo ay kailangan nandoon lang kahit pa sinasabing may X-factor o di-kilala (unknown) na substansyal na faktor na isinasaad. Sa pamamagitan ng catch phrase na “X-factor,” binubura ang obhetismo, ginagawang mas patron ang Bench o ang representatibong pipili ng modelo nang mga modelo. Kung gayon, ang itatanghal na modelo ay yaong pinakalapat sa ideal ng combo meal ng komersyal na sexualidad ng Bench, tulad ng kanilang underwear. Sa partikular, komersyal na heterosexualidad ang hinahanap dahil isang pares ng lalake at babae bilang target market ng Bench underwear kahit pa maaring magkaroon ng in-mixing o underwear shifting ang lalake at babae sa panlalake at pambabaeng underwear dahil mismo sa kalikasang katangian ng underwear—nakatago ito at hindi ibinubuyanyang, maliban sa pagkakataon tulad ng lingguhang search. Kung gayon, ang orihinalidad ng karanasan sa pagsuot, pagtunghay at estetika ng underwear ay pinalitan na ng lente ng komersyal na heterosexualidad na siyang nagdidikta ng tila bagong pagtunghay sa underwear at katawang nagsusuot nito sa pamamagitan ng reprodyusabilidad—dito ay tunay na reifikasyon o reproduksyon ng bagay sa kapitalismo para estimahin ang gitnang uring panuntunan ng buhay at ligaya—ng reprodusabilidad, hindi ng orihinalidad, para magtaguyod ng tila orhinalidad. Ang matikas na hubad na katawan na lingguhang ipinaparada sa telebisyon, kinatulong pa ng print ads, giant billboards sa EDSA at iba pang pangunahing daan, at nang taunang fashion event na may proper name na namang “Bench underwear fashion show,” ay reproduksyon ng matagumpay na negosyo at ng gamit nito sa katawan—silang may kakayanang bumili ng damit kahit walang pangangatawang modelong makakapagsuot nito sa heterosexual na kapamaraan (ang pagtampok sa finasyal kasya sa corporeal na kapital) ay bumibili nang damit na itatago, o patuksong ihahayag sa low-waist jeans at baby t-shirts, higit sa lahat, para magkaroon ng indibidwal na lehitimasyon sa karanasan gitnang uri at ng pangako nito ng urbanidad at kosmopolitanismo. Balikan na naman natin ang kumpesyonal sa simbahan at paghihinala sa terorismo, ang reafirmasyon ay tungo sa pagdisiplina ng katawan tungo sa debosyon sa gitnang uring panuntunan. Pribadong kaligayahan dulot ng pribadong pagtatangka ng indibidwal na makaagapay sa pinalawak na panuntunan ng gitnang uri—tunay na pribatisasyon ng pagnanasa. Hinihikayat ng “Search for the Bench Underwear Model” ang pagtangkilik di lamang sa produkto, kundi sa inuusad na agendang tila orihinal at ang reproduksyon nito sa bawat modelong malalaglag na nagpapatingkad sa pagdamdana sa magiging modelo ng mga modelo o Model with a capital M gaya nang isinasaad ng titulo ng palabas. Auto-referential ang palabas ng Bench dahil isinasaad nito kung paano ito, sa ngalan ng komersyo, lumilikha o nagmamanufaktura ng bagong pagpapakahulugan sa orihinalidad, at ang reprodyusabilidad nito sa pamamagitan nang panghihikayat na pagtangkilik sa hanay ng representatibong mamimili—ang unti-unting sinisibak na bilang ng kandidaturang modelo—na ang pamantayan nang gitnang uring kagalingan ay nakabatay hindi sa simpleng kaalaman sa brand kundi sa akto ng pagtangkilik. Biswal at afektwal tayong pinapatangkilik ng palabas bilang rehersal sa aktwal na pagtangkilik sa produkto, kung hindi pa nga tayo nakaranas ng kumbersyon para paboran ang brand na ito na, tulad nang palabas, ibinubuyanyag ang pag-aari ng awtorial at proper na orihinaryo. Tayo na nagsusuot ng Bench na nakabandera sa makakakita ay inaako bilang katuwang na pag-aari ng Bench. Ang ating pag-aari ay ngayon, nag-aari na sa atin. Na kakatwa dahil ang pag-aari at nag-aari ay nakabatay sa sentralidad ng komersyal na heterosexualidad—ang mga ari.

2.4 Sex scandals na na-video at ipinapalaganap sa cellphone

May isang tulang-bayan sa panahon ng Amerikano, “Awit ng Manlalakbay,” tungkol ito sa paglalakbay ng persona sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pero nananatili pa rin ang orihinaryong pakiramdam—ang kalungkutan dulot ng kawalan ng pag-ibig na naglalahad ng irony ng pagbiyahe sa literal na espasyo gayong ang interyor na espasyo ng indibidwal ay nananatiling nakalugmok sa di mapukaw na kalungkutan. Ang tula ay tipikal sa mga tula sa panahon ng Amerikanong kolonialismo, romantikong nabigyan-diin ang kapasidad ng indibidwal na tanggapin ang intensifikadong pagdurusa bilang indibidwal na desisyon. Bahagi ng kontraryong liberalismo na isinisiwalat para lamang ikahon ang liberal na praxis at pagpapahalaga, ang tula ay una’t sa huli desisyon ng indibidwal na maging lugami dahil sa kawalan ng aalo. Na ang tula ay tulang-bayan—palipat-dila, walang awtor, popular sa masang hanay—ay nagsasaad ng malawakang diseminasyon ng tula at reprodyusabilidad ng bagong orihinaryong pagkatao (liberal na mamamayan). Flashforward sa mga indibidwal at pares na piniling i-video ang kanilang sexual praktis. Ang orihinaryong pagkatao na fantasy-ideal ng Amerikanong kolonialismo ay nahigtan na ng teknolohiyang nagsisiwalat ng pribadong praktis sa publikong spero—ibig sabihin, hindi na lamang ito ginagawa sa patagong kalakaran (tulad ng underwear), sa kakatwang paraan ng pagkakamali, pagkanakaw at iligal na upload ay nagiging publiko ang ilang segundong sex act. Hindi nagbago ang orihinaryo, nagbago ang paraan ng reprodyusabilidad nito. Naging mass ang paraan ng diseminasyon ng sex act at ng bagong reprodyusibilidad nito—matutunghayan kapag finorward sa ibang cell, idinownload sa websites o nabili sa enterpeneurial na taong kinolekta at pinirata ang mga ito sa DVD. Sa aking pakiwari, wala namang intensyon ang mga nagvideo na ibuyanyang sa publikong spero ang pribadong karanasan. May pagkakamali sa transmisyon ng diseminasyon. At ang pagkakamaling ito ay integral kung paano ang pribadong teknolohiya ng cellphone ay nakakapagreprodyus ng orihinaryong pagkamamamayan: nakawan ng pribadong ari (cellphone), iligal na forward-upload-download nito, iligal na reproduksyon at konsumpsyon nito sa DVD format. Ang ilang segundong pribadong karanasan ay nananatiling nakakulong sa virtual na espasyo ng internet, handa sa pag-download ng sinumang interesado sa publikasyon ng pribadong karanasan. At sino naman ang interesadong tunghayan at tangkilikin ito? Ang pribadong exhibisyonismo ay hindi katumbas ng publikong voyurismo. Sa isang liberal na pamayanan, kanya-kanya tayo ng preferensiya basta walang naapakang ibang preferensiya. Ibig sabihin, pinananatiling pribado ang konsumpsyon ng pribadong karanasan, kahit pa sexual nga ito. Pribatisasyon ito na kahalintulad at kaiba ng pribatisasyon ng pagnanasa at paraan ng pagtangkilik ng masa sa gitnang uring panuntunan, tulad ng Havaianas at Bench na kahit panloob at domestiko ay kayang kumawala at maging publiko. Pero mas inklusibo ang pribatisasyon ng cellphone sex videos dahil paratihan itong nakatago kahit sa reproduksyon nito—patagong download, patagong pirating, patagong pagbenta. Kung gayon, ang produktibo sa karanasan sa sex videos ay ang kapasidad ng reprodusabilidad nito na gawing tagong publiko ang tumatangkilik nito—andergrawnd sa pananaw ng liberalismo. Na sa ganitong mababang lebel—laylayan ng laylayan—ay nangingimi ang proper na munisipyo at iba pang lunan na maiugnay dito, hindi tulad ng pagbuyanyang ng Bench underwear sa awtorial nitong status. Tulad ng tula, mayroong Cagayan de Oro sex video, Siliman sex video, De La Salle sex video, Ateneo sex video, Baguio sex video, MRT sex video , at iba pa na nakaangkla sa iba’t ibang lunan gayon iisa ang substansyang nilalalaman—ang ilang segundo at sentimetro (depende sa size ng cellphone screen) na paggunita sa pribadong karanasang sexual. Ang irony ng panonood nito sa mas malaking screen ay mas malabo ang pixels at resepsyon na paratihang magsisiwalat ng visualidad ng naunang pribadong liberalismong karanasan. Ang bago sa reprodyusabilidad ng orihinaryo ay ang pagiging makaluma at kagyat ng pagtangkilik nito. Mayroon bang maa-arouse sa malabo at ilang segundong quickie sex? Novelty ito na siya namang nagsisiwalat ng alternatibong liberalismo, urbanidad at kosmopolitanismo sa mga lunang pinangalanan na ng panganganak ng sarili nitong bersyon ng sex video. Tila sinasabing, para ituring na liberal at modernong espasyo, kailangang nagkaroon nang sex video, na parang dagdag na rekisito ng modernisasyon lalo na sa probinsya—para masabing umuunlad ang bayan, ang bagong arkitektoniko ay nagdi-displace sa simbahan bilang primaryong sentro, nagiging Jollibee o MacDonalds na ito, kung walang magkaribal na mall, mga billboards ng Bench at iba pang nakabuyanyang na modelong nagpapakonsumo ng brands; kasabay ng trafik, batang lansangan, basura sa kalsada, at sex workers.

2.5 Litrato ni Sherilyn na parating nakatapat sa dibdib ng kanyang Nanay Linda kapag nasa publiko

Walang palya na kapag nagsalita si Nanay Linda ukol sa abduction ng kanyang anak na si Sherilyn ay parati itong naluluha. Hindi Nora Aunor na ang pagluha na paisa-isang patak lamang pero mas Vilma Santos pa na napapagsabay ang fountain ng luha sa pagbigkas ng pananalita. Mapait ang kwento ni Nanay Linda bilang ina ng desaparasido, pero tiyak at malinaw ang kanyang pananalita. Ang orihinaryo sa karanasan ay ang kanyang anak at ang simbolo nito—pagmamahal, pagkalinga, pagiging anak, skolar ng bayan at iba pa. Kaya tila agimat ang litratong nakatapat sa dibdib ng ina dahil paratihan itong ginagawang abot-kamay, abot-tanaw ang imahen ng orihinaryong pag-ibig. Ang pag-iyak at pananalita ni Nanay Linda ay ang reproduksyon ng orihinaryo dahil ito ay sapilitang iwinala ng pangunahing tagapagsiwalat ng pagpapakahulugan sa batas at kaayusan—ang estado sa pangkalahatan, at si Arroyo at militar sa partikular. Umiiyak tayo dahil malungkot tayo, umiiyak tayo dahil masaya tayo. Ano ang pinagkaiba? Tila isinasaad na ang kontexto—hindi ang aktwal na texto ng pagkawala at ang posibilidad na muli siyang manumbalik—ang nagbabago kahit pa magkasabay at magkabilang pisngi lamang ng karanasan ang rasyonal ng pag-iyak. Sa bawat siklo ng pag-iyak at pananalita, may temporal na napupurgang mabigat para kay Nanay Linda gayon baka iba ang resepsyon ng mga nakakatunghay sa kanya, na baka nawawalan-bisa ang walang puknat na pagdalamhati. Sino ang hindi maantig kapag natunghayan si Nanay Linda? Pero kapag paratihang natutunghayan ang akto ni Nanay Linda, nawawalan ng orihinalidad ang reprodyusabilidad ng kanyang pagtatanghal. Na ang itinatanghal ni Nanay Linda ay ang pasismo ng estado ni Arroyo ay nananatiling napakaabstraktong entidad kahit pa lumuha ito ng bato. At dahil hindi siya makakaluha ng bato, paratihan na lamang siyang iiyak na tila isinasaad na sa kanyang pananaw, parating orihinal ang pagdanas ng reprodyusabilidad ng biktimisasyon ng estadong karahasan. Kumbaga, sinusunod lamang ni Nanay Linda ang payo ng manunulat na si Amado V. Hernandez, “May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,/ may araw ding di na luha sa mata mong namumugto/ ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,/ samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;/ sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo/ at ang lumang tanikalay’y lalagutin mo ng punglo!.” At ito ang tanging magagawa ng ina sa publiko sa kasalukuyang yugto na ang publiko ay hindi pa nayayanig sa tumataas na bilang ng nawawala at pinapatay na mga aktibista. Ang spektakularisasyon ng kanyang pag-iyak—hindi natin natutunghayan ang pribadong pag-iyak—ang politikal na tugon at pakikitunggali ng ina ng desaparasido. Ang anak ay naging labi na lamang—hindi alam kung buhay o patay; kung patay, nasaan ang labi; kung buhay, saan dinedetina ang anak?--ng pribadong pagmamahal sa pagbara ng estado ng historikal na posibilidad na madanas ang kabuuang pagmamahal sa karanasan ng anak at ina. Paano magmahal ng nawawala? Paano maglibing nang hindi alam kung buhay pa o patay? Kaya lumuluha sa publiko si Nanay Linda dahil ang atas niya sa sarili ay gawing buhay ang politika ng pagkawala ng kanyang anak at ng iba pang mga anak, magulang at kaibigan. Sa marami sa atin, sa ating kamangmangan ay dahil di pa nga nagsisilang ng orihinaryo, paano aalalahin ang di pa ipinapanganak; at sa ating hindi na napupukaw at hindi makahagulgol na tulad ni Nanay Linda, dahil wala tayong direktang orihinaryo tulad nang kay Nanay Linda. Ang orihinaryo ay ang pangangailangang maging gitnang uri ayon sa media at pamahalaan—magkaroon ng mga bagay na magpapakilanlan sa sarili at sa isa’t isa na mataas na ang ating narating. Hindi bahagi ng gitnang uring panuntunan na may mga nawawala o pinapaslang—hindi rin ito kabahagi ng liberalismo sa ideal na sinisiwalat ng gentrifikasyon. Kaya hindi inaako ng estado ang mga nawawala. Pinili ni Nanay Linda na hindi manahimik, umiyak sa publikong spero para ipaalaala sa ating pumanig na sa imahinaryo ng gitnang uring pangangarap na hindi tayo ganito, hindi tayo malulubos, at hindi tayo magiging. Alin ang mas malaking trahedya? Ang reprodyusabilidad ng orihinal kay Nanay Linda o sa ating nagmamaanmaangang orihinal ang reprosyusabilidad ng mga binili at pinakyaw na gitnang uring karanasan?

Ang litrato ni Sherilyn na nakatapat sa dibdib ng kanyang Nanay Linda (Pasintabi column)

Ang litrato ni Sherilyn na nakatapat sa dibdib ng kanyang Nanay Linda

Walang palya na kapag nagsalita si Nanay Linda ukol sa abduction ng kanyang anak na si Sherilyn ay parati itong naluluha. Hindi Nora Aunor na ang pagluha na paisa-isang patak lamang pero mas Vilma Santos pa na napapagsabay ang fountain ng luha sa pagbigkas ng pananalita. Mapait ang kwento ni Nanay Linda bilang ina ng desaparasido, pero tiyak at malinaw ang kanyang pananalita.

Ang orihinaryo sa karanasan ay ang kanyang anak at ang simbolo nito—pagmamahal, pagkalinga, pagiging anak, skolar ng bayan at iba pa. Kaya tila agimat ang litratong nakatapat sa dibdib ng ina dahil paratihan itong ginagawang abot-kamay, abot-tanaw ang imahen ng orihinaryong pag-ibig.

Ang pag-iyak at pananalita ni Nanay Linda ay ang reproduksyon ng orihinaryo dahil ito ay sapilitang iwinala ng pangunahing tagapagsiwalat ng pagpapakahulugan sa batas at kaayusan—ang estado sa pangkalahatan, at si Arroyo at militar sa partikular. Umiiyak tayo dahil malungkot tayo, umiiyak tayo dahil masaya tayo. Ano ang pinagkaiba?

Tila isinasaad na ang kontexto—hindi ang aktwal na texto ng pagkawala at ang posibilidad na muli siyang manumbalik—ang nagbabago kahit pa magkasabay at magkabilang pisngi lamang ng karanasan ang rasyonal ng pag-iyak. Sa bawat siklo ng pag-iyak at pananalita, may temporal na napupurgang mabigat para kay Nanay Linda gayon baka iba ang resepsyon ng mga nakakatunghay sa kanya, na baka nawawalan-bisa ang walang puknat na pagdalamhati.

Sino ang hindi maantig kapag natunghayan si Nanay Linda? Pero kapag paratihang natutunghayan ang akto ni Nanay Linda, nawawalan ng orihinalidad ang reprodyusabilidad ng kanyang pagtatanghal. Na ang itinatanghal ni Nanay Linda ay ang pasismo ng estado ni Arroyo ay nananatiling napakaabstraktong entidad kahit pa lumuha ito ng bato.

At dahil hindi siya makakaluha ng bato, paratihan na lamang siyang iiyak na tila isinasaad na sa kanyang pananaw, parating orihinal ang pagdanas ng reprodyusabilidad ng biktimisasyon ng estadong karahasan. Kumbaga, sinusunod lamang ni Nanay Linda ang payo ng manunulat na si Amado V. Hernandez, na “May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,/ may araw ding di na luha sa mata mong namumugto/ ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,/ samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;/ sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo/ at ang lumang tanikalay’y lalagutin mo ng punglo!.”

At ito ang tanging magagawa ng ina sa publiko sa kasalukuyang yugto na ang publiko ay hindi pa nayayanig sa tumataas na bilang ng nawawala at pinapatay na mga aktibista. Ang spektakularisasyon ng kanyang pag-iyak—hindi natin natutunghayan ang pribadong pag-iyak—ang politikal na tugon at pakikitunggali ng ina ng desaparasido. Ang anak ay naging labi na lamang—hindi alam kung buhay o patay; kung patay, nasaan ang labi; kung buhay, saan dinedetina ang anak?--ng pribadong pagmamahal sa pagbara ng estado ng historikal na posibilidad na madanas ang kabuuang pagmamahal sa karanasan ng anak at ina.

Paano magmahal ng nawawala? Paano maglibing nang hindi alam kung buhay pa o patay? Kaya lumuluha sa publiko si Nanay Linda dahil ang atas niya sa sarili ay gawing buhay ang politika ng pagkawala ng kanyang anak at ng iba pang mga anak, magulang at kaibigan. Dahil sa marami sa atin, sa ating kamangmangan ay di pa nga ito isinisilang, paano aalalahin ang di pa ipinapanganak; at sa ating hindi na napupukaw at hindi makahagulgol na tulad ni Nanay Linda, dahil wala tayong direktang orihinaryo tulad nang kay Nanay Linda, ang orihinaryo ay ang pangangailangang maging gitnang uri ayon sa media at pamahalaan—magkaroon ng mga bagay na magpapakilanlan sa sarili at sa isa’t isa na mataas na ang ating narating.

Hindi bahagi ng gitnang uring panuntunan na may mga nawawala o pinapaslang—hindi rin ito kabahagi ng liberalismo sa ideal na sinisiwalat ng gentrifikasyon. Kaya hindi inaako ng estado ang mga nawawala. Pinili ni Nanay Linda na hindi manahimik, umiyak sa publikong spero para ipaalaala sa ating pumanig na sa imahinaryo ng gitnang uring pangangarap na hindi tayo ganito, hindi tayo malulubos, at hindi tayo magiging.

Alin ang mas malaking trahedya? Ang kay Nanay Linda o sa ating nagmamaanmaangang orihinal ang reprosyusabilidad ng biniling gitnang uring karanasan?

Kahirapan at Pelikula (Pasintabi Column)

Kahirapan at Pelikula

Isang matingkad na katangian ng pelikulang Filipino ang pagpaksa at pag-estetika sa kahirapan. Sa tinatawag na unang ginintuang panahon ng pelikulang Filipino sa 1950s, ang mga pelikulang Badjao at Anak-dalita ay tumalakay ng kahirapan sa hanay ng katutubo at maralitang tagalunsod. Sa ikalawang ginintuang panahon sa 1970s hanggang 1980s, ang mga pelikulang Maynila sa Kuko ng Liwanag, Manila After Dark, Himala, Kisapmata at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon ay ilang maningning na halimbawa ng kasiningan na humalaw sa karanasan ng politikal na kahirapan bilang paraan nang pakikipagtunggali sa diktadurya ng mga Marcos.

Sa kasalukuyang pagbunsod ng tinatawag na new indie digi cinema—new dahil bago muli ang isinasaad nito, independent dahil hindi big studio kahit pa malalaking negosyo ang pumopondo rito at dahil hindi komersyal at mainstream ang layon, digital dahil ito ang medium na gamit, hindi na celluloid—pinili rin ng mga tumingkad na pelikula na gamitin ang kahirapan. Gamit ito, hindi sa politikal na layon gaya ng naunang panahon sa pelikula, pero sa paglalahad ng postmoderno at multiple na karanasan ng pagkatao. Ang Batad ay tungkol sa batang lalakeng Igorot na nangarap magkasapatos sa turistang lugar ng Kordilyera. Ang Kadin ay tumalakay sa batang Ivatang naghahanap sa nawawalang kambing. Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ay tungkol sa teenager na baklang maralitang tagalunsod na may pamilyang lumpen.

Nawawala ang politikal na proyekto ng panlipunan at historikal na antas tungo sa politika ng pang-araw-araw na karanasan sa kahirapan. Tanggap na ang kahirapan, nilikha na bilang exotika na kahali-halina. Kaya ito rin ang dahilan kung bakit ang pelikula ng kahirapan ang siyang umiikot sa art film festival market para bigyan-representasyon kung ano ang pelikula/karanasan/lipunang Filipino, kung ano ang Pilipinas na ma-e-export para sa art house market.

Ang iniisip kong imahen ay ang opening scene sa Maximo Oliveros. Lumulutang ang isang orkidya sa imburnal ng syudad. Nawawala ang orkidya sa akma nitong lunan. Kakatwa ang ganitong eksena na sumisimbolo sa kabuuan ng pelikula at ng new indie digi cinema sa bansa: ang paghahanap ng humanismo sa gitna ng malawakan, malaliman at malakas na pwersa ng kahirapan. At ito ang isinisiwalat ng mga pelikula: ang posibilidad ng maging tao kahit sa sistematikong kahirapang nagsasaad na burahin ito.

Ito ang pumapalit sa politikal na proyektong naging pamana ng henerasyon nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Kidlat Tahimik at Nic deocampo, mga direktor na nagpakilala sa pelikulang (kahirapan) sa dayuhang publiko. Hindi umakma ang sumunod na henerasyon ng mga direktor. Ang pagtatangka ni Carlitos Siguion Reyna na i-adapt ang mga klasikal na nobela para sa kalagayang Filipino ay hindi lubos na nagtagumpay. Ang mga sumunod na mga pelikula ng kahenarasyon nina Brocka at iba pa ay hindi rin nakasapat na bigyan-definisyon ang post-Marcos na yugto ng pagsasabansa.

Ang pagtatangka ng mga kababaihang direktor na gumawa ng OCW (overseas contract worker) na pelikula, tulad ng Milan at Anak, ay mga pagtatangka pang palawakin ang market kaysa tumampok sa kritikal na panloob at panlabas na manonood. Ang huling pagtatangka, ang maging indie sa pelikula, ay mas naging matagumpay pa, at naging simulain ng kasalukuyang new indie digi cinema. Ang mga pelikulang Magnifico, Babae sa Breakwater, Pila-Balde, Tuhog at ang mga trabaho ni Lav Diaz, ang pinakaexperimental sa grupong ito, ang naghudyat ng panibagong tunguhin ng pelikulang Filipino at kahirapan—politikal at independent.

Inilalahad ang humanismo hindi parang bagong biling prolerang tutunghayan sa barong-barong kundi para ipakita ang kontradiksyon sa modernong buhay—nahihirapan maging tao dahil sa sistemikong kahirapan. Parang paano ka magiging mabuting tao kung sistematiko kang hindi itinuturing na tao? Ano ang mga bagong pagkataong dulot ng patuloy na paglaganap ng kahirapan?

May sagot ang Maximo Oliveros, at pangunahing naging tugon ng marami pang indie digi na pelikula: palutangin ang kagandahan, kahit pa ligaw ito. Ang tugon naman ng Tribu, ibuyanyag ang epistemiko at literal na karahasan. Walang pagpipigil ang pelikulang ito tungkol sa gangs sa Tundo, hanggang sa lamunin nila ang isa’t isa. Walang redempsyon. O tulad ng pelikula Endo (End of Contract), tungkol sa pag-ibig at pakikibakang mamuhay ng disente ng army ng subcontractual na manggagawa, ang katubusan ay sa indibidwal na antas lamang. Ngingiti ka sa sarili o sa kapwa, na kahit pa wala kang trabaho matapos ng ikalimang buwan, wala kang pag-ibig na tunay na makakapag-ugat, tila maganda pa rin ang mundo dahil may temporal kang trabaho at dahil nakaranas kang tunay na umibig.

Si Bienvenido Lumbera sa Edad ng Nokia N92, Trinoma, BPO at HSA (Paper, Pistang Panitik, 30 Agosto 07)

Si Bienvenido Lumbera sa Edad ng Nokia N92, Trinoma, BPO, at HSA

Ngayong kinailangan kong balik-aralin ang mga sanaysay ni Bien, nalungkot akong isipin na ang lahat pala ng aking itinatanong ay naitanong na ni Bien. Ano ang ugat ng tradisyon sa kasalukuyang panitikan, pelikula at kulturang popular? Nasagot na ito ni Bien, halimbawa, sa pagtunghay sa tulang-bayan sa fasinasyon ng deklarasyon ng pag-ibig sa Valentine greeting cards: “Tunay na sa ating panahon, lalo na sa mga taga-siyudad na ‘may mataas na piang-aralan,’ ang mga [tulang-bayan ay] malalabong larawan na lamang ng sinaunang lipunang agricultural. Ngunit ang damdaming pumipintig sa likod ng mga larawang iyan ay hingit na makatotohanan at matapat kaysa sa emosyong pilit na binibigyan-buhay ng mga Kupido, puso at bulaklak na kumbensyonal na palamuti ng mga Valentine card.” Mayroon pero nabahiran na ng kapitalismong imperatibo kaya nawala ang wagas na kaalaman-pamayanan ng naunang tradisyon.

Una si Bien sa paggiging multi-media at interdisiplinaryong kritiko. Siya ay kritiko ng panitikan, wika, edukasyon, pelikula at kulturang popular, mga erya ng sarili kong interes din. Una rin si Bien sa paggamit ng kulturang popular bilang historikal na artifact—pelikula bilang paraan ng pagdalumat sa Amerikanong kolonialismo, halimbawa, na hindi pa katanggap-tanggap ang ebidensya sa examinasyon ng pambansang kasaysayan. Higit sa lahat, una si Bien sa pagkilala sa mga hindi kinikilalang koneksyon sa kritisismong pampanitikan—ang ugnayan ng kasaysayan ng lipunan at pelikula, ang pangangailangang pagsubstansya ng panitikang rehiyonal sa pambansang panitikan, ang mismong kategorya ng pambansang panitikan, ang leksyon mula sa mga naunang manunulat, at ang pangako ng kabataang manunulat sa iba’t ibang henerasyon…. Inangkla ni Bien ang kalakhan ng kanyang pagsusuri sa nasyonalistiko o makabayang panuntunan. Nagsimula rin ito sa parang “Literature and Society” ni Salvador P. Lopez, ang preferensiya sa panlipunang laman kaysa sa sining para sa sining na panuntunan sa panitikan. Pero umigpaw si Bien. Makauring pagsusuri o class analysis ang malaking adbentaheng isiniwalat ni Bien sa kritisismo. Madalas niyang tinatanong, “Para kanino?” hindi bilang retorika, ampaw o thought balloon lang na wala namang tiyak na responsaryo kundi bilang diin sa mambabasa o publikong isinasaalang-alang sa produksyon ng anumang akda.

At dahil sa matalas na pag-uugnay ni Bien sa panitikan at uring pagsusuri, nagiging makabuluhan pa rin siya sa sumusunod na henerasyon ng mag-aaral, skolar at guro na sumususo sa kanyang kritisismo. Hindi, sa aking palagay, magiging irrelevant si Bien sa ilan pang henerasyon ng skolars. Ni hindi nga siya magiging historikal na dokumento ng naunang panahon at kritisismo, tulad ng kina Welleck at Warren, dahil pertinente pa rin ang mga tanong na una niyang pinalutang, at hindi pa lubos na nasasagutan dahil mas malaking resolusyon sa labas ng disiplinal na erya ng Panitikan—ang mismong kasaysayan at lipunan—ang kinakailangang matransforma. Ibig sabihin, tinanong ni Bien ang mahihirap na tanong, na tulad ng prinoblema ni Rizal sa kanyang mga nobela, ay hindi lubos na matutugunan sa pamamagitan ng pagkabaliw at pagkamatay ni Sisa, reimbensyon ng pagkatao ni Ibarra kay Simoun, ang pag-ampon at edukasyon ni Basilio, at ang pagtapon ng prayle sa kaban ng yaman sa karagatan. Pero hindi tulad ng itinapon na yaman, na inasa sa pagkahinog ng panlipunang kondisyong magsusuong sa kolektibong transformasyon ng susunod na henerasyon, si Bien ay tumataya sa mga estudyante, skolar at artista na kanyang minentor—sina Doreen Fernandez, Conrado de Quiros, Ricky Lee, Vim Nadera, at iba pa--para interhenerasyonal at intersubhetibong resolbahin ang atas pangkasaysayan. Malalaki ang mga tanong, tila hindi matitinag ang imperialismo, halimbawa, pero kailangang katunggaliin hindi lang para masabing hindi lahat ay nangatulog sa mga gabi ng tahimik at marahas na panunupil, kundi tunay na ginamit ang pluma sa paglaban sa estado poder ng politikal na kapangyarihan. At mabibilang ang mga kritikong tumaya ng sariling pagkatao at buhay para sa progresibong paniniwala.

Hinawi ng skolarsyip at pagiging intelektwal ni Bien ang mahahalagang angas na dapat sana ay kinaharap ko rin. Heto ang isang mahalagang anekdota ni Bien:

After a year at Indiana University, driven by a perception that contemporary Tagalog poetry was not at par with the poetry that had been turned out in Europe early in the twentieth century, I began writing what I presumptuously thought would be “modern” Tagalog poetry. In my final year on campus, I got approval for a dissertation topic which would take me on an exploration of the history and aesthetics of English writing by Indian fictionists. It was 1960, and a young writer, Rony V. Diaz, had just arrived in Bloomington from the Philippines where a resurgent nationalism was directing the minds of the young to things Philippine. He asked me when he found out what I was goint to write on. “Why not write on a Philippine topic?” I was flabbergasted. I had not until then thought it important to relate my intellectual work to the culture of my native land.

Nang magtungo rin ako sa Amerika para sa aking graduate studies, ni hindi na sa akin sumagi na kailangan kong magsulat ng paksa tungkol sa Pilipinas. Naging guro ko si Bien sa M.A. at nabasa rin ang kanyang mga sinulat, marami na ito noon pa man. Hindi na ako dumaan sa angas na pagtingin na mababang uri ng kalidad ang anumang paksaing Pilipinas. Tinunghayan ko ang kaso ng Pilipinas bilang exemplaryo ng diskursong global, kung paano ang ating karanasan, problematisasyon at rekurso ay makakapagbigay-alam at karunungan sa inaakalang world standard sa pagsusuring kultural. Lumaktaw ako sa banging maraming kinahulugan ng mga nauna at sumunod sa akin. Wala kasi silang Bien na gumabay sa kanila, o nagbigay man lamang ng safety net.

Pinarangalan si Bien noong 1993 ng Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communication Arts “for asserting the central place of the vernacular tradition in framing a national identity for modern Filipinos.” Kakatwa na matapos ng halos isang daan taon ng opisyal na kalayaan ay wala pa rin tayong idioma ng pambansang identidad maliban sa opisyal na artikulasyon ng estado. Pinaparangalan si Lumbera dahil mayroon siyang tila bagong sinasabi—ang substansasyon ng etnisidad at ethno-lingwistikang kaibahan para sa pagsasabansa. Ano kung gayon ang sinasabi ng pagpaparangal kay Lumbera sa pwersa ng negosyo na buwagin ang etho-lingwistikang kaibahan sa pamamagitan ng standardisasyon ng punto at dilang pabigkas sa call centers at ang alat-tamis-asim ng ketsap sa French fries sa fastfoods? O ang paraan na pagkamangmang na mamamayan ng pamahalaan na pulbusin ang mga inakusahang rebelde at terorista sa Basilan at Sulo, matapos ay gawing mabilisan ang kumbersyon sa turismo at konsumerismo, magtayo ng resorts at malls kung gayon?

Nilulusaw ng estado ang vernakular at iba pang marka ng pagkakaiba para umugma sa opisyal na dikta ng pagkamamamayan—nakakapag-ingles na kosmopolitanismo; tradisyong pangmuseo; urbanidad ng billboards, sex work at sex video na naipalaganap sa cellphone; at di lamang pagsawalang-kibo kundi pagsang-ayon sa pasismo. Kaya mahalaga pa rin ang asersyon ni Bien: iginigiit dahil literal at epistemikong nilulusaw. Kung gayon, makabuluhan pa rin ang mga akda ni Bien hindi sa antas ng paghahawan ng landas (pioneering) ng kanyang mga pagsusuri sa multidisiplinal na larangan ng panitikan, teatro, wika at edukasyon, pelikula at kulturang popular ng bansa, kundi dahil hindi pa tapos ang laban sa mapang-uring (class) usapin sa likod ng mga disiplina na ito at sa pagsasabansa ng mga ito. Kung tapos na ang laban, sana ay papuri sa Diyos na testimonial na lamang ang ating maririnig na talumpati ngayong hapon. Pero hindi, dahil wala pang kolektibo at pambansang resolusyong nabubuo sa tunggaliang pang-uri sa bansa.

Tinanong na ni Bien ang mahahalagang usapin sa ating panahon. Ang ilan sa mga ito, at may partikular na halaga sa akin bilang skolar ay: Bakit astang mayaman si Juan Maralita? (Ito rin ang aking prinoproblematisa sa usapin ng kulturang popular at ang produksyon ng gitnang uring pakiwari sa hanay ng di naman gitnang uring nakararami. Gaya ni Bien, sinisipat ko naman ang informal na edukasyon ng kulturang popular na nagsisiwalat ng nakakaangat na pakiwari kahit pa mababa naman ang antas ng pagkasadlak sa lipunan.) Ano ang papel ng akademiko sa lipunang nagbabago? (Kung alam natin ang sagot, di sana ay sulat na lang tayo nang sulat. At dahil naitanong ito ni Bien, parati na itong espada sa ating ulunan kada nagsusulat tayo. “Para kanino?” na kailangan nating paratihang tinatanong sa bawat tipak sa ating computer.) Ano ang pamana ni Mao Zedong sa mga manlilikha? (Kung isinasaalang-alang ang “para kanino?” ang sunod na pagdaloy ang “pagsulat para sa masa” na pag-abante pang lalo sa usaping panlipunang laman unang inilahad ni S. P. Lopez, at bilang pag-abante sa isang rebolusyong kultural sa anumang kasalukuyan.) Ano ang rugged terrain ng vernakular na panitikan? (Sa akin ay kung paano integral ang karanasang vernakular sa pribilehiyadong status ng pambansa. At kung magpakagayon, ang inklusyon ng pagkakaiba hindi bilang anyo ng diversity kundi ng kolektibong kaibahang siya namang dapat pagsubstansyahin ng karanasang pambansa.) Ano ang pelikulang Filipino sa manonood nito? (Kung sa panitikan ay tinutungo pa lamang ang ideal ng pambansang panitikan, sa pelikula ay tila malinaw na itong usapin kay Bien: ang pambansang cinema bilang sinisiwalat ng artistang intelektwal at tinatangkilik at muling dinidiskurso ng mga manonood nito. At kung gayon, dayalektikal na paghulma ng anumang pagsasabansa sa laylayan ng estadong kapangyarihan.) Ano ang ideolohiyang nakatago pero dapat ilantad sa mainstream mass media, tulad ng Time magazin at palabas pantelebisyon na John en Marsha? (Sa Time, bilang instrumento ng kulturang imperialismo; sa lokal na media, bilang hugutan ng produktibo at kontra-produktibong pagpapahalaga. Ito rin ang aking agenda sa pag-aaral ng kulturang popular, tulad ng malls, droga, video games, skin whiteners, at iba pa—paano kritikal na babasahin ang mga akda bilang kritikal na pagdalumat sa kolektibong pagkatao at kontraryong pagkamamamayan.)

Ngayong matanda-tanda na ako, at mistulang pagod na sa tila walang katapusang pagsulat ng mga akda at pag-aaral dahil tila ito naman ang bansang di lamang di maubos-ubusan ng panlipunang suliranin, bagkus ay paratihan pang nanganganak ng mga perversyong variedad, parati, hindi ko man basahin nang paulit-ulit, ay sumilong sa lilim ng nauna at kasalukuyang skolarsyip ni Bien, magpahinga at kumuha muli ng lakas, para muli’t muling gawin ang nararapat sa isang bansang walang realisasyon ng mga dapat para sa mamamayan, sa estadong pinagkakamali ang pagpapatupad ng dapat bilang ehersisyo ng pagpapakitid ng indibidwal at kolektibong karapatan mabuhay ng may dangal. Sa lilim ni Bien at ng kanyang ideal na ideal ng bayan, sa pagtamlay ay panunumbalik sa pagsulat at pakikibaka para sa sambayanan.

Wednesday, August 08, 2007

Sentenyal ng Misedukasyon Conference, 2001





Ang winalang pagkabata sa kulturang pambata (Pasintabi column)

Ang winalang pagkabata sa kulturang pambata

Sila ang hinihikayat mag-Jollibee na o MacDonald’s bago pa man sila makapagbasa. Kaya bawat komersyal ng anumang produktong gustong may panghabambuhay na koneksyon at aktwal na pagtangkilik, mayroong bata. Na sa pagtanda ng mga bata, may hinahanap sila sa bawat akto ng pagtangkilik, ang kanilang isinaloob na pagkabata (inner childhood).

Mas sumasarap ang French fries dahil naalaala nila ang ilang beses silang hinayaang magtatakbo sa fastfood outlet, mag-playground sa loob nito, kasama ang nanay, lola o katulong. Ang saya-saya lang! Flashforward sa anxiedad ng kasalukuyang panahon—mas malalaking problema na ang kinahaharap: kailangan nang tumigil sa pag-aaral, maghanapbuhay, pumasok sa kontraktwal na gawain, at magkapamilya. Ano ang tsansang magtagumpay ang ordinaryong mamamayan?

Winala ng estado ang pagkabata. Mayroong 5 hanggang 5.7 milyong bata ang nagtratrabaho na. 2.7 milyong bata ay nagtratrabaho sa peligrosong gawain. Lampas sa kalahati ay nagkakasakit o napipinsala dahil sa di-ligtas na kondisyon ng paggawa. Sitenta porysento ng mamamayan ay namumuhay sa kondisyon ng paghihikahos. May 7.4 milyong bata sa edad pababa ng sampu ang may malnutrisyon. Tinatanyang 50,000 bata ang namumuhay sa kalsada sa Manila, at lampas ng 246,000 sa buong bansa. Mga 36,000 na bata ang nawawalan ng tirahan at nahihinto sa pag-aaral dahil sa giyera sa Mindanao. Makakasama rito ang napipintong pag-atake ng militar sa Basilan, bilang paghiganti sa mga sundalong napaslang. Wala itong pagsasaalang-alang sa libo-libong batang di na makakapasok.

Kung ganito ang dinadanas ng mga sanggol, paslit, musmos at bata, kay bilis nilang pinapatanda ng estado. Kanya-kanyang pagkakaugapay ang kanilang mga magulang, kung di man sila mismo kung paano mabubuhay, saan titira, saan kukuha ng pambili ng bigas o mamumulot ng makakain, pati sa basura. Ang bata sa media ay malulusog, at kung magkakasakit man, may mga magulang na walang problemang bumili ng gamot. Ang bata sa media ay maliliksi, matatalino at may inisyatiba, lalo na kapag ibinili ng supplements, Promil, at kung ano pang produkto.

Totoo naman ang bata sa lansangan ay tumatawa rin. Musmos pa ring naglalaro sa putikan at dumi. Hindi nila pinili ang ganito. Ipinanganak lang sila, tulad ng kanilang gitnang uring katapat. Ang pagkakaiba lang, isinumpa na ang naghihikahos na bata sa mas mahaba pang yugto ng paghihikahos. Winala at winaldas na ang kanilang pagkabata, bago pa man silan isilang dahil ang kanilang mga magulang, tulad ng kanilang magulang, ay isinilang na mahirap.

Ang bata, samakatuwid, ay inilalagay sa kwento ng pagsagip ng mismong pamahalaan at negosyong umaapi sa kanila at kanilang mga magulang. Ang Bantay Bata ay nandiyan para mag-ulat ang kapitbahay at kasambahay sa mapang-abusong kasapi ng pamayanan. Isuplong para iligtas. Pati ang siste sa buong edukasyon, kalusugan, tirahan at pag-unlad ng indibidwal ay nakabatay sa pamimilantropo. Sa negosyo, ito ang peryodikong pagtulong sa gawaing pamayanan, kasama ang paggawa ng bahay o pagtatanim ng puna. Tax deductible naman. Sa estado, ito ang pagtalikod sa mismong gawaing pampubliko para lalo pang mapaigting ang sistemang pamamatronahe ng mamamayan sa politiko.

Idudulog na lamang sa mas may kapangyarihan o kapital kapag hindi kaya ng sariling diskarte. Kung magpakaganito, ipinaubaya na naman ng mamamayan ang isang mahalagang bahagi ng kanyang pagkatao—ang kanyang dangal bilang tao—sa kamay ng estado. Pinapakapit sa patalim, pinapasayaw ng hubad, nakakapagnakaw at nakakapinsala ng kapwa dahil sa kawalan ng pagpipilian sa buhay. Sa ngalan ng mga anak, asawa at pamilyang naghihikahos, handa ang magulang na gawin ang lahat, mairaos lang ang pamilya. Sa ganito historikal na pagkakataon nawawala ang pagkabata.

Ang magulang ay hindi piniling paghirapin ang kanyang anak. Ang bata ay walang kapangyarihang mabuhay nang sarili niya. Ang sistema ang magliligtas sa kanila, kung magiging marangal na naghihikahos sila. Ihanda ang sarili sa katubusan ng sistema. O organisahin ang mga magulang nila?

CONTEND Filmshowing Introduction

Orapronobis Introduction
18 July 2007

Ang CONTEND-UP o Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy ay bumabati sa inyo ng isang mapagpalayang hapon. Ang CONTEND-UP ay organisasyon ng progresibong guro sa UP, at ang pelikulang matutunghayan ngayon ay bahagi ng serye ng pagpapalabas ng klasikal at makabuluhang mga pelikula. Sa nakaraan ay ipinalabas na naming ang “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon,” “Aguila,” “Manila After Dark,” “Bayan Ko Kapit sa Patalim,” at ang dokumentaryo nina Malcolm at Botti, pati na ang ni Carlitos Siguion Reyna.

Inanyayahan kayong manood ngayon ng “Orapronobis,” ang pelikula ng National Artist for Film na si Lino Brocka, para tunghayan ang historikal na realidad ng paglapastangan ng human rights sa panahon ng post-Edsa ni Cory Aquino, at aalingawngaw sa kasalukuyang panahon ni Gloria Macapagal Arroyo sa kulang na 900 politikal na pinaslang at 200 na sapilitang dinampot o enforced abduction. Ang pelikula ay testamento sa sabayang pagkilala kay Brocka ng internasyonal na komunidad, lalo na ng Cannes Film Festival na nagpondo nito, at ng patuloy na pagiging makabuluhan ng nilalaman nito maging sa kasalukuyang panahon, lalo na sa edad ng Anti-Terrorism Law na nagtitiyak ng pagsupil sa sinumang pinaghihinalaan at aktwal na kalaban ni Arroyo.

Para sa mga estudyante ng pelikula at mass communication, ang pelikula ay nagpapatingkad ng papel ng media sa pagpapalaganap ng alternatibong kasaysayan ng bansa, mula sa laylayan. Para sa mga estudyante ng panitikan at humanidades, ang relasyon ng pelikula bilang akdang historikal ng problema sa pagsasabansa. Para sa estudyante ng Rizal at Community Development, ang bansang isinaalang-alang ni Rizal matapos ng isang daang taon, ganito pa rin ba tayo? Para sa estudyante ng kasaysayan at araling syensya, ang papel ng military, paramilitary, simbahan at pamahalaan sa pagtataguyod ng kultura at kalakarang pasista sa bansa, at ang alternatibo sa karahasan ng estado. Para sa iba pang estudyante, bahala na kayo sa pagsusuri ng isang mapanuring pelikula.

Sa Lunes ang ikapitong SONA o state of the nation address ni Arroyo. Magrehistro tayo ng ating pagtutol sa pinakasistematikong pandarambong sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa, na nakapagtalaga ng pinakamataas na drop-out rate sa kasaysayan ng nanunungkulang pangulo, 3.41 milyong kabataan ang nalaglag sa pag-aaral noong 2006, 82% ang itinaas mula ng manungkulan si Arroyo noong 2001. Pinakamababa rin, sa tunay na halaga, ang budget sa edukasyon sa administrasyon ni Arroyo. Pinakamalawakan rin ang pribatisasyon at marketisasyon ng edukasyon sa kanyang panunungkulan, at dito sa UP ang katumbas nito ay ang 300% pagtaas ng tuition fee ngayong taon, at ang sandamakmak na call centers na itatayo sa Commonwealth side ng campus.

Kung tunay na pinapakipot ni Arroyo ang akses sa edukasyon na sana’y mabibigay ng panlipunang mobilidad kahit sa pinakamahirap na kabataang mamamayan, wala nang aasahan sa kanyang administrasyon. Tulad ng isinasaad ng pelikula, hindi tayo maaring maging saksi na lamang sa karahasan ng panahon, kailangang makibaka at lumaban.

Muli, mapagpalayang hapon sa ating lahat.

Friday, August 03, 2007

Coffee for Edel's Birthday (photo c/o Sarah)

Panelist Response, Cinemalaya Film Congress

Cinemalaya Film Congress
Theme: Harnessing Technology for Artistic Expression
Panel 2: Assessing Tulad ng Dati, Batad and Rotonda
24 July 2007

Bago pa man maaring sipatin ang lokal na digital na pelikula, kailangan, sa aking palagay, ilagay ito sa mas malaking teknolohikal na kontexto. Ang digital cinema o D-cinema ay sinasabing ikatlong pinakamahalagang tampok na pag-unlad sa pelikula, simula nang maimbento ang celluloid, at dumating ang sound. Ito ay penomenong nagsimula noong 1980s, at nang 1999, ang Star Wars: Episode I, The Phantom Menace ang sinasabing unang pelikula ipinalabas gamit ang digital technology. Ang D-cinema ang all-encompassing na kalakaran sa digital filmmaking—sa ibang mas maunlad na bansa, ito ay tumutukoy sa production (digital capture), post-production (editing, audio recording at digitizing o mastering ng buong pelikula), distribution (pagbeam, sa pamamagitan ng digital technology, ng pelikula sa mga digital movie house, o physical media delivery, network delivery, satellite delivery o digital cinema distributors) at exhibition (digital projection). Sa pamamagitan ng digital na technology, ang mga pelikula ay maaring mapanood at mapalaganap sa computer. Kasama rin sa digital cinema ang digital film restoration o pagbabalik sa orihinal na hitsura at tunog, at pagdigitized ng naunang mga pelikulang naturally prone sa deterioration.

Tunay na napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya ng digital. Magastos din ang kabuuang teknolohiya. Nasaan na tayo? Sa isang banda, nasa laylayan pa rin ang bansa dahil nakatuon pa rin ang D-cinema nito sa content-provider phase. Hindi pa malawakan ang distribusyon at exhibisyon sa malawakan na digital na teknolohiya. Sa kabilang banda, sa pagboom ng aktwal na digital filmmaking, ito na ang may kapantay na status na dominant Philippine cinema. Kung titignan ang bilang ng produksyon nito, maging ang mga pelikulang tampok sa award-giving bodies, ang digital films ang namamayagpag. Kung gayon sa mahalagang usapin ng commercial viability at exhibition (na kailangan pang i-blow up sa 35 mm film) ang lumalabas na kahinaan ng digital film sa bansa.

Paano makakalikha ng artistikong mga pelikula kung ang budget lamang ay kalahating milyong grant mula sa Cinemalaya, at kung limitado pa rin ang pagpapalabasan nito kundi sa CCP, Cine Adarna ng UP at ng isang sinehan sa Robinson’s? Dito kailangang linawin kung ang tunguhin ba ng D-cinema sa bansa ay para sa pagiging national dominant nito, at kung gayon ay kakailanganin ng major shifting ng teknolohiya sa distribution at exhibition, at kahit pa magpakaganito ay hindi pa rin makakapantay sa content ng Hollywood cinema; o para sa D-cinema ba sa Philippine national cinema, ibig sabihin, at ito rin naman ang kinakaya sa ngayon, ang paglikha ng mga akdang pelikula na magbibigay-representasyon sa sinasapantahang pagka-Filipino—mga kwentong hindi kakayaning sambitin ng mainstream cinema na bagamat mahina sa bilang ng produksyon ay namamayagpag naman sa puso ng masang manonood.

Kaya may pagka-mala-mala o hilo ang D-cinema ng bansa, hindi pa lubos na malinaw sa sarili nito ang nais nitong tunguhin. Kung mainstreaming, kailangang mapalaganap ang teknolohiya ng distribution at exhibition, on top ng pag-compete sa Hollywood films. Kung nationalization, kailangang pag-aralan ang mga kwentong pinaghuhugutan ng ethos at substansya ng pagkabansa. Yung una ay entertainment terrain talaga, at itong ikalawa ay interrogative ang purpose. Kung ang papel ng D-cinema ay elaborasyon ng mas malalaking tema at partikular na idioma ng pagkabansa, nakabatay ang pagsisiyasat sa artistry o estetika sa medium specificity ng digital film.

Ang digital film ay hindi celluloid. Hindi ang layunin sa digital film ay gawing film, kundi i-harness ang productive potentials ng limitadong akses sa digital technology. Ang mainstream D-cinema ay nangangarap palitan ang celluloid sa diin nitong makatagpo ng teknolohiyang kasing linaw at lutong ng celluloid. Ang quite specific sa medium ng digital ay ang transformasyon ng imahen sa digital para sa iba pang aspekto ng D-cinema. Ibig sabihin, mas napapadali ng imahen ng digital ang production, post-production, distribution at exhibition ng pelikula. Mas mabilis, mas timely, mas relevant, mas purposive samakatuwid ang digital film, o ng inaasahan dito,

Para itong naunang debate sa pelikula hinggil sa dominant control ng Hollywood cinema sa iba pang panig ng mundo noong 1950s. Kaya naghanap ng alternatibong pamamaraan ng produksyon at distribusyon ng pelikulang direktang tumutuligsa sa Hollywood. Kontra-Hollywood ang mga modernistang pelikula at movements. Ano ang kinokontra o tinutuligsa ng kasalukuyang digital films? Sa Italian neorealism, ang pagkuha ng non-actors, aktwal na setting sa kalsada, long take at ang pagpapatuloy lamang ng buhay bilang pagtatapos sa pelikula. Sa French New Wave, ang jittery camera movements, paggamit din ng natural lighting, mga eksenang parang walang nangyayari at walang mabilis na pinatutunguhan. Sa Japanese New Wave, ang paggamit ng off-screen space, ang mas direktang explorasyon ng sexualidad at artistry. Sa Third World cinema, isang cinema direct na nambubuyanyang sa di-makatarungang realidad. At sa mas recent na New Thai cinema, ang paggamit ng modernistang angst para isaproseso ang hindi maprosesong postmodernong kontemporaryong buhay.

Kung gayon, ang digital film ay dumadaloy din sa modernistang interogasyon ng pelikula. May ibang mundo itong gustong tanawin, at kailangang malinaw sa digital filmmakers natin kung ano ito. Marami sa mga stilong ginagamit sa ating digital films ay halaw sa mga modernistang kilusan sa pelikula, maaring direktang ugnay sa mga pelikula ng iba’t ibang henerasyon nito sa iba’t ibang bansa, o sa paghalaw na rin ng dominant at independent Hollywood cinema sa mga ito, maging ng MTV. Ang pananaw na makabago hinggil sa pagbabago, gamit ang teknolohiya ng digital film, ang siyang magbubunsod ng pagiging malikhain.

Hindi naman neutral term ang artistry, ito ay socially constructed. Maging ang paggamit sa digital technology ay socially poised din, kung ano ang available sa atin, na kalimitin siempre ay hindi pa lubos na pagsabay kung ano ang global standard. Ang example nito ay ang klase ng rekognisyon sa international film festivals sa Filipino digital indie film—poverty themed pa rin, tulad ng legacy nina Brocka at Bernal. Ang pagiging belated sa teknolohiya ay nagsisilbing impetus para paigtingin ang kakulangan sa teknolohiya sa pangkalahatang kasalatan sa bansa. Aesthetics of poverty pa rin sa teknolohiyang may pagka-poverty stricken ang kasalukuyang emplacement ng digital film.

Kung ang digital film ay hindi naman talaga indie mode kaagad, ang operative sa pagsala ng gamit sa teknolohiya ay ang estetika—para saan ito ginagamit? Ano-anong artistic choices ang nakabatay sa teknolohiya at historikal na realidad? Isinasaalang-alang, samakatuwid, ng estetika at teknolohiya sa elaborasyon ng “Filipino” “indie” “digital film.” Sa ganitong panuntunan ko tinitignan ang evalwasyon ng mga pelikulang nakatoka sa panel ngayong hapon.

Ano ang pagka-Filipino, ano ang indie spirit na isinasaad, sa paggamit ng digital film? Ano ang naratibong tinatahi ng mga pelikula? Sa pelikulang Batad, ginamit ang digital technology para i-fastpace ang pang-araw-araw na buhay ng mamamayan dito, kasama ng bidang batang lalakeng naghahangad magkasapatos. May dissolve shots imbes na long shot para pabilisin ang buhay sa turistang lugar, Gayundin, sa kwento ng pag-angkat ng mga bulol at sagradong mga bagay ng gurong ibinebenta ang mga ito sa Baguio. Tila may indie initiative sa ganitong kwento kahit umaalingawngaw ang isang Iranian film na halaw rin sa saga ng paghahanap ng sapatos ng isang musmos. Pero hindi tulad sa Iranian film na malinaw ang class context, sa Batad ay tila hindi nilinaw ang tunggalian ng class at ethnicity, kahit pa ethnic motif naman ang buong pelikula.

Sa Rotonda ay gayon din, ang saga ng laos na journalist sa tila underworld sa Manila ay maaring maganap sa iba pang lugar sa metropolis. Pinakamapangahas ang gamit sa digital technology—pagweave ng documentary footage, self-contained na mundo sa mga bahay at baranggay, at sa interior shots, ang kalinawan ng shots, kahit pa sa gabi—pero parang pwedeng maganap ang karahasan sa kahit saang rotonda at crossing. Kung ganito, ano ang inisyatibang Filipino na isinasaad kung ang mekanismo ng paglalahad ng problema at resolusyon nito ay adaptable naman sa kahit anong bahagi ng mga lugar ng katutubong nakayapak o sex work trade sa Manila? Hindi nalilinaw ng mga pelikula kung bakit inilulugar ang mga ito sa ganitong lugar at hindi sa iba?

Ang artist ang isang figurang tumatampok sa indie digital film. Ang saga ng artist ay kahalintulad ng saga ng indie film maker—may love object na hindi makakamit sa kasalukuyan, nabubuhay sa ideal ng nakaraan. Kadalasan ay talunan ang artist, pero sa Tulad ng Dati, napangibabawan ng artist ang kanyang sariling middle-class artist angst. Teatrikong gumamit ng simbolikong mundo ang pelikula para resolbahin ng tauhang artist ang kanyang nakaraan. Pati ang literal na mundo ay kinakausap niya, nag-o-one for the road sa puntod ng kaibigang napatay. Mula tabularasa, muli niyang isinulat ang nakaaan, at mula sa rekonstitusyon nito, nakapag-move on na siya. Maganda ang premis ng pelikula at malinaw na Filipino ang audience nito na makakagusto sa extended concert scenes. Pero nagtangka ang digital film na maging pelikula, walang matwid na inobasyon sa teknolohiya ng digital film. Kaya nagmukhang maliit na pelikula.

Kung sisipatin ang mga digital film na nagtagumpay (Maximo Olivares, Kubrador, Foster Child, halimbawa), ito ay ang masinop na representasyon ng lugar sa mundo, ang pananaig ng pagkatao sa di makataong lipunan, ang inobatibong gamit ng digital na teknolohiya sa paggawa ng pelikula, ang preferensiya sa long take at open-ended na resolusyon na ang buhay ang magpapatuloy. At ito ang maganda ring epiphany sa indie digital film, hindi kayang masinop na resolbahin ng naratibo ang bigat ng kapaligiran at kung gayon, na magpapatuloy lamang ang buhay pero hindi lubos na tulad ng dati.