Saturday, January 13, 2007

Berdeng Passport (Dagli sa Krisis column)

Madalas ko na ring nagamit ang aking pasport. Mula sa kulay lupang kayumanggi, bigla na lang itong naging luntian. Kulay ng pag-asa at kalikasan, di ba?

Pero walang bisa ang agimat ng berdeng pasport. Tila pa nga magnet ito nang mas mahabang interogasyon mula sa mga immigration officer. Minsan pumasok ako ng San Francisco, para akong nagte-thesis defense. Tinanong kung ano ang itinuturo ko. At nang sagutin kong “Philippine Studies” ay ipinapaliwanag ito nang hindi naman nakikinig sa akin.

Mabilis ang pagpihit ng mga pahina ng aking pasport. Mukha pa naman Filipino itong immigration officer. Mas galing ka sa mas mahirap na bansa, mas suspetsado ka bilang magt-TNT (tago nang tago) kung sa Amerika, O (bilog) kung sa Japan, terorista, katulong o entertainer.

Mabuhay ang latak ng mundo! Ang mga Filipino na naninilbihan sa poder ng mayayamang bansa, integral sa pagsulong ng kapital, ay tinitiris naman sa bawat pagkakataon. At sa pagkakataong ito, parang pinagsasayaw sa bubog bago tatakan ng selyo ng opisyal.

Pinagdusa na nga tayo sa pagpila at pangangatog sa mga embahada ng bansang ating papasukan, pagdating pa sa mga bansang ito, lalo pang pinalalakas ang kabog sa ating puso. Bigla tayong maprapraning. Baka pabalikin ako, baka kulang ang aking papel, baka nagkamali lang sa embassy… Puro baka.

Sa maraming mauunlad na bansa, hindi na kailangan ng visa para magbiyahe. Hindi ba kay ginhawa nito? Bibili ka lang ng tiket sa eroplano para sa bansang gusto mong puntahan at parang magic, fly ka na doon.

Walang paglalakad ng paluhod sa simbahan para dumulog sa mga santo’t Nazareno na paboran ng consul ang kapalaran ng aplikasyon. Walang pamamawis nang butil-butil. Pero mayroon pa ring pistang padespedida o jeep-jeep na kamag-anak na maghahatid sa airport.

Kaya pinangarap ko ring maging Hapon, Canadian o Singaporean, mga mamamayan na hindi na nga kailangang sandamakmak na gintong halagang sticker na visa ang nakadikit sa pasport. Unang pahina pa lamang, kasama ng larawan, matunghayan pa lamang ang nasyonalidad, keri na. Mabuhay, welcome to the Bahamas, Brazil, United States, United Kingdom!

Pero kung Filipino ka, kahit sampung milyon na ang nasa labas ng bansa bilang OCWs (overseas contract worker), walang paggalang sa berdeng pasport. Kaya naiinsulto ang tunay na mayayamang Filipino dahil nakakaangat man sila sa sarili nilang bansa, sa labas naman, bigla silang nagiging katumbas lamang ng iba pang mayroon ganitong nasyonalidad.

Sa Detroit naman, napagkamalan akong seaman. Magluluto raw ba ako sa bapor? Sa Osaka naman, nang makita nilang profesor ako sa isang unibersidad doon, bigla akong nakadama ng paggalang. Napabilis ang proseso ng aking pagbabalik sa trabaho.

Maliit na booklet ang berdeng pasport pero nakataga sa bato ang maraming bagay. Nakasulat dito kung ano ang pasport number na paulit-ulit na tinatatong at pinapasulat sa mga dokumento, kasama ng petsa ng pagkaisyu at expirasyon ng pasport. Nandoon ang litratong pilit man ngumiti ay medyo hirap pa rin ilusot ang agam-agam ng realidad ng pangingibang-bayan.

Ang litrato ay mayroon sariling kodifikasyon. Mula sa size nito, hanggang kung anong bahagi ng mukha ang dapat ipakita at itago, kung ano ang dapat isuot ng babae at lalake ay malinaw na nakasaad sa guidelines bago pa man mag-apply ng pasport at visa.

Mayroon ngang ipapalabas na sine dito, “La Visa Loca” ni Robin Padilla. Batay sa trailer, tungkol ito sa perenyal na aplikasyon at denial ng US visa ng isang taong tampok na pinangarap na makapunta sa bansa ng gatas, orange juice, tsokolate at hamburger. Ang nakakatawa sa trailer ay isang tila fantasy scene.

Binaligtad naman ang sitwasyon. Si Robin ang naging masungit na consul at bago pa man makapagsalita ang ninenerbyos na putting aplikante, ay kaagad itinatak ang denied na marka. Power-tripping lang siguro itong pantatak. Para kang mayroong magic wand kung ikaw si Tinkerbell, bato kay Narda, nunal sa tabi ng ilong kay Ate Guy, gavel kung ikaw ang judge.

Maari mong gawing maligaya at maaliwalas ang buhay ng aplikante. Maari mo ring kitlin ang lahat ng kanyang pangarap. Pero tulad ng kawayang hindi maputol-putol, magpapatuloy pa rin ang buhay ng abang aplikante—doon man o dito.

Kaya apply lang nang apply. Mahal man ang visa application, at para na lang lotto at sweepstakes ang paniniwala ng tao, e kung mabunot ang iyong numero at mabigyan ka nitong ginintuang biyaya? Sulit na rin. Sulit ang mga kalyo sa tuhod, mga isinanlang kalabaw at sakahan, mga panobena at pagdulog sa Birhen.

Para itong diploma. Gagawin ang lahat ng sakripisyo, makamit lamang itong mahalagang papel na inaakalang pasport sa mas mabuting buhay. Ito na ang huling pasport—mismong ang pagkakamit ng pasport ang pasport sa mabuting buhay. Wala na sa sariling bansa ang kaginhawaan, nasa ibang bansa na.

Kaya ang pasport ay indikasyon kung bakit tayo naroon at wala rito, kung bakit pag-alis at pagdating pa lamang ay masaklap na karanasan ng mas kababaang uri. Kay lungkot ng buhay pero ito ang buhay natin. At ang kalungkutang ganito, pagpasok pa lamang sa ibang bansa, ang naghuhudyat ng posibilidad na maari rin sumaya sa paraang sakripisyo.

Malungkot tayo sa ibang bansa para maging maligaya ang mga mahal sa loob ng Pilipinas.

Wednesday, January 03, 2007

Kultural na Bilang, Contend Xmas Party 06

Kultural na Pagtatanghal, Contend Christmas Party

Afterword: Akademya at Pagpaslang (mula sa Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings)

Sa digital film na Ang Daan Patungong Kalimugtong (Mes de Guzman, direktor, 2005), tahimik na ipinakita ang pang-araw-araw na buhay ng dalawang magkapatid, mula bahay tungo sa malayong eskuwelahan. Kape lang ang almusalan; bitbit ang iisang pares ng unipormeng araw-araw ay nilalabhan at ibinibilad para magpalit-bihis kapag malapit na sa eskuwelahan; tunay na malayo, matarik, maputik ang daan patungong Kalimugtong, ang sityo ng eskuwelahan. Sa loob ng eskuwelahan, ang mabait na batang guro ay hindi regular dahil walang item, at dahil na rin tatlong beses na itong bumabagsak sa board exams. Siyang nagtuturo ay kulang sa kakayahang magturo, kaya sa huli ay napilitan na lamang mag-abroad. Ang paratihang ulam sa bahay ay mula sa sayoteng talbos at bungang nakatanim sa bakuran. Iniiwan ang dalawang bata ng kanilang nakakantandang mga kapatid para magtrabaho sa palengke at minahan. Sa murang edad, sila ang nag-aalaga sa kanilang sarili, sa maysakit na lolo, at sa baboy at manok. Sa mahabang panahon ng pagkawala at pagbabalik ng nakakantandang magkapatid, inaabangan din ng mga nakakabata ang pasalubong na chips, damit, ketsap, bagoong, at iba pang galing sa lugar ng komersyo.

Mabagal ang daloy ng kuwento ng pelikula, isang kuwento tungkol sa labis na kasalatan at kawalan sa mundo. Maliit ang mundong iniinugan ng mga tauhan, gaya ng paulit-ulit na inaawit ng paslit na lalaki. Maganda ang hamog at bundok, malamig at sariwa ang hangin, at peryodikong may naririnig na putukan sa karatig-lugar, gayunpaman, puno ng kasalatan. Ang kasalatang ito ay tinutunghayan bilang normal na buhay. Salat sa trabaho, sahod, tirahan, may kakayahang guro, gamit sa pag-aaral, pagkain, malinis na tubig, kabuhayan, at kalidad ng buhay. Ang pangunahing nagbibigay ng ritmo ng buhay ay ang pagpasok sa eskuwelahan ng dalawang musmos.

Kung itong institusyon naglalayong magbigay ng magandang kinabukasan sa maraming nagpursiging mag-aral ay isang fixture na lamang ng pang-araw-araw na buhay, ano pa ang papel ng edukasyon sa kasalukuyang predikamento ng labis na kasalatan sa malaking bilang ng mamamayan? Saan hahantong ang mga batang ito kung ang mundong kanilang iniinugan ay tunay ngang maliit at minamaliit, tulad ng pag-away ng batang babae sa kaklase dahil sa pagtuksong mabaho ito dahil nga iisa lang ang pares ng uniporme nito? Matwid ba ang araw-araw na pagpupursigi sa daan ng Kalimugtong?

Hindi kaya ang mismong idea ng edukasyon ay isa nang aparisyon, nangangako ng spiritwal pero hindi materyal na katubusan? Na ang mga bata ay pumapasok dahil bahagi ito ng ritmo ng kanilang normalisadong buhay sa laylayan ay hindi magandang pangitain ukol sa edukasyon. Ang kaalamang isinasaulo—fractions, pronouns at baranggay—ay walang halaga sa materyal na realidad ng mga musmos at iba pa nitong kaklase. Sa huli, ang magkapatid na kasama ng mga musmos sa paglalakad patungong eskuwelahan ay pinatigil na lamang ng magulang para tumulong sa bukid. Sila namang magkapatid ay nagpapatuloy sa paggising, pagkape, pagtahak ng landas, pagpalit ng uniporme malapit sa eskuwelahan, at pag-uwing gutom. Alin ang mas malaking trahedya?

Sa batayang antas, sino na lamang ang nakakapag-aral? Isang napakalaking pang-uring pribilehiyo ang makapag-aral, at umabot sa at makapagtapos ng kolehiyo. Sino ang nagtuturo? Ano ang pangarap na maaring matupad sa pag-aaral at pagtuturo? Ano ang papel ng akademya sa meta-realidad ng labis na kasalatan at sa politikal na pagpaslang? May laban ba ang akademya sa usaping politikal—mabago ang lipunan—sa neoliberal na pangarap (mula sa kasalatan ng kaalaman ng guro hanggang sa kanyang desisyong mag-abroad, pati na ang mga asignatura at textbook sa klase sa pelikula) at manaka-nakang realisasyon nito (madalang na pasalubong kapalit ng mahabang panahon ng pagtitiis)? Nag-aaral at nagtuturo na lamang ba tayo dahil wala nang ibang gagawin sa ating pang-araw-araw na buhay? Iisa lamang ba ang daan, at ito ang daan patungong Kalimugtong?

Lumampas na sa 700 ang politikal na pinaslang simula 2001. Mahihigitan na ni Gloria Macapagal Arroyo ang karumaldumal na kombong rekord sa pandarahas nina Corazon Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada. Walang panahon na hindi gumamit ng fasismo ang estado. Pero walang kasing sistematiko at integral sa pagpapanatili ng bangkaroteng pagkapangulo ni Arroyo na sa simula’t sapul ng kanyang pagbawi sa desisyong huwag tumakbo, ang akusasyong pandaraya sa eleksyong hindi sinagot maliban sa “I am sorry,” pati na ang korapsyon ng kanyang pamilya, appointees at gobyerno ay hindi pa naiibsan ng moral, elektoral at panghustisyang reafirmasyon. Ang rhetorika ng matatag na republika ay hindi hangin lamang, may buong pwersa ng lehitimasyon ng karahasan bilang pambansang polisiya ng kanyang estado. At nakakabagabag ang dumarami ng bilang ng biktima ng fasismo. Nakakabagabag nga ba? O mas nakakabagabag ang katahimikan?

Ginawang kagyat at maigting ni Arroyo ang pagbwelta sa politikal na pagtutol sa kanyang pamahalaan, kabilang dito ang hanay ng mga politikal na posibilidad--ang paulit-ulit na pagtapon ng mga kasong impeachment ng mayoryang representatibo sa Kongreso, marahas na dispersal ng raliyista bago pa man makaabot sa daang Mendiola, pag-igting ng digmaan sa kanayunan sa suporta ng U.S., at itong politikal na pagpaslang. Hindi lamang kumakapit sa kapangyarihan si Arroyo pero ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan para itaguyod ang matatag na republika ng imperyalistang negosyo at pamahalaan. Ang moda ng pamamahala niya ng estado ay gawing bastyon ng neoliberalismo ang bansa sa abot ng makakaya nito (overseas contract work at call centers nga ang pinakamaigting na halimbawa nito sa kasalukuyan) bilang paraan ng sabayang pagdisimulado nito ng kabangkarotehan ng kanyang gobyerno at ng mga tumutuligsa nito (mula kontra-GMA hanggang kontra-estado).

Noong Agosto 2006, marahas na dinisperse ang protesta ng mga hanay ng mga janitor na nawalan ng trabaho sa desisyon ng University of the Philippines-Diliman na kumuha ng ibang ahensyang magbibigay serbisyo. Doble kawalan-halaga ng buhay ng abang manggagawa ang naganap—ang pagkawala ng kanilang trabaho, at ang pagyurak sa kanilang karapatan para magprotesta. Dapat sanang magtaka na ito ay naganap sa isang pamantasan, sa UP pa! Pero hindi na ito nakakagulat dahil maging ang UP at ang akademya ay nababalutan na ng simptomas ng pasismo sa ngalan ng neoliberalismo. Hindi nga ba ang UP Los Banos ay dumanas ng pasistang pamamalakad sa campus sa ilalim ng nakaraang Chancellor nito? Ang mga pribadong eskuwelahan ay tila mga kampong militar sa high-tech screening ng ID at sa proliferasyon ng security guard. Maging ang disenyo ng mga pribadong eskuwelahan sa Taft at Mendiola sa partikular—lagusan ng mga tao, entrance at exit, pagdagdag ng gusali sa kumikipot na campus—ay walang konsiderasyong magbigay ng publikong spero sa sarili nitong mag-aaral. Hinihikayat ang bawal—bawal magtipon, bawal magdiskusyon, bawal magrally.

Ang rebisyon ng mga kurikulum para higit na magsilbi sa iniimaheng global na manggagawa, pagbawas ng subsidyo ng gobyerno sa edukasyon, komersyal na pagtaas ng matrikula, paghimok ng pondo mula sa pribadong tao at sektor, at diin sa dagdag na kita mula sa lupain at iba pang asset, kasama na ang intelektwal, ay lalong nagpapahina sa posisyon ng akademya sa meta-realidad ng masibong paghihikahos at fasismo ng estado. Ang akademiko ay sabayang nakapaloob at nakapalabas sa sitwasyong ito. Mula sa kanyang impluwensya, kasabay ng mga politikal na organisasyon, nagiging aktibista ang ordinaryong mag-aaral. Sa loob ng klasrum, sa loob ng isang semestre, nakakapag-ambag ang guro sa paghulma ng politikal na kamalayan ng estudyante. Dito ay pwedeng magtriple somersault ang kanyang pagdidiskurso sa mga problemang panlipunan at ang pagmungkahi ng politikal na solusyon. Isa ang Pilipinas sa bansang may options pa rin sa panlipunang transformasyon—nadadayang eleksyon, elitistang civil society, kilusang pangmasa, at rebolusyon. Pwede dahil nasa loob ito ng klasrum, sa ligtas na lugar ng akademya.

Nasa labas ang guro sa akto ng pagpili ng estudyanteng maging politikal o hindi--kung nanaisin pa rin ng estudyante na magtrabaho sa call center para makatulong sa pamilya o kung sasapi ito ng Gabriela Youth, Anakbayan o LFS (League of Filipino Students). Tila ito na lamang ang mahalagang pagpipilian ng estudyante sa kasalukuyan. At dahil hindi naman parating may mga politikal na organisasyon, mas marami ang nahihimok na manilbihan sa neoliberalismo na iniendorso at prinoprotektahan ng estado. Umiinog ang mundo at parating kasabay kahit ayaw sumabay ng guro sa pag-inog.

May iba’t ibang figura ng akademiko na nagbibigay-liwanag sa hugis at substansya ng akademya. Una ay ang korapt na akademiko na handang ibenta ang kanyang kaluluwa sa estado--mula sa balon ng ina-appoint ni GMA at ng iba pang pangulo, hanggang sa mga subcontractual na pananaliksik at gawaing intelektwal para sa gobyerno at multinasyonal na negosyo. Ikalawa ay ang akademiko ng civil society, nangangarap ng intelektwal na interbensyon sa kalakarang pang-estado sa pamamagitan ng pag-endorso ng panggitnang uring ipinapataw na politikal na posisyon sa masa—na sa kasalukuyang antas ay mula sa eng-eng na intelektwal na nangangarap mabago ang pambansang politika sa pamamagitan ng pagsinsin ng sistemang elektoral hanggang sa paksyong nagtatangkang paigtingin ang anti-rebolusyonaryong sentimiento at diskurso sa pagdami ng proyekto hinggil sa war at trauma, “failure of the Philippine revolution,” at iba pa. Ikatlo ay ang akademikong tali sa pagtratrabaho para kumita ng sapat, at maari o hindi na mag-endorso ng politikal na paninindigan. Ito ang bulto nang hinahaltak para magkaroon ng balat ng kritikal na masa ang akademya. Ang tatlong figura ay tali sa pang-uring interes, protektahan ang kanilang ganansyang pang-ekonomiya (galing sa estado, global funding agencies, NGO networks na nagbibigay ng pondo, pribadong sektor) sa pamamagitan ng paghayag ng posisyong politikal na hindi tutuligsa sa kanilang benefactor na sa una’t huling usapin ay ineederso ng estado.

Ang ikaapat na figura ng akademiko ay ang aktibista na nag-aambag sa pagiging mapanganib at kontra-estado ng kanyang tinuturuan at mismong hanay. Ito ang nakakapag-ugnay ng loob at labas ng akademya at lipunan sa teoretikal at konkretong antas. At dahil hindi siya tali sa pang-ekonomiyang ganansya, ang kanyang afiliasyon ay tungo sa interes ng masa at politisadong mamamayan. Kung gayon, ang aktibistang akademiko ang nakakasapul ng lohika ng politikal—na ito ay mula at tungo sa interes ng masa, at tungo sa politikal na transformasyong panlipunan. Kaya sa isyu ng politikal na pagpaslang, nanindigang pabor sa gobyerno ang figura ng korapt na akademiko, indibidwal na prumoprotesta ang figura ng akademiko ng elite civil society, kalat ang tugon ng akademikong ang fokus ay kumita o magka-tenure, mag-master’s o magdoktorado, at aktibong pagtutol sa estado ng aktibistang akademiko. Kung ang guro ay tulay ng mga estudyante at uring anakpawis, ng kamulatan at politikal na proyekto, hindi ba’t kabawasan ang nagaganap na politikal na pagpaslang sa indibidwal at kolektibong pagkatao at pagkamamayan ng guro at ng mga sabjek na kanyang ininutulay?

Ang akademya ay nagiging bahagi ng aparatong paramilitar ng fasistang estado. Sa pamamagitan ng kuntsabahang manatiling tahimik, tali sa moda ng produksyon ng karunungan, pagbenta sa intelek sa pinakamataas na makakabili nito o lantarang pagpapagamit sa estado sa gawaing kontra-politikal, ang akademya ay hayag at patagong umeendorso sa fasismo. Sa batayang antas, ang kahilingan sa intelektwal at akademiko ay lumikha ng klasrum at forum na nakakapanghikayat ng politikal na layon. Gawaing kritikal ang atas—makapagsuri ng mga bagay na lampas sa nakikita at sinasabi, pag-ugat ng malalalim na strukturang politika, ekonomiya at kultura na pumapaimbabaw sa paghulma ng mga hayag, at pagsusuri ng pang-uring interes sa mga akda at pangyayari, maging ang panglahi, etnisidad, sexualidad at kasarian, relihiyon, henerasyon at pisikalidad na mga interes. Mapapag-ugnay sa malikhaing paraan ang fractions, grammar at kasaysayan sa mga nagaganap sa karahasan at politikal na pagpaslang ng estado, at ang pag-endorso nito ng neoliberalismo. Kaninong interes ito itinataguyod? Bakit kailangang matuto at magturo ng ganitong mga aralin?

Hindi na ito ang panahon ng pagsaksi lamang, ang pagiging tao-sa-kapaligiran ng mga karahasan ng fasismo at karangyaang isinisiwalat ng neoliberalismo. Patuloy pa rin ang pagpaslang kung ganito, at ang paglusaw sa politikal na proyekto. Aktibo ang panunuligsa kahit aktibo rin ang paglikha at pagsusubstansya ng figura ng aktibista at aktibidad ng aktibismo. Dahil ang figura ng aktibista ang mapanganib na nilalang sa mata ng estado, ito ang pinapaslang. Walang bababa sa panuntunang aktibismo ang hinihingi sa edad ng umiigting na fasismo at neoliberalismo ni Arroyo, at ng susunod pang mga presidente. Kung mas mababa pa rito, ito ay ligtas sa nagmamatyag at nanunupil na mata ng estado. Nagiging kabahagi ang nilalang dahil tanggap na niya ang kapangyarihang nagpapanaginip sa kanya ng pagkain ng tatlong beses, pagtratrabaho sa call center at sa ibang bayan. Nagiging pwersa na siya ng proyekto ng estadong naglalayong supilin ang anumang pagtatangka ng subersyon at radikalisasyon. Tahimik na mamamayang kumakayod para sa pamilya ang nagiging imahen ng katiwasayang pang-estado. Hindi mananahimik ang estado matapos ng kasalukuyang yugto. Sa kondisyong malakolonyal at malapyudal, nananatiling instrumento ng pagpapanatili ng estadong nagpapanatili ng neoliberalismo ang fasismo.

Pinapaslang na ang mga estudyante at kabataan dahil sa kanilang politikal na paniniwala, bahagi nito—politikal man o politika ng pagsang-ayon—ay kontribusyon ng guro sa loob ng eskuwelahan. Sa labas, pinapaslang naman ang manggagawa, magsasaka, pastor, peryodista, abogado, feminista, manggagawang kultural at karapatang-pantao, lider at kasapi ng masang partidong politikal, at iba pang figurang bumubuo ng pamayanang itinutulay ng guro sa kanyang forum, mapaklasrum man o mapadiskusyong kaakibat ang posisyong panlipunan ng guro. Bakit hindi gagamitin ang publikong posisyon ng guro sa pagsisiwalat ng katotohanang nagaganap sa kapaligiran? Ang adikasyon ng historikal na kahilingan sa guro sa nakaraan at kasalukuyang predikamento ng fasismo at neoliberalismo ay pagboto sa referendum ng estado ni Arroyo na nagsisiwalat ng politikal na pagpaslang bilang normal na operasyon ng bansang-estado.

Dito nasasala ang politikal na motibasyon ng akademiko. Sa meta-realidad ng fasismo, sa manifestasyon nito sa politikal na pagpaslang sa edad ng umiigting na krisis pang-estado ni Arroyo, at ng neoliberalismo, hindi ito ang panahon ng pagkimi at pag-endorso. Umiigting ang krisis ng estado at pinaiigting rin ang mas malawakan pang pananahimik at pagsang-ayon na lamang ng mamamayan. Lahat ng posibilidad sa pagbalikwas ng politikal ay ginagamit ng estado sa iba’t ibang antas ng pananahimik at pagsang-ayon. Lahat ay nagiging usaping panlipunan dahil apektado tayo sa kabawasan, sa paraan at lohika ng pagpaslang. Kung gayon, lahat ay politikal. Nakapanig ka na sa estado sa pananahimik at pagsang-ayon. Nakapanig ka sa masang nakikibaka sa pagkilos at pagtuligsa sa pagpaslang, sa paglikha ng kritikal na kapaligiran sa pagtuturo at pag-aaral, sa produksyon ng bagong paradigmatikong sasalungat sa lohika ng fasismo at neoliberalismo ng estado. Ito ang ibang daan patungong Kalimugtong. Narito na sa bukana ng ating mga tahanan at puso, kung hindi man nakapasok na sa ating kusina at tulugan, klasrum at pagawaan, ang eksena ng pagpaslang. Walang ibang panahon!

Para sa fasistang estado, wala nang lilim ang akademya.

27 Agosto 2006

Gillman Heights, Singapore

Singapore Urban Legends (Dagli sa Krisis column)

Unang Bersyon:

Mga nasagap kong balita sa Singapore:

1. Uso pa rin ang pamamalo. May iba’t ibang laki at taba ng yantok na mabibili sa mga lumang tindahan, depende sa laki ng batang papaluin.

2. Hindi pwedeng pag-usapan ang yaman ng pamilyang Lee, ang namumuno sa bansa.

3. Bawal ang chewing gum. Ang gum na maari lamang ibenta sa Singapore ay para sa medikal na pangangailangan.

4. Multikultural ang Singapore—parang 60% Chinese, 25% Malay at 15% Indian--gayong 80% ng nakakulong raw ay Malay Singaporean.

5. 100,000 raw sa tatlong milyong Singaporeans ay nakakulong.

6. May gangs sa Singapore! Karamihan ng nakakulong raw ay gang-related ang krimen.

7. Meritokratikong lipunan ang Singapore. Bata pa lamang ay paratihang na a-upgrade ang matalinong estudyante sa pinakamabuting eskuwelahan sa bawat antas. Ganoon din sa pinakahuling mga estudyante. Kaya raw walang mga tunay na kaibigan rito na aabot hanggang grade school ang pinagsamahan dahil parating naglilipatan ang mga estudyante.

8. Kapag mataba kang bata, inihihiwalay ka kapag recess para mag-ehersisyo at dumaan sa programa hinggil sa tamang pagkain.

9. Mga Filipino raw ang unang nag-landscape ng Singapore bilang garden city. Kaya pala pamilyar ang mga halamang nakatanim sa kalsada.

10. Mga alas-siete sumisikat ang araw kaya kapag gumising ka ng ala-sais ay madilim pa ang paligid.

Bakit hindi ito sinabi sa kontratang sinang-ayunan ko?

Ikalawang Bersyon:

Prior to my teaching at ^&*, my acquaintance of Singapore has been largely to participate in academic conferences. It seems to be a happening place in terms of scholarly exchange. But I would just fly in and fly out for the conference. Glimpses of Singapore were limited to the conference participation.

When I was invited to become a visiting fellow at the #$% Department, my attraction to accept came from the scholarly efficiency and academic reputation of ^&*. Having also taught at the Osaka University of Foreign Studies, I thought I had enough background to interact with foreign students.

It is now my second semester of teaching at ^&*, and it is still a learning grove for me. Associate Professor summed it up in a conversation, teaching is culture-bound. ^&* has a different set-up of student learning—big lectures and smaller tutorials. My teaching experience at the University of the Philippines never prepared me for this set-up. Students there learn in small lectures that also act as tutorial sessions. It may not be the most efficient way of learning but it has its advantages, like a more intimate learning environment, close monitoring of student’s progress, and quick response time to problematic areas, among others.

Leading the lectures here entailed a different set of skills. One had to act “big” in front of a class of 150 or 200 students. It is quite difficult to ask students a question other than those answerable by short responses. It is usually a show of hands that I get students to participate in the lectures. The tutorials too had their own dynamics. Lectures discussed an argument, tutorials explained the finer points of the readings and allowed students to reflect more freely with the connections being made between theory and their own lives.

What I had expected to be a parochial existence in Singapore proved to be wrong. A lot of events happen simultaneously in this small city state—from the art events at Esplanade, to discovering new cuisine in various food outlets, to interesting seminars sponsored at the Art Institute or by various non-governmental organizations. Even at ^&*, I am the one who has to turn down participating in a lot of seminars and colloquia because there are just too many of these happening on campus, frequently at the same time.

Like in most new places I have been too, I bask in the pleasure of discovering something new in the process of exploring Singapore.

Sunday, December 24, 2006

Awit (para sa pamilyang Nadera)

Ang awit, nilalamlam na parang bola ng makapuno na nilalaro sa bibig. Hindi kinakagat o nginunguya, hinahayaang matunaw ang tamis. Unti-unti dahil kay bilis ng sandali.

Ang awit, iniindayog ang nakikinig, pinapatunton ang paraan para maunawaan ito. Hindi kung papaano nagsasanib ang metro at ritmo, o ang pinagmulan at impluwensya. Hinahayaang mamukadkad, tulad ng mga talutot ng kampupot, ang sarili nitong kaluluwa. Hinay-hinay dahil kay bilis ng sandali.

Ang awit, nakakapagpangiti dahil may alaalang sinasambit, tulad ng walang lamang lata ng sardinas o punong balde ng tubig. Ginugunita ang sariling ligaya at lungkot habang marahang idinuduyan ng nakaraan at kawalan, ng kasalukuyan at kawalan. Marahan dahil kay bilis ng sandali.

May mga awit na dumadaan at umaalis. May mga awit na namamahay at nananatili. Lahat ng awit ay nag-uugat, sumasanga at kinakailangang maglaho. Ganyan ang angking ugali ng mga natatanging awit.

Pamandalian, kagyat man kung dumating at mamaalam, ang awit ay mahika ng sandali sa krisis na nakakapangpangulila. Pero bakit mangungulila kung nadamha na ang kaluluwa ng awit?

9:19 ng umaga, 21 Disyembre 2006

Saturday, December 23, 2006

No to chacha, no to Gloria!

designed by Arnold Alamon and Sarah Raymundo for UP Tutol sa Cha-Cha

Pangangaluluwa (Pasintabi column)

Sa bayan namin sa San Leonardo, Nueva Ecija, pati sa kapit-bayan na General Tinio, nangangaluluwa ang mga bata, gayundin ang matatanda. Kung sa pasko ay karoling ang ginagawang pag-awit, sa todos los santos ay pangangaluluwa.

Bisperas pa lamang ng Nobyembre 1 ay nagsisimula na ito. Dalawang gabi ito magaganap. Mula sa mga inipon na patak ng mga kandilang ginawang bola at sinaksakan ng buhay na kandila sa loob, magsisimula nang mangaluluwa. Heto ang titik sa kanilang awit:

Kaluluwa’y dumaratal/Sa tapat ng Durungawan

Kampanilya’y tinatantay/Ginigising ang may buhay

Kung kami po’y limiusan/Dali-dalian po lamang

Baka kami mapagsarhan/Ng pinto ng kalangitan

Kaluluwa kaming tambing/Sa purgatoryo nanggaling

At tulad ng mga nangangaroling, bibigyan din ng mga barya ang mga bata at maliit na salapi ang matatanda. Walang humpay itong pangangaluluwa sa dalawang gabi, sunod-sunod. Tila nagkakabalitaan pa nga, tulad sa karoling, kung sino ang madamot at mapagbigay.

Ang umaawit ba ay umaako ng personahe ng yumaong kaluluwa, gaya ng isinasaad sa awit? Hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng pangangaluluwa. Wala namang nakapagpaliwanag nito sa akin. Isa ito sa mga bagay na parang pamilyar pero wala kang masasabing malalim, tulad ng pagkain sa fastfood, ng berdugong kumikidnap ng mga bata, sawa sa dressing room ng Robinson’s department store, at iba pa.

Pero sa paglusob ng sambayanan sa sementeryo sa todos los santos, ginugunita ang mga mahal na naunang yumao. Nilinis ang mga puntod, pinipintahan ng bagong kalburo, dinadamuhan at tinitirikan ng kandila. Itinuturing na ‘kasalanang mortal’ ang hindi man lamang magpakita sa mga yumao sa puntod. Magsasalitan ng oras ang mga magkakagalit, o hatinggabi dadalaw ang gustong umiwas sa trafiko.

Sa ngalan ng mahigit nang 750 nang aktibistang kaluluwang biktima ng karahasan ng estado, tumatanghod sila sa ating durungawan. Tulad ng mga mahal na naunang yumao, gunigunita natin ang mga aktibista bilang kapamilya, kasama, kaibigan at kamamamayang may napakahalagang kontribusyon sa pagsusulong ng ating kolektibong buhay. Hindi sila malalagay sa tahimik kung walang katarungan na makakamit.

Si Obispo Alberto Ramento, tagapagtanggol ng masang inaapi; Si Ka Fort ng unyon ng Nestle; si Leima Fortu, tunay na guro ng bayan; Juvy Magsino, makabayang opisyal; Honor Ayroso, makata at organisador ng mga magsasaka; Fr. William Tadena, makabayang pari ng Philippine Independent Church; Feliditu Dacut, makabayang abugadong tagapagtanggol ng karapatang pantao….

Mga magulang ng walong anak, sina Expedito at Manuela Albarillo; Edwin Pastor, drayber ng tricycle; Isaias Manano, aktibistang makapesante; Emilio Santilla, edad 70; Rev. Edison Lapuz, pastor ng UCCP; Eden Marcellana, ina ng dalawang anak at manggagawa para sa karapatang pantao; Eddie Gumanoy, manggagawa para sa karapatang pantao; Danny Macapagal, lider sibiko; Danny Ladera, konsehal ng Tarlac City; Beng Hernandez, manggagawa para sa karapatang pantao….

Kasama rin ang mga kabilang sa nawawala-- ang mga mag-aaral na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno na pumiling kumilos para sa interes ng batayang sector, at iba pang daan-daang dinukot sa ngalan ng kontra-insureksyon. Nabuhay silang mabuting tao dahil nabuhay sila hindi para sa kanilang sarili. Hindi rin ininda ang pamilya kahit pa para sa kanilang hinaharap ang pagkilos. Mapanganib man ay binili nilang mabuhay sa panganib, kasama ang mayoryang hanay ng naghihikahos—lalo na sa katarungan—na mamamayan.

Kung itinanong ni Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya, sa pagkadalisay at pagkadakila?” Sinagot rin niya ito ng “Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa.” Wala na nga, wala. Pagpupugay sa mga martir ng sambayanan!

Thursday, November 30, 2006

Buti pa (dagli)

Buti pa ang kalendaryo, may date, yung ibang tao, wala…

Buti pa ang Hershey’s, may kisses, yung ibang tao, wala…

Buti pa ang sugat, iniingata’t inaalagaan, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang unan, katabi’t inaakap sa gabi, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang kilusan, nag-aalab, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang baso, dinadampian ng labi, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang lesson, inuunawa, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang kamalian, pinapansin, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang sinehan, pinpipilahan,yung ibang tao, hindi…

Buti pa yung masa, nag-iinit, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang bubong, tinitingala, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang tindera sa palengke, nagpapatawad, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang panyo, iniiyakan, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang awit at tugtog, magkasama, yung ibang tao, hindi…

Buti pa yung E.D., kinasasabikan, yung ibang tao, hindi….

Buti pa assignment, inuuwi, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang lungs, malapit sa puso, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang typewriter, nata-type-an, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang kotse, mahal, yung ibang tao, hindi…

Buti pa yung C.S.C., nagtatapat, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang pangit, hinahanap, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang probabilities, may chance, yung ibang tao, wala…

Buti pa ang patay, dinadalaw, yung ibang tao, hindi…

Buti pa yung aksidente, pinagkakaguluhan, yung ibang tao, hindi…

Buti pa yung mass leader, pinapakinggan, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang AIDS, nababalita, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang hiniga, hinahabol, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang film, nade-develop, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang problema, laging iniisip, yung ibang tao, hindi…

Buti pa yung petisyon, sinasang-ayunan, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang nagkakasala, pinapatawad, yung ibang tao, hindi

Buti pa ang TV, natu-turn-on, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang artista, napapansin, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang utang, naaalaala, yung ibang tao, hindi…

Buti pa yung welga, ipinaglalaban, yung ibang tao, hindi….

Buti pa yung pera, may halaga, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang radyo, pinakikinggan, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang hotcake, mainit, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang telepono, kinakausap, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang rali, nagkakaisang-hanay, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang maysakit, kinakaawaan, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang pangarap, gusto, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang takot, sinasamahan, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang jacket, hinahanap kapag malamig, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang aktibista, hindi natatakot, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang ice cream sweet, yung ibang tao, hindi…

Buti pa ang sapatos, may kapares, yung ibang tao, wala…

Buti pa ang rebolusyon, isinusulong, yung ibang tao, hindi….

Buti pa ang sosyalismo, may kinabukasan, yung ibang tao, wala….

Di ba?

(Halaw sa “Enjoy Itich!”, padala ni Tony Balmeo sa email, inakses noong 13 Nobyembre 2003.)

Pananalita sa Paglulunsad ng Publikasyong Iglap, 23 Nov 06

Mapagpalayang hapon sa ating lahat.

Ang Publikasyong-Iglap ay kinonseptwalisa ng kagurong si Joi Barrios na ngayo’y itago na lang natin sa pangalang Gng. Josephine Leblanc, dakilang maybahay sa Boston, bilang mabilisan at malikhaing pagtugon ng hanay ng guro at manunulat sa umiigting na politikal na kaganapan. Una sa seryeng ito ang “Pakikiramay” ng mga tula ng pakikidalamhati at pakikiisa sa mga naging biktima ng marahas na dispersal ng piketlayn ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Ikalawa ang “Truth or Consequence” ng mga tulang naglalayong magtanggal sa pekeng pagkapangulo ni Gloria Macapagal Arroyo.

Ngayong hapon ay dalawa pa ang ipinagmamalaking madaragdag sa serye, pawang may inobasyon sa pagpapabuti ng Publikasyong Iglap. Naglahok ng pormang kritikal na sanaysay para sa Kontra-Gahum na nagbibigay-diin sa napakahalagang papel ng akademiko sa paglilinaw ng mga disiplina at interdisiplinang lapit sa paglaban sa politikal na pagpaslang. Naglahok naman ng pormang kwento para sa Subverso na pumapaksa naman hinggil sa pakikibaka laban sa politikal na pandarahas ng rehimeng Arroyo.

Kung sisipatin ang mga bagong guro at manunulat na lumahok sa dalawang proyekto, masasabing lumalawak ang ating hanay. Mas marami ang gustong magdagdag ng kanilang tinig sa karumaldumal na kaganapan sa ating kasalukuyang kolektibong karanasan sa rehimeng Arroyo.

Ang dalawang karagdagang libro ay inihahandog sa kulang na 800 biktima ng politikal na pagpaslang ng estado. Sa kanilang alaala at sa patuloy na pakikibaka ng kanilang mga kapamilya, kaibigan at kasama iniaalay ang paglulunsad ngayong hapon.

Sinabi na ni Pilosopo Tasyo ang rasyonal kung bakit ginagawa ang ginagawa natin, para masabing “hindi lahat ay natulog sa magdamag.” Marami ang nanatiling gising, nababahala at napapasulat, kundi man, nag-aaral at nagpupulong, naglulusad ng mga taktikang pagkilos, nagsusuma, nagtatasa, o nagpupuna sa sarili.

Mahalaga ang papel ng guro at manunulat bilang kaisang-hanay sa intelektwal na gawain. Inilalapit ng guro sa mga estudyante ng kanyang klasrum ang mga karanasan politikal ng nakikibakang mamamayan, kung bakit pinapaslang ang mga pinapaslang, kung bakit ipinagpapatuloy ang pakikibaka kahit na napakaraming pinapapaslang. Kaya may teacher’s guide ang mga libro ng Publikasyong Iglap, nagmumungkahi ng lapit sa pagtuturo ng mga panitikan hinggil sa politika ng pagbabago.

Ang manunulat naman ay mas kumplikadong nilalang. Mag-isa siyang nagtitika ng kanyang akda, at kalimitan ay bitbit ang burgis na pananaw hinggil sa mga politikal na karanasan. Ang ipinagkaiba, wish ko lang, ay pinaglimian di lamang ng mga manunulat ang kanilang mga talinhaga at mga salitang ginamit gaya ng nararapat na paglilimi sa politikal na pananaw, kasama ang partisanship at pang-uring pagsusuri, sa mga paksang piniling talakayin.

Ang CONTEND ay grupo ng progresibong akademiko rito sa UP, kasapi ng Alliance of Concerned Teachers. Nilalayon ng mga libro na hindi lamang manimbang hinggil sa kaangkupan ng pagsusuri at pagkamalikhain sa politika ng akda, kundi bilang pagtataya, hindi man buhay, sa giyerang intelektwal na nagaganap sa akademya. Kasama rito ang pagbabato ng mga itlog sa bugok at pag-heckle sa mga galamay ng rehimen. Marami sa mas malaking hanay ng guro sa UP ay naging buruktrata ng mga nauna’t kasalukuyang rehimen, tinubigang gaas ng mga think-tank ng rehimen para rasyonalisahin ang pasismo at neoliberalismo nito, at ang iba ang kasamang nangliligwak sa Kaliwa na tila mayroon pinauusbong na bagong kilusang masa kahit wala naman.

Patuloy na tataya ang CONTEND sa pagigiit hindi lamang ng usaping disiplinal sa akademya kundi ng paggigiit ng mapagpalayang posisyon bilang tampok na diwa kung bakit kami nagtuturo at nanghihimok ng pakiisa sa mas malaking hanay ng kilusang masa.

Nagpapasalamat kami sa mga kapwa akademiko at manunulat na nakitaya, kasama ng Ibon Publishing at ACT, at sa mga kasama at bisita, kaguro at kamag-aaral sa pakikibaka. Naituro na sa atin ng kasaysayan ang aral ngayong hapon, humayo at magparami; tibayan ang hanay, gapiin ang kaaway; hanggang sa tagumpay ng tunay na kalayaan! Mabuhay tayong lahat.

Wednesday, November 08, 2006

Subverso: Mga Tula at Kuwento Laban sa Politikal na Karahasan (Publikasyon Iglap Cover)

CONTEND Statement on Killing of Dr. Rodrigo Catayong

Rage Against this Madness!
Justice for Dr. Rodrigo Catayong, Professor of Eastern Samar State University
Justice for All Victims of Political Killings and Repression
November 7, 2006

6:15 a.m., Sunday morning, last November 5, 2006, Dr. Rodrigo Catayong, 55, was about to hear mass with his wife when two bonnet-wearing assailants shot him dead. Police reports disclose that he suffered eight gunshot wounds – four in the face, twice in the chest, once in the neck and back. Seeing her husband bloodied and lifeless, Marcela, 54, collapsed. On a beautiful Sunday morning and about to give thanks to God for her husband's 55th birthday just two days earlier, witnessing the gruesome assassination of her husband must have been the last thing on her mind.

For everyone who knew Dr. Catayong, his manner of death must have been totally unexpected as well. They knew that he had his convictions like many who pursue a life of the mind. He was an officer of the Alliance of Concerned Teachers and was elected as Chairperson of Katungod-Eastern Samar, a provincial human rights organization. However, he was also a fulltime Professor with a doctorate degree and expertise in sericulture at the Eastern Samar State University. Like many of us in the academe, he also served in the administration of the state university as the College and University Secretary. For sure, overseeing the Board of Regents meetings and running the day-to-day affairs of the College as Secretary occupied most of his time over and above the teaching duties he may have had. That is why when his name was included in a divulged anti-communist hitlist along with one public school elementary teacher, two other professors from the state university, a local media man, a policeman and leaders of progressive party-list organizations, even a town mayor; no one believed anyone would pull such sinister designs against him and much less mark him as the first target.

But this is the madness that pervades the Philippine countryside under Arroyo's all-out-war against so-called communists. Almost 800 have been victimized by this "dirty war" since the beginning of her term. In the last few months, these state-sponsored liquidation squads have taken on a more brazen countenance. Undeterred by international criticism, they have felled bishops and priests (Bishop Alberto Ramento), lawyers (Atty. Felicito Dacut), and now teachers and professors. We already count eight among our ranks who have been killed by these death squads (Leima Fortu, Victoria Samonte, Gabriel Casuga, John Lingkuran, Rodrigo Apolinar, Napoleon Pornasdoro, Danilo Hagosojos and now Dr. Rodrigo Catayong). Sherlyn Cadapan and Karen Empeño remain missing months after they were abducted. What is common among all of them is their unwavering conviction for truth and justice.

This week alone, armed men barged into Emerlito Dizon's home in Zambales and shot him in front of his wife and kids. The peasant leader managed to survive and is now recuperating in a local hospital. Last November 1, policemen raided a convent of the Good Shepherd Nuns in Agusan del Sur without any search warrant.

The blood and gore of GMA's policy to "neutralize" dissent has reached our courts, our churches, our convents and our schools. Unless we reason and rage against this madness, there will come a time when no profession will be safe and no place can be a sanctuary for freedom-loving Filipinos under the iron-hand rule of an illegitimate president hell-bent in holding on to power.

Hustisya para kay Dr. Rodrigo Catayong!
Hustisya para sa lahat ng mga biktima ng pulitikal na pamamaslang at represion
Patalsikin si Gloria Macapagal-Arroyo

Friday, November 03, 2006

A. (short story)

A.

para kay JM

26 Oktubre 1998, Hardin ng Rosas

Tahimik siyang dumating sa buhay, tulad ng di inaasahang regalo. Tahimik din kaya siyang aalis, na sa aking pagpikit at muling pagdilat, tanging imahen ng kanyang maamong mukha ang unti-unting naglalaho? Pinapasok niya ako sa kanyang buhay, isang bahagi man lang nito gayong sa akin, buongbuo ko siyang pinatuloy. Sana’y maalimpungatan ang panahon at makalimutan ang oras ng pag-alis. Pero sadyang ganito ang mga tahimik na pagdating. Di naalimpungatang narito’t nag-aantay na. Ayaw kong magwakas ang katahimikan at kasiyahang dulot nito, na sa unang pagkakataon ay sabayang dumating. Sabayang din aalis nang walang pamamaalam.

Pinatuloy ko siya sa panahong walang gustong tumuloy at pamandalian man lamang mamalagi. Sadyang mailap ang mga bisita, lalo na kapag umaasang may dumating. May maririnig na mga yapak, may katok sa pinto, may kaskas ng sapatos na pinupunas sa basahan, may ngiting bitbit sa bukana ng pagkakataon. Mailiap din pala ang pagnanasang manatili ang isang pinapasok—pinagkape’t pinamerienda, pinaghahanda ng hapunang maaring hindi naman makasalo. Kahit anong sandali, maaring mamaalam. Hindi mapipigilan, hindi mapapakiusapan maglaan pa ng sandali. Nararamdaman niya ang ganitong pagnanasa, at lalong napapabilis ang kanyang pagnanais makaalis at maglaho. Siya’y tila isang lumalabong nilalang, tila maglalaho anumang saglit. Mabigat mamaalam, lalo na’t walang katiyakan ang pagbabalik.

Pinapasok ko siya sa panahong gusto kong magpatuloy sa aking buhay, sa yugtong gusto kong muling mabuhay. Akala ko’y alam ko na ang lahat na dapat matutunan para mabuhay. Ito ba ang buhay? Ang magkaroon ng natatanging lakas sa pangungulila para sa isang iglap na nilalang? Bakit nangungulila gayong naririto naman siya? Bakit tiyak ang iyong paglisan? Nangungilala ako sa iyong tiyak na paglisan. Nangungilala sa sa napipinto kong muli na namang pag-iisa. Nangunguliala ako sa aking pangungulila.

Clubs. One hanggang nine, three by three ang mga hanay. Instruksyon: Gawing suma total ang 15 sa tatlo-tatlong cards—pahalang, pababa, palihis, pataas. Dalhin ang mga numero sa isang tiyak na antas. At kami’y walang kapagurang isinakatuparan ang kahilingan. Sa pagitan ng pagsasaayos ng bilang, may naisip ako. Bakit ako, tila walang katiyakan pa rin itong sinasambit na katiyakan? Matapos ng mahabang pagpupursigi, kahit ayaw namin ng ganitong bonding, ay inalay namin ang kasagutan.

Bigla-bigla’y may bagong kahilingan. Tulad ng unang batas, ang mga sumunod na hugis ang pinahulaan, may mga tiyak na kasagutan. Wala ang mga sagot sa aking utak, nakatutok sa pagresolba ng mga paulit-ulit na mga numero. Hanggang sa lamunin kami ng numero’t hugis, hanggang sa dumating ang oras na mamaalam na. Pero pinagbigyan mo kami, mamamaalam lamang matapos ng isang maagang almusalan ng sopas. Palipas-gutom, palipas-lamig sa parating na bagyo.

Umibis ka ng sasakyan, nagpasalamatan tayo sa oras na nagtagpo’t nagkasama. At nagsimula ang pangungulilang tanging ako lamang ang umuunawa. Ang regalong dumating at hindi inaasahan ay bigla ring aalis nang hindi inaasahan. Bubuntong-hininga ako nang malalim. Ang regalong hindi inaasahang dumating ay kaagd na namang naglaho. Magpapasalamat sa pagkakataon na makadaupampalad. Magpapasalamat sa mga hugis at numero. At nagsimula nang mapaang-abot sa akin ang pangungulila, tiyak ang kawalan-katiyakan.

1 Nobyembre 1998, Quezon Memorial Circle

Narinig ko sa radyo, habang papunta sa bahay ng kapatid ko sa Welcome Rotonda dahil wala naman iba pang imbitasyong dumating. Gayong may nangakong tatawag para mag-inuman. Naalaala ko kaninang madaling-araw, habang sapilitang kitang inihahatid sa Philcoa, para kang bata sa pagbigkas ng kung ano-ano: “Magdra-drive ako hanggang…” Para tayong nasa buwan sa pag-ikot dito.” “Ano kaya ang hitsura nating mula sa space habang umiikot tayo sa Circle?”

Ngayong hapon, sa pagtungo ko sa Welcome, mula sa isang kanta: “All that shimeers in this world is short to fade.”

2 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas

Sa aking panaginip, madadatnan kitang nakatungo ang iyong ulo sa hita’t nag-aantay, matapos ng tatlong oras sa baitang sa hagdang pimakamalapit sa pintuan ng bahay; mapupungay ang iyong mga mata’t maamong ipapadantay ang iyong buhok at mukha sa aking kamay na kanina’y may bitbit na bag ng groseriya; hindi ka iimik, nakapikit na sinasalat ng iyong mukha ang aking palad.

Sa aking panaginip, darating ka habang lumalamig ang bagong lutong walnut brownies; magkakape tayo’t magkukuwentuhan tungkol sa kung ano-ano—mga palaisipan, mga biro, mga pasaling at patama; magkukuwentuhan tayo tungkol sa kung ano-ano maliban sa dapat sigurong pag-usapan: at lilipas ang oras na parang namalikmata lamang tayo; lilipas ang oras at hindi ka magmamadaling magpaalam.

Sa aking panaginip, yayayain mo akong tumabi’t dumantay sa iyong hapong katawan; yayakapin kita’t hahalikan na parang sanggol na nangangailangan ng pagmamahal; hahayaan mong mabasa ko ang iyong mga panaginip, mapakinggan ang alingawngaw sa tibok ng iyong puso; ako ang magmamatyag habang ikaw ay nahihimbing; iduduyan ka ng yapos at damipi ko sa mga bilog na buwan at maririkit na bituin, ng mga alon at kabibe, ng pagliliwanag matapos ng matagal at malungkot na kadiliman.

Sa aking panaginip, hahablutin mo ang aking siko para matapat ang aking labi sa iyo; hahalikan mo ako na parang wala nang bukas; sasamsamin mo ang aking likido, at ako rin naman sa iyo; hahayaan mong gabayan ng iyong dila ang lahat ng bahagi ng aking bibig, papasok sa aking kaluluwa; kikilalanin mo ako bilang ako, at ako naman, ikaw bilang ikaw—walang labis at walang kulang; maghahalikan tayo hanggang sa mamanas ang ating mga labi.

Sa aking panaginip, gigisingin mo ako isang madaling-araw; hindi ko matiyak ang iyong paanyaya, napapangiti ako bagamat may bakas ng agam-agam ang iyong maamong mukha; aayain mo akong kumain sa ating paboritong 24-hour restaurant; ikaw ang oorder ng ating paboritong almusalan; magkukuwento ka ng kung ano-ano, maliban sa talagang dapat pag-usapan; matapos ay aayain mo ako sa Sunken Garden; habang magkatapat na nakahiga sa damo, aantayin natin ang unang sinag ng araw; isang patak ng luha mo, matapos ay ang tiyak na huling pamamaalam.

Sa aking panaginip, maayos marangal at may pagmamahal ka pa rin sa paggayak at pagbigkas ng katiyakan.

Sa aking panaginip…

Payo ng Mga Ateng

2 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas

Ang Buwan: Kung kailan ka pa tumanda, saka ka pa nalulon sa ganyan. Kami naman ay dumaan diyan noong twenties pa.

Late-bloomer ako. Fourth-year college na nang malaman kong gusto kong magsulat, 25 na nang malaman kong gusto kong magturo.

Ang Buwan: Maging maliga ka na lang sa kaya niyang ialok.

Bakit umaasa pa rin ako kahit na tanggap kong wala nang sex?

Ang Buwan: Dahil may gusto ka pa ring mangyari, at iyon ay hindi niya kayang ibigay. Alam mo yon. Ayan, na-LSR ka tuloy. Di ba nawindang sa iyo ito noong bata-bata pa kayo? Pero alam niyang nasa kanya ang problema.

Ano ba ang pwede kong gawin, kung gusto kong ipagpatuloy ito?

Si Ligaia: May tatlo kang pwedeng gawin. Una, pwede kang mag-Pygmalion mode. Dalhin mo siya sa iyong mental at physical reality. Paenrolin mo sa certificate program sa Malikhaing Pagsulat o Theater Arts.

Interesado siya sa Human Kinetics.

Si Ligaia: Pwede rin yon. Basta, kailangang mahablot mo siya sa iyong realidad. Sabi nga ng isang practitioner nito, “para siyang kumakain sa iyong mga palad.” Ikalawa, pwede kang mag-Jaime Zobel mode. Dalhin mo siya sa realidad na gusto niyang tumungo. Magbakasyon kayo sa Boracay, kumain kayo sa mamahaling restaurant, mag-tripping kayo sa lugar na hindi niya mapupuntahang mag-isa. At ikatlo, mag-Joi Barrios mode ka. Padalhan mo ng home-made oats-raisin cookies, home-made bread, home-made santol jam, home-made kamias preserves; tulaan mo; bilhan mo ng vitamins at anis-anis na kailangan sa kanyang trabaho.

Pero hindi naman ako tweetums.

Ginoong Padded Shoulders: Wala kang aasahan.

Nagkikita kami sa labas ng trabaho, kahit madalang.

Ginoong Padded Shoulders: Extension of the workplace lang yon.

Gagawin niya akong ninong.

Ginoong Padded Shoulders: Dahil ikaw ay good customer na.

Ang lupit mo.

Ginoong Padded Shoulders: Dahil ako’y tunay mong kaibigan. Bakit ka ba hirap na hirap na makausap siya sa labas ng trabaho? Dahil wala naman kayong mapapag-usapan, wala ka sa mindset niya maliban sa loob ng trabaho. Mainam pa dati, talagang sexual lang ang pagpunta mo sa A. Ngayon, umaasa kang mas malalim ang inyong pinagsasamahan. Lumilikha ka ng fantasyang alam mo naman ay hindi darating.

Mr. Tsines Arreneow: Magbate ka na lang, mas maliligayahan ka pa.

Ang Multo

30 Oktubre 1998, A.

Halloween Contest. Hindi kita gustong pansinin. Hindi ka na naman tumawag. Buong araw akong nag-antay, tulad ni Godot, sa wala. Hindi sana mapapadpad, kung hindi lang sa kinondisyon ang kasama ng kaklase sa college. Siya naman ang nag-aya. Ang Consultant ay nasa Zamboanga, namumukadkad sa Queen City of Flowers. Ako naman. Naririto.

Halloween Contest. Sumayaw ang tikbalang, nakabalot ng itim na brief ang kanyang higanteng tabako. Lumabas ang mga demonyo, sutlang pula ang mga kapa. At ikaw naman ay nagtulad ng “The Crow.” Pinintahan ng puti ang mukha, itim ang pinid ng mata’t labi, tulad ng harlequin. Nahihiya ka, sa di ko mawaring dahilan. Kaya mabilis na umakyat at baba ka sa entablado. Hinampas mo ang dingding sabay sigaw.

Bigla kang tumabi dahil ninais ko, suotsuot pa rin ang make-up at costume. Biglang nagpaliwanag. Biglang nagbago ang ihip ng hangin at ako’y nanatiling nakapinid sa upuan.

Pumunta ako sa bahay ng kapatid ko sa Welcome, pinanood ang pelikula ng figura mo. Isang multong naghihiganti sa di-makatarungang pagkamatay nilang mag-irog. Anino sa dilim.

Sa pagitan ng iyong paghubad ng shorts at sando, at pag-area, patayo’t pagbabalik sa upuan; sa pagitan ng aking pag-iwas sa iyong mabigat na pagdantay, paglipat sa katapat na upuan, umalis na ang aking kaklase; sa pagitan ng mga putolputol na kwentuhan at pag-alaala, ninais kong titigan ka, ang multo sa aking buhay.

Happy Halloween, wika ng isa mong kasamahang madalas kong hindi rin pansinin.

Q & A

19 Oktubre 1998, Bahay ng Consultant

Sa di-inaasahang pagsasama-sama natin, kabilang ang iyong mga katrabaho, nagkukwentuhan tayo tungkol sa susunod na Mr. A. contest sa Disyembre. Kapiling natin, ang kasalukuyang Mr. A., nagbibigay ng ginintuang payo. “Kailangang charming ang sagot sa question-and-answer portion.”

“Ano ang tinanong sa iyo?” usisa mo.

“Ano, sa tingin mo, ang pinakamagandang bahagi ng iyong katawan, at bakit?”

Kumunot ang iyong noo. Tumingin ka sa akin. “Paano mo sasagutin ito?”

Sumikat na ang araw, hindi pa rin gising ang utak ko dahil hindi pa nga nakakatulog. Itinuro ko ang aking utak. “Hindi, paano mo sasagutin ito para sa akin.”

Nagpatuloy si Mr. A. “Higit sa lahat,” ika niya, “kumuha ng guests na magju-judge.”

Nauna ang Consultant, “Ang kilay mo. Dahil maraming napapa-oo.”

Singit ko, “Ang ngiti mo. Dahil habang lalong ipiangkakait, lalong pinagnanasaan.”

Kumunot muli ang iyong noon. At, sa isip ko, kahit pa nakatakip ang iyong buhok sa mata, muli kang nagnakaw ng tingin sa akin. Tulad ng madalas kong gawin sa iyo.

Ang Pagkampay ng Pakpak ng Anghel

10 Oktubre 1998, Bahay ng Consultant

Unang quorum ng mga kasapi ng square table. Dalang guests sa A., ang Professor at ang Consultant. Dalang guests sa bahay mula sa A., sina Payaso at Playboy. Narito tayong lahat para siluin at lamlamin ang pagkampay ng pakpak ng anghel.

Naghanda ng mga kasangkapan. Botelya ng pag-ihip at pagsilo. Sa loob nito, tubig na pakuluan. Aluminum foils, pinino’t nirolyo para pangsilab at paningas. Inihanda ang mga munting kristal. Sinilaban sa rolyo hanggang sa maging likido. Nagpapakita na ang kumakampay na pakpak ng anghel!

Mailap ang anghel pero nalilikob pa rin ng malumanay na pasalo’t pagsilo ni Payaso, ang panungahing mangangaso ng quorum. Iniaalay sa iyong bibig ang muli’t muling pagkampay ng mga pakpak ng anghel, tigdalawang direksyon ang paninilo.

Ang pagpasok ng pakpak ng anghel ay pakikiisa sa mga hapong kaluluwa ng apat na nilalang. Ang anghel ay pumapaloob, hinahawaan ng kasiglahan ang mga nagsusumamong kaluluwang nagkakaisa ngayong gabi. May kagyat na kaginhawaang dulot, may tiyak na pangakong di napapako. At hinayaan naming saniban kami ng anghel, bawat nilalalang at ang kabuuan ng grupo.

Magaan at matikas ang kwentuhan. Bukas na bukas. Kung ano ang gustong malaman, sya ring inihahapag para mapagsaluhan. Pati ang mabigta na sama ng loob sa kanya-kanyang trabaho’y naging magaan. Masarap magkwentuhan na lumilipas ang oras, napapag-iwanan ng malgkit na kaisahan, nagtatagumpay laban sa mapanupil na panahon. Masarap magkwentuhan kapag hindi bilang na bilang ang oras ng pakakaisa, kapag handang magbigay at magpaubaya. Maraming salamat sa kalabisan, lalo na sa mundo ng kasalatan, o ang tanging labais ay ang panunupil ng isa sa isa. Sa biglang kasiglahan, nais pang muli’t muling mabuhay.

Maraming salamat, mga humpay ng pakpak ng anghel. Sa pag-iwan at pagdala mo sa amin sa isa’t isa, maraming salamat.

Karaoke Lesson 1

10 Oktubre 1998, Bahay ng Payaso sa Bulacan

Minsan ay inihatid ka namin ng Consultant sa inyong bahay sa Bulacan. Inaya mo kaming bumaba muna, akala ko’y magpapa-Coke ka dahil nanunuyo ang ating mga lalamunan sa pagsilo sa kumakampay na pakpak ng anghel. May kinalikot sa sa TV at maya-maya pa’y tumugtog na ang music mula sa karaoke machine, lumabas ang mga titik sa screen. Para tayong nasa Sesame Street, sinusunan ang mga letra’t salita na nagiging blue sa akmang kumpas ng musika.

May boses ka pala, isip ko sabay alaala sa mga pagsabay mo sa kanta sa A. habang tine-tabel kita. Tila malulusaw ako, maligamgam ang iyong tinig. “Faithfully” na iniisip ko’y iniaalay mo sa akin. Tinitigan kita at para akong may nasilip na bago sa iyo. Marami pa talaga akong hindi alam sa iyo.

Tila malulusaw ako, dahil ganito rin ang libangan ng aking unrequitted love sa U.S. At ganito rin ang pakiramdam ko, dahil alam kong pipilitin mo rin akong kumanta. At kahit sabihin kong wala talaga akong boses, sasabihin mong katuwaan lang naman. Tayo-tayo lang naman. Naititiyak ko, pagkatapos kong kumanta, hindi na muli akong maiimbitahan.

Tumanggi ako nang ilang ulit pero mapilit ka at ang Consultant, na walang takot dahil libangan ang karaoke sa Zamboanga. Tumanggi ako dahil talagang kapag pumayag ako’y tunay na ang pagmamaliit ko sa aking sarili. Hindi naman ito hahantong sa eksena na mas magiging endearing ako sa iyo, tulad ng pagkanta ni Cameroon Diaz sa My Best Friend’s Wedding.

Dumaan ang apat na oras at ilan pang pagtatangkang malagay sa tono. Matapos ng tatlo kong pagkanta, kahit pa ako gabayan ng Consultant, wala na ngang nagtangkang alukin pa akong muli. Lumabas ako at naupo sa balkonahe, hanggang ngayon ay napakalayo pa rin sa akin ng aking boses. Parati pa rin itong estranghero sa akin, lalo’t kapag tinangka kong kumanta, lalo na para sa iyo. Pakiramdam ko’y namamatay sa ere na paro-paro, gumegewnggewang na babagsak sa lupa ang nasa loob kong pakpak ng anghel.

Karaoke Lesson 3

2 Nobyembre 1998, Karaoke Cubicle sa Shoemart

“Huwag kang mahiya. Mag-enjoy ka,” payo ni Jovita, ang co-teacher ko na kasama ng isang chorale sa university. Inaya ko siayng magkaraoke at tulungan ang aking boses na magkaroon ng porma. Pumayag naman siya pero hindi pagkatapos tanungin kung bakit. May nakilala kasi ako, sabi ko. Mahilig siyang magkaraoke at nahihiya naman ako dahil alam mo naman ang kultura ng karaoke, participatory.

“Manggagaling ang power ng boses mo sa tyan, dibdib at noo,” banggit niya, kasama ng module na inihanda niya para sa akin. “Basta, kanta ka lang nang kanta. Pagkatapos rerepasuhin natin ang isang gusto mo.”

“Kailangan talagang enseyado ka. Lahat ng kumakanta sa karaoke, alam na ang kanilang kakantahin. Performance level na lang.”

“Ngayon naman, huwag mo lang basahin ang mga salita. Mag-emote ka, kausapin mo. Teacher tayo, kaya parang nagkukwento tayo sa harap ng klase. Isipin mong nandiyan siya sa harap mo, paano mo ngayon sasabihin sa kanya ang lyrics?”

Pinakagusto ko itong huli niyang payo, magandang motivation para kumanta ng nakapagngunguyngoy na awitin. Sabi pa naman ni Jovita, magsimula ako sa ballads. At lahat ng ballads na alam ko’y tila pinipilas ang aking puso.

Karaoke Lesson 2.5

Oktubre 1998

Madalas mo akong biruin. Ikinuwento mo sa isang kasamahang tineybol ng Consultant ang pagtambay namin sa inyong bahay, ang pag-jamming sa karaoke. Sabi mo’y nahihiya at tumatanggi pa nga ako ng una, pero sumabak na rin. Sabi ko’y wala talaga akong boses, napilitan lang. Pero pinuri mo ako, “Magaling ka ngang kumanta.” Tinama kita, “Wala akong tono.” Lumapit ka sa akin, para kang may ibubulong. Nakangiti mong inulit mo ang iyong sinabi sabay rolyo ng iyong dila sa aking pisngi. Nahalayan ako. Sabi ko’y “Hindi ka nga tinigasan noong prinayveyt show kita.” At ikaw naman ang nahalayan.

Puting Maskara

21 Oktubre 1998, Pabalik sa University

Sumakay ka ng kotse, hindi pa nagsusuot ng pantaas. Sabi mo’y pinatutuyo mo pa ang putting maskarang nakapinta sa mukha mo. Kanina, pareho kayo ni James Dean na nagkaraoke na nakasuot ng facial mask. Galing ng Japan, maganda ito, sabi mo. At nahibang ako dahil napakanatural ng iyong pagkilos kahit na pintado ang inyong mukha.

Para kang si Zorro, ano kayang kabutihan ang idudulot mo ngayong gabi?

Sinundo natin ang Consultant. Pinagyabang ko sa kanya na nagpakadakila ka naman kaninang hapon para lamang makuha ni James ang kanyang quota ng pakpak ng anghel na ipinagkait ng iba mong kasamahan. Mainit pa naman ngayon ang mga paligid na pinaglalagian ng mga pakpak ng anghel. Pinagbilinan pa kita, huwag mong ginagagawa ang pangangalap ng pakpak ng anghel para sa iyong mga kasamahan. Pababayaan ka nila kung may mangyari sa iyo. Dumantay ang iyong kamay sa aking balikat, ang unang kusang loob mong pagsalat sa akin. Ibang-iba sa ipinayo kong pagdantay ng iyong kamay sa aking hita kapag tine-table kita. Kahit pulpol ang aking boses ay may nasabi rin palang makakapag-command ng ibang sentido. Buti na lang at kahit pulpol ag aking boses ay matalas naman ang aking sentido ng pagsalat.

Ang Imahen sa Salamin

21 Oktubre 1998, Bahay ng Payaso sa Bulacan

Tinapos na ang ikalawang sesyon ng karaoke sa inyong bahay. Pintay mo na ang TV. Kinuha mo ang barbell na hiniram mo sa Consultant. Wala kang pantaas, nagsimula mong buhatin ito patagilid. Nagtanong ka sa iyong kuya kung tama ba ang iyong ginagawa. Nanood din si James Dean na kanina pa paulit-ulit na nagsasabing payat ang kanyang katawan. Nakaharap ka sa salamanin, nakatabi ako sa salamin. Salamin, salamin, sino ang pinakamagandang lalake sa balat ng lupa?

Nakikita ko ang iyong katawan, ang kabuuan nito. Nakikita ko ang mga hugis ng iyong kalamnan. Nakikita ko ang seryoso mong mukha, maamo pa rin. Para akong nahiya, napatitig ako sa patay at blangkong screen ng TV.

Sinapian

8 Nobyembre 1998, sa A.

Inaya ko ang Consultant na magtequila sa bahay ni Ligaia, bago pumunta sa A. Tamangtama at dumaan kami sa groseriya’t nakabili ng lemon. Sa tea cups kami nagbuhos. Masama pa rin ang loob ko, dahil kagabi lang sa A. ay may tensyon na naganap sa pagitan ko at ni Payaso. Numuka ang kanyang bibig, ninenerbyos na ipinapakiusap sa akin. Dalawang beses kong ipinaulit sa kanya, hindi ko siya maintindihan. Pagkatapos ng pangatlong pagpapaliwanag ay tumango ako. Namalayan ko na lang na umupo na siya sa tabi ng isa pang guest. Nagulat ang kasama kong Consultant pati si Taurus, ang mama-san sa A. Pinabalik ni Taurus si Payaso, tinanggihan ko ito nang papaupo na. Inutusan ulit ni Taurus, pero tinanggihan kong muli. Pumasok sa aquarium si Payaso.

Ipinaliwanag ko kanina sa Consultant, nakahanap lang ako ng butas para hindi na maging guest ni Payaso. Wala akong laban—hindi na nga ako umuubra bilang kaibigan, hindi rin ako umuubra bilang kliyente. Tama si Mr. Padded Shoulders. Hindi ko kayang tapatan ang lahat nang gustong mag-private show kay Payaso. Hindi ako nasaktan, hindi rin ako galit. Napapagod lang ako, wala akong kalabanlaban. Hindi ko na kayang pasanin ito. Nakakahapo ng damdamin, parati na lang akong waiting for Godofredo. Hindi ako makatulong nang maayos.

Naintindihan ko siya, hanapbuhay para sa kanyang baby, si M. Pero kailangan kong magsungit dahil pilay na pilay na ako sa lahat nang nagaganap na ito. Bugbog-sarado na ako, hindi ko na makakayanan pa kung ipagpapatuloy pa.

Nangangalahati ang bote, at hindi ito dahil sumasabay sa akin ang Consultant. May tumawag sa akin, ang kaibigan ko sa college na kasama ko sa Halloween Party sa A. Nagsimula na akong masapian nang kinukumusta niya ako.

Kinabukasan, tumawag sa akin ang Consultant. Nanghingi ako sa kanya ng alaala dahil lubos ang pagkakasapi sa akin. Iilan ang natira sa akin—ang madalas kong pagpunta sa banya kahit hindi ako naiihi, ang pagdantay ko sa dingding ng urinal, ang pag-iwas sa akin ng upo ni Traurus, ang pagsabi sa Payaso na “OK lang sa akin,” ang pagsabi sa akin ni Payaso na “malapit ka na palang maging birthday boy.” Naalaala ko rin ang pag-aya ng Consultant na umuwi na, dahila ang Playboy ay uumagahin na naman sa kanyang regular na guest. Naalaala ko ang sinabi ko na antayin na natin at nang makasabay mag-almusalan, pero tumanggi ang Consultant. Hindi ko naalaala ang pag-uwi, ang pagmaneho sa kotse sa daan papunta sa housing.

Binigyan ako ng Consultant ng alaala. Pagsakay pa lang ng kotse’y umiiyak na ako, na para akong dadalhin sa kinatatakutang doktor. Nabura ang aking make-up at mascarra, tukso ng Consultant. Sa A. ay inakala nang lahat na badtrip ako, na totoo naman. Pero inisp daw ng mga tao na nagtsongki ako. Natakot sa akin si Taurus kaya tumabi sa Consultant. Matapos ang isang oras ay ipinatawag ko kay Taurus si Payaso. Gusto ko siyang kausapin ng seryoso pero ang nasabi ko lang ay “OK lang sa akin.” Patulog-gising ako sa aking upuan hanggang sa kuhanin ni Consultant ang bill at mag-ayang umuwi, hanggang sa kuhanin ni Taurus si Payaso para mag-private show. Ok lang sa akin, isip-isip ko bago umalis ng A.

Paggising ko’y maaliwalas ang kapaligiran kahit pa may hang-over. Paggising ko’y magaan ang aking pakiramdam kahit walang alaala sa naganap. Sinapian na ako ng aking sarili.

Bula at Tutubi

10 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas

Noong bata pa ako, madalas maging libangan ang paggawa ng bula. Sa isang tabo, pipitpitin ang buko ng gumamela, lalagyan ng tide at tubig, at hahaluin. Mula sa tingting ng dahon ng buko, gagawa ng panilo. Isasawsaw ang tingting sa tabo, iwawagayway sa ere, at maglilipana at magliliparan ang mga bula. Maliliit, malalaki, magkakasalikop, mag-iisa. Bawat isa’y may balat ng bahaghari, bawat isa’y tumatanaw sa mundong kanilang pinapailanlangan, kahit sandali lamang. Bawat isa’y salamin ng munting mundong nagaganp sa ibaba-mag-isang bata na nakatingala sa mga pumapailanlang na bula. Sa isang iglap, isa-isang maglalaho ang mga bula. May sasayad sa lupa, may matitinik sa bogamvilla, may dadantay sa puno’t alambre. At muli’t muling isasawsaw ang tingting sa tabo, iwawagayway sa ere, at maglilipana at magliliparan muli’t muli ang mga bula.

Noong bata pa ako, na hindi ko na nakikita ngayon sa Maynila, madalas maglipana ang mga kawan ng tutubi tuwing tila bago umulan. Papasok ako sa gitna ng kawan, iaangat ang mga kamay, ikakampay. Pero wala ni isa ang dadapo sa akin. Patuloy ang paroon at parito ng mga gintong tutubi, walang kapaguran. Tatangkain kong manghuli ng tutubi. At sa bawat makulong sa aking mga palad, isasawsaw ko ang mga pakpak sa lata ng tubig. Gagapang ang tutubi hanggang sa matuyo ang pakpak, muling sasabay sa kahiluhan ng kawan. Kahit pa tila magulo ang paroon at parito, walang nagkakabanggaan. Tiyak ang direksyon ng bawat isa; gayunpaman, tiyak din ang kaisahan sa loob ng kawan. Hanggang sa ako ang magsawa o tuluyan nang bumuhos ang ulan, saka lamang maglalaho ang mga tutubi. Gumagapang kaya sila sa lupa sa pagkabasa ng kanilang mga pakpak?

Ngayong matanda na ako, wala na ang mga bulang tumatanaw sa akin, lalo pa sa kalungkutan ng pag-iisa. Ako ay nakapaloob na sa bulang nakatanaw sa malapit na kinaroroonan. Ako na ang basangbasang tutubing nakasayad sa lupa.

Pilay at Bugbog

10 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas

Minsa’y ako’y nagising mula sa linggo’t gaing di magkandaugapay ang aking katawan at kaluluwa sa ritwal ng araw-araw na pamumuhay na magaangaan, kahit papaano, ang pakiramdam. Matagal akong nabugbog ng aking sarili at ng imahen ng Payaso. Marami akong nararamdamang pasa sa aking katawan, kulay pula, asul at itim pa nga kahit di ko nakikita. Namamalayan kong nanghihina ako, mabigat ang pakiramdam, hindi makaurong, hindi makasulong. Nararamdaman kong nawawala na ang aking sarili sa bawat paglatay ng di mapapapantayang pag-aasam-asam sa isang lubhang napakailap na imahen. Ewan ko kung bakit ko hinahayaan bugbugin ako ng imahen. Ang pagdantay ng kanyang kamay sa balikat? Bakit nagiging sapat na itong una’t huling pagsalat sa aking mga pasa?

Para akong gagambang kulangkulang ang mga paa, o ang mga pilay na namamalimos sa tabi ng simbahan. Hindi ko man lamang maiangat ang aking sarili, hini ko rin ganap na maigalaw ang aking mga paa’t kamay. Tila ako pinako sa aking pagkapilay. Malapit na akong maging paralisado. Sa ikalawang pagkakataon sa tanang buhay ko, hinahayaan ko ang aking sarili na maging paralisado. Mas malubha ito, dahil sa unang pagkakataon ay may fasinasyon pa sa bagong karanasan ng kawalan ng kontrol sa sarili. Ngayon ay lubhang mabigat ang pasaning iniatang sa akin ng imahen ng Payaso. Ako na lumikha ng imahen ng Payaso ay siya ring lumikha nitong mabigat na pasaning imahen sa sarili. Narito ang kapangyarihan at kawalan ng kapangyarihan. Narito ang kalungkutang nakakapilay para sa hindi tiyak na pagdating ng pangako ng kaligayahan, puro panilip at palimos lamang.

Tila ao ang bolitas sa may ulo ng kanyang titi, hindi naman ako ang hinihimas ay ginawa ko namang misyon na paligayahin siya. Na sa buong katawan niya’y mayroong isang dayong bagay, mula sa labas na hinayaan din niyang makapasok at makaangkin sa kanya.

Karaoke Lesson 4

10 Nobyembre 1998, Family KTV

Gusto ni Playboy ang kulungang ito. Sabi niya, maari kang magwala nang walang pakialam sa mundo. At tulad ng siyam sa sampung Filipino, maganda at hasa ang boses ni Playboy para sa karaoke.

Umorder si Playboy ng Wengweng para sa kanyang sarili, ako’y nag-beer. Pareho kaming pinatikim ni Playboy ng kanyang inumin, “Lasang cough syrup, di ba? Cherry flavored.” At naalaala ko ang biro sa kanya sa A. noong nagsisimula pa laamng siya at nalulon sa cough syrup.

May quorum na naman. Tatlo kami. Bagamat nagtangka ang Consultant na magsama pa ng dalawa, ang Payaso at si Minotaur, na sa huling sandali ng tagpuan ay hindi nagpakita. Pumasok ang dalawa sa A. habang nagtagpo ang Consultant at Playboy sa Jollibee Philcoa. Si Payaso naman ang nangumbinsi kay Playboy na sumama at sorpresahin ako sa bisperas ng aking birthday.

Unang Panaginip

9 Nobyembre 1998, Hardin ng Rosas

Sa kauna-unahang pagkakataon ay napanaginipan kita. Tila nasa loob tayo ng isang pelikula ni Fellini, magulo at sobra ang lahat. Hindi ikaw ang unang imahen sa aking panaginip. May shooting ng pelikula, si Gardo Verzosa’y nakahubad, nakabraid ang bulbol, parang gothikong mukha ng demonyo. Gayon din ang kanyang costume, may pulang sungay at kapa. Tulad ng mga nagsayaw sa A. noong Halloween. Mula sa bukana ng isang bahay ay pumasok sila, gayon din ako. Umupo ako sa bilog na mesa, tulad ng mesa ni Ligaia sa kanyang bahay sa Hardin ng Rosas, kasama ang kapatid mo, si X-man. Kinausap niya ako, hindi ko naintindihan ang kanyang sinasabi. Bigla kang pumapasok, susuraysuray, parang lasing. Suot mo ang iyong itim na skimpy at silk dancing costume, yung mesh ang likuran at nakikita ang mapuputing pisngi at hiwa ng pwet mo. Bigla kang umupo sa tabi ko, kukurapkurap na humarap mula sa pagkatungo. Bagsak ang buhok mo sa harapan. Pero sa kauna-unahang pagkakataon ay nakito ko ang imahen na nilikha ko—ikaw na may pinakamaamong mga mata’t labi, ikaw na may pinakamagandang mukha, para sa akin. Ganito pala kita nilikha, ganito kita aalahanin sa tago kong alaala, sa pagitan ng pag-aalumpihit sa pagkatulog at pagkakagising.

Payo ng Isa Pang Ateng

15 Nobyembre 1998, Cyberspace

Georgie Girl: If the man is a jerk and doesn’t share your feelings, shit, drop the fucker. You may not believe this but you are NOT small potatoes. You’re handsome (well, when you dress up; not the tibak look you sometimes revert to), smart and successful in your academic career. Don’t settle for anything less. It isn’t love when there is no respect, no affection. End of sermon.

Payo ni Ateng

17 Nobyembre 1998, Chocolate Kiss

Matapos ang talakayan hingil sa iyong planong gawing disertasyon, tungkol sa improbisasyon sa kasaysayang panteatro, partikular sa panahon ng seditious plays ng 1900s at ng protestang dulaan noong martial law…

Ateng: Humanda kang magsugal, manalo’t matalo.

Ang suyuan at pag-ibigan ay power polay, isang laro na kailangang kalkulado mo ang iyong sarili, kontrolado mo ang laro, pati na ang iyong pinipintuho.

Kung ano lang ang kaya, maging masaya kan na doon. Dahil kung hindi, talunan ka.

Paano?

Parang isang binibitag na ibon. Akala nang ibon ay siya ang nakatuklas ng mga nakahilerang butong iyong inilagay sa kanyang direksyon, hindi niya namamalayan kung saan ito patungo. Tanging ikaw lamang.

Kung baga, sinusuyo ka sa paraang gusto mong suyuin ka na tila siya ang sumusuyo, pero hindi.

Gusto ko pang magsugal.

Maging generous ka sa sarili mo. Huwag kang tuluyang palusaw sa kanya. Ipasok mo ang sarili mong pinanggagalingan sa inyong talakayan. Huwag lamang kung ano ang gusto niya. Isama mo ang sarili mo sa larawang ninanasaan.

Bigyan mo ng motivation kung bakit gagawin niya ang mga bagay na gusto mo. Lagyan ng surprises. Alukin mong ipapakita sa kanya ang iyong koleksyon pagbisita niya sa bahay mo. Ano ba ang hilig niya?

(Patlang.) Hindi ko alam. (Matatawa.)

Pinakamadali pa nang hiwalayan siya. Mababaliw ka lang ng dalawang linggo, isang buwan, tapos na.

Suyuin mo, i-explore mo kung saan ka dadalhin nitong relasyon.

Magpasuyo ka rin. Windangin mo rin. Laging walang katiyakan sa kanya. Panghawakan mo ang mga alas mo.

Kahit kayo na, kung sakali man, magligawan pa rin kayo. Ipagtapat mo sa kanya ang iyong fasinasyon sa ibang tao para on-his-toes din siya. Kapag siya naman ang magsasabi nang ganito, ipamukha mo ang mawawala sa kanya kung sakali.

Kung sakali.

Kahit pa siya may ka-live-in. Huwag mong isarado ang posibilidad. Huwag mong tanggalin ang sex sa larawan. Bakit ka pa naglalaro?

Kwento ni Ateng

17 Nobyembre 1998, Chocolate Kiss

Gusto ko lamang, pagkatapos ng lahat nang ito, na masabi niya sa akin na naging mahalagang tao ako sa buhay niya. Kahit sa isang panahon lang.

Kaya gusto ko pang magsugal. Handa akong lumubog pa para sa pangako ng pagdating ng isang panahon ng katubusan.

At handa ka rin dapat tumigil kapag alam mong patalunan ka pa lamang.